IV

2484 Words
IV. TINITIGAN NI KIRSTEN ang rebulto ng Panginoong Diyos bago tiningnan ang mukha ng pari. Nagsipatakan na ang luha sa mga mata niya habang dahan-dahan na humakbang patungo sa harapan. Wala na siyang takas. Hindi matatapos ang araw na iyon na wala siyang magagawang kasalanan. “And you are?” nagtatakang tanong ng pari gamit ang mikroponong hawak nito. “Kirsten Mendoza po, padre,” matapang na sagot ni Kirsten sabay punas ng luha sa mga mata niya. “T-Tin, a-anong ibig sabihin nito?” umaarteng tanong ni Lorraine. Kunwaring nababalisa ito at hindi makapaniwala sa ginawa ng kaibigan. Binilisan ni Kirsten ang paghakbang patungo sa kung saan nakatayo sina Ice at Lorraine. Nang nagtama ang mga mata nila ni Ice, kinindatan siya nito pero hindi niya ito pinansin. Galit siya rito. Ang ginawa niya, hinablot niya ang mikropono sa harapan ng dalawang taong mahalaga sa kaniya at hinarap ang mga tao na nasa loob ng simbahan. Kasama na roon ang pamilya ni Ice na halata ang pagkagulat sa mga mukha. Hindi naman makagalaw sa kinauupuan nila ang pamilya ni Lorraine lalo na si Zeddrick na ang sama ng tingin kay Kirsten. “Ms. Kirsten Mendoza, ano ang gusto mong mangyari?” tanong ng pari. Pinipilit nitong maging kalmado sa sitwasyon. Tiningnan ni Kirsten ang pari. “Gusto ko po na itigil ninyo ang kasal.” Sinunod niyang tingnan ang mga tao. “Alam kong ang iilan sa inyo ay magagalit sa gagawin ko, pero hindi ko na po kayang ilihim ang lahat. Kaming dalawa ni Ice ang totoong may relasyon. Mahigit dalawang taon na rin namin inilihim iyon. Umaarte lang kaming nag-aaway sa loob ng mansion, pero ang totoo niyon ay...” Tiningnan niya si Ice na gwapong-gwapo sa sarili. “Puno kami ng pagmamahalan sa isa’t isa.” Lumapad ang ngiti ni Ice. Hiniram niya naman ang mikropono ng pari. Gusto niya lang na sabayan ang pagsisinungaling ni Kirsten. Nang nasa kamay na ni Ice ang mikropono, lumapit ito kay Kirsten at inakbayan ito sabay tingin sa lahat ng tao na nasa loob ng simbahan. “My world has spoken. Tama ang narinig ninyo. This wedding is sucks and it should be stopped. Sa totoo lang, Lorraine is just a little sister to me. Hindi. Ko. Siya. Mahal. Kasi ang totoong mahal ko, itong babaeng nasa tabi ko. She is my sweety boo—Kirsten. Ang habibi ko.” Palihim na inapakan ni Kirsten ng suot na takong ang amo sabay kurot sa tagiliran nito. Nandidiri lang siya sa sinabi nito. Sa tingin niya, umatras ang luha niya pabalik sa loob ng mga mata niya. “Lorraine!” sigaw ni Zeddrick. Maririnig sa boses nito ang galit. Lumapit si Zeddrick patungo sa anak nito. Pagdating nito sa kinatatayuan ng anak, hinablot nito iyon na parang isang bata. Makikita sa kilos nito ang galit sa nangyari. Nang makita ni Kirsten ang ginawa ni Zeddrick, tumakbo siya patungko kay Lorraine. Nang naabutan niya ito, hinawakan niya ang braso ni Zeddrick para pigilan ito sa ginawa nito sa anak. “Tito, hayaan ninyo lang po si Lor—” Hindi natapos ni Kirsten ang sasabihin nang makatikim siya ng isang malutong ng sampal mula kay Zeddrick. “Zedd!” sigaw ni Sid. Napatakbo ito. “Dad!” Nanlaki ang mga mata ni Lorraine. “Daddy!” sigaw nina Rose Mario at Rose Leo. Napatakbo ang mga ito patungo sa kinatatayuan nina Kirsten. Tiningnan nang masama ni Zeddrick si Kirsten. Kung patalim lang ang titig nito, matagal ng tuminghaya sa sahig si Kirsten. “Napakawalang-hiya mo talagang babae ka! Mana ka sa ina mo!” sigaw ni Zeddrick. Napakuyom ang kamay nito. Nanlaban si Lorraine sa ama nito at Iumapit kay Kirsten. Umiiyak ito at humingi ng patawad. Hindi naman makapagsalita si Kirsten at hinawakan lang ang mukha niya. Hinaplos niya ang pisngi na sinampal ng ama ng kaibigan. Habang nagkaproblema na ang lahat, umupo lang si Ice at nanood sa nangyari. Kinuha pa nito ang telepono sa bulsa at nag-selfie. Nang napansin niyang nakatingin sa kaniya ang pari, kinawayan niya ito na parang magtropa lang. “Shat, father,” nakangiting sabi ni Ice. Napanganga lang ang padre sa ginawa ni Ice. Hindi nagtagal, sinenyasan ito ng pari na lumapit doon kina Kirsten. Nagkibit-balikat si Ice ngunit agad din namang tumayo. Pagkatapos, kinindatan nito ang pari bago humakbang patungo kung saan nagkakagulo sina Kirsten at Zeddrick. “Dad, stop being violent!” sigaw ni Lorraine. Sasampalin na sana muli ni Zeddrick si Kirsten pero napigilan ito ni Sid. Hinablot nito ang kaibigan palayo kay Kirsten. “Nababaliw ka na ba!?” sigaw ni Sid. Bumuntonghininga na lang si Zeddrick at hindi na nakipagtalo sa kaibigan. Pagkatapos, tinitigan nito nang masama ang anak. Sa titig nito, nagbabanta ito kaya agad nagpaalam si Lorraine kay Kirsten. “Tin, I am sorry. Again, I am so sorry. Magkita lang tayo bukas. Salamat sa lahat. I love you.” Nauna ng umalis si Lorraine at pinuntahan ang ama na hindi maipinta ang mukha sa galit. Nanatiling tahimik din sina Rose Leo at Rose Mario bago sinundan ang ama at kapatid. Gusto lang nila kausapin ang ama tungkol sa ginawa nito. Tahimik na umiiyak si Kirsten habang hawak pa rin ang mukha. Hindi niya inaasahan na masampal siya sa unang pagkakataon. Pakiramdam niya, ang sama niyang tao. Bumalik na sa wisyo si Kirsten nang may yumakap sa kaniya mula sa likod. Ipinatong pa nito ang baba sa balikat niya. Kahit hindi niya nakita kung sino ito, alam niyang si Ice iyon sa pamamagitan ng amoy nito. Kabisado na niya na halos lahat ng mga bagay na sangkot ito. “Stop crying, sweety boo. Nandito lang ako para sa iyo,” sabi ni Ice. Nagpipigil pa ito sa tawa. Sa isipan ni Kirsten, kung pwede lang mangbugbog ay ginawa na niya kahit nasa loob pa siya ng simbahan. Pero dahil ang inaarte nilang dalawa ay tunay na nagmamahalan ay wala siyang magagawa kung hindi ang magpanggap. Nanginginig niyang hinawakan ang kamay ni Ice na nasa tiyan niya at marahan na hinaplos. “’Wag masyadong halata na gusto mo itong ginagawa ko sa iyo,” mahinang bulong ni Ice. “Papatayin kita, Ice. Magiging saksi ang Diyos.” “Shhh. Stay strong sa atin, sweety boo. Kalmahan mo lang.” “Paano mo nagawang sumaya at magbiro ng ganyan? Ako rito ay hinuhusgahan na. Napaka-selfish mo talagang hambog ka,” gigil na sabi ni Kirsten. “It’s okay. Babayaran naman kita.” Hindi na nagsalita si Kirsten. Mas nainis lang siya sa binatang kausap. Sa nangyari, napatunayan niyang hindi siya nagkamaling husgahan ito na makasarili. Sarili lang nito ang laging inaalala niya. Napabuwag si Ice sa pagyakap nang may tumikhim—si Doña Irwana. Sinilip naman ni Kirsten si Snow sa likuran ni Doña Irwana. Kasama nito roon ang bunsong anak. Nang nagtama ang mga mata nila ni Snow ay nakita niya ang pagngiti nito. Kagabi, inamin ni Kirsten kay Snow ang balak niyang gawin. Pumalag si Snow na huwag niyang sundin ang dalawa at nangako itong ito na ang kakausap sa kapatid at kaibigang si Lorraine, pero nang sinabi niya ang tangkang pagpapakamatay ni Ice ay natahimik ito. Sa pagkakataong iyon, alam niyang pumayag na rin ito para sa hiling ng kapatid sa kaniya. Hindi niya ito hinusgahan bagkus naintindihan niya ito. Para sa kaniya, walang kapatid ang gustong mapahamak ang kapatid. “M-Mamita, sorry. Dad, Mom, sorry. Sana hindi kayo galit. Kirsten means a lot to me. She’s God’s gift to me. Kaya sana matanggap ninyo siya,” naluluhang sabi ni Ice. Umaarte ito sa harapan ng pamilya. Yumuko si Kirsten. “Sorry sa inyong lahat. Tita, Tito, Mamita, sana mapatawad ninyo ako. Pinigilan ko naman po ang naramdaman ko sa anak ninyo, pero hindi ko kaya. Mahal ko siya nang higit pa sa buhay ko.” “Buntis ka ba, Hijah?” tanong ni Ivy. Agad napatingin si Kirsten sa ina ni Ice. “H-Hindi po. W-Wala pang nangyari sa amin.” “Mabuti kung ganoon,” seryosong sabi ni Doña Irwana. Napangiti si Ice at inakbayan muli si Kirsten. “I have a big respect for my world, Mamita. She’s not an easy woman. Kaya nga mahal ko ito, e. Hindi kayo tutol sa relasyon namin, tama na? Mom, dad, tanggap ninyo ba kami?” Hindi sumagot si Doña Irwana at hiningi lang nito ang telepono sa personal assistant nitong si Kikay. Habang nagtitipa ito sa telepono, napatingin lang sina Kirsten at Ice rito. Naghihintay lang ang dalawa sa maging sagot nito. Kahit may mga magulang si Ice, si Doña Irwana pa rin ang boses ng buong pamilya. “Atty. Silva, paki-edit ng marriage license application form nina Lorraine at ng apo ko. Remove Lorraine Guillermo and change it into Kirsten Mendoza. Ipapadala lang ni Kikay ang ibang detalye ni Kirsten.” Nanlaki ang mga mata ni Kirsten. Hindi siya makagalaw. Parang sinemento ang mga paa niya sa sahig. Katulad niya, ganoon din ang naging reaksiyon ni Ice. Pareho silang nakatulala habang nakanganga. “Mom, ano ang binabalak ninyo?” tanong ni Sid. “Halos sampung milyon ang gastos ko sa kasal ng apo ko tapos mapupunta lang sa wala? Ang pera, ’Nak, hindi basta-basta pinupulot. At narinig ninyo naman siguro ang sabi ng dalawa. . . mahal na mahal nila ang isa’t isa. Para saan pa at papatagalin natin ang kasal nila? Panibagong gastos na naman? Kaya why not now?” mahabang litanya ni Doña Irwana. “Mamita, masyado pang maaga,” pagsali ni Snow sa usapan. Kinakaban ito. “1PM na, apo,” pabalang na sagot ni Mamita. “Mom, sigurado ka ba talaga? Hindi pa nga natin narinig ang saloobin nina Ice at Kirsten tungkol dito,” nag-aalalang sabi ni Sid. “Kaya nga, Mom,” pagsang-ayon ni Ivy sa asawa. “They must be thankful on me. Pinadali ko ang pagmamahalan nila.” Nilingon ni Doña Irwana sina Ice at Kirsten. “Masaya naman siguro kayong dalawa sa ginawa ko? Sagot.” “Yes po, Mamita,” sagot ni Ice. Dahan-dahan na nilingon ni Kirsten si Ice. Hindi niya alam kung bakit pumayag ito na ipapakasal silang dalawa. Wala siyang ideya kung ano ang nasa isipan nito. Umaasa na siya kahit ngayon man lang ay may gagawin itong tama pero wala. Tiningnan na siya nito at sa titig niya ay gusto niya ng kasagutan mula riro kung bakit nito ginawa iyon. Inilapit ni Ice ang tenga kay Kirsten. “Ayaw kong magalit sila sa akin. Ibigay mo na sa akin ito. Dadagdagan ko ang bayad mo.” “Sa tingin mo tungkol ito sa pera? Ginawa ko ito para sa iyo. Sa buhay mo.” “’Wag ka ng maarte. Hihiwalayan naman kita agad. After ng kasal, iyon na ang next plan, okay?” Nanginginig ang mga kamay ni Kirsten. Gusto niyang sampalin ito, pero hindi niya magawa. Titiisin niya lang muna ang lahat ng galit at babawi lang siya mamaya. “Yes, Mamita. Magpapakasal po ako sa apo ninyo na. . .” Tinitigan niya ito. “Napakabait. Napakamaalaga. Napakamapagbigay. Hindi lang iyon, napakagwapo. I want him, Mamita.” Nagsitayuan ang mga balibo ni Kirsten sa mga sinabi niya. Napangiti si Ivy. “Iyon naman pala. Wala namang problema. Iyon lang naman ang gusto kong marinig.” “P-Pero hindi pwede... Mom, isipin mo munang mabuti,” hindi mapakaling sabi ni Sid. “Anong hindi pwede?” nakataas ang kilay na sabi ni Doña Irwana. “Baka magalit sa atin ang pamilya Guillermo.” “Find my care, son. Huwag mo ng ipilit ang apo ko kay Lorraine. Hindi na bale iyang pera nila. Hindi naman siguro tayo maghihirap. Ang mahalaga sa akin, kaligayahan ng paborito kong apo at ang magiging apo ko sa tuhod.” Napangiwi ang mukha ni Snow. “Ang biased, Mamita, ha? Hindi ka na naawa sa mga apo sa tuhod.” Tinulak nito ang anak patungo kay Doña Irwana. “Humingi ka ng isang milyon. Sabihin mo, need mong maglibot sa Japan.” “Mamita, give me one million po,” inosenteng sabi ni Yael. Ang bunsong anak ni Snow. Kinurot ni Doña Irwana ang pisngi ng apo. “Later, baby. Pagkatapos ng kasal ng Tito mo, singilin mo ako, okay?” “Okay po, Mamita. I love you.” Napayakap si Snow sa asawa nito. Masaya lang ito sa ibibigay ng mahal na lola. Kapag naglalambing ito rito, ibinibigay talaga nito kaya labis ang pagmamahal niya rito. Bagaman, nagtampo ito noon dahil sa pagpapakasal sa hindi nito gusto pero nawala iyon lahat nang natutunan nitong mahalin ang asawa. Ilang minuto ang lumipas, tinawag si Kirsten ng make-up artist na nag-ayos sa kaniya kanina. Agad siyang tumayo at lumapit dito. Napag-alaman niya na muli siyang aayusan. Pumasok sila sa isang tent sa labas ng simbahan at doon pinagbihis ng kasuotan. Nang nakita niya ang bridal gown ay ang lawak ng ngiti niya. Hindi niya lang mapigilan na mamangha sa disenyo niyon. Sa tingin niya, bagay iyon sa kaniya. Heart shape ang itaas niyon at sakto lang sa dibdib niya. Isinuot na iyon ni Kirsten at lalo siyang namangha nang makumpirma na sakto lang talaga ang suot na gown sa buong katawan niya. “Ang ganda mo, miss,” pagpuri ng isang make-up artist. “Salamat sa inyong lahat,” sabi ni Kirsten. “Umupo ka muna,” uto ng isang babae. Nang umupo si Kirsten, isinuot na sa kaniya ang belo. Habang tinitingnan ang sarili sa salamin, muli siyang dinapuan ng lungkot. Hindi dapat siya maging masaya kahit suot niya sa katawan ang isang mamahalin na bridal gown sa kadahilanang; una, gagawin nilang biro ang sagradong kasal na dapat kung humarap sa Diyos ay bukal ang puso, pangalawa, may mga tao silang niloloko na grabe ang paniniwala sa kanila, at pangatlo, hindi niya mahal ang lalaking papakasalan niya. “Magsisimula na raw ang kasal. Dumating na si Attorney at dala na nito ang mga papeles,” sabi ng babae na kasamahan ng make-up artist niya. Bumuntonghininga si Kirsten sabay tayo sa kinauupuan niya. Inabot na sa kaniya ang kumpol ng pulang rosas. Nang nasa kamay na niya ito, lumabas na siya ng gate na may tapang sa mukha. Habang naglalakad, inilipat niya sa harapan ang kalahating parte ng buhok sa bandang kanan niya. Habang nakatingin sa nakasarang pinto ng simbahan, pinilit niyang magpakatatag. Hindi na dapat siya panghihinaan ng loob o mag-isip pa na tumakas. Para sa ikabubuti ng kapakanan ni Ice, gagawin niya ito. Nang dumating na siya sa tapat ng pinto, biglang bumukas iyon sabay tugtog ng napakagandang musika. Sinenyasan na siya ng isang babae na umabante kaya nagsimula na siyang humakbang habang hindi mapigilan na tumulo ang luha sa mga mata niya. “After this marriage, my whole life will change. From my arrogant boss’s maid into his bride,” sabi ni Kirsten sa isipan. ~~~
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD