KABANATA 3

1205 Words
10 years before.... "A-aray, Pablo, m-manganganak na yata ako. Sobrang sakit na ng tiyan ko." Napabalikwas ako ng marinig ang mahinang daing ni Cate. Agad akong tumayo at sinindihan ang ilaw. "Sigurado ka ba? T-teka, ba't basa?" Nagtatakang tanong ko ng makita ang higaan sa bandang hita niya na basang-basa. "H-ha? Oo nga, hindi ko rin alam." "Naihi ka na yata," saad ko. Pero umiling siya. "Hindi naman ako naiihi, aaahh- aray!" Muli siyang napahawak sa tiyan niya at balakang. Sa pagkakataong 'yun ay pinilit niyang bumangon kaya inalalayan ko siya, pero lumuhod lang siya saka ibinaba ang ulo sa higaan… "Sobrang sakit na, Pablo," Madiing wika niya na parang may pinipigil na dumi… Doon pa lang ako nataranta. "Halika na, dadalhin na kita sa hospital!" Sabi ko saka siya tinangkang kakargahin pero tinabig niya ang kamay ko. "Ano ka ba! ba't mo 'ko kakargahin?!" "E, kaya mo pa ba maglakad?" "Oo! Kunin mo na lang yung bag na lalagyan ng gamit ni baby!" Sigaw niya sa'kin. Kaagad naman akong sumunod. Kinuha ko ang maliit na bag na kahit papa'no ay may lamang mga gamit ng baby. "Tumawag ka na ng sasakyan, ano ka ba?!" Kulang na lang ay manginig na ang katawan ko sa pagkataranta, kinakabahan ako sa sakit na nakikita ko sa mukha ni Cate. Butil-butil din kasi ang pawis sa mukha niya. Madaling araw na kaya wala ng sasakyan sa kalsada. Mabilis kong tinungo ang bahay ni Joseph at lakas-loob na kumatok. Nakailang tawag pa ako bago lumabas si Joseph na pupungas-pungas pa. "O, Pablo, madaling-araw na ah?" "Pasensiya ka na, Pare. Manganganak na kasi si Cate, wala ng sasakyan. Pwede ko bang mahiram ang motor mo? Dadalhin ko lang siya sa hospital." "Ah, yun ba. O-oo, sige sige… Teka, kukunin ko ang susi." Kahit papa'no ay nakahinga ako nang maluwag. Sinilip ko pa mula sa kinaroroonan ang munting bahay namin ni Cate, hindi pa rin nawawala ang magkakahalong takot, kaba, at excitement na nararamdaman ko. "Eto, ingatan mo na lang ang motor ko, Pablo," bilin ni Joseph ng muli siyang lumabas mula sa pintuan ng bahay nila. Tumango ako at ngumiti nang nakakahiya sa kanya. Ang plano ko ay lubus-lubusin na ang pang-aabala ko sa kanya. "Ahh, b-baka may pera ka diyan, Pare? Kahit isang libo, wala kasi ako dito kahit magkano, e. Panggagastos ko lang." "Nako, Pare, pasensiya ka na ah. Wala rin ako ngayon," tugon niya. Tumango naman ako at muling ngumiti. "Ganun ba, pasensiya ka na rin. Sige, mauna na muna ako. Isoli ko din bukas nang maaga 'tong motor mo." Tumango lang din siya bilang tugon. Ako naman ay dali-daling binalikan si Cate, inabutan ko siyang naka-iskwat na sa paanan ng papag namin at nakayukyok sa higaan. Basa ang suot niyang pajama at umiiyak na siya… Inalalayan ko siyang makatayo hanggang sa makasakay sa motor. Minsan ay pinipisil niya ang kamay ko kaya humihinto kami sa paglalakad, kita ko na nasasaktan siya. Wala akong magawa, kung pwede lang na hatian ko siya sa sakit na nararamdaman niya ay gagawin ko. Ilang minuto pa ay nasa hospital na kami. Si Cate lang ang pinapasok sa delivery room, ako ay naiwang balisa sa labas. Pero ilang sandali pa ay may isang doktor ang lumabas at tinawag ako… "Ikaw ba ang asawa ng bagong dating na manganganak?" Tanong niya sa'kin. "Oho, ako nga." tumatangong tugon ko. "Kailangang i-cesarean ang asawa mo, Mister. Maliit ang sipit-sipitan niya kaya nahihirapan siyang ilabas ang bata. Idagdag pa na natuyuan na siya ng tubig kaya nagda-dry labor na siya ngayon," Paliwanag ng doktor sa'kin. Sa totoo lang ay wala akong naintindihan sa mga sinabi nito. Napakunot ang noo ko bagama't ramdam kong hindi maganda ang nais nitong ipahiwatig. "Ano ho yung ce-cesarean?" "Kailangang maoperahan siya. Hihiwain namin ang tiyan niya para makuha ang anak niyo." Nanlaki ang mga mata ko sa narinig. Doon ko lang lubusang naintindihan ang mga sinasabi niya. "Ano? T-teka, 'di ba, mahal yun?" kinakabahang tanong ko. "Magdesisyon na po kayo, Mister. Bawat segundong lumilipas ay nalalagay sa alanganin ang buhay ng inyong mag-ina," Ramdam ko sa tinig ng doktor ang pagmamadali at pagkairita. Lalo lang dumagundong sa kaba ang dibdib ko. Makailang beses akong napalunok. Mahalaga pa ba ngayon ang pera? Magagawan ko yun ng paraan… "K-kung saan po magiging ligtas si Cate at ang anak namin, yun ang gawin niyo." Desididong tugon ko… Tumango naman ang doktor saka ito naglakad. "Sumunod ka sa'kin, may papipirmahan ako sa'yo," anito… Habang pumipirma sa papel na wala naman akong maintindihan kahit isa ay lumilipad ang isip ko. Hindi ako mahusay magbasa gayundin sa pagsusulat kaya pinirmahan ko na lang ang bawat ituturo nila sa'king dapat pirmahan. "Pakihanda na lang ng paunang bayad, Mister. Ooperahan na namin ang misis mo pero kailangan ngayong araw na 'to ay maibigay mo ang kalahati sa kabuoang bayad." "M-magkano ho ba?" "Kung may health insurance kayo, kailangan namin ng atleast $1,200. Kung hindi naman ay kailangan mong magprovide ng 9000 bucks." "S-sige, gagawa ako ng paraan," wika ko kahit ang totoo ay hindi ko alam kung saan hahagilapin ang 1,200$ na sinasabi nila. Inasikaso na ni Cate ang health insurance niya noon habang nagtatrabaho pa siya kaya malaking tipid sa amin. Pero ngayon ay nataon na said na said kami sa pera. Ng araw na iyon ay sinuyod ko lahat ng kaibigan at kakilala ko para mangutang. Pero nahirapan akong bunuin ang paunang bayad na hinihingi ng hospital. Magtatanghali na pero $500 pa lang ang hawak ko. Lulugo-lugo akong naglakad sa kahabaan ng high-way ng mapadaan ako sa isang kilalang convinient store. Luminga ako sa paligid, walang katao-tao dahil tanghaling tapat na. Sinilip ko ang loob ng convinient store, isang crew lang ang nandoon at isang matandang lalaki na namimili… Sanay naman akong gawin 'to, ang totoo ay nabuhay ako sa ganitong klase ng hanap-buhay simula maliit pa lang… Nagbago na lang ako ng makilala ko si Cate. Dahil sa kanya ay natutunan kong lumaban ng patas… Pero sinusubok talaga kami. Ito na lang ang paraan para mabuo ko ang kailangang pera at makita na ang mag-ina ko… Hinubad ko ang suot na damit at itinabing iyon sa buong mukha ko. Tanging mata ko lang ang nakalabas. Inilabas ko mula sa bulsa ang revolver na lagi kong dala-dala saka mabilis na pumasok sa loob ng convenience store. Agad kong itinutok ang baril sa crew na nasa counter at pinalabas ang laman ng kaha niya. Dala ng takot ay sumunod naman siya kaagad… Pero hindi ko inaasahan na may dala din palang baril yung matandang lalaki na namimili kanina. Itinutok niya iyon sa akin at saka niya ipinakita ang kapa niya. Police! Isang police ang may idad ng lalaki! "Ibaba mo ang baril mo!" Malakas na sigaw niya sa'kin saka kinuha ang hawak kong revolver. Ilang saglit pa ay bigla na lang parang may kung anong humampas sa batok ko at kumirot ang ulo ko. Kasunod noon ay nagdilim na ang paligid ko… Nagkamalay ako ng may posas sa magkabilang braso. Marahas akong binubuhat ng dalawang officer patungo sa mobile. Hilong-hilo pa rin ako at nanghihina, gustuhin ko mang manlaban at kumawala ay wala akong magawa… Paano na ang mag-ina ko?! "Cate, anak ko…" bulong ko sa hangin…
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD