LUMABAS ako sa office room at nakita ko si Sir Carl na nasa table niya. Lumapit ako sa kanya. “T-tapos na po akong maglinis sa loob.” Agad na sabi ko sa kanya. Napalingon siya sa akin at tumango.
“Pwede ka na umalis.” sabi niya kaya yumuko ulit ako.
Binalikan ko ang cleaning cart at binalik ang walis tambo, dustpan and feather dust. Tinulak ko na ulit ang aking cleaning cart paalis sa harap ng office room ni Sir Leif.
Mabuti na lamang ay pagkatapat ko sa elevator ay bumukas ito pumasok agad ako. Halos habol ko ang aking hininga nang makasakay ako sa elevator. Tapos na akong maglinis pero naalala kong need ko ulit umakyat mamaya after ng lunch break para magwalis na lamang. First time kong tumagal sa paglilinis ng almost two hours and kalahati sa iisang floor lamang. Grabe ang kabang naabot ko.
Bumalik ako sa utility room namin. Binalik ko sa pagka-park ang aking cleaning cart. Gumawi ako sa banyo namin at naghugas, kakain na rin kami maya-maya lamang. Alas-sais ako nag-start maglinis pero inabot mag-a-alas-diyes na.
“Kathleen, ayos ka lang ba? Baʼt ang tagal yata ng paglilinis mo ngayon?” Nag-aalalang tanong sa akin ni ate Lovely.
“May sinabi bang masama sayo si Sir Leif?” Sunod na tanong ni ate Leslie sa akin.
Umiling ako sa kanila. “Wala po. Tinignan ko po talaga ang sulok-sulukan sa 8th floor po. Para po wala silang masabi sa paglilinis ko and pinalinis din po ako sa loob ng office room ni Sir Leif.” sabi ko sa kanila at umupo rito sa silyang plastic na may sandalan dito sa mini pantry namin.
Kakain na kasi kami dahil mamayang ala-una ay balik na naman kami sa paglilinis ng floor then alas-tres ng hapon ay off duty na kami.
“Pinaglinis ka sa room ni Sir Leif, Kath?”
Napalingon ako sa likod at nakita ko si Kuya Victor. “Opo, nagulat nga po ako nang tawagin ako ni Sir Carl. Pinapalinis daw po ang loob.” sabi ko sa kanya.
“First time yatang magpalinis ni Sir Leif ng office room niya? Ginawa mo ba ang work mo nang mabuti, Kath?” Bakas sa boses ni Kuya Victor ang pag-aalala.
Tumango ako sa kanya. Binigyan ako ng kanin ni ate Lovely. Konti lang kasi ang nakuha kong kanin dahil pinaghati-hatiin namin ang bahaw na kanin namin kagabi.
“Opo, sinunod ko po ang sinabi ni Sir Carl sa akin, kung ano lang po ang lilinisan ko. Kulang nga lang po ay gumamit na ako nang magnifying glass para makita talaga kung wala ng dumi.” Natatawa kong sabi sa kanila.
“Tiisin mo na lang, konting araw na lang naman ay magbabago na ang assignment floor natin.” Tapik sa akin ni Kuya Victor kaya tumango ako sa kanya.
Ano pa nga ba, ʼdi ba?
Pasadong ala-una ay bumalik ulit kami sa mga floor namin, ang ginawa ko na lamang ay ang mag-walis. Iyon lang kasi ang gagawin namin kapag ganitong oras. Titignan ulit kung may mga dumi. Kaya saglit lamang ito at maging sa 8th floor, mabuti na lamang ay hindi na ako pinapasok sa office ni Sir Leif. Kaya nakahinga ako nang maluwag.
Natapos na ang duty ko sa G. Smith Company. May oras pa naman ako para lakarin na lamang papunta sa Karinderya ni Aling Florida, doon kasi ang next na trabaho ko bilang cashier nila. Wala pang alas-singko ay nakarating na ako. Nagpalit na muna ako ng damit, hindi kasi ako nakapagpalit ng uniform sa company dahil sa kagustuhan kong umalis na agad doon. Sinuot ko na rin ang aking apron at lumabas na.
“Ang aga mo ngayong araw, Kath!” Bungad na sabi sa akin ni Aling Florida.
Napakamot ako sa aking buhok. “Maaga lang po nakapag-out.” sabi ko sa kanya at lumapit sa kaha.
“May mga coins na iyan, Kath. Pakitala na lamang ulit sa notebook kung magkano ang kada nabibiling ulam.” Tumango ako sa kanya. Iyon naman kasi ang ginagawa ko.
“Okay po, Aling Florida!” Masayang sabi ko sa kanya.
Kalalagay lamang ng isang ulam sa istante ay may bumili na agad. “Neng, wala pa kayong dinuguan?” tanong niya sa akin. Tinignan ko ang menu ngayon.
“Baka po niluluto pa, ate. Iyong ginisang ampalaya pa lamang po ang luto.” sagot ko sa kanya.
“Ganoʼn ba? Balik na lang ako mamaya.” saad niya kaya tumango ako sa kanya.
Unti-unti nang lumalabas ang mga pagkain namin ngayong gabi. Natatawa talaga ako kasi nang makaalis si ateng nagtanong kanina ay nilabas ni ate Ging ang dinuguan, gusto ko ngang sigawan siya na mayro'n na pero medyo malayo na ang nilakad niya. Kaya hindi ko na lamang tinawag.
Naging mabilis ang oras ang pagtitinda namin, ang sampung putahe na niluto ngayong araw ay naubos agad na wala pang alas-otso ng gabi, maging ang mga pritong isda and fried chicken ay naubos.
“Aling Florida, na-kwenta ko na po lahat ng pera ngayong gabi. Tama rin po ang aking tally. Mauuna na po ako. Maraming salamat po rito sa sinigang na baboy!” sabi ko sa kanya at binigay ang kaha sa kanya.
“Salamat, Kathleen! Mag-ingat sa pag-uwi!” sabi niya sa akin at nagpaalam na ako sa kanya.
Bitbit ko ang supot ng sinigang na baboy na binigay niya sa amin. Actually, everyday naman ay may pagkain kaming natatanggap sa kanya kaya swerte kaming mga nagtatrabaho kay Aling Florida. Sumakay na ako ng traysikel para mapadali ang uwi ko sa bahay, kailangan ko na rin magpahinga.
Kinakabahan na naman ako. Pagkagising ko pa lamang ay halos nananalangin akong absent o may meeting ulit si Sir Leif sa ibang lugar habang ako pa rin ang nakatoka sa 8th floor.
Halos hindi nga ako makakain kanina pagkauwi at lalong hindi ako makatulog. Kapag nakikita ko ang mukha ni Sir Leif kanina ay nagigising ako at halos mamawis ang aking noo nang dahil doon. Kaya wala pang four in the morning ay gising na ako. Nag-saing na ako at nagluto ng itlog at meatloaf para sa umagahan namin at baon ko mamaya.
“Oh, ate, ang aga mo yatang nagising?”
Napalingon ako kay Francis nang makita ko siyang kalalabas lamang sa k'warto niya. Nagkukusot pa nga ng kanyang mata.
Napabuga ako nang malakas. “Hindi na kasi ako makatulog. Kaya nagsaing na lamang ako. Si Katrina ba gising na? May pasok pa kayo mamaya.” pagtatanong ko sa kanya at napahikab dahil inaantok pa talaga ako, pero kada pikit ko kasi ay nakikita ko si Sir Leif.
“Gigisingin ko po iyon mamaya, ate Kath. Masyadong tamad ang isang iyon at pasuray-suray ang kilos.” Walang emosyon na sabi ng kapatid ko sa akin.
Napatango na lamang ako at tinitigan ang takure namin. Kinuha kasi ni Francis ang pagpi-prito sa itlog kaya hinayaan ko na lamang siya.
“Ate, ayos lang po ba kayo?”
Nawala ang tingin ko sa takure at napalingon kay Francis na nagpi-prito. Katabi ko lang naman siya.
Tumango ako sa kanya. “Oo, ayos lang ako, Francis.” sabi ko sa kanya. “Kayo? Sa school niyo may babayaran ba kayo? Sabihin niyo lang kay ate, okay?” sabi ko sa kanya at umiling siya sa akin.
“Ate, balak kong mag-part-time job sa isang fast food chain kapag grumaduate na ako ng senior high school. Gusto kong tulungan ka sa mga gastusin dito. Hindi naman pwedeng always kaming nakadepende sayo. Alam kong gusto mo rin mag-aral, ate, at maging isang ganap na guro balang araw.”
Nagulat ako sa sinabi ni Francis. Kaya napangiti ako sa kanya at ginulo ang kanyang buhok. “Kaya naman ni ate, Francis. Saka, nakakapag-ipon naman ako para sa gamot ni Mama at sa inyo, syempre para rin sa pangarap ko. Kaya don't worry, basta bigyan niyo lamang ako ng magandang grades ni Katrina ay okay na ako.” Nakangiting sabi ko sa kanya at sumipol na ang takure. “Maliligo na muna ako, Francis, tapusin mo na lang iyan muna, ha?” Dugtong na sabi ko sa kanya.
Kinuha ko ang towel ko sa mono block chair namin at binitbit ang bagong init na takure. Pumasok ako sa banyo namin at sinabit ang towel sa may pako. Hinati ko ang mainit na tubig sa dalawang timba, hindi naman kasi kasya sa akin ang isang timba lamang. Lumabas na muna ako at binalik sa kalan ang takure. Sinarado ko ang pinto at isang buhos ko pa lamang ay halos mangisay na ako kahit maligamgam na ang tubig na pinaliligo ko.
Binilisan ko ang aking pagligo, nag-shampoo at nagsabon na ako at saka ako nagbuhos ulit. Todo talaga ang nginig ng aking katawan at maging ang aking labi kaya tinapos ko na ang aking pagliligo.
Lumabas ako sa banyo na nakatapis ng towel, tumakbo ako papasok sa k'warto namin. Baʼt naman kasi hindi tinablan nang mainit na tubig ang tubig mula sa gripo, ha? Nagpainit-init pa ako parang wala naman nangyari.
Nagbihis na ako ng uniform namin. Pang-thursday uniform ang ginamit ko. Dalawang araw na lamang ay magpapalit na ng schedule sa pag-a-assign sa paglilinis ng floor. Kaya maaalis na rin tayo sa 8th floor na iyan, Kathleen, konting tiis pa sa mga titig ni Sir Leif. Titig na mapanuri.
Inayos ko nang mabuti ang aking uniform, tinignan ko ang sarili sa lumang aparador namin, may salamin ka iyon at nakita ko namang walang lukot ito. Pinatuyo ko ang aking buhok at tinali ito. Pinupusod ko talaga para walang sagabal sa mukha ko kapag naglilinis na ako.
Bago ako lumabas sa k'warto ay ginising ko muna ang kapatid kong senyorita. “Uy, Katrina, gumising ka na d'yan. Baka abutan kayo ni Francis ng traffic sa daan.” Gising ko sa kanya at tinapik ang kanyang hita para magising talaga siya. Tulog mantika kasi ang isang ito.
Narinig ko ang pag-ungot niya. “Gumising na d'yan, Katrina. Nag-alarm na lahat-lahat ang alarm clock pero hindi ka pa rin nagigising. Bangon na at may pasok pa kayo!” sabi ko sa kanya bago ako lumabas.
Nag-asikaso na rin ako at baka kasi ma-late ako, sayang naman ang perang makakaltas sa aking sweldo. Every cents counts para sa amin lalo naʼt need namin talaga ang pera para kay Mama at sa dalawa kong kapatid.
“Francis, mauuna na akong umalis. Iwan niyo na lang si Mama nang makakain, ha?” Sigaw ko sa kapatid kong lalaki.
“Opo, ate, ingat!” sigaw niya rin pabalik sa akin.
Kaya lumabas na ako sa bahay. Sana nga lang good mood si Sir Leif. Iyon lang naman ang pinapanalangin ko ngayong week hanggang doon pa rin ako naka-assign sa 8th floor.