By Michael Juha
getmybox@h*********m
fb: Michael Juha Full
----------------------------------
Bigla naman akong kinabahan sa nabasa, lalo na iyong tungkol sa isang taong mahal niya at lihim ding nagmahal sa kanya. Pakiramdam ko ay kinilig ako nang todo. Ramdam ko ang paglulundag ng aking puso. Parang gusto kong sumigaw sa pinakatuktok ng aking boses sa sobrang tuwa. Ngunit pinigilan ko ang aking sarili.
"Di ba tapos na ang tungkol sa pamilya ko? Maganda na ang samahan namin eh." Ang sabi ni Carlo, inignore ang hulang na may minahal siya.
Binasa ko muli ang hula. "B-baka panibago na naman ah." Ang sambit ko.
"Hmmm" Nag-isip siya. "Mukhang malabo na eh. Kasi happy na ako sa kalagayan namin."
"Sana nga mali ang hula." Ang sagot ko. At paglihis ko sa topic, "At sino naman ang isang taong minahal mo ngayon na mahal ka rin daw?" ang tanong kong binitiwan ang isang nakakalokong ngiti. In-assume ko kasi na ako iyong tinutukoy sa hula dahil wala naman siyang ibang close na babae. Wala ring niligawan. Oo, inamin niyang crush niya si Irene, pero never kong nakitang nag-usap sila. Alam ko naman kasi na kapag nagandahan ka sa isang babae, crush mo na siya. Pero iba ang mahal kaysa crush. At kahit sa lalaki naman, ako lang ang nag-iisang close niya. At sobrang lapit namin sa isa't-isa, sobrang caring niya sa akin, lalo na iyong "love team" namin na game na game lang siya. Higit sa lahat... iyong nangyari sa amin sa kuwarto niya. Kaya sa isip ko, ako talaga ang taong binanggit sa hula. Wala nang iba. Sobrang saya ko sa sandaling iyon.
"Wala iyon..." ang sagot naman niya na tila nahiya, hindi makatingin sa akin.
"Woi, iyong totoo!" ang paggiit ko pa.
"Kapag mayroon ako, ikaw ang unang makakaalam. Di ba wala naman tayong lihim?" Ang sambit niya. "Ikaw, sino ang mahal mo? Bakit masalimuot? Aber? May itinatago ka ano?"
Napangiti naman ako. Gusto ko sanang sagutin siya ng "Syempre masalimuot dahil nagmahal lang naman ako ng lihim sa iyo at hindi ko masabi-sabi ito dahil baka i-deny mo." Ngunit sa isip ko na lang iyon. At ang isinagot ko ay, "Di ko alam kung bakit masalimuot siya eh. Pero kung sabihin mo sa akin kung sino ang mahal mo, sasabihin ko na rin ang sa akin." Ang sagot ko na lang na ini-imagine ang eksenang magkaaminan kami.
"Ibig sabihin ay mayroon na talaga?" ang sambit niyang parang na-excite. "Bakit hindi ko alam?" dugtong niya.
"Wala pa nga! Kulit! Ang sabi ko, kapag mayroon ka na, mayroon na rin ako. At kapag sinabi mo ang sa iyo, sasabihin ko na rin ang sa akin!"
"Ganoon ba? Ang daya naman nito!"
Tawanan.
Iyon ang sitwasyon namin. Parang kami na hindi. Parang kami ngunit parehong nagkunyaring hindi. At parang hindi rin na feeling kami lang. Ang g**o.
Akala ko ay okay na ang lahat sa amin na ganoon ang setup, hinintay na lang namin ang "aminan" portion. Ngunit isang araw, habang hinahanap ko si Carlo upang sabay na kaming umuwi, doon ko siya natagpuan sa likod ng main building, sa botanical garden. At ang ikinagulat ko, may katabi siyang babae, nakaupo silang pareho sa bangko sa ilalim ng puno ng mabolo at seryoso sa kanilang pag-uusap. At ewan ko rin ba. Kahit nakatalikod sila, sa tingin ko ay tila magkahawak-kamay sila. Bagamat may kadiliman, pilit kong inaninag kung sino ang babaeng kasama niya.
Si Irene.
Tila sasabog ang aking dibdib sa matinding sakit sa pagkakita ko sa eksenang iyon. Dali-dali akong nagtago sa isang gilid upang hindi nila mapansin. At lalo pa akong nagulat at mistulang sinaksak ang maraming beses nag aking puso nang makita mismo sa sarili kong mga mata ang kanilang paghahalikan.
Hindi ako nakatiis at nagtatakbo akong tumalikod at umuwi. Tila pinunit ang aking puso sa matinding sakit. At habang nasa kalsada ako, hindi ko mapigilan ang pagpatak ng aking mga luha. Nang nakarating na ako ng bahay, dali-dali akong pumasok sa kuwarto. Doon nagkulong ako at nag-iiyak.
Lumipas ang mahigit isang oras. "Toy! Toy!" ang narinig kong sambit ni Carlo habang kumakatok siya sa pinto ng aking kuwarto. Hindi ko alam kung sasagutin ang pagkatok niya o manahimik na lang. Ngunit nang sumingit naman ang aking inay, "Chris, hinanap ka ni Carlo. Lumabas ka d'yan!" Wala akong choice. Dali-dali kong pinahid ang aking mga luha at binuksan ang pinto. "B-bakit?" ang tanong ko kaagad.
"Bakit hindi mo ako hinintay? Bakit iniwan mo ako sa school?"
"Eh... sumakit ang ulo ko. Kaya nauna na ako." Ang sagot ko na lang.
"Ganoon ba?"
Tumango lang ako.
"O sige, pahinga ka na lang."
Iyon lang. Walang explanation sa side niya, wala man lang kahit tanong kung okay lang ako, o kung nakainum ng gamot... na lalo pang ikinasama ng loob ko.
Sa sumunod pang mga araw, walang ipinagbago ang pakikitungo niya sa akin. Ganoon pa rin siya ka-sweet, palagi pa rin siyang sumasama sa akin bagamat napapansin ko ang palagi niyang pagti-text sa kanyang cp at tila ayaw niyang malaman ko kung sino ang ka-text niya. Minsan ay may tawag din sa kanya at kapag kausap niya ang nasa kabilang linya, lalayo siya. Pinilit ko pa rin ang sariling intindihan siya at huwag magpahalata. Hanggang sa umikot na ang bali-balitang magkasintahan na raw sila ni Irene. Pati ako ay binibiro ng ibang mga estudyante, "Woi, may ibang mahal na ang ka love team mo, Chris!"
Binale-wala ko pa rin iyon. Pinilit ko pa rin ang sarili na ngumiti sa harap ng mga tao.
Hanggang sa isang araw habang nasa student center kami ni Carlo, nilapitan kami ng mga reporters ng masscom club, iyong in-charge sa student site news. Gusto ko mang umiwas ngunit naipit na nila kami. Tinanong nila si Carlo. "Sino sa dalawang ka love team mo ang mas matimbang sa iyong puso? Si Irene ba o si Toy?"
Napatingin sa akin si Carlo bago nagsalita. Napangiwi ang kanyang mukha at tila namutla. Iyong bang reaksyon na nagulat sa hindi inaasahang pagbukas ng isang issue na ayaw niyang pag-usapan. "Puwede bang 'no comment'?" ang sagot niya.
At baling sa akin ng reporter, "Ikaw Chris, ano ang masasabi mo?"
(Itutuloy)