"Tayo na! Tayo na! Halika na! Sama-sama tayong sasakay!"
Nangingibabaw ang sari-saring boses na umaawit at sumasaliw sa nakakaaliw at masayang tugtugin.
"Sasakay tayo sa bangka ng kaligtasan. Sasakay at dadaong sa paraisong ipinangako ng Maykapal!" Pag-awit pa ng mga taong nasa maluwag na bulwagan. Tila sayang-saya sila sa nangyayari. Ang iba pa nga ay naiiyak na habang umaawit.
Sinundan pa iyon ng palakpakan. "Sama-sama tayo sa buhay na matiwasay. Sama-sama tayong tutungo sa paraisong ipinangako ng Maykapal. Sama-sama!"
Paulit-ulit iyon. Bakas din ang katuwaan ng mga taong nagsisi-awit. Nakatayo sila at lahat ay umiindayog sa saliw ng tugtugin.
Larawan sila ng simpleng kasiyahan. Nagpupugay sila at bakas sa kanilang boses ang galak. Nagpapalitan sila ng ngiti at niyayakap ang isa't-isa at iwinawagayway ang mga kamay.
Mahigit sa limampu ang mga taong nagkakasiyahan sa bulwagan. Karamihan sa kanila ay nasa edad na trenta hanggang singkwenta. May sampu ang bilang ng mga dalagita't binatilyo. Ang iba ay mga binata at dalaga at mga batang nasa sampu pababa ang edad.
Bukod sa kanila ay may apat na dalagang nakasuot ng puting bestida na hanggang pala-pulsuhan ang manggas at hanggang sakong ang haba. Nasa unahan sila at sila ang nangunguna sa pag-awit.
Sa kabilang gilid naman ay may isang magandang babae at dalawang lalaking matipuno. Katulad ng apat na mang-aawit ang suot nila, kulay ginto nga lamang ang kulay ng suot nila. Galak na galak din sila at sumasabay sa kasiyahan.
Kakaunti ang bilang nila kung tutuusin pero hindi nila alintana iyon. Dahil natatakipan iyon ng kaligayahang nagmumula sa bawat isa. Bakas ang kaligayahan sa kanilang pagdiriwang. Tila buhay na buhay din maging ang mga kaluluwa nila.
Kakaiba ang uri nila ng pagpupugay. Tila handa silang ibigay ang lahat upang mapawi ang anumang kanilang nararamdaman.
They are all happy. Ang iba nga ay naiiyak pa sa sobrang galak na nararamdaman. Ang mga mukha nila ay walang bakas ng kahit anong negatibong emosyon.
Ang bulwagang kinalalagyan nila ay hindi ganoon kaganda. May mga tambak na materyales na ginagamit sa construction ang nasa bawat gilid ng bulwagan. Mga sako ng semento at mga bakal. Mga hollow blocks at iba pa. Ang pader na bumubuo sa bulwagan ay nababalutan ng makakapal na tela para hindi iyon maalikabukan.
Walang upuan ang mga taong nagkakasiyahan. Nasa sahig sila at nahahati sa dalawang bahagi para maging daan ang espasyong nasa gitna na pumapagitan sa kanila. Ngunit hindi nila pansin ang lamig ng sahig dahil sapat na ang init na nagmumula sa mga puso nila upang mapawi iyon.
Isang stage na hindi aabot sa apat na talampakan ang nasa unahan. Malawak iyon at nasa one-fourth na bahagi lang yata ng silid ang nasasakupan niyon. Nakadikit din iyon sa magkabilang bahagi ng silid at may dalawang baitang lamang. Sa bandang gilid niyon ay may isang kataasang tila lalagyan ng mikropono. Makikita din doon ang isang makapal na aklat na kulay ginto din ang pabalat.
Makikitang hindi pa din tapos at kulang pa sa ayos ang pinakadisenyo ng stage pero nasa unahan nito, at nakaukit sa dingding na nagsisilbing pinaka-altar ang nag-iisa at malaking simbolo ng isang arko na may ginintuang krus sa ibabaw. Sa ilalim ng simbolo ay nakasulat ang mga ginintuang titik na bumubuo sa salitang The Ark.
"Sama-sama tayong tutungo sa paraiso!" Muling lumakas ang awitan. "Doon ay magsasaya, pupuri at aawit! Aawit dahil tayo'y niyakap ng Maykapal!"
Kumilos ang magandang babaeng may kulay gintong kasuotan. Umakyat s'ya sa entablado at kinuha ang mikropono. Natahimik ang mga nasa bulwagan at emosyonal na tumingin sa kanya.
"Sasamahan tayo ng sinugo ng kaitaas-taasan! Isasakay tayo sa Arkong magtutungo sa atin sa kaligtasan!" Malakas na sabi ng magandang babae. "Muling bababa ang anak ng kataas-taasan at tayo ay gagabayan patungo sa kaligtasan!"
Muling nagkagulo at nagsigawan ang lahat. Nagkantahan ang lahat at umindayog pa ang mga katawan kasabay ng buhay na buhay na tugtuging nagmumula sa piano.
"S'ya ay sugo ng kaitaas-taasan! S'ya ang sa atin ay gagabay! Isasama n'ya tayo. Isasakay sa Arko. Tutungo tayo sa paraiso!" pasigaw na dagdag pa ng magandang babae.
Naghiyawan ang mga tao. Naglundagan at itinaas ang mga kamay. Ang iba ay naiiyak na napaupo sa sahig habang nakahawak sa kani-kanilang dibdib na tila ba punong-puno sila ng pagmamahal sa kung anong pinaniniwalaan nila. Ang ilan ay dinadagukan ang mga dibdib para kahit paano ay mawala ang kasalanan nila.
"Tayo na! Halika na! Sama-sama tayong sasakay! Sama-sama tayong maglalayag!" They sang again.
"Sama-sama tayong tutungo sa paraiso. Doon ay magsasaya, pupuri at aawit. Aawit dahil tayo'y niyakap ng Maykapal!"
Mula sa pinto na nasa gilid ng stage ay may lumabas na isang matipunong lalaki. Matangkad s'ya at punong-puno ng karisma ang kabuuan n'ya. Nasa kalagitnaan ng kwarenta ang edad n'ya pero matipuno pa din ang pangangatawan n'ya.
Nakapurong gintong kasuotan din s'ya. Mula sa pormal na sombrerong nasa ulo n'ya, sa amerikana at necktie, pantalon at maging sapatos ay kulay ginto din.
Itinaas n'ya lang ang kanyang kamay pero agad na nanahimik ang mga tao.
"Isa na namang pinagpalang umaga. Nandito ulit tayo at nagkakatipon-tipon mga kapatid. Ipagpasalamat nating muli ang panibagong araw na nagkatipon-tipon tayo bago pa sumikat ang araw sa silangan!" He shouted.
Pansamantala s'yang tumigil at bumaba sa stage. Nilapitan n'ya ang mga taong nag-iiyakan at pilit na inaabot ang kanyang mga kamay.
Humandusay na ang iba sa sahig sa sobrang galak. Ang iba ay nagpapadyak pa sa sahig na tila sinasapian.
"Pinagpalang umaga, mga kapatid!"
Bumalik muli ang lalaki sa stage.
"Pinagpala kami dahil sa 'yong sugo ng Lumikha!" Naiiyak na tugon ng mga tao.
"Lahat tayo ay makakasakay sa arko ng kaligtasan!" the man shouted.
"Patungo sa paraisong pangako!" Itinaas pa ng mga tao ang kanilang mga kamay.
Muli n'yang itinaas ang kanyang kamay, sapat na para muling tumahimik ang mga tao. "Maniwala lamang tayo. Maniwala at taimtim na manampalataya. Pagdusahan ang ating mga makamundong gawain at magsimulang gumawa ng kabutihan!"
"Sumasalampataya kami sa 'yong sugo ng Lumikha! Magsisisi kami!" Muling koro ng mga tao.
"Tayo ay sama-samang tutungo sa paraiso ng kaligtasan!" Lumabas ang ugat sa leeg ng matipunong lalaki dahil sa lakas ng boses.
"Patungo sa kaligtasan!"
Nag-iyakan ang lahat habang pinagpatuloy ang kanilang pagpupugay. Nakiisa sa kanila ang tinatawag nilang sugo ng Maykapal.
❤