Six years ago…
“SUMAMA ka na kasi, Tami. Hindi natin puwedeng palampasin ang laro ng basketball sa basketball court. Dito lang din naman sa Valle Encantado, eh. Hindi tayo lalabas ng village,” pamimilit pa rin ni Marie kay Tami. “Pumayag ka na kasi at magsisimula na ang laro.”
Nagbuga ng hangin si Tami bago binalingan ang kaibigan at kaklase rin na si Marie Reyes. Nasa may garahe sila ng kanilang bahay nang mga sandaling iyon. “Marie, wala ka bang ibang puwedeng makasama? How about your other girl-friends? Sina Kenny, Orences at Jennie?”
Marie rolled her eyes. “‘Yong mga binanggit mong pangalan ay mga wala rito sa village natin. Hindi sila rito nakatira. Kaya samahan mo ako dahil hindi ako papayagan nina daddy kung mag-isa lang akong pupunta sa basketball court. Ikaw lang ‘yong tanging alas ko para hindi mapagalitan. So, please, Tami. Ganito na lang, sa susunod kapag ikaw naman ang may kailangang puntahan ay ako naman ang sasama sa iyo.”
Nag-inat siya nang mga kamay. Pagkuwan ay tumayo mula sa pagkakaupo sa upuang naroon. “Sigurado ka ba riyan sa huli mong sinabi?”
Bahagya mang naningkit ang mga mata ni Marie ay nagawa pa rin nitong tumango. “Ang bilis mo talaga kapag may kapalit,” pairap pa nitong wika.
“Gusto mo ba na samahan kita o ayaw mo?” sa halip ay tanong niya.
“Syempre gusto. Sige na, magpaalam ka na sa mama mo. Hihintayin kita dito sa labas.”
Bago sundin ang sinabi nito ay humalukipkip pa siya. “Ano nga kasing mayroon sa basketball court?”
“Mamaya, malalaman mo rin. Sige na.”
Naiiling na tinalikuran na niya ang kaibigan at pumasok na sa kanilang bahay. Hinanap niya ang kaniyang ina na siyang puwede niyang pagpaalaman nang mga sandaling iyon. Nakita niya ito sa may salas. Nagbuburda.
“‘Ma, okay lang po ba na pumunta sa may basketball court nitong village? Nagpapasama po si Marie. Kung okay lang po sa inyo,” aniya nang lapitan ito.
Itinigil ng kaniyang Mama Anna ang ginagawa at sinulyapan siya. “Sige. Basta mag-iingat ka.” Pagpayag nito na ikinatuwa ni Tami.
“Thank you, ‘Ma. Mag-iingat po kami ni Marie,” aniya na niyakap pa ito bago nagmamadaling lumabas sa kanilang bahay. Pinalungkot pa niya ang mukha nang balikan si Marie. “Hindi pumayag si mama, eh. Pasensiya na.”
Ganoon na lang ang panlulumo sa mukha ng kaniyang kaibigan. Doon na napatawa ng wagas si Tami.
“Biro lang. Tara na. Pinayagan ako ni mama. Maglalakad lang ba tayo papunta sa court? Aaaw!” malakas niyang wika nang hampasin siya ni Marie sa kaniyang braso.
“Grabe ka sa akin. I hate you!”
“Uy, sasamahan ka na nga, eh.”
“Sumakay tayo sa scooter ko,” iminuwestra pa nito ang scooter na nakagarahe sa may labas ng gate.
“Scooter? Puwede bang maglakad na lang ako?”
“Wala kang tiwala sa akin? Turning sixteen na ako kaya may advance regalo sa akin si daddy para sa birthday ko. At ito na ‘yon. Pero dito ko lang puwedeng gamitin sa loob ng village. Bawal pa sa labas.”
“Magba-bike na lang ako o kaya ay maglalakad,” sabi pa rin niya.
Lumabas na ng gate si Marie at kinuha ang spare nitong helmet. Ibinigay sa kaniya ang isa. “Tami, maayos akong mag-drive. Kaya ‘wag kang OA! Tara na.”
Napatingin siya sa kaniyang suot. Parang hindi angkop na sasaklang siya sa scooter ni Marie gayong nakasuot siya ng dress. Bagaman at umabot iyon sa kaniyang mga tuhod. Hindi naman niya ma-imagine na uupo siya roon na hindi naka-saklang. Baka mahulog siya.
“Sigurado ka ba na maayos kang mag-drive?”
“Itanong mo pa sa daddy ko,” anito na inilagay na sa ulo niya ang asul na helmet ng hindi niya iyon kunin. “Let’s go.”
Wala na ring nagawa kundi ang sumakay sa scooter ni Marie si Tami. Habang daan naman ay napatunayan ni Marie na maayos itong mag-drive ng scooter. Hindi nagmamadali. Tama lang. Nawala ang kaba niya dahil doon. Safe rin silang nakarating sa basketball court ng Valle Encantado Village.
“Tara na,” ani Marie nang maigarahe nang maayos ang scooter nito.
Nagpatianod siya sa kaniyang kaibigan hanggang sa makapasok sila sa loob ng basketball court. Napakurap-kurap pa siya nang makita na may karamihan ang tao roon.
“Ano ba’ng mayroon ngayon dito, Marie?”
“May guwapong makikipaglaban sa team ng kuya ko. Pero hindi ako narito para suportahan ang kuya ko. Narito ako para makita ‘yong laging bukang bibig ng mga girlfriend ng ka-team ni kuya.”
“Wow, napaka-supportive mo naman na kapatid sa kalaban ng kuya mo. Sumbong kaya kita?”
“Ssshhh,” anito na hinila na siya. Pumwesto sila sa kinaroroonan ng kalaban ng team ng kuya ni Marie. Nakisiksik pa ito para lang makarating sila sa unahan.
Hinayaan na lang niya ang kaibigan sa kabaliwan nito.
Mayamaya pa ay inanunsiyo na magsisimula na ang laro ng basketball. Wala naman siyang hilig doon. Pinagbigyan lang niya ang kaibigan na gusto roong pumunta.
Nahawakan niya ang panubigan nang makaramdam ng pag-iihi.
“Marie, iihi muna ako,” bulong niya rito.
Tumango ito. “Sige. Bilisan mo.” Sinabi pa nito kung saan siya puwedeng magbanyo.
“Excuse po,” magalang niyang wika habang nakikiraan sa mga naroon. Nang makalayo sa kumpulan ay daig pa niya ang nakahinga nang maluwag. Masyadong maraming tao. Hindi siya sanay.
Hinanap agad niya ang sinabing CR ni Marie. Nang makita ay agad siyang pumasok doon. Hindi rin naman siya nagtagal. Pero bago lumabas ng banyo ay inayos pa niya ang puting headband na nakalagay sa ulo niya sa harap ng isang salamin sa tapat ng sink. May kahabaan ang buhok niya na tuwid na tuwid. Natural din na makintab na kulay itim ang buhok niya at malambot. At isa sa paborito niya na hair accessories ay ang headband.
Hindi halata na fifteen na ang edad niya dahil medyo malaking bulas siya. Mukha na nga raw siyang eighteen, iyon ang palaging sinasabi nina Marie.
Matapos ayusin ang sarili ay lumabas na rin siya ng banyo. Nang makarinig ng hiyawan buhat sa loob ng court ay may pagmamadali nang lumiko siya sa pasilyo. Hindi niya alam na may nagmamadali ring lalaki kaya nagkasalpukan pa sila. Muntik pa siyang matumba kung hindi lang siya agad nahawakan sa kaniyang braso ng lalaking nakabunggo. Pero ang suot niyang headband ay nahulog pa at sa kamalas-malasan ay natapakan pa ng lalaki nang humakbang iyon paatras.
“Sorry,” halos sabay pa nilang wika.
Mahina pang napamura ang lalaki nang makita na naapakan nito ang isang headband. Putol iyon. Binitiwan siya nito at niyuko iyon para kunin. “Sa iyo ‘to?” tanong pa nito habang hawak ang putol na headband.
Napalunok si Tami. Papa pa niya ang nagbili niyon sa kaniya. Nanginginig ang kamay na kinuha niya iyon. Pagkuwan ay umangat ang tingin sa lalaking kaharap para lang sandaling matigilan nang makita ang mukha nito.
Gustong kumunot ng kaniyang noo. Oo nga at marami siyang nakikitang guwapong lalaki lalo na sa Mori High Academy. Pero iyong klase ng kaguwapuhan na tinataglay ng lalaking kaharap ngayon, tila ba ngayon lang niya nakita.
“Papalitan ko na lang ‘yang headband mo. For now, I need to go. I’m sorry,” anito na dinampot ang nabitiwan ding sports bag at tuluyan na siyang nilampasan.
Nang makahuma ay saka lang niya nagawang sundan iyon ng tingin. Kumunot ang noo niya. Paano naman nito mapapalitan ang kaniyang headband kung walang kasiguraduhan ang susunod nilang pagtatagpo? Iyon ang unang beses na nakita niya ang mukhang iyon. Mukha na nagpatulig sa puso niya sa unang pagkakataon.