By Michael Juha
getmybox@h*********m
fb: Michael Juha Full
----------------------------------
Pagkatapos naming kumain, nagpahinga ang inay. Lumabas naman ako sa aming bahay at naupo sa bangko sa harap. Maliwanag na maliwanag ang buwan. Walang ni kahit kaunting ulap sa langit ang makikita. Katamtaman ang lamig ng simoy ng hangin na siyang pabugso-bugsong humihihip sa mga dahon ng niyog na nakapaligid dito. Tahimik ang paligid, nakiramay ang kalikasan sa lungkot na aking nadarama.
Nasa ganoon akong pagmumuni-muni nang biglang may kotseng huminto sa kalsada. Nang lumabas ang nag-drive, nagulat ako sa nakita. Si Carlo.
Kinawayan niya ako bago siya umikot sa trunk ng kanyang sasakyan at binuksan ito, may kinuha. Isang malaking box at may dalawang malalaking plastic din siyang dala. Dali-dali akong lumapit sa kanya at tinulungan ko siyang bitbitin ang dalawang malalaking plastic na may kung anong laman sa loob. "P-para kanino ito?" ang tanong ko.
"Sa ating tatlo ng inay mo."
"H-ha? B-bakit ano ba ang mga ito?"
"Pagkain... Ang mommy ang nag-utos sa akin na dalhan kayo. Ayaw mo kasing dumalo pumunta sa bahay eh."
"Nahiya na ako eh. At hindi ko puwedeng iwan ang aking inay. May sakit kasi siya. At dapat ay kasama ko siya lalo na sa araw na ito."
"Kaya dinalhan na lang kita ng pagkain."
Napangiti na lang ako ng hilaw. "Hindi ka na lang sana nag-abala pa. Iniwanan mo pa talaga ang sarili mong party."
"Ok lang iyan, naroon naman ang mga magulang ko."
Dinala namin ang pagkain niya sa loob ng aming bahay. "Nay, narito po si Carlo. May dalang pagkain." Ang sambit ko sa inay.
"Ay... salamat Carlo. Nag-abala ka pa talaga."
"Ang mommy po ang nag-utos sa akin na dalhan po kayo. At may mga gamot din po siyang ipinadala. Inumin niyo raw po. Ang sagot ni Carlo. Pagkatapos mailagay sa mesa ang dalang mga pagkain, lumapit si Carlo sa inay at nagmano. "Kumusta na po ang pakiramdam ninyo 'Nay?" ang tanong niya.
"M-mabuti na. Salamat kamo sa mommy mo. At ikumusta mo na lang ako sa kanya."
"Opo, sasabihin ko po."
Naglagay ako ng pagkain sa plato. Sobrang dami ang kanyang dinala. May apat na putahe, at may litson din, may cake at ice cream. Natatawa na lang ang inay dahil nauna na nga kaming kumain ngunit dahil sa pangungulit ni Carlo na samahan siya kung kaya ay napilitan kaming kumain muli.
Pagkatapos naming kumain naupo kami ni Carlo sa bangko, sa labas ng bahay. Tahimik naming pinagmasdan ang ganda ng kapaligiran na inilawan ng malaking buwan.
"Sana ay hindi na lang natapos ang klase..." ang malungkot niyang sabi.
"Kung hindi natapos ang klase, hindi tayo nakagraduate."
"At least hindi tayo magkahiwalay..."
"Sure ka?"
Bigla siyang napatingin sa akin at inakbayan ako. "Oo naman." Ang sagot niya.
"Kung hindi mo sana niligawan at binuntis si Irene... maniwala ako."
Binitiwan niya ang isang malalim na buntong-hininga. "Nagkasala ako. Nagkamali..."
"Oo. At hindi pa huli ang lahat. Kapag nakasal ka na, maitama mo na ang pagkakamali mo."
"I mean nagkamali ako sa relasyon natin."
"Toy... walang mali sa ating mga karanasan. Ang nagawa mo ay bahagi ng iyong buhay. Ang karanasan ay nagsisilbing guro upang matuto tayo. Nagkataon lamang na nag-krus ang ating landas at ako ang naging visual aid sa leksyon na dapat mong matutunan upang mas lalo mo pang maintindihan ang mga aral nito."
Tahimik.
"Atsaka... wala tayong relasyon Toy. Walang 'tayo' na matatawag. Hindi kailanman naging tayo."
"E ako... ano ba ako sa buhay mo?"
"Best friend... at best visual aid." Sabay bitiw ng isang matipid na ngiti. "Dahil sa iyo, marami rin akong natutunan sa buhay. Isa na roon ang pagpaparaya para sa ikaliligaya ng taong mahal, sa pagiging matatag. Dahil sa mga nangyari sa atin, narealize ko na kapag manatili tayong magpakumbaba, marunong magtiis, at patuloy na maging determinado, makakamit mo ang iyong pangarap. At dahil diyan, sa iyo at sa mga magulang mo, lalo na sa mommy mo, marami akong dapat ipagpapasalamat sa buhay."
Hindi pa rin siya umimik.
Maya-maya, "Mahal kita..." ang pagbasag niya sa katahimikan.
"Salamat..." ang sagot ko.
"P-puwede bang mayakap at mahagkan na lang kita?"
"D-dito? Sa harap ng kalsada?"
Tumango siya.
At iyon, niyakap niya ako at hinalikan. Nagyakap kami. Nag-aalab ang aming mga halik; iyon na ang halik ng kanyang pamamaalam.
(Itutuloy)