MATAPOS maligo sa banyo ay hindi na rin doon nagtagal pa si Tami. Nakasuot lang siya ng bathrobe nang mga sandaling iyon. Wala naman kasi siyang pamalit na nasa loob ng banyo, kaya naman wala siyang suot sa katawan maliban sa bathrobe. May nakapulupot ding towel sa kaniyang buhok. Sa halip na pumunta sa may walk-in closet para magpalit ay una niyang hinayon ang silid na gamit ni KG. Maingat niyang pinihit ang doorknob nang nakapinid na pinto. Hindi naman iyon naka-lock kaya itinuloy niya ang pagbubukas. Pagkuwan ay bahagyang sumilip sa loob. Kumunot ang kaniyang noo nang wala roong makita. Tuluyan na niyang niluwagan ang pagkakabukas ng pinto para makapasok siya roon. Kapag nasa trabaho si KG, hindi siya nangangahas na pumasok doon. Kung bakit ngayon pa siya mas tinubuan ng kuryusidad s