Chapter 1- Crisis

1195 Words
Jarrah's Pov: Napatingin ako sa repleksyon ko sa salamin. Kakauwi ko lang mula sa eskwelahan. Hanggang ngayon ay hindi ko pa din mapaniwalaan ang nangyayari sa pamilya ko. Naikuyom ko ang mga kamao ko at pinigilan ang pagtulo ng mga luha. Gusto kong sumigaw pero walang boses na lumabas sa akin. Gusto kong umiyak pero wala akong lakas ng loob na gawin iyon, bukod pa sa katotohanang ayokong magpatalo sa sakit na nararamdaman ko. Lukot na lukot na ang palda na kapares ng unipormeng suot ko. Ang uniporme ng pribadong eskwelahan na kasalukuyan kong pinapasukan ngunit katulad ng iba pa ay mawawala na din iyon sa akin. Hindi ko man lang naisip na dadating ang araw na hindi ko na maiisuot ang unipormeng ito at hindi na ako muling makakabalik pa sa minamahal kong eskwelahan. Nasa huling taon na ako sa kurso kong Business Administration at hindi ko man lang napaghandaan ang pangyayaring ito. Masasabi kong larawan kami ng perpektong pamilya. Mayaman ang pamilya namin dahil na din sa pagiging masipag at magaling sa negosyo ng mga magulang ko. Napalaki nila ang kompanyang iniwan ng ama ng ina ko. Wala kaming problemang hindi nasosolusyunan. Walang tinatapakang tao ang mga magulang ko. Naging mabuti at mapagmahal silang magulang sa amin ni Heidi, ang limang taong gulang kong kapatid. Ngunit nagbago ang lahat ng iyon nang magsimulang pumasok ang taong ito. Bumagsak ang ekonomiya ng buong bansa at ang kompanya namin ay isa sa mga naapektuhan. Noong una ay nakaya pang gawan ng paraan nina Papa na maibangon ang kompanya. Kahit paano ay nakabawi kami sa pagkalugi ngunit isa-isang nag-withdraw ang mga investor. Naapektuhan din sila at wala silang ibang pagpipilian kundi ang kuhanin ang pera nila sa kompanya para hindi na iyon madamay pa sa patuloy na pagbagsak ng ekonomiya ng bansa. Doon nagsimulang mabaliktad ang buhay namin. Naibenta ng mga magulang ko ang mga property namin upang maisalba ang kompanya. Nakapangutang ng malaking halaga sa mga bangko ngunit hindi iyon naging sapat. Mas lalo kaming nalubog sa pagkakautang at walang nagawa ang mga magulang ko kundi ang ibenta ang kompanya para kahit paano ay makabayad kami sa mga utang namin at may maibigay sa mga empleyado. Making halaga ang kinailangan kaya pati ang trust fund namin ni Heidi ay naubos din. Ito ngang mansyon namin ay naibenta na din at ngayon ang huling araw ng pananatili namin dito. Tinapos ko na din ang lahat ng kailangan kong tapusin sa eskwelahang pinapasukan ko dahil hindi na din ako makakabalik doon. Gustuhin ko mang magtapos doon ay hindi na iyon mangyayari. Gusto ng mga magulang ko na magsimula ng bagong buhay. Hindi na nga lang dito sa lugar na ito. Hindi ko pa alam kung saan nila napiling lumipat pero ang narinig ko noong nakaraan ay baka sa may hilaga. Kahit paano naman ay may kaunting halagang natira para sa pagsisimula namin. Hindi ko nga lang alam kung sasapat ba iyon sa bagong simulang hinahangad nina Papa. Inayos ko ang sarili ko at naglagay ng ngiti sa aking mukha. Nilagay ko muli ang maskarang nakasanayan kong isuot sa tuwing humaharap ako sa mahirap na sitwasyon. Lumabas ako ng silid at bumaba sa ikalawang palapag. Nadatnan ko doon ang mga magulang ko na abalang nag-aayos ng mga gamit namin. Iilang gamit lang ang dadalhin namin dahil halos lahat yata ay naibenta na din namin para idagdag sa pambayad ng mga utang. Mas okay na din naman iyon para wala kaming iiwanang utang. "Ma," I called my mother. Tiningala ako ni Mama at malungkot na ngumiti. "Jarrah, anak. Naayos mo na ba ang transfer papers mo?" "Hija, nakauwi ka na pala," segunda naman ni Papa. "Hindi ko namalayang nandito ka na." "Opo. Naayos ko na po ang lahat at nasa akin na po ang mga papeles na kailangan para sa paglipat ko ng eskwelahan." Bumaling ako kay Papa. "Hindi ko na po kayo inabala kanina pagdating ko dahil madami kayong ginagawa." Nawala ang aliwalas sa mukha ni Papa. "Pasensya na anak at kailangan mong pagdaanan ang sitwasyong ito." Nangingiting yumakap ako sa braso ni Papa. "Huwag po kayong mag-alala. Naiitindihan ko ang desisyon n'yo. Kayo nga po ang inaalala ko dahil nasisiguro kong malaking adjustment ang mangyayari sa inyo." Inakbayan ako ni Papa at marahang hinigit si Mama para yakapin. "Lahat ay kakayanin ko basta buo tayong pamilya at sama-sama. Alam kong makakabangon din tayo pagdating ng panahon." Napangiti ako sa narinig at yumakap sa kanila habang nakatingin sa mga kahong naglalaman ng mga gamit namin. Mahirap mang tanggapin ay nagpapasalamat pa din ako na buo pa din kami bilang isang pamilya. Materyal na bagay lang ang nawala pero nananatiling matatag ang bigkis na nagbubuklod sa amin. "Saan nga po pala tayo lilipat, Mama?" Tiningala ko ang nakangiti kong ina. Buong pagmamahal na niyuko naman n'ya ako. "Sa isang probinsya sa hilaga, anak. Doon ka na din magpapatuloy ng iyong pag-aaral, okay lang ba?" Sunod-sunod ang naging pagtango ko. "Huwag n'yo po akong alalahanin, okay po ako kahit saan basta ay kasama ko kayo." Bahagyang natawa si Papa. "Maganda ang lugar na pupuntahan natin, anak. Kilala iyon bilang paraiso sa hilaga. May maganda at mahabang dalampasigan na nasisiguro kong magugustuhan n'yo ni Heidi." Tumango ako at humiwalay sa kanila. "Kung ganoon po ay babalik na ako sa silid ko para ihanda na ang mga gamit ko. Madami pa din po akong gamit na hindi ko pa naaayos." "Sure, hija," my mother replied. Hinaplos n'ya nang bahagya ang buhok ko. "Tatawagin ka na lang namin mamaya sa oras ng meryenda." Tumango na lang ako at tinungo ang mahabang hagdanan. Habang umaakyat sa marangyang staircase ay napuno ang isip ko ng mga alaala na sangkot ang mansyong ito. Tandang-tanda ko pa na dito ako bumaba noong nagdisi-otso anyos ako. Lahat ng mahahalagang okasyon sa pamilya namin ay ginanap sa mansyong ito. Nasa ikalawang palapag na ako nang silipin ko ang mga magulang kong nasa unang palapag. Hindi ko man naririnig ay batid kong umiiyak ang akin ina habang yakap-yakap ng aking ama. Alam ko ang ginagawa nila. Sinusubukan nilang maging matatag sa harap ko ngunit alam kong kahit sila ay nakakaramdam ng matinding pagod dahil sa mga nangyari. Swerte na nga lang kami ni Heidi dahil kahit humaharap kami sa krisis ay hindi kami pinapabayaan nina Mama at Papa. Napabuntong-hininga ako. Nagsinungaling ako sa kanila. Hindi okay sa akin ang lahat. Hindi ako sang-ayon sa kahit isang bagay na nangyayari ngayon sa buhay namin. Ayokong umalis sa lugar na ito. Ayokong lumipat ng ibang tahanan. Ayokong umalis at lumipat sa ibang eskwelahan. Ayokong iwanan ang naging buhay namin dito. Ngunit anong magagawa ko? Hindi ko kontrolado ang sitwasyon. Ayoko man ay kailangan kong tanggapin ang malaking pagbabagong nasa harapan ko. Walang buhay na bumalik ako sa silid ko at isinara iyon. Napasandal ako sa likod ng pintuan at hindi ko na napigilan ang isa-isang pagpatak ng mga luha ko. Hindi ko gusto at hindi ako handa sa mga pagbabagong nangyayari sa buhay namin pero kaya ko iyong yakapin nang buong puso. Manatili lang kaming buo at sama-sama. Kaya kong isakripisyo ang mga gusto at pangarap ko para sa pamilya ko. ❤
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD