Chapter 05

1615 Words
NANG makabalik si Tami sa kinaroroonan ng kaibigang si Marie ay naupo siya sa tabi nito. Napabuntong-hininga pa siya nang matitigan ang hawak niyang headband na putol na. Napasulyap si Marie sa hawak niya. “Bakit naputol?” Tumikhim siya. “N-natapakan ko,” aniya nang sulyapan ang kaibigan. “Bakit hindi mo pa itinapon? Don’t tell me, iuuwi mo pa ‘yan sa inyo?” “Wala kasi akong nakitang basurahan sa naraanan ko,” dahilan na lang niya. “Magsisimula na ang laro,” impit pa nitong bulong sa kaniya. “Bakit nga pala hindi ka papayagan ng daddy mo na manood dito? Eh, maglalaro din naman ang kuya mo,” naalala pa niyang itanong sa kaibigan. “Alam ni daddy na hindi ako mahilig sa basketball. At isa pa, ayaw ni kuya na pupunta ako rito. To tell you the truth, sinabi ko kay daddy na ikaw ang nagpapasama sa akin dito. Peace,” anito na mabilis na nag-peace sign. “Para payagan akong umalis.” “Bakit ba ikaw ang naging close friend ko rito sa village?” pairap niyang wika sa kaibigan. “Choosy ka pa? Hindi ka nga naaarawan man lang kung hindi pa kita aayaing lumabas ng bahay ninyo.” Magsasalita pa sana si Tami nang tawagin na ang mga manlalaro. Mukhang nagkaroon na ng sariling mundo si Marie dahil daig pa nito ang nawala na sa katinuan habang hindi kumukurap na nakatitig sa mga lumalabas na manlalaro. Team nang kapatid nito ang unang lumabas. Sunod ay ang kalaban niyon na siyang sadya nito roon. Lahat ay isa-isang ipinapakilala at nang lumabas ang pinakahuling player ay doon na naligalig ang buong basketball court dahil sa tilian ng mga babaeng naroon. Bahagya pang naitakip ni Tami ang kamay sa kaniyang tainga habang napapapikit. “OMG. Siya na siguro ‘yon,” para pang timang na wika ni Marie habang tulalang nakatitig sa last player. Nang medyo kumalma ang crowd ay saka lang siya nagmulat ng mga mata at ang unang mukha na nakita niya… ang mukha ng lalaking nakita niya kanina. Napaiwas pa siya nang tingin nang magtama ang mga tingin nila. Napalunok siya nang maramdaman ang pagbilis ng t***k ng kaniyang puso. Gusto niyang hawakan ang dibdib ngunit pinigilan niya ang sarili. Bakit ganoon ang epekto sa kaniya nang lalaki na iyon? Nang muli siyang mag-angat nang tingin ay busy na ang lalaking iyon sa pagwa-warm-up kasama ang mga ka-team nito. “Shocks! Tami, look, napakaguwapo nga niya sa personal.” Huminga muna siya nang malalim bago binalingan ang kaibigan. “Sino?” “‘Yong nakasuot ng jersey na number three. Si KG Ladjasali.” Nang hanapin niya ang tinutukoy ni Marie ay natigilan na naman siya. KG Ladjasali… iyon ang pangalan ng lalaking iyon. At iyon din ang pangalan na ipinapalirit ng ilang mga kababaihan na naroon. Hindi niya magawang sabihin sa kaibigan na naka-encounter niya iyon kanina at siyang totoong nakatapak sa headband niya. Hindi rin niya masabi rito na bumibilis ang t***k ng kaniyang puso nang dahil din sa lalaki na iyon. Bigla ay nakaramdam siya ng pagkahiya sa kaibigan. Mang-aagaw na ba ang dating niya? Ang lalaking dahilan kaya sila naroon, hayon at nagbibigay ng kakaibang pakiramdam sa kaniya. Nang tuluyang magsimula ang laro ay doon na lalo na-focus ang atensiyon ni Marie. Si Tami naman, kahit na wala rin siyang hilig sa panonood ng basketball ay kataka-taka at na-e-enjoy niya iyon nang mga sandaling iyon. Sa kaniyang isip ay nag-che-cheer pa siya kapag nakaka-shoot ng bola si KG. Hindi niya magaya si Marie na may kasama pang pagpalirit sa tabi niya at paghampas sa kaniyang braso. She even chants his name. Nang maglakad palapit si KG sa upuan ng team nito, na nasa bandang unahan lang nina Tami para maupo ay hindi niya mapigilan ang sarili na pagmasdan ito. Nakatingin ito sa baba ng sahig habang naglalakad kaya malaya niya itong napagmasdan. Ngunit nang umangat ang tingin nito at muling magtama ang mga tingin nila, hindi niya iyon napaghandaan. Animo nag-slow motion ang buong paligid. Bigla rin ay parang gusto niyang magtago sa likod ng kaniyang kaibigan. Ano ba’ng nangyayari sa kaniya? Napakurap-kurap pa si Marie nang ma-realize na hindi rito nakatingin si KG. Nasundan nito ang tingin ng binata. Ganoon na lang ang pag-awang ng bibig ni Marie nang makita na nakay Tami ang atensiyon ni KG. Hindi lang nakita ni Marie ay ang pagngiti pa ni KG kay Tami bago ito naupo sa nakatalagang upuan para sa team nito. Lalo yatang nagsalimbayan ang puso ni Tami dahil sa ngiting iyon. She was like… siya ba talaga ang nginitian nito? O baka naman mayroon pa sa likuran niya? Hindi naman niya magawang lumingon. Ayaw niyang paasahin ang sarili. “Bruha ka, ano ‘yon? Bakit ikaw ang tiningnan ni KG?” impit pang bulong sa kaniya ni Marie habang niyuyugyog ang kaniyang braso. Saka lang siya napakurap-kurap. “H-ha?” “Nakatitig sa iyo si KG kanina. What’s that mean?” “S-sa akin? Baka sa bandang likuran ko,” aniya na pilit binabalewala ang sinabi ng kaibigan. “Nakatingin ka rin sa kaniya.” Umiling siya. “Hindi ko siya tinitingnan,” kaila pa rin niya. “Whatever,” wika na lang nito na muling ibinalik ang tingin kay KG na nakatalikod ng upo sa kanila. Lihim pa siyang nakahinga nang maluwag nang tantanan na siya ni Marie.     NAKASANDAL si Tami sa pader habang hawak ang headband sa kamay at nilalaro-laro. Hinihintay niya si Marie na nakapila sa may CR. Nasa may corridor siya sa gilid ng basketball court. Tapos na rin ang laro at ang team ni KG ang nanalo sa pangunguna na rin ng binata. Napasinghap siya nang biglang mawala sa kamay niya ang hawak niyang headband. Aapila sana siya nang animo malulon naman ang kaniyang dila nang sa pag-angat niya ng tingin ay makita kung sino ang kumuha sa kaniya ng headband niya. It was KG. Hayon na naman ang pagbilis ng t***k ng kaniyang puso. Ngayon niya mas na-appreciate ang kaguwapuhan nitong taglay sa malapitan. Ang kinis ng kutis nito maging ang guwapo nitong mukha. Natural na mamula-mula ang labi nito. Matangos din ang ilong. At ang mga mata nitong almond eyes na may bahagyang makapal na pilik-mata, matiim din kung makatitig. “Sa akin na muna ‘to. Para madali kong mahanapan ng kapalit,” wika pa nito habang nakatitig sa kaniya. Nang tila mabawi ang boses ay saka lang niya nagawang magsalita. “A-aksidente ‘yong nangyari kanina. Kasalanan ko rin dahil nagmamadali ako. Hindi mo na kailangang palitan ‘yan,” aniya na akmang kukunin dito ang headband niya nang itaas naman nito iyon. Dahil matangkad ito kaya naman hindi niya naabot ang hawak nito. “I don’t take no for the answer. Paa ko ‘yong nakatapak. Kaya kasalanan ko,” giit pa nito. Ibinaba na niya ang kamay. Gusto niyang tumangging muli pero animo hinihipnotismo siya ng mga titig nito. Nagbaba siya ng tingin nang hindi na niya makayanan pa na salubungin ang mga titig nito. Pati mga tuhod niya ay apektado na dahil sa unti-unting panlalambot niyon. Ibinaba na rin ni KG ang kamay nito na may hawak sa putol na headband ni Tami. “Bahala ka,” sa huli ay wika niya. Mukhang wala na siyang magagawa. Hindi ito mukhang teenager. Ilang taon na kaya ito? Nahihiya naman siyang mag-usisa kay Marie. “Uy, KG, bata pa ‘yan masyado para pormahan mo.” Napaangat ang tingin ni Tami sa narinig. Nakita niya si Teody Regala na kasama ni KG sa team nito. Katapat lang nila ang bahay nito kaya kilala siya nito. Pamilya rin nito ang nagmamay-ari ng Alager Chains of Hotel sa bansa. Muling napatingin si KG sa kaniya. “Talaga?” baling pa nito kay Teody. Tumango si Teody. “‘Di ba, Tami?” baling pa nito sa kaniya. Siniko ni KG si Teody. “I’m not courting her,” tanggi rin ni KG. “Nagkakamali ka ng inaakala, Kuya Teody,” tanggi rin niya. “Tsss. Galawan mo, KG. Yari ka sa tatay niyan kapag pinormahan mo,” muli na namang wika ni Teody sa kaibigan. Sa isip ay nahila na niya ang dalawang tainga ni Teody. Sinabi na ngang hindi siya nililigawan ni KG. Napakakulit din. Siguradong magkukulay kamatis na ang kaniyang mukha dahil sa pagkailang sa mga ito. Napatawa naman si KG. “Bahala ka sa gusto mong isipin,” sabi na lang nito sa kaibigan. “Alis na kami,” paalam pa nito sa kaniya na matapos siyang titigan pa ng isa ay hinila na palayo si Teody. Daig pa niya ang animo nauubusan ng lakas nang mapasandal siyang muli sa may pader. Saka lang din siya nakahinga nang maluwag. Nahawakan pa niya ang kaniyang dibdib na kay bilis na naman ng t***k. Nasundan niya ng tingin ang papalayong bulto nina KG Ladjasali at Teody Regala. Hindi niya inaasahan na ganito ang mangyayari sa kaniya once na pumunta siya sa lugar na iyon. Never siyang pinanlambutan ng tuhod sa kahit na sinong lalaki na nakakaharap niya. Bakit ganoon ang reaksiyon niya kay KG? She’s still confuse. Napakurap-kurap pa siya nang biglang may pumitik sa may harapan niya. Nang magbaling siya ng tingin ay nakita niya si Marie. Katatapos lang nitong gumamit ng CR. “Tara na,” pag-aaya na nito sa kaniya. Marahan siyang tumango. Pagkuwan ay sumunod na rito. Hanggang sa makauwi siya sa kanila ay hindi na naalis ang imahe ni KG sa kaniyang isipan. Did he really invade her system? Mariin siyang napapikit.      
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD