By Michael Juha
getmybox@h*********m
fb: Michael Juha Full
----------------------------------
Sa pag-uusap naming iyon ay marami-rami akong nalaman tungkol sa buhay ni Carlo. Solong anak siya at galing sila sa malaking syudad ngunit lumipat sa aming probinsya dahil doon na na-assign ang kanyang daddy na nagtrabaho sa isang multi-national na kumpanya. Madalang raw nilang nakakasama ang daddy niya gawa nang palaging abala ito sa kanyang trabaho. Palibhasa, workaholic kung kaya ay mabilis ding umangat sa puwesto. Ang kanyang mommy naman ay isang businesswoman. Nagmamay-ari ng sikat na boutique sa ilang malalaking syudad.
Subalit, kung gaano sila ka-matagumpay sa buhay, kabaligtaran naman ang nararamdaman ni Carlo sa kalagayan nila. Para raw siyang walang kakampi sa mundo. At inaamin naman niya na pasaway talaga siya. Paraan daw niya ito ng pagrerebelde sa kanyang mga magulang. Minsan nga raw ay talagang sinasagot na niya sila. "Akala mo siguro, masaya ang buhay ko? Hindi... Para ngang walang halaga ang buhay ko eh." iyon ang hindi ko malilimutang sinabi niya.
"Lahat naman siguro ng mga magulang ay may pagmamahal sa anak. Sa kaso mo, nagkataon lang siguro na ang gusto mo ay hindi naaayon sa gusto nila. Kadalasan kasi, ang gusto ng mga magulang ay iyong tinatawag na long-term; may epekto na pangmatagalan o panghabang-buhay. At mararamdaman na lang natin ito pagdating ng araw. Halimbawa, gusto nilang mag-aral ka, huwag mag-iinum o magbarkada ng mga taong pasaway, dahil gusto nilang makita na sa bandang huli, magiging ganap na professional ka, isang mabuting tao, at maipagmamalaki nila. Kapag nagbabarkada o nag-iinum ka ngayon, oo... masaya ka. Pero kapag araw-araw mong ginawa ito, maging masaya kaya ang buhay mo sa bandang huli kung dahil dito ay hindi ka makapagtapos ng pag-aaral?"
Hindi siya kumibo.
"Sinubukan mo na bang ilagay ang sarili mo sa kalagayan nila? Iyon bang halimbawa ikaw ang daddy at may dalawang anak na lalaki. Ikumpara mo ang maramdaman mo sa anak na pasaway at sa anak na mabait, masunurin at masipag. Kaninong klaseng anak ka masaya at proud?"
"Tama ka. Tama ka..."
"Kung gusto mong maging masaya at nagkaisa ang pamilya mo, simulan mo sa sarili mo. Sa simpleng pagpapakita mo lang sa kanila na nagsipag ka sa pag-aaral, iwasan ang mga bagay na ayaw nilang makita sa iyo, makikita mo na lang na ang lahat na gusto mong mangyari sa pamilya mo ay nasa mabuting ayos. Sa totoo lang, maswerte ka pa nga eh. Kasi, kumpleto ang mga magulang mo, at mayaman kayo. Samantalang ang iba d'yan, either isang magulang na lang ang natira sa kanila o totally, ay wala nang mga magulang. At ang nakararami sa kanila ay mahihirap, ang iba ay hindi makapag-aral. Maraming kabataan sa mundo ang nasa mas mahirap na kalagayan kaysa iyo. Iyong may mga kapansanan, iyong mga biktima ng pang-aabuso, iyong mga inabandona ng mga magulang... Mayroon lang siguro talagang mali sa kalagayan mo. Subukan mong hanapin... at ituwid. Kapag nagawa mo iyon, siguradong mararamdaman mo ang pagmamahal nila."
"Ang galing mo..."
Ngumiti lang ako. "Alam mo, nang nasa elementarya pa ako, nainggit ako sa mga ka-klase kong may mga mas malaking perang baon. Bibili sila ng mga pagkain o kung anu-ano. Isang araw, nanghingi ako ng isang daang piso sa inay. Wala lang, gusto ko lang magkaroon ng baon na ganoon kalaki. Noong una, ayaw niya akong bigyan. Nagdadabog ako, nagagalit. Sinisigawan ko siya. Ikinumpara ko pa siya sa mga inay ng mga ka-klase ko na nagbibigay ng malalaking perang baon. Nang umuwi na ako pagkatapos ng klase ko sa hapon, nakita ko ang aking inay na nasa harap ng gripo at tambak ang kanyang mga labahin. Tinanong ko kung kaninong damit ang nilalabhan niya at kung bakit siya naglalaba ng damit ng ibang tao at ganoon pa karami. Sinagot niya ako na para raw ito sa pambaon ko araw-araw. Nang hinipo ko ang kanyang noo, nalaman kong may lagnat pala siya ngunit pinilit lang ang sariling magtrabaho. Doon ako naawa sa kanya. Doon ko naisip na napakasama ko. Nag-iisa na nga lang ang inay ko na naghanap-buhay, at masakitin pa dahil sa iniindang high blood at diabetis, ako pa itong nagdagdag-pasakit sa kanya imbes na tumulong sa aming kahirapan. Umiyak ako nang umiyak noon. Nanghingi ng tawad. Doon ko narealize kung gaano niya ako kamahal, na gagawin niya ang lahat para sa akin. Simula noon, hindi na ako nanghingi pa ng baon. At kung bibigyan man niya ako, tinitipid ko ito. Kaya mahal na mahal ko ang aking inay."
Mahaba-haba rin ang pag-uusap naming iyon ni Carlo. Hanggang sa nagpaalam na akong umuwi. Sinabayan niya ako. Iyon ang pinakaunang pagkakataon na nagsabay kaming umuwi.
Simula noon, napansin kong tuluyan nang bumait si Carlo. Sa eskuwelahan naman, hindi na niya ako binu-bully at hindi na rin pinagti-tripan ng mga barkada niya. "Guys... simula ngayon, kaibigan na natin si Christopher. Gusto kong respetuhin din ninyo siya at kaibiganin. Siya ang sumagip sa buhay ko," ang pagpapakilala niya sa akin sa mga barkada niya.
Hindi ko na rin napansin ang pagpapasaway ni Carlo sa klase. At ang nakakapanibago pa ay ang palagi niyang pagsama sa akin. Para bang bigla kaming naging close. At dahil kahit saan ay narooon ako, nahawa na rin siya sa pagbabasa ng mga aklat at sa pag-aaral. Dahil dito, gumanda ang mga grades niya at naging responsable pa sa klase. At ang sabi pa nga niya, masayang-masaya raw ang mga magulang niya sa nakita nilang pagbabago sa kanya. Binibiro pa nga raw siya kung anong milagro ang nangyari at bigla siyang tumino. At ang pinakamaganda, masaya na raw ang pamilya niya.
Palagi na rin kaming nagba-bonding. Minsan maliligo sa dagat, mamamasyal sa kung saan-saan, nagsisimba nang sabay, o kahit sa pagpapalipas lang ng oras o pagsa-sight-seeing, ginagawa namin na kaming dalawa lang. At ang paborito naming lugar kung saan ay lagi kaming nagpapalipas ng oras at nagkukuwentuhan ay ang seawall sa may malaking plaza sa aming bayan.
"Sandali Carlo, ibibili ko pala ng pansit ang inay" ang sambit ko nang isang araw na galing kami sa seawall at pauwi na.
"Bakit? Hindi ba siya nakapagluto?"
"Birthday niya ngayon kaya bibilhan ko siya ng pansit. Paborito niya kasi ito. At syempre, kapag birthday raw, dapat ay may pansit, pampahaba ng buhay."
"Ah ganoon ba? E, di... hindi lang pansit ang bibilhin natin, pati ibang paborito niyang pagkain!"
"Woi... nakakahiya na. Tama na ang pansit!"
Ngunit hindi nagpaawat si Carlo. Bumili siya ng pansit, litson na manok, at ice cream. At cake pa na may nakasulat, "Happy birthday, Nanay!" Bumili rin siya ng tatlong bagong damit at dalawang pares ng sapatos para sa aking inay. At ang pinaka-bongga, binilhan din niya ang inay ng selpon. At syempre, upang may komunikasyon daw kami, binilhan din niya ako. Bagamat hindi kamahalan ang unit na binili niya ngunit sapat na upang labis na matuwa kami ng aking inay.
Mangiyak-ngiyak ang inay sa tuwa nang makita ang aming dalang pagkain at regalo. At dagdagan pa sa pagdalaw ni Carlo na doon na rin mismo kumain, sobrang saya naming tatlo na nagsalo-salo.
"Alam mo, ngayon lang ako nakaramdam ng ganito..." ang sambit ni Carlo nang pauwi na siya at inihatid ko sa bukana ng aming bahay.
"A-ang alin?" tanong ko.
"Itong ibang klaseng saya."
"Bakit?"
"Iyong ibinigay ko sa inay mo, simpleng bagay lang ngunit ramdam ko ang matinding kasiyahan mo at ng inay mo. Ang sarap pala ng pakiramdam kapag may ginawa kang ikatutuwa ng iba..."
Isang matipid na ngiti lang ang isinagot ko.
"Bukas, ikaw naman ang iimbitahan kong mag-dinner sa amin. Ipakilala kita sa mga magulang ko. Tamang-tama, nandito ang daddy." Ang sambit niya.
Tumango lang ako. Hindi ko kasi sineryoso ang ganoong sabi niya. Imagine, ang yaman-yaman nila tapos iimbitahan niya ako sa kanilang bahay at sa dinner pa ng pamilya.
Ngunit tinupad ni Carlo ang kanyang sinabi. Gusto ko mang tumanggi, wala na akong magawa. Iyon ang pinakaunang pagkakataong nakapasok ako sa bahay nila. Ang gara ng loob nito. Malinis, masinop, mamahalin ang mga muwebles at gamit. Napakaganda.
Nang nasa harap na kami ng hapag-kainan, maraming itinanong ang mommy ni Carlo sa akin; kung ano ang aking kinuhang kurso, kung saan kami nakatira, kung sino ang aking mga magulang, at kung ano ang trabaho ng aking inay. Sinagot ko nang maayos ang lahat niyang tanong. Wala akong itinatago. Maganda naman ang pakikitungo nila sa akin. Sa tingin ko nga, isa silang ideal na pamilya, taliwas sa unang sinabi ni Carlo sa akin.
"Salamat at dahil sa iyo, tumino itong anak namin. At gumaganda na rin ang mga grado nito." Ang pagsingit ng daddy ni Carlo. "Sinabi ni Carlo sa amin na ikaw daw ang naka-impluwensya sa kanya." Dugtong pa niya.
Isang matipid na ngiti ang iginanti ko sa sinabing iyon ng daddy ni Carlo. Nilingon ko si Carlo na nakatingin din sa akin, nakangiti na tila proud na proud sa akin.
"Alam mo Christopher, kaisa-isang anak namin iyang si Carlo. At ang pangarap namin sa batang iyan ay ang gumanda ang kinabukasan. Aba'y ayaw kong ang mga apo ko ay maghirap!" Dugtong pa ng daddy ni Carlo.
Tawanan.
"Ikaw Christopher, ano ba ang pangarap mo sa buhay?" ang tanong uli ng daddy ni Carlo sa akin.
"Hmm... makatapos lang po ng pag-aaral. Iyan lang po ang pangarap ko. Iyan din ang pangarap ng aking inay."
"Wala ka pa bang plano kung kailan ka mag-aasawa?"
Tila nasamid naman ako sa tanong ng daddy ni Carlo. Wala pa naman kasi sa isip ko ang plano na mag-asawa. Para sa akin ay kusa na lang siyang darating. "Eh... m-mayroon naman po. Pero, short-term lang po muna sa ngayon ang mga plano ko. Kasi makapaghintay pa naman po ang pag-aasawa." Ang naisagot ko na lang.
"Ay hindi ako makapaghintay para kay Carlo. Kung maaari nga lang sana na mag-asawa na siya ngayon, matutuwa ako! Nag-iisa lang naming anak iyan at sabik na sabik na kami ng mommy niya na magkaroon na ng apo, maraming apo!"
Nakita kong binitiwan ni Carlo ang isang ngiting hilaw. Yumuko na lang ako at nakingiti na rin.
Pagkatapos naming maghapunan, dinala ako ni Carlo sa kanyang kuwarto. Pagpasok na pagpasok ko pa lang, napahanga na ako sa ganda at laki nito. Doon ko nakita ang kanyang collections ng mga laruan: sundalo, b***l-barilan, wrestlers, warriors, superheroes, robots... lahat na siguro ng mga cartoon characters ay naroon.
"Ito ang pinakapaborito ko sa lahat" sambit niya habang dinampot ang isang laruang sundalo na nasa pinakaharap ng kanyang mga collections. Nasa anim na pulgada lamang ang laki nito, bagamat ang pagkaukit at pagkapinta ay tila may buhay. Pati ang mukha at mga mata ay mistulang nakikipag-usap. "March ang pangalan niya, hango sa salitang 'martsa'. Pinakamamahal ko ito dahil para siyang may isip, may naramdaman. Kadalasan kasi kapag may good news, parang nakangiti iyan sa akin. Parang naramdaman din niya ang naramdaman ko. At kapag nalulungkot ako, parang malungkot din ang mukha niya. Minsan nga iniisip ko na siguro kapag tulog ako, nagiging tao siya at binabantayan ako. Kaya palagi kong kinakausap iyan, lalo na kapag nalulungkot ako o naiinis. Parang siya lang kasi ang nag-iisang taong nakakaintindi sa akin. Kaya, siya ang lucky charm ko, guardian angel, er... guardian soldier pala. Kapag dumating na ang babaeng pakakasalan ko, sa kanya ko ibibigay iyan."
"G-ganoon ba?" ang sambit ko.
Iniabot niya sa akin ang laruang iyon. "Pero... ibibigay ko ito sa iyo."
(Itutuloy)