Chapter 2- La Consolacion

1131 Words
Jarrah's Pov: "Ang ganda ng dagat!" Heidi shouted. Excited na itinuro n'ya ang mahaba at puting baybayin na nasa kaliwa ng daan. Kahit sina Mama ay aliw na aliw habang pinagmamasdan ang bagong tanawin. Wala naman kasing ganitong uri ng tanawin sa lungsod kaya hindi ko sila masisisi kung namamangha sila sa nakikita nila ngayon. Nanatili ang mga mata ko sa tanawing nasa labas ng bintana. May sampung oras na yata mula nang lisanin namin ang buhay namin sa lungsod. Limang oras kaming bumiyahe patungo sa hilaga at may tatlong oras din ang ginugol namin sa bapor patungo dito sa La Consolacion, ang lugar na napili nina Papa para magsimula ulit kami ng bagong buhay. Nasa tatlumpung minuto pa lang mula nang makababa kami ng bapor. Sakay kami ng second hand na van na naglalaman din ng ilang gamit namin. Ang iba pa naming gamit ay nauna na sa amin na lulan naman ng truck na nirentahan namin. Ang sabi ni Papa ay maganda ang bayan ng La Consolacion. Totoo naman iyon at maging ang sinabi n'yang mahaba at magandang dalampasigan na mayroon ang bayan ay sobrang maganda talaga. Ngayon ay naiintindihan ko na kung bakit binansagang paraiso sa hilaga ang bayan. Nasa harapan ko na ang ebidensya. Hindi ko man gusto ay naaakit na ako sa tanawing nakikita ko sa labas ng bintana ng sasakyan. Mala-kristal ang tubig na ibinibigay ng dagat. Malinaw iyon at kahit may kalayuan sa amin ay malinaw na nakikita ko pa din ang tubig niyon. Malinis ang baybayin at nasisiguro kong pino din ang puting buhangin na nasa dalampasigan. Bahagya akong nawala sa kagandahang hatid ng bagong paligid. Madaming puno at ang kanang bahagi ng daan na binabagtas namin ay sagana sa mga punong-kahoy. Asul na asul ang kalangitan. May mga ibon ding naglalaro sa alapaap. Nahabol ko pa ng tingin ang waterfalls na nalampasan namin. Tila musika sa pandinig ko ang pagbagsak ng tubig sa talon kahit na may kalayuan na kami doon. Narinig ko ang tuwang-tuwang tili ni Heidi na sumasaliw sa halakhakan nina Mama at Papa. Mula sa malaparaisong tanawin ay inilipat ko ang mga mata ko sa pamilya ko. Si Papa ang nagmamaneho at nasa tabi n'ya si Mama. Si Heidi naman ay masayang nagtututuro ng bawat madaanan namin sa tabi ko. Hindi pa man nagsisimula ay ramdam ko na ang kapayapaan at kapanatagan sa mga magulang namin. Mukhang magandang desisyon nga ang pagsisimula namin ng bagong buhay dito sa La Consolacion. Kahit paano ay gumaan ang kalooban ko. Unti-unti ay tatanggapin ko ang magiging bagong buhay namin dito. Hindi man lang ako inantok sa naging byahe namin. Busog na busog ang mga mata ko sa magagandang tanawin. Naaliw ako sa bawat tanawin na nadadaanan namin. "Nandito na tayo," imporma ni Papa at sinulyapan kami. Tila iisang taong sinuyod namin ni Heidi ang paligid sa labas ng bintana. Nakasiksik pa sa tabi ko ang kapatid ko para makita nang maayos ang magiging bago naming paligid. Hindi ko sigurado pero mukhang kahit paano ay malaki naman ang sentro ng bayan ng La Consolacion. May mga establisyimento din sa bawat bahagi at may mall na may dalawang palapag sa gawing kanan namin. May nakita pa akong ilang hilera na tila apartment. May pamilihan at ilan pang malalaking tindahan. Tipikal na sentro ng bayan sa isang probinsya ang paligid na nakikita ko. Malayo sa magulo at malaking lungsod na nakasanayan ko. Muling lumiko ang sasakyan namin. Nakita ko pa ang isang simbahan na nasa may mataas na bahagi bago tuluyang bumaba sa kalsada ang sasakyan namin. Tumigil ang van sa harap ng isang bahay na may dalawang palapag. "Nandito na tayo, bumaba na kayo." Naunang bumaba ng sasakyan si Papa kasunod ni Mama. Bumaba na din ako ng sasakyan kasama si Heidi na nakahawak sa kamay ko. Simple lang ang magiging bago naming tahanan. Kasinlaki lang yata iyon ng dati kong silid sa mansyon namin. May maliit na hardin sa harapan at kinakalawang pa ang maliit ding gate. May pader na nasa dalawang metro ang taas na nagsilbing bakod paikot sa buong bahay. "Nagsimula na pala sila. Halina kayo," yaya sa amin ni Mama. Pumasok na sila ni Papa sa loob ng maliit na bakuran samantalang naiwan kami ni Heidi sa labas. May tatlong lalaking nagtutulong-tulong na ipasok sa loob ng bagong bahay namin ang mga gamit namin mula sa truck. My eyes wandered. Hindi ganoon kaluwag pero hindi din naman masikip ang bago naming paligid. May ilang bahay na nasa harapan at may ilan ding kahilera ng bahay namin. Malinis ang daan at walang nakakakalat na basura o kaya ay mga ligaw na hayop. Maluwag ang sementadong kalsada na nasa harap ng bahay namin. Walang garahe ang loob ng bakuran kaya mukhang dito sa labas namin ipaparada ang van namin. Iyon ay kung hindi iyon ibebenta ni Papa. "Ate?" Tiningala ako ni Heidi at itinuro ang namumulaklak na halaman sa kabilang kalsada. "Gusto ko niyon!" Baka pa ako makatutol ay tumakbo na papunta doon si Heidi. Wala akong nagawa kundi tumakbo din para habulin ang kapatid. Ganoon na lang ang panlalaki ng mga mata ko nang makita ang apat na bike na mabibilis ang takbo at patungo sa amin. Nagkakasiyahan ang mga sakay niyon at mukhang hindi kami napansin dahil sa mula sila sa mas mataas na bahagi at mukhang nagpapaligsahan pa sila. Mabilis na hinila ko si Heidi. Niyakap ko nang mahigpit ang kapatid at tumalikod para kung sakaling mabangga man kami ng isa sa mga bike ay hindi masasaktan ang kapatid ko. Napapikit na lang ako nang maramdaman ko sa magkabilang gilid ko ang marahas na pagdaan ng mga bike. Ngunit kabaliktaran ng inaasahan ko ay walang bike na tumama sa aming magkapatid. Nagmulat ako ng mga mata at kinakabahang tiningnan ang paligid. Isang matangkad na lalaki ang nasa harapan naming magkapatid, may isang metro ang distansya mula sa amin. Nakasakay s'ya sa mamahaling mountain bike habang ang isang paa ay nakalapat sa lupa. Nang ilibot ko ang paningin ko ay nakita ko ang tatlo pa n'yang kasama na nasa may likuran ko. "Baka gusto mong tumabi. Hindi mo naman yata pag-aari ang daang ito," aroganteng sabi ng lalaki. Pinigilan ko ang sarili kong sumagot. Gusto ko talagang bangasan ang nasa harap ko kundi ko lang isinasaalang-alang ang pagiging bago namin sa lugar na ito. "Theo! Halika na!" Napatingin ako sa isa sa mga kasama ng mayabang na lalaki. Nangunot pa ang noo ng lalaking tumawag sa lalaking kaharap ko nang makita ako. "Tabi." Muling natuon ang atensyon ko sa lalaking suplado. Marahang hinila ko si Heidi patabi. Tiningnan pa ako ng lalaking tinawag na Theo bago nag-pedal papunta sa mga kasama n'ya. Pinukol ko pa ng masamang tingin ang apat bago inakay ang kapatid papunta sa bago naming tahanan. ❤
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD