Ang Ikabubuti At Tama (Last Part)

1354 Words
By Michael Juha getmybox@h*********m fb: Michael Juha Full ---------------------------------- Araw bago ang takdang kasal ni Carlo, dumalaw siya sa akin. "N-nag-usap kami nang masinsinan kagabi ng mommy at daddy at tinanong nila ako kung..." nahinto siya nang bahagya, "...gusto ko pa raw bang ituloy ang kasal namin ni Irene. Sabi nila, bibigyang laya raw nila akong mamili. Wala na raw silang tutol kung ikaw ang pipiliin ko. Napahanga sila sa speech mo noong graduation. Ang sabi nila, matutuwa pa rin sila kapag ikaw ang pipiliin ko dahil ikaw itong nakapagpatino at nakapagpabago sa takbo ng buhay ko." Gusto kong matuwa sa narinig na iyon. Ngunit binitiwan ko na lang ang isang pilit na ngiti. "Pinal na ang desisyon ko Toy... Wala nang urungan." Kitang-kita ko sa kanyang mukha ang biglang paglungkot nang marinig ang aking sinabi. "G-ginawa mo ba ang desisyon na iyan dahil iyan ang nakapagpaligaya sa iyo? O dahil naawa ka lang kay Irene at sa bata?" ang tanong niya. "Dahil iyan ang ikabubuti, Toy... dahil iyan ang tama." Napayuko na lang si Carlo. Nahinto nang sandali. Walang imik. Maya-maya, tahimik siyang tumalikod at umalis na hindi man lang lumingon sa akin. Alam ko, umiyak siya. Nakita kong nagpahid siya ng kanyang mga luha habang naglalakad. Sinundan ko na lang siya ng tingin habang tinumbok niya ang kalsada kung saan nakaparada ang kanyang kotse. Nang makasakay na, pinaharurot niya ito. Hanggang sa tuluyan siyang maglaho sa aking paningin. Pilit na pinigilan ko ang sariling huwag lumuha. Dumating ang araw ng kasal ni Carlo. Kahit masakit ito, hindi na kasing sakit kaysa noong unang nadama ko. Ganoon pa rin ang ginawa ko. Nagsimba at pagkatapos, naupo sa seawall. Ang kaibahan lang ay wala na ang toy soldier sa aking mga kamay. Parang gusto kong mangarap muli na sana ay nasa likod ko siya at tatawagin niyang muli ang aking pangalan. Ngunit lumipas na lang ang limang oras sa pagkakaupo ko sa seawall, walang Carlo na dumating. Iyon ang isa pang pagkakaiba. Sa isip ko, masaya silang nagdiriwang, abalang-abala sa pagpapasaya sa kanilng mga bisita, excited sa pagbubukas ng mga regalo at sa pagsali sa ritwal ng pag-iisang-dibdib. At hindi na niya ako naaalala pa. Nabaling ang aking mga mata sa hawak-hawak kong selpon. Ito iyong ibinigay sa akin ni Carlo na kapareha rin sa iniregalo niya sa aking inay. May isang bahagi ng utak ko na nag-udyok na i-dial ko ang numero niya upang batiin siya. Ngunit may may pagdadalawang isip din ako na baka makagambala lamang sa kasiyahan nila ang gagawin ko. Kaya isiniksik ko na lang muli iyon sa aking bulsa, umaasa na sanay ay makaalala siya, at siya na lang ang tatawag sa akin. Ngunit walang Carlo na tumawag. Gabi na nang umuwi ako ng bahay. Habang naglalakad, hinayaan ko na lang na pumatak nang pumatak ang aking mga luha. Lumipas muli ang ilang araw. Habang naghihintay ako ng reply sa mga inaaplyan kong trabaho, pumunta muli ako sa seawall. Simula nang araw na ikinasal si Carlo, nakagawian ko na ang pagpunta sa mismong seawall na iyon kapag ganoong palubog ang araw upang magpalipas ng oras at magmuni-muni. Nasa ganoon akong paghanga sa ganda ng kalikasan nang mula sa aking likuran ay may narinig akong tawag. "Chris!" Nilingon ko ang pinagmulan ng boses. Si Carlo. Lumapit siya sa aking kinauupuan at umupo rin sa aking tabi. "G-gusto ko lang magpaalam sa iyo. Bukas ay aalis na kami ni Irene patungong Amerika. Doon na kami manirahan. Doon na rin siya magsilang sa aming unang baby." May kirot sa aking puso ang hatid niyang balita. Ngunit pinilit ko pa ring ipakita ang aking tatag. "M-mabuti naman..." ang sambit ko. "Congratulations sa inyong dalawa, at sa nalalapit na pagdating ng unang baby ninyo." Binitiwan niya ang isang hilaw na ngiti. "G-gusto palang magpasalamat ni Irene sa iyo. Alam niya na ikaw ang nagtulak sa akin upang siya ang piliin ko at pakasalan..." at itinuro niya ang direksyon ng kalsada, "Hayun siya." dugtong ni Carlo. Lumingon ako. Naroon nga si Irene, nakatayo siya sa gilid ng puting kotse na nakaparada. Noon ko lang nakita ang kotse na iyon. Sa isip ko, iyon marahil ay isa sa mga regalo ng daddy niya sa kanilang kasal. Ngumiti si Irene, kumaway. Kumaway na rin ako at nginitian siya. "M-may regalo pala ako para sa iyo, sa iyong pagtapos. Sensya na, nahuli..." Sambit ni Carlo at inabot sa akin ang isang box na nakabalot ng panregalo at may nakatali pang ribbon. May card ding nakadikit at ang nakasulat ay, "Congratulations". Gusto kong matawa sa aking nabasa. Napaka-ironic naman kasi. May congratulations pa talaga, at sa araw pa kung saan siya ay magpapalam na magpakalayo-layo. "A-ano ito?" ang tanong ko na lang. "Buksan mo..." Nang binuksan ko ang box, lumantad sa aking paningin ang Toy Soldier niya. "Bakit mo ito ibininalik sa akin?" "Mas kailangan mo siya ngayong nag-iisa ka na lang. Siya ang magiging lucky charm mo, ang magbabantay sa iyo, ang katuwang mo sa pagsuong sa mga panibagong hamon ng buhay... ngayong magiging malayo na ako sa piling mo." "S-salamat." Ang sagot ko sabay sa pagbitiw ng isang pilit na ngiti. "Gusto kong malaman mo na kahit ano man ang mangyari, kahit saan man ako magpunta, ikaw pa rin ang nag-iisang toy soldier ko..." at hinawakan niya ang aking kamay. "Paalam Toy... salamat sa mga magagandang bagay na ibinahagi mo sa akin. Salamat sa kabutihan ipinakita mo. Salamat pagtulong mo na ituwid ang aking landas at muling mabuo ko ang aking pagkatao. Binago mo ang takbo ng aking buhay. Utang ko sa iyo ang lahat..." Binitiwan ko lang ang isang malalim na bunting hininga at muli, ang isang pilit na ngiti. At tuluyan na siyang tumayo, tumalikod, at lumayo. Gabi na nang maisipan kong umuwi. Pinili kong maglakad. Hindi ko alam kung bakit ako umiiyak habang hawak-hawak ko sa aking kamay ang toy soldier na ibinigay niya; kung iyon ba ay dahil sa paglisan ni Carlo, o sa katotohanang siya pa rin ang hinahanap-hanap ng aking puso. Nang makarating na ako ng bahay, himbing nang nakatulog ang aking inay. Hinalikan ko siya sa noo. Pagkatapos, inilatag ko sa ibabaw ng rack ang toy soldier katabi sa invitation card sa kasal ni Carlo at sa stick na nakuha ko mula sa Chinese temple. Hinugot ko ang papel na nakadikit sa stick. Binuklat ko ito at binasa . "...May dalawang bagay kang pagpipilian: ang ikabubuti, o ang ikaliligaya." Binitiwan ko ang isang malalim na buntong-hininga. Tinupi ko ang papel at idinikit muli ito sa stick. Pagkatapos, hinugot ko ang invitation card na ibinigay ni Carlo sa akin. Hindi ko kasi binasa ito nang ibigay niya gawa nang matinding sakit na aking naramdaman sa araw ng pagbigay niya sa akin niyon. Pakiwari ko noon ay hindi ko kayang basahin ang nakasulat dito. Ngunit sa oras na iyon, ramdam kong handa na akong harapin ang lahat. Binuklat ko ang invitation card at binasa ang nakasulat sa loob. "Reyes-Morales Nuptial. You are cordially invited..." Hindi ko namalayang bumagsak na pala ang aking mga luha. "Masakit pa rin pala..." bulong ko sa sarili. Ibinalik ko ang invitation card sa kinalalagyan nito at dinapot ko naman ang toy soldier. Hinaplos-haplos ko ito, hinalik-halikan. "Toy... maraming salamat sa pagdating mo sa buhay ko at sa pagbahagi mo ng mga masasaya at magagandang alaala." Pinahid ko ang aking mga luha. Nilingon ko ang inay. Himbing na himbing pa rin siya. "Nay... kahit ano man po ang mangyari, hindi ko po kayo iiwan. Hindi ko po kayo pababayaan. Mahal na mahal ko po kayo. Sa kabila ng masakit na katotohanang isiniwalat nyo sa akin, kayo pa rin po ang nag-iisa kong inay. Salamat sa mga payo at mga aral. Dahil sa inyo, nakamit ko ang aking pangarap. Dahil sa paggiya ninyo sa akin, natuto akong magparaya at magsakripisyo para ikabubuti ng buhay ng taong mahal. Aasahan po ninyo na hindi ako lalayo sa iyong piling. Kayo na lang po ang nag-iisang mahal ko sa buhay. Pipilitin kong iangat ang ating kalagayan at mabigyan ko po kayo ng magandang buhay. Pangako ko po sa inyo iyan, 'Nay..." WAKAS.

Great novels start here

Download by scanning the QR code to get countless free stories and daily updated books

Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD