Toy's Best Friend

1275 Words
By Michael Juha getmybox@h*********m fb: Michael Juha Full ---------------------------------- Na casual ko namang sinagot. "Ako??? Hmmm. Alam naman natin na for show lang ang sa amin ni Toy. We are best friends in real life and whatever happens, I will remain to be my Toy's best friend. I will always be there for him. Guardian soldier kaya ako niyan." sabay ngiti. "Ay ang sweet..." ang kumento ng kinilig na reporter. Napangiti naman si Carlo nang hilaw. At napansin ko, hindi na siya nagbibirong hawakan ang aking kamay. Iyon bang dating ginagawa niyang panunukso kapag nasa ganoong alam niyang ma-upload ang kuha na iyon at makikita ng mga tao sa internet. Iyong dating pupunas-punasan niya kunyari ang mukha ko, o ilingkis ang kamay niya sa beywang ko. Ngunit sa pagkakataong iyon, ramdam kong naiilang siyang gawin iyon. Hanggang sa umuwi na kami, wala kaming imikan. Hindi ko alam kung ano ang nasa isip niya. Ako man ay nalito. Ngunit sa isip ko ay nabuo ang balak na baguhin na ang setup namin. Hindi ko na kasi alam kung karapat-dapat pa ba akong maging best friend niya sa kabila nang paglihim niya sa akin sa relasyon nila ni Irene. Baka rin kasi naging sagabal na ako sa pagmamahalan nila. At isa pa, hindi ko maintindihan kung bakit inilihim niya ang lahat samantalang siya naman itong nagsabing wala kaming dapat ilihim sa isa't-isa. Kaya kinabukasan, hindi na ako sumasabay kay Carlo. Kapag nakikita ko siya sa isang lugar sa campus o kahit saan, ako na mismo ang iiwas. Kahit sa bahay, palagi na akong nagpapahuli sa pagkain, hindi na rin ako lumalabas ng kuwarto. Sinarili ko na lang ang sakit at bigat ng damdamin. Siguro ay na-guilty rin si Carlo kung kaya ay nang maabutan niya akong nakaupo sa isang bangko sa botanical garden ng school, tinabihan niya ako. "Toy... p-puwede bang mag-usap tayo?" "S-sige..." ang sagot ko. "P-pasensya ka na, Toy. Wala akong lakas na sabihin sa iyo ang tungkol sa amin ni... Irene. N-natatakot kasi ako na b-baka masaktan ka. A-ayokong magalit ka sa akin. Ayokong malungkot ka na mayroon na akong kasintahan. Ayokong magbago ka..." Tiningnan ko siya. Binitiwan ko ang isang pilit na ngiti. "Ok lang iyan. Wala iyan sa akin. Alam ko namang isang araw..." nahinto ako, yumuko, pilit na ikinubli ang sakit "...m-magkaroon ka rin ng kasintahan. At kung kaya ako ay dumestansya upang hindi ko kayo maistorbo..." ang dugtong ko. "H-hindi ka galit?" "Hindi. Bakit ako magagalit? Wala naman akong karapatang magalit, di ba? Hindi ako puwedeng magalit sa iyo Toy. Mabait ka, mabait ang iyong mga magulang sa amin ng inay... sino ba ako upang magalit?" "K-kung ganoon, balik pa rin tayo sa dati?" "Uhmm." Ang sagot ko na lang. "Yeheey!" ang sigaw niya. At iyon. Ramdam ko ang saya niya at umalis rin agad. Ngunit hindi ko tinupad ang sinabi kong balik kami sa dati. Iniiwasan ko pa rin siya. At lalo na nang napansin kong kapag nag-uumpukan sina Irene at mga barkada niya at mapadaan ako, titingnan nila ako na parang may bahid malisya atsaka magtatawanan sila. At doon ko na nalaman ang kahulugan sa inasal nila nang isang beses ay may narinig ako sa mga nag-uumpukang mga babaneg estudyante. Bakla nga raw ako at patay na patay kay Carlo. At nanggaling ang tsismis kay Irene. Lalo pa akong nalungkot. Lalo na kasi, totoo ang kanilang sinasabi. At pakiramdam ko ay trinaydor ako ni Carlo. Sa isip ko, hindi masasabi ni Irene ang ganoon kung wala siyang napansin. At walang ibang maaaring source si Irene kundi si Carlo. Ngunit tinimpi ko pa rin ang sarili. Sa isip ko, mas mabuti nang magpakumbaba pa rin ako. Kahit ang pakiramdam ko ay sinaksak nang maraming beses ang aking puso, pinilit ko pa ring magpakatatag. Muling nakipag-usap sa akin si Carlo. "Akala ko ba ay bati na tayo?! Bakit iniiwasan mo pa rin ako???" ang sambit niyang mataas ang boses. "Toy... puwede ba, busy ako. Kung gusto mo akong kausapin, sa bahay na lang. Kakatok ako sa kuwarto mo mamayang pag-uwi natin." Ang sagot ko. Hindi ko nga alam kung matawa o mainis sa inasta niya. Parang siya pa itong galit. Ngunit nilawakan ko pa rin ang aking pang-unawa. Hindi ko rin naman kasi siya masisisi. Hindi niya alam na mahal ko siya. Hindi niya alam na nagseselos at nasaktan ako. "S-sige. Maghintay ako mamaya." Ang sagot niya sabay talikod. Nagdadabog, nagmamadali, halatang galit. Nang makauwi na ako sa bahay, napansin ng inay ang aking pag-iyak. Nilapitan niya ako. Umupo siya sa aking tabi at tinanong kung bakit ako umiiyak. Ngunit tanong din ang aking isinagot. "Nay... masama ba kapag nakaramdam ng pagmamahal sa isang tao?" "Hindi naman... Itong batang ito, oo. Darating at darating talaga sa buhay ng isang tao ang magmahal, magkakaroon ng interes ang lalaki sa isang babae..." Hindi ako kumibo. "Iyan ba ang dahilan ng iyong pag-iyak?" ang tanong niya uli. Tumango lang ako. "Natural lang anak na minsan ay mabibigo ang isang tao sa pag-ibig. Tingnan mo ang itay mo. Bago niya ako napasagot, inaway ko muna siya. At sinabihan ko pa na wala siyang pag-asa sa akin dahil ayaw ko sa kanya. Ngunit talagang matyaga ang itay mo. Tatlong taon niya akong sinuyo sa kabila ng galit ko sa kanya." "P-paano niya po kayo napasagot?" Ngumiti ang inay. "Nagkasakit ako noon at kahit naiinis ako kapag nakita siya. sobrang pagka-sweet pa rin niya. Kahit inaaway ko siya, kung anu-anong pagkain at prutas ang dinadala sa akin." Npahinto nang sandali ang inay. Tila sinasariwa ang nakaraan. "Araw-araw niya akong dinadalaw at minsan ay doon na rin natutulog. Doon ko narealize na mahal niya talaga ako; na wala nang ibang lalaki pa sa mundo na gagawa sa ginawa niyang sakripisyo para sa akin. Kaya sinagot ko siya. At hindi ako nagsisi... napakabait ng itay mo. Kaya ikaw, ipaglaban mo ang iyong pag-ibig. Malay mo, magiging kagaya ka rin ng itay mo. Isang araw, magbunga rin ang iyong panunuyo." Tahimik. "P-paano naman 'nay kung... k-kung s-sa kapwa ko lalaki ako umibig? Ipaglaban ko pa rin ba ang pag-ibig ko, 'Nay?" ang pagbasag ko sa katahimikan. Tila natulala rin ang aking ina sa kanyang narinig. Tinitigan niya ako. Hindi nakapagsalita. Hindi makapaniwala. At doon na ako yumuko at humagulgol. Iyon bang pakiramdam na tila nag-iisa ka lang at bagamat ayaw mong umamin, napipilitan ka dahil pagod ka na sa pagtatago, hirap na hirap na ang kalooban sa bigat ng dinadala. At dahil ang inay mo lang ang naisip mong maaaring makaintindi sa iyo, wala kang choice kundi ang ibinulalas sa kanya ang lahat mong saloobin. "T-tatanggapin niyo po ba ako nay?" ang tanong ko. Niyakap ako ng inay. "Itong batang ito, oo. Syempre, tatanggapin kita. Nag-iisa kitang anak at kahit ano ka man, kahit ano man ang gusto mong gawin sa buhay, nand'yan lang ako palagi sa tabi mo. Proud pa rin ako sa iyo. Di ba ang pangarap ko lang naman para sa iyo ay ang makapagtapos ng pag-aaral? Iyan lang ang hiling ko. Magmahal ka man ng lalaki, babae, o kahit na ano, tatanggapin pa rin kita anak. Hindi iyan makakabawas sa pagmamahal ko sa iyo." "Salamat nay..." at niyakap ko na rin siya ng mahigpit. Tahimik. "At sino naman ang l-lalaking ito, anak?" ang pagbasag niya sa katahimikan. "S-si Carlo, 'Nay." Hindi na umimik ang aking inay. Hinaplos-haplos na lang niya ang aking likod. Marahil ay naramdaman niyang napakahirap nga ng aking kalagayan. "Sa tingin niyo po ba 'Nay, dapat kong ipaglaban ang pag-ibig ko?" Binitiwan ng inay ang isang malalim na buntong-hininga. "Kung iyan ang isinisigaw ng puso mo, anak, bakit hindi mo gagawin?" (Itutuloy)
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD