III.

2289 Words
III. HABANG INAAYUSAN SI Kirsten ng make-up artist para sa gaganapin na kasal maya-maya ay hindi niya mapigilang mapatulala sa harap ng salamin. Nasa tabi niya si Lorraine na katulad niya ay tulala rin habang inaayusan. Hindi sila nag-uusap dalawa ngunit hindi naman sila nag-away. Pareho lang silang dalawa na ang lalim ng mga iniisip. Sa tingin niya, walang alam si Lorraine na tinanggap na niya ang hiling ng mga ito sa kaniya. Sa pagkakilala niya kay Ice, sigurado siyang hindi nito sinabi sa kaibigan niya. Kilala niya ito bilang isang makasarili na tao kaya wala na siyang aasahan doon. Bumuntonghininga siya sa kinauupuan niya, bilang isang kaibigan, ipapaalam na niya kay Lorraine ang dapat nitong malaman para gumaan din ang pakiramdam nito. Iyon ang gusto niyang mangyari. “L-Lorraine,” mahinang sambit ni Kirsten. Tiningnan ni Lorraine sa salamin ang kaibigan at tipid na ngumiti. Ang ginawa ni Kirsten, inabot ng kamay niya ang braso ng kaibigan at pinisil ito para gumaan man lang ang loob nito. “Yup?” tipid na sambit ni Lorraine. “Papayag na ako,” pag-amin ni Kirsten. Napatakip sa bibig si Lorraine at hindi mapigilan na mangilid ang luha sa mga mata. Gusto nitong humagulgol sa sobrang saya pero hindi nito magawa. Ayaw nito na malaman ng mga make-up artists na nag-aayos sa kanila ang tungkol sa pinag-uusapan nila. Basta ang sigurado ito, labis ang saya na nadarama nito sa puso. Bumuntonghininga si Kirsten. “Alam na ito ni Ice—I mean sir Ice.” Napairap si Lorraine. “Ang sama talaga ng ugali. Hindi man lang sinabi sa akin. Hinayaan pa akong mamaga ang aking mga mata sa kaiiyak.” “Anong maasahan mo roon? The arrogant and selfish brat in the entire world,” ani Kirsten. “Tin, utang ko ang buhay ko sa iyo. Thank you very much. Promise, babawi ako,” sabi ni Lorraine. Makikita na ang tunay na saya sa mukha nito. Hindi na sumagot si Kirsten at nagpokus na lang. Habang nagpatuloy ang make-up artist sa ginagawa sa kaniya, napaisip siya kung ano na ang mga posibleng mangyayari sa kaniya. Nakikita na niya sa isipan niya na huhusgahan siya. May mga iilan na magagalit at hindi makapaniwala sa ginawa niya. Maiintindihan naman niya iyon sapagkat alam niya na mali talaga ang gagawin niya. Pero para sa buhay ng kaibigan niya noon na biglang nagbago ang ugali ay gagawin niya ito. Labag man ito sa kaniya, pero hindi rin kaya ng konsensiya niya na mawala ito sa mundo at isa pa siya sa maging dahilan. Napatigil sa pag-iisip si Kirsten nang bumukas ang pinto. Iniluwa roon ang ama ng matalik na kaibigan. Hindi na lang niya ito pinansin sapagkat iba ang nararamdaman niya rito. Simula bata pa lang siya ay nakita niya na ang ugali nito. Hindi siya manhid at alam niyang ayaw nito sa kaniya para maging kaibigan ng anak nito. Pero wala itong magagawa sapagkat ang anak nito ang kusang lumalapit sa kaniya. Lalo na ngayon na nasa tamang pag-iisip na ito. Hindi na nito kontrolado ang anak maliban na lang sa gusto nitong ipakasal ito sa taong hindi nito gusto. Napasunod nito iyon dahil sa pagbabanta na tatanggalan ng mana. Para sa kaniya, matapobre ang ama ng kaibigan niya. Malaki ang pasalamat na mabuti na lang ay iba ang ugali ng kaibigan niya na alam niyang sa ina nito nakuha. “Dad, you’re here,” sambit ni Lorraine. “Of course. I just want to see my princess. Ang ganda mo, ’Nak. Excited ka na ba maging mrs. Miranda?” sabi ni Zeddrick, ang ama ni Lorraine. “Hindi, dad. You know, hindi ko ito gusto. . . sa inyo lang,” matapang na sagot ni Lorraine. Napatingin si Kirsten sa salamin. Nakita niya ang pagbago ng itsura ng ama ng kaibigan. Sa tingin niya, kung walang tao sa loob ay sisigawan nito ang anak nito at magwawala sa labis na inis. Bumuntonghininga si Zeddrick. “Tumatanda ka na. Stop being bratinella, Lorraine. Kahit itong pagpapakasal lang kay Ice ang ambag mo sa amin. We are okay with that.” Napanganga si Kirsten. Hindi siya makapaniwala na makapagsabi ang isang ama ng ganoon sa sariling anak. Nang makita niya ang paglungkot ng mga mata ng kaibigan niya, parang may sumaksak sa puso niya. Nilingon ni Kirsten si Zeddrick. “Excuse me, sir. With all due respect, hindi naman po tama ang sinabi mo sa anak ninyo. Paano mo nasabi iyon? Hindi obligasyon ng anak ang magulang. Obligasyon ng magulang ang anak.” “Wala kang alam sa pagiging magulang, hijah. At isa pa, wala ka rin mga magulang na nagpalaki sa iyo. Wala ka ring ama na gumabay sa iyo. Kaya alam ko na hindi mo alam ang tinatawag na father’s love. Iyon ang ginagawa ko sa unica hijah ko,” seryosong sabi ni Zeddrick. “Dad! Please... go!” inis na sabi ni Lorraine. Nilingon nito si Kirsten. “Sorry, Tin.” “’Wag ka nga masyadong mabait diyan, Lorraine. Hindi mo alam kung saan galing iyan nilandi ng ina niya,” inis na sabi ni Zeddrick. “D-Dad!” sigaw ni Lorraine. Nanlaki ang mga mata nito. “Oh, sorry,” natatawang sabi ng ama ni Lorraine. Hinalikan nito ang anak. “Bye, my princess.” Pag-alis ng ama ni Lorraine, hindi napigilan ni Kirsten na mapatulo ang luha sa kanyang mga mata. Wala namang problema kung laiitin siya nito. Pero kung isali pa ang ina niyang matagal ng namayapa, ibang usapan na iyon para sa kaniya. Kahit matapang siya na babae, may kahinaan din siya at iyon ang insultuhin ang ina niya na walang ibang ginawa kung hindi ang mahalin lang siya noong buhay pa ito. Napailing-iling si Lorraine habang tinitingnan ang kaibigan. Sa tingin nito, parang nilalait na rin nito ang kaibigan dahil dugo at laman ito ng ama nito. “Tin, I’m so sorry. Ang sama ko. Wala man lang akong nagawa para hindi ka bastusin ng daddy ko,” naluluhang sabi ni Lorraine. Hindi na sumagot si Kirsten at nagpatuloy na lang sa pag-iyak. Nagtingin naman sa isa’t isa ang dalawang make-up artists na kasalukuyang nag-aayos sa magkaibigan. Sa titig ng mga ito sa isa’t isa, napagdesisyunan ng mga ito na ihinto muna ang ginagawa. Ilang oras na ang lumipas, tapos ng ayusan sina Kirsten at Lorraine. Nauna ng lumabas si Kirsten at tila wala pa siya sa kaniyang sarili dahil sa nangyari. Nang pababa na siya sa hagdan, unang nakita ng mga mata niya ang bulto ng ama ng kaibigan. Yumuko lang siya. Ayaw niyang makita ang mukha nito. Hindi pa niya nakalimutan ang ginawa nito sa kaniya. Habang nagpatuloy sa paglalakad, naramdaman niyang tinitingnan lang siya nito. Nagsisisi tuloy siya kung bakit pumayag pa siya sa gusto ng kaibigan na magkasabay lang silang pupunta ng simbahan. Hindi niya gusto ang ideyang iyon, pero ayaw niyang magtampo ang kaibigan kaya pumayag na lang siya. Nang tuluyan na siyang nasa sala, napatingin siya sa malaking frame na kasama ni Lorraine ang buong pamilya nito. Kasama nito ang ina, ama, at ang panganay nitong mga kapatid—ang kambal na sina Rose Mario at Rose Leo. Kahit malungkot siya, napangiti siya. Masaya siya dahil may buong pamilya ang kaibigan niya at malungkot dahil wala siya niyon. Tumikhim si Zeddrick kaya napalingon si Kirsten dito. Iiwas na sana siya ng tingin ngunit nagsalita ito. “Wala ka niyan—buong pamilya. Naiingget ka siguro sa anak ko, tama ba?” panimula ni Zeddrick. “Siguro ganoon, sir. Normal lang po naman na mainggit. Pero ang sigurado ako, inggit na walang galit. Inggit lang sa pamilya niya na meron siya maliban na lang na ikaw ang ama niya. Sa labas na po ako maghihintay. Pakisabi na lang sa prinsisa ninyo po,” seryosong sabi ni Kirsten. Nagkasalubong ang mga kilay ni Zeddrick. “Mukhang mas naalagaan ni Marissa nang mabuti sina Ice at Snow kaysa sa iyo.” “Sa tingin ko po, oo na lang po, para kahit paano po gumaan ang pakiramdam mo. Ayaw ko po makipagsagutan sa iyo dahil ama ka ng kaibigan ko. Kahit ganyan ang ugali mo simula noong bata pa ako, I still respect you po. Mauna na ako, Tito.” Tumalikod na si Kirsten at nagsimula ng maglakad palabas. Kahit paano ay gumaan na ang pakiramdam niya sa ginawa niya. Hindi pa man siya tuluyang nakalabas ng mansion ay makakasalubong niya si Rose Leo, isa sa panganay na kapatid ni Lorraine. Nang nakita siya nito, agad siyang inakbayan at sumama sa kaniya pabalik sa labas. “Lil’ sister,” sabi ni Rose Leo. Bumuntonghininga si Kirsten. “Sabi ng ’wag mo akong tawagin nang ganyan. Mas lalo lang magagalit sa akin si Tito.” “Pakialam ko sa hambog na iyon? Mana iyon sa paborito niyang si Ice.” Napatawa si Kirsten. “Ang sama mo. Dinamay mo pa si sir Ice. Saan ka na? I guess, papasok ka ng bahay ninyo. Bakit sinamahan mo ako rito?” “Trip ko lang. Anyways, you look extra beautiful today,” pagpuri ni Rose Leo. Tinitigan nito ang kanyang mukha. “Wala akong pera. ’Wag mo akong bolahin.” “Bola ka riyan! Totoo naman, e. Anyways, kanina ka pa hinahanap ni Mario.” “S-Saan na siya?” nakangiting tanong ni Kirsten. “Nasa simbahan na. Tagal mo raw kasi.” “Ang sama talaga. Pero bakit ka pa nandito?” “Gusto niya sa akin ka sasakay para raw maging kumportable ka. Ayaw niyang makisakay ka roon sa sasakyan nina Dad at Lorraine.” Napangiti si Kirsten. “Ang sweet talaga ni Mario.” “Sagutin mo iyon kapag nanligaw sa iyo, ha?” Napangiwi ang mukha ni Kirsten. “Hindi ka ba nandidiri, ha? Both of you treated me as a little sister tapos you teasing me sa kaniya? Wala namang ganyanan. Kapatid lang ang turing ko sa kaniya at ganoon din siya sa akin.” Nagkibit-balikat si Rose Leo. “Sorry. Baka lang naman may chance. You know, when fate plays. . . kinda magical.” Napatigil sa pag-uusap ang dalawa nang mapansin na papalabas na sina Lorraine at Zeddrick. Tinapik muna ni Rose Leo ang kaibigan at sinalubong si Lorraine. Umupo muna si Kirsten habang tiningnan na inalalayan ng kaibigan ang kapatid nito. Napataas naman ang kilay niya nang wala man lang ginawa ang ama nito. Kahit man lang pagbitbit ng mahabang gown ay inaasa pa sa ibang tao. Madalas sa mansion ng Miranda sina Lorraine at Zeddrick kaya halos kilala na ni Kirsten ang ugali nito. Tama ang sinabi ng sariling anak nito. Arogante ang ginoo. Hindi niya rin ito masisisi sapagkat lumaking may gintong kutsara sa mesa. Ang ikinagagalak niya, wala sa mga anak nito ang katulad ng ugali nito. Minuto ang lumipas, bumalik na si Rose Leo sa kinauupuan ni Kirsten. Inabot naman nito ang kamay nito sa kanya at masaya niyang tinanggap iyon. Tumayo na siya sa tulong nito. “Nagpaalam na ako kay Lorraine. Alam na niyang sa akin ka sasakay. Let’s go?” sabi ni Rose Leo. “Okay.” Ilang oras ang lumipas, nasa simbahan na ang lahat at nagsimula na ang kasal. Tahimik lang na nakaupo si Kirsten sa kaniyang upuan. Labis na ang kaba niya. Ang bilis ng t***k ng puso niya. Ipinikit niya ang mga mata niya. Natatakot siya sa posibleng mangyari pero wala na siyang takas sa naging desisyon niya. Para masalba ang buhay ni Ice, gagawin niya ito. Humugot siya nang malalim na hininga. Naramdaman na rin niya ang panginginig ng buong katawan niya. Iminulat niya ang mga mata niya at nagpaling-linga sa buong paligid. Mas nasaktan siya nang makita ang saya sa mukha ng ina, ama, at lola ni Ice na ikinasal ito. Walang kaalam-alam ang mga ito sa kabaliwan nito. Muling bumuntonghininga si Kirsten at tinitigan ang rebulto ng Panginoong Diyos. Kinagat niya ang ibabang parte ng labi para pigilan ang luha sa mga mata niya na nagbabadiyang tumulo. “Lord, patawarin mo ako sa gagawin ko. Ngayon pa lang, patawarin mo na ako,” sabi ni Kirsten. Nang marinig ni Kirsten na kailangan ng magpalitan ng pangako sa isa’t isa sina Ice at Lorraine ay mas bumilis ang t***k ng puso niya. Iminulat niya ang mga mata niya at doon niya napansin na nakatingin na sa kaniya ang dalawang pinangakuan niya. Nakita niya sa mga mata ng dalawa ang pagpapaalala sa gagawin niya. Una ng nagsalita ng pangako si Ice. Sa pananalita nito, walang kagana-gana. Nagbabasa lang ito ng hawak na script nito. Nang natapos ito, agad ng nagsalita si Lorraine at ibinigay na rin nito ang kunwaring matamis na pangako para kay Ice. Sa bawat bigkas nito ng mga salita, labis ang paghagulgol nito. Napaiyak na rin ang mga tao sa loob ng simbahan. Ang akala ng mga ito, naiyak na sa labis na saya ito. Hindi alam ng mga ito na umiyak ito sa kaba na baka walang gagawin si Kirsten para mahinto ang kasal ng mga ito. “L-Lord, p-paano ko ba ito sisimulan?” tanong ni Kirsten sa isipan. Nang natapos ng magsalita si Lorraine ay mas bumilis pa ng triple ang t***k ng puso ni Kirsten. Mamatay na siya sa sobranh kaba. Nang marinig na niyang tumikhim ang pari para tapusin ang kasal, pinanghihinaan na siya ng loob. Sa tingin niya, hindi na niya magagawa ang pinangako sa kaibigan. “Go now in peace and live in love, sharing the most precious gifts you have—the gift of your lives united. And may your days be long on this earth. I now pronounce you—” Hindi natapos ng pari ang sasabihin. Tumayo si Kirsten... “S-Sandali!” ~~~
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD