Nakangiti ako habang naglalakad ako papuntang main door. Sakto lang ang dating ko sa takdang oras na sinabi ni Tito kaninang umaga dahil kaka-alas singko pa lang ng hapon. Naispatan ko na ang sasakyan ni Tito Arnulfo sa garahe kaya naman malamang nasa loob na sila ng bahay ni Anna at nagpapahinga sa kani-kanilang kwarto.
Nagmadali ako sa aking paghakbang. Excited na ako. Hindi na ako makapaghintay na makapasok ng bahay dahil sa hawak ko. May surpresa ako kay Tito Arnulfo at alam kong matutuwa siya nito.
Lumawak ang ngiti ko nang bumaba ang tingin ko sa hawak kong supot. Sinipat ko ang bitbit kong mga prutas na paborito ni Tito Arnulfo na binili ko pa sa may sidewalk na nadaanan namin ni Kuya Fernan.
Bihira ang makakita ka ng atis sa panahon ngayon kaya naman swerte na may naispatan ako. Alam kong sobrang matutuwa si Tito Arnulfo nito kapag nakita niya ang bitbit ko. He loves atis so much and I know he will eat it all.
Kaagad akong nakarating ng main door dahil sa aking pagmamadali. Tahimik ang buong paligid at tanging ang tunog ng takong ng sapatos ko ang maririnig sa paligid.
Marahan kong hinawakan ang seradura ng pintuan at napangiti ako nang makita ko sina Tito Arnulfo at Anna na halatang may importante na pinagdidiskusyunan sa may sala. Wala sana akong balak silang pansinin ngunit nakita na ako ni Anna at alanganin siyang napangiti sa akin. Ngumiti ako pabalik ngunit nakita kong hindi na siya nakatingin sa akin. Nakayuko na siya at nakikinig sa sermon ng kanyang ama.
Kumunot ang noo ko, wrong timing yata at mukhang sinesermunan na naman siya ni Tito Arnulfo. Ano na naman kaya ang nagawa niyang kasalanan this time. Pansin ko panay ang sermon sa kanya ni Tito Arnulfo. Pati tuloy ako na nananahimik ay nadadamay sa init ng ulo ng matanda.
Dati naman hindi siya tutok sa mga nangyayari sa akin sa school araw-araw. Bakit bigla siyang naging mapagmatiyag ngayon na tila may ginagawa na rin akong kalokohan behind his back.
Si Anna naman kasi! Hindi siya tumitigil sa pagiging pasaway niya.
Dumiretso na muna ako sa kusina para dalhin ang mga prutas. Mamaya ko na lang ito ibibigay kay Tito Arnulfo kapag hindi na mainit ang ulo niya. Mukhang matatagalan pa siya sa panenermon kay Anna kaya naman naisipan kong umakyat na muna pagkatapos kong madala ang mga prutas sa kusina.
"Nana Mameng, pakihugasan naman po ang mga ito at pakilagay na lang po sa ref para lumamig ng bahagya. Paki-serve na lang po mamaya sa hapunan para maging dessert ni Tito Arnulfo," masayang sabi ko sa matanda na siyang naabutan ko sa kusina. Naghahalo siya ng ulam sa kaldero at mukhang masarap na naman ang hapunan namin.
Ibubuka na sana ng matanda ang kanyang bibig para magsalita siya nang bigla kong marinig ang nagmamadaling yabag ng isang tao at pagkatapos ay dumagundong ang galit na pagtawag ni Tito Arnulfo sa pangalan ko.
"Ximena!" hiyaw niya na halos parang lumabas na ang mga litid niya sa kanyang leeg.
Shit! Bakit ang init ng ulo niya? Hindi ba pwedeng palipasin muna niya ang init ng ulo niya? Natatakot ako. Mukhang pati yata ako ay masesermunan ngayon. Tapos na siya kay Anna at mukhang ako naman ang kanyang haharapin. Lagot! Naalala ko iyong pag-uusap namin ni Levroz kanina sa school. Malalagot ako kung nakaabot na sa kaalaman niya ang pag-uusap namin kanina!
"P-po? Bak—--" haharapin ko sana si Tito Arnulfo ngunit nagulat ako sa palad niya na sumalubong sa aking mukha.
Pakkkkkkkkkkk!
Isang malakas na sampal ang sumalubong sa mukha ko pagharap ko pa lang kay Tito Arnulfo. Halos hindi ako makapagsalita sa gulat at naiyak na lang ako sa sakit na nadama ko sa aking panga.
"Walang hiya ka, Ximena!" nanggagalaiting sigaw ni Tito Arnulfo sa mukha ko. Sumalubong sa akin ang nanlilisik niyang mga mata dahilan para mas matakot ako sa kanya.
Napaatras ako sa takot dahil sa sigaw niya. Galit na galit siya at hindi ako sanay na makita siyang ganito sa akin. Nakakaiyak, gusto kong maglupasay ng iyak sa sahig.
"Suwail kang bata ka! Sinabi mo hindi ka nakikipaglapit sa lalaki? Bakit magkausap na naman kayo ng Levroz na 'yon?!" galit na tungayaw sa akin ni Tito Arnulfo habang nanggagalaiti siya sa matinding galit. Nakaduro pa sa akin ang daliri niya at hindi ko sukat akalain na makakatikim ako sa kanya ng isang malakas na sampal sa mukha.
Napahagulgol ako ng iyak. Si Anna na nasa likuran ni Tito Arnulfo ay malungkot na nakatingin sa akin. Awang-awa siya lalo na at sobrang lakas ng pagkakasampal ni Tito Arnulfo sa akin na halos muntik akong matumba kung hindi ko lang kaagad nabalanse ang aking katawan.
Si Nana Mameng naman ay hindi rin umiimik kahit gusto niya akong lapitan at aluin dahil alam kong ayaw din niyang makialam. Mayordoma lang siya sa bahay na ito at mahirap na ang masisante siya kapag nakialam siya sa galit ni Tito Arnulfo sa akin.
Ang sakit ng sampal ni Tito Arnulfo. Pakiramdam ko natulig ako sa lakas ng kanyang pagkakasampal sa pisngi ko. Tapos pakiramdam ko pa ay namaga agad ang mukha ko dahil tila kumapal ito.
Mamamaga sigurado 'to at baka hindi ako makapasok dahil dito. Ayaw kong kwestyunin ako ng mga kaklase ko lalo na at hindi ko naman alam kung ano ang idadahilan ko kapag nagkataon na napansin nila ang pasa ko sa aking mukha.
"K-kumopya lang po siya ng assignment sa akin sa English, Tito." Sa pagitan ng pag-iyak ay sabi ko. Dapat magsalita ako. Dapat ipagtanggol ko rin ang sarili ko kahit papaano. Alangan naman na umayon na lang ako sa sinabi niya na hindi naririnig ang side ko.
"H-Hindi naman po kami nagtagal sa pag-uusap dahil iniwan ko naman po siya kaagad. Naisip ko po ang bilin ninyo sa akin at hindi ko naman po naisip na makakarating sa inyo ito dahil tingin ko wala naman po akong ginagawang masama," patuloy ko. Umiyak ako nang umiyak pagkatapos ko itong masabi habang hawak ang pisngi kong nasampal niya.
Bakit ganoon? Bakit bigla siyang naging malupit sa akin. Kanina ko pa ito paulit-ulit na tinatanong sa aking sarili. Ano ba'ng nangyayari kay Tito Arnulfo at bakit siya naging ganito kalupit sa akin ng mabilis. Ilang araw pa lang ang nakakalipas ngunit kaagad na nagbago ang pakikitungo niya sa akin. Sumusunod ako sa lahat ng gusto niya. Iginagalang ko siya. Bakit nakuha niya akong saktan na hindi pinapakinggan ang side ko. Bawal na ba talaga akong makipag-usap kahit kanino? Wala naman kaming ginagawang masama. Bakit pakiramdam ko bawat galaw ko ngayon ay binabantayan niya?
Naalala ko tuloy iyong lalaking nakakatakot na parang miyembro ng isang mafia group. Binabantayan din niya ang bawat galaw ko. Hindi kaya, magkasabwat sila ng Tito Arnulfo ko? Siya kaya ang spy ng Tito ko?
Pero mukhang hindi. Mayaman iyong lalaki at mukhang hindi siya pwedeng utusan nino man. Hays! Naloloka na ako sa pag-iisip! Kung ano-ano ang pumapasok sa utak ko!
"Kahit na! Kapag sinabi kong hindi ka makikipag-usap sa kahit kaninong lalaki, hindi ka dapat makipag-usap! Nag-usap na tayo kaninang umaga, Ximena! Mukhang hindi yata tayo nagkakaintindihan?"
Nawala sa isip ko ang mga katanungan sa isip ko dahil sa sinabi ni Tito Arnulfo. Mahirap ang gusto niyang mangyari. Kahit anong iwas ko kung ang mga lalaki naman ang lumalapit sa akin ay anong magagawa ko? Lagi na lang ba akong iiwas kahit wala naman kaming ginagawang masama. Kahit nagtanong lang saglit? Hindi na pwede?
Ano ba'ng gustong palabasin ng Tito ko? Bakit hindi na lang niya ako i-enrol sa all girls school kung ganito ang gusto niyang mangyari sa akin.
Napakahigpit niya bigla, nagtataka na tuloy ako kung bakit.
"S-sumusunod po ako sa gusto ninyo, Tito. Pero paano po ako makakaiwas kung sila mismo ang lumalapit sa akin para kausapin ako. Kagaya po kanina, humiram lang po ng notebook si Levroz pero sinampal na ninyo ako ng hindi nagtatanong. Nag-conclude na po kayo kaagad sa balitang dumating sa inyo ng hindi ninyo ako tinatanong," napahagulgol na ako nang tuluyan dahil sobra ang hinanakit na narito sa aking dibdib. Masama ang loob ko dahil kaagad niya akong in-judge. Siya ang nagpalaki sa akin. Nakalimutan na yata niya na lahat ng sinasabi niya ay sinusunod ko. Ang sakit sa akin na pagbuhatan niya ako ng kamay. Naging mabuti ako, sa isang pagkakamali ko lang ay nasaktan niya ako.
Hindi nakahuma si Tito Arnulfo sa sinabi ko. Nakamata lang siya sa akin habang tinitingnan ang pagluha ko.
Awang-awa si Anna at Nana Mameng sa paghagulgol ko ng iyak. Gustong-gusto nila ako lapitan ngunit alam kong pumipigil lang sa kanila ang Tito ko na galit na nakatayo pa rin.
Ilang minuto rin siguro kami sa ganitong ayos bago ko narinig na muling nagsalita si Tito Arnulfo.
"P-pasensiya ka na, Ximena. I judged you easily. Pasensiya na kung pati kayo ni Anna ay nadadamay sa init ng ulo ko. Maraming problema sa kumpanya at hindi ko alam kung paano ko 'to sosolusyunan. Pasensiya na, hija. Hindi ko sinasadya na sigawan at saktan ka. Mainit lang ang ulo ko at ikaw ang napagbuntunan ko ng lahat," hinging paumanhin ni Tito.
Pero huli na para siya ay magsisi at humingi ng tawad sa nagawa niya sa akin.
Nasaktan na niya ako.
"Tumahan ka na, Ximena. Patawarin mo ako sa nagawa ko sa iyo. Tahan na. Sige na, umakyat ka na muna sa kwarto mo."
Hindi ako natinag sa sinabi ni Tito. Iyak pa rin ako nang iyak dahil sobra akong nasasaktan talaga. Siguro, nasanay lang ako sa kabaitan ni Tito Arnulfo sa akin. Ngayon na nasaktan niya ako ay sobra akong nagulat.
"Mameng, akayin mo na si Ximena patungo sa kwarto niya. Samahan mo muna siya hanggang sa kumalma siya."
"Sige, Arnulfo."
Lumapit si Nana Mameng sa akin at masuyong hinawakan ako sa aking balikat. Ako naman ay nanatiling nakayuko habang panay ang buhos ng aking luha.
Akala ko lalapitan ako ni Tito Arnulfo at aaluin niya ako ngunit nilampasan niya lang ako habang nakasunod sa kanya si Anna na malungkot na ngumiti sa akin.
Mas lalo akong napaiyak. Tila walang pakialam na nilampasan lang ako ni Tito at hindi man lang ako inalo.
"Tama na, hija. Halika na at ihahatid na kita sa kwarto mo.
Tumango lang ako sa sinabi ng matanda at nagpatianod sa sinabi niya. Umiiyak pa rin ako habang paakayat kami ng silid ko. Sina Tito Arnulfo at Anna ay hindi na namin naabutan. Malamang nasa kani-kanilang kwarto na at nagpapahinga.
Nahiga agad ako sa aking kama at dumapa nang makapasok kami ni Nana Mameng. Dito ko muling pinakawalan ang lahat ng hinanakit na nadarama ko rito sa aking dibdib.
"Pagpasensiyahan mo na ang Tito mo, Ximena. Narinig mo naman, mainit ang ulo dahil maraming problema sa kumpanya niya," masuyong ani ng matanda habang hinahaplos ang aking buhok.
Naiintindihan ko naman ito. Pero parang hindi naman ito ang puno't dulo ng lahat. Alam ko, may iba pang dahilan si Tito Arnulfo kung bakit niya ako sinaktan.
"Tumahan ka na. Mamaga ang mga mata mo kapag hindi ka tumigil. Hindi ka makakapasok niyan bukas sige ka."
Wala akong pakialam. Mas mabuting hindi na lang ako mag-aral kung ganitong wala naman siyang tiwala sa akin. Kausap lang, may tinanong lang pero grabe iyong pagsampal niya sa akin. Buti sana kung nakaakbay si Levroz sa akin, mas maniwaa pa ako sa galit na pinakita ni Tito sa akin. Iyon, kinausap ko lang saglit. Wala naman kaming masyadong body contact pero galit na galit na siya. Nakakatampo tuloy. Parang ayaw ko silang makasabay ni Anna mamaya sa hapag-kainan. Nahihiya ako at parang hindi ko kayang harapin si Tito na hindi ako umiiyak.
"Intindihin mo na lang ang Tito mo Ximena. Alam mo naman kung gaano siya naging mabait sa iyo at maalaga. Siya ang nakagisnan mong magulang at normal lang talaga ang masermunan at masaktan ng magulang minsan. Mahal na mahal ka ng tito mo tatandaan mo iyan. At alam mo, ang tanging hangad lang niya ay mapabuti ka. Huwag ka naman sanang magtanim ng galit sa kanya dahil nasaktan ka niya. Alam mo, masakit din iyon sa kanya. Alam kong hindi ka rin niya gustong saktan."
Natigil ako sa pag-iyak dahil sa sinabi ni Nana Mameng. Medyo gumaan ang nadarama ko sa aking dibdib dahil sa sinabi niya. Tama siya, hindi dapat ako magalit o magtampo kay Tito, kapakanan ko lang ang iniisip niya.