"Siya na ba ang anak natin?" Mahina ngunit may diing tanong ni Pablo sa'kin. Pakiramdam ko pinagpapawisan ako nang malagkit at butil-butil ng mga sandaling iyon.
"Umalis ka na, Pablo, baka may makakita sa'tin!" mahinang bulyaw ko sa kanya habang pilit na umiiwas sa mga titig niya. Sinubukan kong lagpasan na siya pero bigla niya na lamg hinaklit ang braso ko at pasandal akong ikinulong sa pader gamit ang dalawa niyang braso.
Napalunok ako at natatakot na iginala ang paningin sa paligid.
"C-Cate," paos na tawag ni Pablo sa pangalan ko. Naramdaman ko na lang ang mga kamay niya sa ilalim ng baba ko, itinaas niya ang mukha ko at tinitigan ako nang matiim sa mga mata.
"Titigan mo ako, Cate, pakiusap…" nasa himig nya ang pagsusumamo.
Hindi, ayoko… Bulong ng isip ko. Ramdam ng puso ko na hindi ko na magagawang iwasan pa ang mga titig niya oras na maglapat ang mga mata namin, at ganun nga ang nangyari, tila may dalang hipnotismo ang mga mata ni Pablo na nagdadala ng kapayapaan sa damdamin ko.
"Hindi mo kailangang matakot, andito na 'ko at hindi ko na kayo iiwan ulit."
Napalunok ako, hindi ko na napigilan ang pamumuo ng luha sa mga mata ko, sumisikip ang dibdib ko sa mga alalahaning hanggang ngayon ay patuloy akong ginugulo.
Napakarami kong gustong sabihin sa kanya, gusto ko siyang saktan pero gaya kanina sa garden, hindi ko iyon nagawang gawin, pinigilan ko ang sarili dahil sa takot na nangingibabaw sa puso ko…
Naramdaman ko na lang ang paglandas ng mainit na likido sa magkabila kong pisngi habang nakatitig kay Pablo. Ito lang ang tanging paraan para kahit papa'no ay maibsan ang bigat ng damdamin ko. Kusa akong napapikit ng maramdaman ko ang paglapat ng labi ni Pablo sa labi ko. Banayad iyon at puno ng damdamin–
"Cate?" napapitlag ako ng marinig ang boses ni Giovanni. Ng magmulat ako ay wala na si Pablo sa harapan ko. Agad kong pinunasan ang luha sa mga mata ko at pilit na umaktong normal kahit pa walang pagsidlan ang kaba sa dibdib ko dahil sa samu't-saring emosyon.
"Y-yes love?" sinabayan ko pa iyon ng kiming ngiti kahit medyo madilim naman sa kinaroroonan ko.
"What are you doing out there? Your ten minutes is over," aniya habang lumalapit sakin, napansin ko ang paggala ng mga mata niya sa paligid. Napabuga ako ng hangin dahil sa takot. Maging ako ay lihim na napagala ang paningin sa paligid saka mabilis nang lumapit sa kanya.
"Uhm, pabalik na sana ako sa kwarto natin k-kaya lang medyo nahilo kasi ako k-kaya sumandal muna ako diyan," paliwanag ko.
"Ganun ba," aniya pero alam kong hindi siya satisfied sa sinabi ko. Dumungaw pa siya sa barandilya ng kinaroroonan namin at iginala ang paningin sa unang palapag.
Ng tila wala naman siyang makita ay hinapit niya na ang beywang ko at iginiya ako papasok sa loob ng kwarto..
"Let's go," aniya.
Tahimik akong sumunod sa kanya. Lihim kong nakagat ang pang-ibabang labi, muling binalikan ang halik na muling ipinatikim ni Pablo sa'kin. May kung anong binuhay iyon sa dibdib ko. Bagay na kay tagal ko ng pilit na kinakalimutan…
KINABUKASAN ay maaga akong ginising ni Giovanni. Nakaligo na siya ng magmulat ako ng mga mata.
"Take a shower quickly, may maagang meeting ako at sasama ka sa'kin."
Hindi na ako kumibo at dumeretso na sa banyo para asikasuhin ang sarili ko. Sanay na akong parang robot na susunod sa kanya tuwing kailan niya gustuhin. Mabilis akong naligo at nag-ayos. Isinuot ko na rin ang nakahanda kong damit na si Giovanni mismo ang pumili para sa'kin. Nag-apply na din ako ng light na make-up sa mukha ko at ipinusod ang buhok ko paitaas saka lumabas ng silid namin. Hindi gaya dati na heavy make-up at pinaglalaanan ko ng oras ang buhok ko, ngayon ay simple lang ang naging ayos ko. Alam ko namang mai-stock lang ako sa loob ng sasakyan buong oras na may meeting siya.
Pagbaba ko ay sumalubong sa akin ang nagtatakang mukha ni Giovanni. "What's with that look Caterina?" inis na tanong niya habang sinusuri ng tingin ang mukha ko.
"H-huh? B-bakit, may problema ba sa ayos ko?"
Saka naman biglang pumasok si Pablo, pormal ang suot nitong uniform ng mga kadalasan ay nagiging driver ni Giovanni. Kinabahan ako, siya ba ang bagong driver namin?!
"You looked boring today, Caterina. Ayaw mo bang sumama?" mariing tanong niya.
Agad akong umiling. Hindi ko rin alam kung ngingiti ba ako dahil sa kabang nararamdamam ko. "Uhm, p-pwede ko namang dagdagan ang make-up ko, s-sabi mo kasi nag… nagmamadali ka?" mahinang paliwanag ko.
"You know you have all the time para sa pagpapaganda, Caterina. I can wait basta hindi ka sasama sa'kin nang ganyan ang hitsura mo."
Nakatitig lang si Pablo sa akin, kitang-kita ko ang kasiyahan sa mga mata niya at kinakatakot ko na baka mahuli siya ni Giovanni na nakatitig ng ganoon sa'kin kaya nagpaalam na 'ko kaagad kay Giovanni.
"S-sige, aakyat muna ako," saka ako mabilis na tumalikod.
Nanghihina akong napaupo sa harap ng tokador. Hindi maaaring maging driver ni Giovanni si Pablo! Paano na lang kung makita nito lahat ng kababuyan ni Giovanni kahit nasa loob sila ng sasakyan?!
Naihilamos ko ang dalawang palad sa mukha ko. Paano ba kasing napasok si Pablo dito? Masyadong mahigpit si Giovanni sa pagpili ng magiging body guards at driver niya, ang alam ko ay maraming pinagbabasehan si Giovanni kaya paano at bakit si Pablo pa?
Parang gusto ko na lang tuloy magpanggap na may sakit ako para hindi makasama. Pero nandito na 'to, nakaayos na ko. Siguro ay gagawa na lang ako ng paraan para makaiwas sa mga kamunduhan ni Giovanni habang nasa loob ng sasakyan.
Pagbaba ko ulit ay naabutan kong nagtatawanan sina Pablo at Giovanni. Palihim kong sinulyapan si Pablo na noo'y hindi man lang ako tinapunan ng tingin, siguro dahil nasa kanya ang atensiyon ni Giovanni ng mga sandaling iyon.
Ng lumingon si Giovanni sakin ay ngumiti na siya. "That's my girl, look at you, you're stunning, am I right Don?" Anito saka bumaling kay Pablo.
Don? Bakit Don ang tawag sa kanya ni Giovanni? Nagpalit na ba siya ng identity? Paano? Bakit?
Gayunpaman, mas ikinagulat ko na hiningi ni Giovanni ang opinyon ng isang lalaki patungkol sa hitsura ko sa kauna-unahang pagkakataon! Anong nangyayari?
Pormal naman akong sinuri ni Pablo, wala kong nabakas na kahit anong emosyon sa mga mata niya ng sandaling iyon, ngumiti siya kay Giovanni at kiming ngumiti.
"Napakaganda ho ng asawa ninyo, Sir." Simpleng tugon nito. "Tama lang na pangalagaan niyo siya nang husto lalo pa ngayon na nasa paligid na lang ang mga magnanakaw," dagdag niya pa sa makahulugang tinig…