Miracle Florence Geronimo
“Miss Geronimo, your turn.” Malambing na wika sa akin ng HR na kaninang nagdala sa akin dito sa waiting area.
Agad akong tumayo at sinukbit ang bag ko. Dinala ako ng babaeng staff sa harap ng isang office na may nakalagay na HR Manager.
Kaninang matapos kong mag-CR ay may kaunting interview sa akin ang staff at pinag-exam ako para sa cognitive ability at personality test. Sandali ko lang naman ‘yon natapos at heto nga ngayon na tinawag ako ng HR manager para sa initial interview.
Kumatok muna ang staff ng ilang beses at matapos ay binuksan ang pinto. Bumungad sa akin ang isang may edad na lalaki na lumapad ang tingin nang nakita ako.
Kinabahan pa ako sa paraan nang pagtingin na pinukol sa akin ng manager at napansin ko pa ang paghagod nito sa katawan ko kahit ilang hakbang ang pagitan ko pa sa kanya.
“Sir, nandito na po ang next applicant.” Sambit ng staff.
“Come in, Miss Geronimo.” Nakangising sabi ng manager matapos tingnan ang hawak nitong papel.
Malamang ‘yon ang resume’ ko na kinuha sa akin kanina ng staff nang makarating ako dito.
Ngumiti ako ng pilit at nilahad ng manager ang kamay at itinuturo na maupo ako sa chair na nasa tapat nito. Humakbang na ako at ilang sandali ay narinig ko ang pagsarado ng pinto sa likod ko at iniwan na kami ng staff.
“Have a seat, Ms. Geronimo.” Sambit ng manager na agad ko naman na sinunod.
Napansin ko na mas lumagkit ang tingin sa akin ng matandang lalaki. Bigla tuloy na parang gusto ko na lang mag-backout ng application dito sa kumpanyang ito.
Kung kanina doon sa CR ay tinakot ako ng isang empleyado na demonyo raw ang ugali ng boss dito ay ngayon naman ay mukhang manyakis ang HR Manager. Parang mukhang wala akong kawala.
Pero kailangan ko kasing lumaban sa hamon ng buhay. Kailangan ko ng trabaho. Kailangan ko ng working experience para naman if ever na makapasok ako dito at aalis din ay may mailagay naman ako sa resume’ ko na trabahong napasukan.
Mukhang nabigla lang din ang babae kanina do’n sa CR sa sinabi nito. Bigla naman itong nanahimik kanina nang nagtanong ako kung anong nangyari. Natakot din siguro na akala nito ay magsusumbong ako sa kahit na applicant pa lang ako.
“I’m Mr. Vito, the HR Manager here.” Nilahad ni Mr. Vito ang kamay at agad ko naman na tinanggap ‘yon. Naramdaman ko ang pagpisil nito sa palad ko kaya nakaramdam ako ng pagkailang.
Mabilis kong inagaw ang kamay ko. Sumeryoso na ng itsura ang manager at tumingin sa papel na hawak nito habang tumatango ang ulo.
“You passed the exam, Miss Geronimo.” Sambit nito at muli nang binaling ang tingin sa mukha ko.
Nagsimula nang magtanong si Mr. Vito. Mukhang pinipilit naman ng matanda na maging professional nang nagsimula na itong tanungin ako tungkol sa expectation ko sa work kung sakaling matanggap. Tinanong rin ako nito ng mga usual na interview questions na nasagot ko naman ng matino dahil nag-research na ako nang maigi para lang hindi mapahiya. ‘Yun nga lang ay habang kausap ko si Mr. Vito ay malagkit ang titig nito at tila nag-eenjoy sa pagka-usap sa akin.
Ilang minuto pang nagtagal ang usapan namin ni Mr. Vito. Pati ang lovelife ko ay tinanong nito. Binabalewa ko na lang kahit sobrang personal na ang iba nitong tanong at wala naman na kinalaman sa magiging trabaho ko in case.
“Okay, that’s all, Miss Geronimo… Tatawagan ka na lang namin kung isa ka sa kasama sa final interview, then doon mamimili ang magiging boss mo ng employee for the position.”
“Thank you so much, Mr. Vito.” Nakangiting sagot ko.
Natapos ang interview at laking pasalamat kong naitawid ‘yon nang maayos. Ang hihintayin ko na lang ay kung matatawagan ako. Magalang akong nagpaalam sa babaeng HR staff. Kanina pa ako nito kinakausap pero hindi ko man lang nagawang itanong ang pangalan nito.
Pagkalabas ko ng office ng HR ay agad akong nag-text sa dati kong supervisor sa fastfood chain at sinabing tapos na ako sa interview. Abot ang dalangin ko na ma-back-up-an talaga ako. Alam ko naman na may mas deserving. Pero mahirap kasi sa kagaya kong fresh graduate ang matanggap. Kaya sana ay ibigay na lang sa akin ang swerte.
Inabot na ako ng lunch time kaya nagsisilabasan na rin ang mga empleyado sa iba’t ibang floor dahil naging busy na ang elevator. Nang nasa loob ako ng elevator ay naramdaman ko pa na pinagtitinginan ako.
Nang makalabas sa elevator at nasa lobby na ay nagtanong pa ako sa receptionist na nakaupo pa kung nasaan ang CR. Kailangan kong umihi muna bago umuwi ng bahay dahil magba-byahe pa ako at baka makaramdam ako ng pananakit ng pantog.
Hindi na kaya ng budget ko na dumaan pa ng fastfood o karinderia kaya dapat na sa bahay na ako mag-lunch para tipid. Sapat ang pamasahe na dala ko. Sa hirap ng buhay ay hangga’t kaya kong magtipid ay nagtitipid ako. Up to the last peso ang pagtitipid na ginagawa namin na magkapatid ‘wag lang umabot sa point na manghihingi kami ng pera kay Tita Mayet. Mahirap nang makarinig ng sumbat.
Mabuti na lang talaga ay nakuha ko pa ang final pay ko do’n sa pinag-part time job ko kaya may extra kaming pera ni Heaven na tinitipid ko. ‘Yung gastos naman kasi sa bahay ay sagot ni Tita Mayet. Pero kulang minsan dahil sa pagkalulong nito sa sugal na minsan ay wala siyang binibigay kaya ako ang dumidiskarte.
Nang makarating ako sa loob ng CR na tinuro sa akin ng receptionist ay agad akong pumasok do’n. May ilang cubicle na naroon at nagpunta ako sa pinakadulo para umihi. Kakaupo ko lang nang narinig ko ang pagbukas at sara ng pinto. May pumasok na ilang empleyado at ilang sandali ay naramdaman ko na may pumasok sa kabilang cubicle na katabi ko.
“Hoy, bakla. Narinig mo ba ang bagong tsismis?” Narinig kong sambit ng isang babae na nasa labas pa ng cubicle.
“Ang alin?” sagot naman ng isa na nasa loob ng cubicle. Bigla ko rin narinig ang malakas na tunog ng pag-ihi nito.
“May aplikante na artistahin daw sa ganda. Ang puti daw at sexy.” Sambit ng kausap nito.
“Ay, Oo nga… bago ako umalis ng table ko ay nagkukumpulan ‘yung mga boys at tinitingnan ang picture ng babae. Grabe! Sana h’wag matanggap noh?”
Biglang kumunot ang noo ko. Parang ako ang pinag-uusapan. Nakita ko naman kasi ang kasabayan kong aplikante at morena sila. Ako lang ang maputi.
“Kaya nga,eh. Baka ma-echapwera tayo sa mga boys, noh! ‘Yung pangit na applicant sana ang matanggap.” Sagot muli ng babae na nasa labas.
“Pero kahit naman siguro matanggap ‘yon ay hindi tatagal ng isang linggo sa trabaho ‘yon… Baka isang sigaw lang ni Sir Jarred sa kanya ay umiyak nang parang bata.”
Narinig ko ang tawanan ng dalawa. Mabuti na lang at tahimik lang ang pag-ihi ko kaya di nila narinig. Ilang sandali lang ay narinig ko ang flash ng toilet bowl at matapos ay binuksan ng babae ang cubicle.
“Malay mo mabighani si Sir Jarred at hindi pagalitan.”
Kumunot ang noo ko sa narinig.
“Grabe ka! Parang fresh grad lang yata yung applicant. I-partner mo naman sa gurang na! Hindi naman siguro papatol ‘yung bata sa parang tatay niya.”
“Grabe ka naman. Hindi pa naman gurang si Sir Jarred. Aminin mo isa ka sa nagnanasa sa kanya?” Biglang tukso ng babae na kanina ay nasa labas.
“Tsk! Kahit sobrang gwapo niya at hot… nakaka-inis pa rin ang pagiging masungit at strikto niya. Balita ko nga ay nasampolan kanina si Lucy at nag-iiyak do’n sa CR nila!”
“Well, matira matibay talaga dito sa kumpanya na pinasukan natin. Ang importante ay mataas ang sahod at maganda ang benefits.” Sambit muli ng babae na kalalabas lang ng cubicle. Mukhang hindi pa sila tapos magtsimisan.
Kahit tapos na akong mag-CR ay hindi ko tuloy ma-flash ang bowl at malalaman nilang ako ang pinag-uusapan nila kung lalabas na ako agad.
Pero ang tindi pala ng tsismisan sa corporate world. Akala do’n lang sa amin ako makakarinig ng mga juicy na tsimis, dito rin pala. At hindi pa ako natatangap ay ako na ang topic.
Tsaka bigla akong kinilabutan sa sinabi ng babae na magkakagusto sa akin ‘yung boss na mas matanda sa akin. Ayoko naman pumatol sa matanda kung sakali na ma-inlove ako. Mga hanggang 5 years age gap ang acceptable sa standard ko. Kapag lumagpas do’n ay ekis na, kahit sabihin pa na gwapo, macho, matalino o mayaman.
“Tara na nga at mag-lunch na!” Biglang kayag ng isang babae. Narinig ko na lang ang pagsara ng pinto at mukhang naiwan akong mag-isa na rito sa CR.
Binilisan ko na lang ang kilos na nag-flash at lumabas ng cubicle. Napapailing ako at ang dami ng nangyari sa akin dito sa pag-aapply pa lang. At nakakaloka ‘yung HR staff kanina na tatahi-tahimik lang pero dinaldal na yata ako sa buong kumpanya.
Napatingin tuloy ako sa salamin. Hindi bago sa akin na makarinig ng paghanga sa mga taong nakakasalamuha ko. Kung tutuosin ay blessed ako na magkaroon ng ganitong mukha. Pero nakakatakot din na lapitin ako ng mga manyakis.
Ilang sandali ay lumabas na ako ng CR. Nagmamadali akong naglakad papalabas ng building.
“Ayy!” Halos mapasigaw naman ako nang mabangga ako ng isang lalaki na naka business suit.
Kasalanan nito dahil hindi ito tumitingin sa nilalakaran at huli na para umilag naman ako.
“Sorry, Miss!” Sambit nito.
Agad akong lumayo sa lalaki na natigilan nang nakita ako. Biglang kumunot ang noo nito na napatitig sa akin.
Gwapo ang lalaki at ilang sandali ko pang nilibot ang tingin nito.
“Sir Henry!” Biglang sambit ng tinig na nasa likod ko.
Bigla ay nabaling ang tingin no’ng lalaking nakabangga ko sa may likod ko na Henry pala ang pangalan. Nagkaroon pa ako ng pagkakataon na tingnan ang lalaki at nabaling ang tingin ko sa may leeg nito na may tattoo. Biglang napakunot ang noo ko. Hindi kita ang buong tattoo dahil natatakpan ng collar ng lalaki.
Biglang kumilos na naman ang lalaki at nilagpasan ako kaya naglakad na lang ako nang tuluyan palabas ng building.
Nakakaramdam na ako ng gutom pero tiniis ko hanggang sa makauwi ako ng bahay. Pinaghainan pa ako ni Heaven nang makauwi ako matapos kumustahin ang lakad ko.
Nag-kwento naman ako sa kapatid ko ng mga experiences ko.
“Naku, Ate Mia. Terror naman pala ang magiging boss mo… ‘Wag ka na kayang tumuloy?” Nag-aalalang sabi ni Heaven.
“Ano ka ba, sis… Sayang ang kikitain. Konting tyaga ang kailangan ko. Gaya nga ng narinig ko do’n sa babae, matira matibay na lang.”
“Kung may magulang siguro tayo, o buhay si Tita Olga ay hindi tayo mahihirapan.” Bigla ay naging malungkot ang mood ni Heaven.
Pati ako ay nahawa na. “H’wag kang mag-alala, Heaven. Hindi ko hahayaan na magpatuloy ang paghihirap natin. Gagawa ako ng paraan para makaalis tayo sa lugar na ito. Magbabanat ako ng buto. Kagaya ng pangako ko kay Nanay, hindi kita pababayaan.”
Mapait na napangiti ang kapatid ko na narinig sa akin. Parang dinudurog ang puso ko kapag nakikita ko ang kapatid ko na malungkot. Ang bata pa kasi namin para danasin ang pait ng buhay. Lumaking walang mga ama. Lumaki sa hirap, namatayan, at kung ano-ano pang kamalasan.
Pero kahit ano man ang pinagdadaanan naming magkapatid ay palagi pa rin akong kumakapit sa pag-asa na mababago ang buhay naming dalawa.
Lumipas ang ilang araw at hindi naman ako nawalan ng pag-asa na matatawagan sa Caballero Brewery. Pero kahit wala pa ang tawag ay naghahanap na ako sa internet ng possible na pasukan na trabaho na pasok ang qualification ko.
Sa nagdaang araw rin ay madalas ang pagiging mainit ng ulo ni Tita Mayet. Lalo na ng isang beses na nalaman ko na natalo ito sa sugal. Sa amin nabubunton ni Tita ang galit. Minsan ay kung ano-anong panunumbat ang naririnig namin ni Heaven.
Sana nga ay sa akin na lang sinasabi ni Tita. Kaya ko naman tiisin kung ano man ang masasamang lumalabas sa bibig ni Tita Mayet. Pero kapag nakikita ko na si Heaven ang pinapagalitan nito ay nagigigng triple ang sakit sa dibdib ko.
“Ate may tumatawag sa’yo!” Napalingon ako kay Heaven nang tinawag ako nito. Bumalik tuloy ako sa wisyo matapos alalahanin ang mga pangyayari ng nagdaang araw.
Galing si Heaven sa kwarto namin at hawak ang cellphone ko na tumutunog. Agad kong pinunasan ang basang kamay dahil narito ako sa lababo at hinugasan ang pinagkainan ko. Na-late kasi ako ng kain kaya hindi na naisabay ni Heaven sa paghuhugas kanina.
“Sino!?” Kinakabahan na tanong ko.
“Number lang, Ate Mira.”
Agad kong kinuha ang cellphone kahit mamasa masa pa ang kamay ko at sinagot ang tawag bago pa ‘yon mawala.
“Good afternoon, Ms. Geronimo. This is from Caballero Brewery.”
Agad akong napangiti. Finally!
“Good afternoon, Ma’am.”
“I just wanna inform you that you passed the initial interview.”
Bigla ay parang lalabas na ang puso ko sa dibdib. Daig ko pa ang inlove sa labis na kaba.
“S-salamat po, Ma’am.” Masayang sabi ko kahit hindi pa naman final na ako na ang matatanggap.
At least ay may pag-asa pa rin.
“Okay, be here in Caballero Building tomorrow. Dapat ay maaga ka. At least 9 am ay nandito ka na para sa interview ng magiging manager mo if ever.” Paliwanag ng staff.
“Opo, Ma’am. Salamat.”
Matapos ng ilang bilin ng HR staff at ibinaba ko na ang tawag. Halos mapasigaw ako sabay yakap kay Heaven.
“Sa wakas, sis. May pag-asa akong matanggap!”
Yumakap pabalik sa akin ang kapatid ko.
Ngayon pa lang ay excited na akong magtrabaho do’n kahit na may hindi ako magandang experience nang nagpunta ako do’n. Mas importante sa akin ang kumita kaya masaya ako. At tungkol naman do’n sa terror na CEO… gagawin ko ang lahat para maiwasan ‘yon habang nagtatrabaho.