NANG DUMATING si KG sa mansiyon ay dumiretso agad ito sa study room na nagsisilbing opisina nito sa bahay na iyon, ayon sa kawaksi na agad nagbalita kay Tami katulad ng bilin niya.
Huminga muna siya nang malalim bago walang kakatok-katok na binuksan ang pinto ng study room at pumasok doon kahit na wala namang pahintulot mula kay KG.
Agad na nag-angat ng mukha si KG nang marinig ang pagpasok niya. Tila balewala na ibinalik nito ang tingin sa harap ng folder na nasa ibabaw ng lamesa nito. Binabasa nito ang naroong files.
Naglakad siya palapit dito. “Plano mo ba na bulukin ako sa bahay na ito?” aniya nang makalapit siya rito. Kahit may upuan sa harapan ng lamesa nito ay hindi siya roon naupo.
“‘Yon lang ba ang ipinunta mo rito?” kaswal lang nitong tanong.
“Lang? Sabagay, sa katulad mong ubod ng yaman, nila-lang mo lang ang mga nasa paligid mo.”
“What do you want?” blanko ang ekspresiyon sa guwapong mukha nito na muli siyang tiningnan.
“Let me leave,” deretsa niyang sabi.
“You’re wasting my time for nothing, Tami,” anito na ibinalik ang tingin sa binabasa nito.
“Then, let me work. Ayaw kong nakakulong lang ako sa bahay na ito.”
“Hindi mo kailangang magtrabaho. ‘Yong sasahurin mo, kakarampot lang sa kaya kong ibigay sa iyo,” balewala nitong sabi.
Nayukom ni Tami ang mga kamay. “Kedric, gusto ko ring magamit ‘yong kurso na tinapos ko. Let me work.”
Isinara ni KG ang folder at tumayo para harapin siya. “Ang kulit mo, Tami. Nasa poder kita ngayon. At ‘yong sasabihin ko ang masusunod. Hindi ka magtatrabaho,” anito na nakipagtagisan pa ng tingin sa kanya.
“At ano lang ang gagawin ko?”
“Girls love shopping. Shop all you want.”
Mukha ba siyang materialistic na babae sa tingin nito? Right. Hindi naman siya nito kilala ng husto. Mapait siyang napangiti.
“Wala ka na bang ibang maisip na puwedeng ipagawa sa akin? How about your housemaids? Alam ba nila itong kalokohan mo? Alam ba nila na nagpakasal tayo hindi dahil mahal natin ang isa’t isa?”
“Wala silang alam sa personal nating buhay, Tami. And don’t you dare to say anything na makakasira against sa akin.”
“Puro sarili mo lang ang iniisip mo. Paano naman ako? Magdudusa lang dito sa bahay mo? Habang ikaw, nagagawa mo ‘yong gusto mo. I wonder kung ilang babae ang mali-link sa iyo habang nakatali ka sa kasal na ito. Pasalamat ka, weakness ko ang papa ko. Sa ngayon, itong pagpapakasal lang sa iyo ‘yong mabibigay ko sa kanila ni mama para masuklian ‘yong sakripisyo nila sa akin habang nasa abroad ako at nag-aaral. Fine, kung ang pagpapakasal lang sa iyo ang magsasalba sa pamilya ko, sige. Tutal naman, pabor na pabor din sa iyo para saktan ang kapatid ko. Pakisabi na lang sa akin kapag sawa ka na sa pinasok mong ito para makabalik na ako sa normal kong buhay,” iyon lang at tinalikuran na niya ito. Nasa gitnang bahagi na siya ng study room nang huminto siya sa paglalakad at muli itong lingunin. “You ruined my dream, KG,” aniya na puno ng hinanakit ang boses bago nagbawi ng tingin at dumiretso na palabas ng silid na iyon.
Dumiretso siya sa may back porch at doon ay naupo sa isang silya. Pagkuwan ay tumanaw sa malayo. Gaano kaya siya katagal na mananatili sa lugar na iyon? Kailan din kaya magsasawa si KG na ikulong ang sarili sa kasal nila?
Mayamaya ay naigala niya ang tingin sa buong paligid. Napakaganda ng bahay na iyon. Pero ngayong alam na niya kung bakit siya naroon, hindi niya magawang matuwa dahil sa ganoong klaseng mansiyon siya nakatira. Pakiramdam niya ay isa iyong kulungan.
Napabuntong-hininga siya. Mukhang kailangan niya ng mahabang pasensiya at mahabang pagtitimpi. May asawa na siya pero akala lang iyon ng iba.
A sexless marriage. A loveless marriage. Name it all.
Hindi naman siya uhaw pagdating sa usaping s*x. It’s just that, normal sa mag-asawa na ma-inlove sa s*x. Ngunit ngayong malinaw na sa kanya ang totoong relasyon niya sa isang Kedric Gabriel Ladjasali, animo gumuho ang maiinit na tagpo na na-i-imagine niya noon sa unang gabi ng kanilang kasal.
Gusto niyang pagtawanan ang sarili na sa unang beses na ikakasal siya ay walang naka-attach na romantic relationship sa kanila ng kanyang magiging asawa. Na sa pagtuntong niya sa mansiyon na iyon, malamig na Kedric Gabriel Ladjasali ang makakasama niya.
Akala niya… akala pa naman niya ay nagbago na ang ihip ng hangin. Na sa wakas ay may pagtingin na sa kanya ang binata. Pero umasa lang pala siya. At siya naman itong si tanga, nagpadala sa matatamis nitong salita noong nasa America pa siya. Kung alam lang niya… sana hindi sila umabot sa kasalan ni KG. Na kahit walang kasal na involve ay gagawa siya ng paraan para lang makatulong sa kanyang mga magulang.
Bigla ay para siyang hinila sa nakaraan. Kung saan niya unang nakita si KG at kung paano nabuo sa batang puso niya ang paghanga rito…