Kabanata 2 - Kasamahan

2039 Words
Kabanata 2 – Kasamahan Kookie Soledad "Pero paano si mama?" tanong ko kay Mr. Sevirous, kilala na ngayon bilang si Mr. Sato.  Nag-aalala ako kay mama dahil hindi siya pwede rito sa Kampo. Puwede siyang kontrolin ni Sitan anumang oras. Masuwerte na lang kami dahil wala pang alam si Sitan tungkol sa katauhan namin, o at least iyon ang alam namin. "Huwag kang mag-alala. Hindi siya pababayaan ni Apolaki kaya walang magiging problema," sabi niya. Kumunot ang noo ko. "Wait! Apolaki?" tanong ko. "Si Apolaki ang diyos ng araw.”  Lumalim ang pagkakakunot ng noo ko. "Sino siya? Tiyaka bakit hindi ko siya kilala?" Wala naman kasi akong kakilalang ganoon ang pangalan at wala rin namang naiku-kuwento si mama. Tinitigan niya ako bago sumagot. "Siya ang iyong ama, Kookie," sabi niya.  Dahan-dahan akong napatango. Hindi ko pa rin maiwasang hindi mag-alala lalo na at hindi ko nakikita si mama. Hindi ko rin maiwasang hindi mapaisip kung ano ang itsura ng aking ama, dahil ayon kay Mr. Sato, hindi namin maaaring makita ang aming ama kaya kami nito iniwan. Isa iyon sa patakaran ng mga diyos. "Sa ngayon, hahayaan ko muna kayong dalawa na mag-ensayo. Kailangan ninyong magtulungan dahil walang ibang makatutulong sa inyo. Naiintindihan?" Sabay kaming tumango ni Pepper bago lumabas sa tolda kung saan tumutuloy si Mr. Sato. May mga ilan kaming nakakasalubong pero parang mga ordinaryong tao lang din naman sila gaya namin na may mga kamay at mga paa. "So, ano tingin mo sa 'kin, walang kamay at paa?"  Napatingin naman ako sa nagsalita at doon lang napansin si Pan. Kumunot ang noo ko dahil sa sinabi niya.  "Nababasa ko ang mga utak ng mga mahihina ang emosyon kaya madali kong nababasa ang sa iyo," sabi niya. Napayuko na lang ako. Mapanganib pala kapag lumapit ako kay Pan dahil nababasa niya ang isip ko. Kailangan kong alamin kung paano haharangan ang emosyon ko. Mahirap na. Una, pinagamit kami ng mga armas. May dummy sa harap namin na patuloy naming hinahampas. Kailangan daw naming putulin iyon gamit ang mapurol na espada na gamit namin. Habang pinapanood ko si Pepper, hindi ko maiwasang hindi mapaawang ang mga labi. Parang sanay na sanay na siya sa paggamit ng armas. Parang mas lalo tuloy akong kinilabutan sa kaniya. Baka mamaya ay bigla na lang niya akong hampasin ng espada kapag naasar na naman siya sa ‘kin. Ginawa ko lahat ng ginagawa ni Pepper. Siya ang nagturo sa 'kin kung paano humawak ng armas. Kung paano ang tamang higpit at kung kailan luluwagan.   Pagkatapos niyang ituro sa 'kin lahat ay pinagsama-sama namin iyon. Kailangan ko matutong protektahan ang sarili ko. Hindi sa lahat ng oras ay magagamit ko ang kakaibang kakayahan kong namana ko sa aking ama. Ni hindi nga ako sigurado kung ano talaga ang mga kaya kong gawin. "Ready?" tanong ni Pepper.  Napalunok naman ako. Kung hindi ko lang siya kilala, hindi naman ako matatakot nang ganito pero kasi... "Y-Yeah," sabi ko na lang at pumikit. Bumuntong-hininga ako para mawala ang kabang nararamdaman. Pagkadilat ko, nasa harap ko na siya. Kusang umangat ang braso ko na para bang may sarili itong isip. Nakalikha ng isang malakas na tunog ang pagtama ng espada niya sa espada ko. "Focus," sabi niya. Ramdam ko ang hininga niyang tumama sa mukha ko. Mas lalong bumilis ang t***k ng puso ko. Hindi ko alam kung dahil ba sa pagkabigla iyon o dahil sa ibang bagay. Lumayo siya sa kinatatayuan ko nang may kunot sa noo. Sa isang iglap, naramdaman ko ulit ang presensiya niya sa likod ko. Lumingon ako at hinagis ang hawak kong armas pero nawala agad siya. Muli akong tumingin sa likod ko at nakitang papalapit na naman siya sa dereksyon ko. Ang bilis! Tumalon ako para makaiwas sa kaniya. Sa hindi inaasahang pangyayari ay ang taas ng naging pagtalon ko. Para sa isang ordinaryong tao ay napakataas ko nang tumalon ngayon. Halos kita ko na ang buong campus. Kung tatantiyahin ko, halos nasa limang talampakan ang itinaas ko. "Woah!" bulalas ni Pepper.  Ano pa kaya ang mga bagay na kaya kong gawin? Ngayon pa lang ay may mga bagay na akong nagagawa na hindi ko inaasahang kaya ko pala. Paano pa kaya kung sa mga susunod na araw? Pagkatapos naming mag-ensayo ay pumunta kami sa tolda ni Mr. Sato. "Kailangan ninyo na rin makilala ang mga makakasama sa inyong misyon," sabi ni Mr. Sato nang hindi man lang tumitingin sa 'min. Nakatuon lang siya sa lamesa niyang may mga papel sa ibabaw. Nanatili lang kaming tahimik sa isang gilid. "Lumabas na kayo riyan," utos niya.  Sa isang pulang tela na nakasabit sa kanang bahagi namin ay lumabas ang dalawang tao na hindi ko inaasahan. "Spice? V?" tanong namin pareho ni Pepper.  Nanlaki ang mga mata namin at bahagyang umawang ang mga labi. Pero silang dalawa ay parang hindi na nagulat nang makita kami. Para bang alam na nila ang tungkol sa amin noon pa man. "Simula ngayon, kayong apat ang magsasama-sama sa inyong misyon. Kailangan ko ng kooperasyon ninyong lahat," sabi ni Mr. Sato. "Tsk. tsk. Sino nga ba ang mag-aakalang magkikita tayo sa lugar na 'to, ha, Cookies?"  Kahit kailan ang yabang pa rin ng lalaking 'to. "Tumigil ka riyan, V. Tara na sa labas, Kookie, i-tour natin ang lugar na 'to!" yaya sa 'kin ni Spice sabay sukbit ng braso sa braso ko. "Hey, Spice!" sigaw ni V.  Hindi naman nagsalita si Spice at tinuloy lang ang paghila sa 'kin. Napunta kami sa isang gubat. Mga nagtataasang puno ang bumungad sa 'min. May mangilan-ngilang hayop gaya ng mga ibon pero wala naman akong nakitang kakaiba gaya ng nagsasalitang kabayo. "Spice, gusto ko lang tanungin, ano ang ginagawa mo rito? Tiyaka, bakit kasama mo si V?" tanong ko. Nakapagtataka naman kasing wala naman akong napapansing kakaiba sa kanila. Hindi naman din kakaiba ang kilos niya sa school kaya paanong magiging isa rin siyang anak ng diyos? O baka naman sadyang magaling siyang magtago? Matagal ko ng kaibigan si Spice. Siya lang ang tanging babae, at tao, na nakatatagal na kasama ako. Siya rin ang madalas na tumulong sa 'kin sa tuwing napag-iinitan ako ni Pepper sa school. "In our case, matagal na naming alam. Sorry to say this pero... kaya kita nilalapitan ay dahil kailangan ko." Nakaramdam ako ng panlulumo. "Pero kahit naman ganoon gusto ko pa rin naman 'yong ginagawa ko. Nagkaroon ako ng tunay na kaibigang gaya mo," sabi niya. Napangiti ako dahil sa sinabi niya. Hindi ko alam na may mga katulad niya pa rin na nakaka-appreciate ng existence ko. Kaya kung may maituturing akong isang kaibigan, si Spice iyon. "Okay lang 'yon. Naiintindihan ko. Kaya ba ganoon si V sa 'kin?" tanong ko. "Sa case niya naman, hindi ko alam kung bakit galit siya sa 'yo. Inutusan kaming dalawa na bantayan ka, pati na rin si Pepper." "Kung ganoon, alam na rin ba ni Pepper ang tungkol sa kakayahan niya?" tanong ko. Hindi ko naman kasi matanong nang deretso si Pepper. Baka sakaling si Spice ang makasagot. "Sa ngayon, may alam na siya pero hindi pa lahat. Alam namin kung kailan ninyo malalaman at kung alam niyo na ba o hindi. Isa 'yon sa kakayahan nating mga anak ng diyos." "Kung nararamdaman ninyo, bakit ako hindi? Bakit wala akong kakaibang nararamdaman?" tanong ko. "I know you'll ask that. Kaya hindi ninyo nararamdaman ay dahil patuloy ninyong tinatanggi sa mga sarili ninyo."  Natahimik ako sa sinabi niya. Bakit nga ba hindi ko pinaniwalaan? Napaka-imposibleng mangyari pero hindi ko alam na posible rin pala ang bagay na 'to. Haist! Naguguluhan na ako sa sarili ko. Hindi ko na tuloy alam kung ano ang iisipin at gagawin sa ngayon. "Hoy!” sigaw ni Pepper. Sabay kaming napabaling sa kaniya. “Ano 'ng ginagawa niyo rito? Ilong, mag-eensayo pa tayo. Tara na!" Hindi ko siya pinansin. Nagiging masungit na naman kasi siya, okay na kami kanina, ah? Binaling ko ulit ang tingin kay Spice. "Spice, sabihin mo pa sa 'kin lahat ng nalalaman mo, please," sabi ko sabay hawak sa kamay niya. Bahagyang nanlaki ang mga mata niya pero bumalik din agad sa dati. "I'll tell you everything soon," sabi niya bago tumayo. Tumingin siya saglit kay Pepper tiyaka naglakad paalis. Soon? Kailan naman ang soon na 'yan?   Pepper Chua Sa tingin ko ay kailangan na ring malaman ni Kookie ang lahat. Pero paano ko naman sasabihin sa lalaking 'yon? Baka akalain niya bumabait ako sa kaniya. Ang tungkol sa propesiya na binasa sa 'kin ng kapit-bahay ko noon, ganoon din ang kapalaran niya, iyan ang sabi ni Mr. Sato. "Ayon sa ating propesiya, isa sa mga itinakdang babae ang magliligtas sa atin. Isa sa mga itinakda," kuwento ni Manang Cecilia, kapit-bahay namin. Isa sa mga itinakda? Ibig sabihin ay marami kami. Alam ko naman kasing maalam siya sa mga ganitong bagay kaya siya ang kinausap ko tungkol dito. Noong una, natatawa ako dahil akala ko napaka-imposible ng trabaho niya noon. Pero ngayon ay unti-unti kong naiintindihan na ang ibang trabaho ay naa-appreciate lang ng iba pero hindi ng lahat. "What else? Tell me everything you know," nagmamakaawa kong sabi. "Ang diyos ng mga halimaw na hinati sa apat." Napatulala na lang ako sa sinabi niyang 'yon. Halimaw? Napayuko ako. "Ang mga diyos ng halimaw ang nagbabantay at nangangalaga ng langit. Hinati sila sa apat, ang mga tagapagbantay sa Timog, Hilaga, Silangan at Kanluran..." Kailangan ko pang malaman ang lahat tungkol sa mga diyos. Hindi ako makapaniwalang sa huli ay maniniwala ako na may nag-eexist nga na ganoon. Parang kailan lang ay normal pa naman ang buhay ko. KASALUKUYAN KAMING nakaupo sa harap ng apoy, nilalaro ko lang ang isang stick at sinusunog iyon. Tahimik lang naman sina Spice at Ilong habang magkatabi. Habang ito namang si V ay nakikipag-away kay Mr. Horsey guy. Dahil walang kuryente rito ay apoy ang nagsisilbing ilaw namin sa gabi. Ang iba naman na hindi namin ganoon kakilala ay nasa kabilang banda kaharap din ang isang bonfire. "Alam mo, V, gwapo ka sana eh. Kaya lang ang sama ng ugali mo. Bakit mo naman ginawa 'yon?"  Ayan na naman sila. "Alam mo, Horse dude, tumahimik ka lang gagwapo ka. Baka mas maging gwapo ka pa sa 'kin," sabi ni V. "Talaga?! Kapag hindi nangyari 'yon, lagot ka sa 'kin!"  Uto-uto talaga 'tong lalaking 'to. Tiningnan ko kung ano ang reaksyon ni Kookie pero nakatulala lang siya, mukhang gustong-gusto niya na talaga malaman ang lahat. "Ilong, sumunod ka sa 'kin kung gusto mo pang mabuhay!" pagbabanta ko. Pumunta ako sa gubat kung saan sila nagtungo kanina. Pwede na 'tong lugar na 'to. Alam kong maiintindihan niya rin ang sarili niya. Gaya ng nangyari sa 'kin. Hindi niya matatanggap ngayon, pero kailangan. "Bakit ba tayo pumunta rito?" tanong niya.  "Akala ko gusto mong malaman ang lahat?" Hindi ako tumitingin sa kaniya. Nakatanaw lang ako sa taas, sa payapang pagsayaw ng mga nagtataasang puno at ang bilog na bilog na buwan. Agad siyang napatingin sa ‘kin. “Sa kaso mo,” panimula ko, “Ikaw ang kinatawan ng Asul na Dragon. Samantalang ako naman ang Flaming Phoenix. Si Spice ang kinatawan ng Green tortoise habang si V naman ang kinatawan ng Puting Tigre.” Sa simula ng aming misyon, kailangan namin pumili sa aming celestial warriors. Isa lang ang pipiliin upang makasama namin sa aming paglalakbay. Mailalabas namin ang iba pa kapag kailangan namin pero hindi ko alam kung paano.  "Paano naman natin mapipili kung sino ang gusto nating makasama para iligtas tayo?" tanong niya. "Good question. Once na mailabas ang pitong celestial warriors, may pagkakataon ka para makilala sila."  "Saan naman sila manggagaling? I mean, lalabas na lang sila nang kusa kung gustuhin natin?" "No, may ibibigay sa atin si Mr. Sato na sandata para makontrol natin ang mga iyon. Sa ngayon kasi ay nasa loob lang siya ng katawan natin," sabi ko. Kahit na hindi ko sila nararamdaman na pitong mga warriors ay alam kong nasa loob lang sila ng katawan namin. Sa tingin ko ay sapat na oras na ang ibinigay sa kanila para makapagpahinga. Ito na ang pagkakataon para maipakita kung ano ang kaya nila. "May tanong ka pa ba?" tanong ko. Ilang segundo pa bago siya nagsalita. "Wala na, sa tingin ko sapat na ang mga nalaman ko sa araw na 'to," sabi niya sabay talikod. "Salamat." Naiwan naman akong nakatulala sa kinatatayuan ko. Bakit ganito ang pakiramdam ko, parang may kakaiba? May kung anong dumadaloy sa katawan ko na hindi ko maintindihan kung ano. Ito na ba ang mga warriors? Hindi na ako bumalik sa kung nasaan sina Spice at nagtuloy na lang sa kwarto ko. Hiwa-hiwalay ang kwarto namin dito sa Kampo kaya komportable na ako. Ayoko kasi ng may ibang kasama sa isang kwarto kahit na kaibigan ko pa. Well, wala naman akong kaibigan. So, wala na akong magiging problema pa roon.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD