Chapter 3- New Beginning

1012 Words
Jarrah's Pov: "Oh, anak, mabuti at gising ka na. Kumusta naman ang naging tulog mo?" Napatingin ako kay Mama. Katulad ko ay kalalabas lang n'ya mula sa silid nila ni Papa at siguradong maghahanda na s'ya ng almusal para sa pagsisimula ng araw na ito. Tumango lang ako kay Mama. Nangingiting sumulyap s'ya sa akin. "Maaga ka nang gumigising nitong mga nakaraang araw, anak. Mukhang nakakapag-adjust ka na rito sa bago nating bahay." Muli, hindi ako nagsalita, kiming ngiti lang ang ibinigay ko sa aking ina. Hindi na rin naman n'ya ako kinulit dahil nagmamadali na n'yang tinungo ang hagdan. Nakakapag-adjust? Kung hindi ko lang inaalala na baka masaktan si Mama sa magiging sagot ko ay baka nasabi ko na sa kanya ang totoo kong nararamdaman sa mga sandaling ito. Ilang araw na ba kami rito sa La Consolacion? May isang linggo na rin ngunit hanggang ngayon ay hindi ko pa rin magawang makapag-adjust sa napakalaking pagbabagong nararanasan ko ngayon. Mula noong unang araw na sa lugar na ito ako nagising, maaga na akong bumabangon hindi dahil sa masarap at komportable ang tulog ko sa gabi kundi dahil sa katotohanang nahihirapan akong gumawa ng tulog. Nakakaidlip ako pero maya't-maya ang nagiging paggising ko. Minsan, nasa dalawang oras lang ang naiitulog ko. Nakaupo lang ako sa kama ko o kaya ay sa upuang kahoy na nakaharap sa bintana. Inaabot na ako ng pagsikat ng araw kaya sa halip na bumawi sa puyat ay nagkukunwari na lang akong maaga akong nagigising. Pasimpleng huminga ako nang malalim habang mabagal na bumababa sa hagdanan. Hindi ganoon kalaki ang may dalawang palapag na naging bago naming tahanan. Tama lang iyon sa pamilya namin, may maliit na teresa, isang banyo at tatlo ang kuwarto sa ikalawang palapag— ang silid nina Mama at Papa, silid ni Heidi at ang silid ko. Ang pagkakaroon ko ng sariling silid ang isa sa ipinagpapasalamat ko. Noong una, inakala ko talagang walang espasyo ang magiging tahanan namin, mabuti na lang at kahit paano ay normal pa ang bahay na nabili nina Mama at Papa. Sa isang linggong pananatili namin rito sa La Consolacion ay masasabi kong kahit paano ay nakapag-adjust na sina Mama at Papa. May mga naging kaibigan na sila mula sa mga kapitbahay at kahit paano ay nabawasan ang pag-aalala ko para sa aking mga magulang sa tuwing makikita ko silang tila kuntento na sa pagbabagong hinahangad nila. Ang higit na nakapag-adjust sa amin sa loob ng maikling panahon ay si Heidi. Marami na s'yang naging kalaro at madalas din s'yang maligo sa dagat kasama ni Papa. "Gising na pala ang dalaga namin," bati sa akin ni Papa nang lumapit ako sa lamesa sa dining area. "Napapansin ko na nagiging komportable na ang body clock ng anak natin mula nang lumipat tayo rito," wika naman ni Mama na nasa kusina. Isang larawan ng ordinaryong bahay ang ibaba namin. Ang sala ang unang makikita sa oras na pumasok ng pinto ng bahay. Hindi katulad ng dati na may receiving area ang mansyon namin, ang bago naming tahanan ay tila pinagkaitan ng espasyo. Isang set ng sofa na may tamang laki ang bumubuo sa sala, may center table, isang malaking cabinet na nasa likod ng mahabang sofa at punong-puno iyon ng mga aklat. May T.V rin kami kahit paano, iyong twenty-four inches na telebisyon, iyon na nga yata ang pinakamahan na gamit namin dito sa loob ng aming bahay. Walang dibisyon ang sala at ang dining area. Isang mahabang lamesa ang nasa dining area na may anim na upuan, may malaki ring built-in cabinet na pinaglagyan ni Mama ng mga magagandang kasangkapan na mula pa sa dati naming bahay. Ang kusina ay mahaba at maliit lang. Kahit paano ay nagawang punuin ni Mama ang maliit na refrigerator na mayroon kami, siyempre pa ay napuno iyon dahil sa sukat niyon. "Jarrah, anak, sa isang linggo na ang pasukan dito. May plano ka bang mag-aral ngayong taon?" tanong ni Papa habang nakatuon ang mga mata sa mainit na kape. Tipid na ngiti ang ibinigay ko sa aking ama. "Mag-e-enroll na po ako mamaya, Papa." Gusto kong maiyak. Kung hindi ko magawang tanggapin ang bago naming bahay, mas lalo na ang magiging bago kong eskwelahan. Paano ko tatanggapin iyon samantalang nanggaling ako sa isa sa pinakamaganda at pinakamahal na eskwelahan? Wala naman akong planong husgahan ang eskwelahang papasukan ko rito, hindi ko nga lang magawang magustuhan iyon dahil pakiramdam ko ay tinanggalan ako ng karapatang mamili ng papasukan. My former school was my dream school. Bukod sa ginto ang tuition doon ay malaki rin ang paghanga ko sa mga professor ko roon. Wala sa sariling napahinga ako nang malalim. Hindi ko na alam kung dadating pa ba ang araw na magagawa kong tanggapin ang mga pagbabagong nangyayari sa buhay at maging sa aking pamilya. Hindi rin ako sigurado kung magagawa ko ba talagang magtiis sa lugar na ito. Noong una ay desidido talaga akong yakapin ang lahat ng mangyayari sa akin dito ngunit ngayong unti-unti nang nagsi-sink in sa isip ko na maaaring hindi na ako makaalis sa lugar na ito, bumabangon ang kagustuhan kong magwala, magalit at manumbat sa mundo. "Anak..." mahinang tawag sa akin ni Papa. "Ayaw mo ba sa magiging bago mong eskwelahan?" Bahagya akong umiling. Sino ako para bigyan ng kahit kaunting pag-aalala ang kahit sino sa aking mga magulang? "Naninibago lang ako, Papa. Isa pa ay kinakabahan din ako lalo na at ngayon pa lang ang unang beses na magta-transfer ako," pagdadahilan ko at sana ay hindi napansin ni Papa na labas sa ilong ang mga salitang binitiwan ko. "Huwag kang mag-alala, anak. Maganda ang lugar na ito at nasisiguro kong maging ang eskwelahan nila rito ay maganda rin!" bulalas ni Mama. Inilapag n'ya ang nilagang saging. "Kaya ang kailangan mo ay kumain nang madami para naman ay ganahan ka para sa pag-e-enroll mo." Hindi ko maiwasang hindi makaramdam ng pagkadismaya ngunit katulad ng dati ay hindi ko iyon ipinakita sa kahit sino sa kanila. Mukhang sa bayang ito ay magsisimula na rin ang pagtatago ko sa sariling nararamdaman.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD