Jarrah's Pov:
Wala sa sariling napangiti ako nang makita ang kalmadong dagat. Mula rito sa kinatatayuan ko at kitang-kita ko ang pagbalik ng alon sa dalampasigan. Isang cycle ang nangyayari, bumabalik din ang tubig sa kalagitnaan ng dagat ngunit kaagad din iyong itinataboy at nagiging alon papunta sa dalampasigan.
Dahil ayokong magkaroon ng kahit anong interaksyon sa kahit sinong estudyante sa La Consolacion ay minabuti kong maglakad-lakad na lang muna at hindi ko na napansin na sa bahaging ito na ako dinala ng aking mga paa. Hindi ko nga rin sigurado kung nasaan na ako dahil ito ang unang beses na nakarating ako rito.
Hindi rin naman ako kinakabahan dahil may mga nakita naman akong bumibiyaheng traysikel sa may kalsada ilang minuto ang layo mura rito sa baybayin. Kahit paano ay may natira pa naman akong pera at mukhang sapat na iyon para maging pamasahe ko pabalik. Isa pa, hindi naman ganoon kalayo ang tinitirahan namin dito sa sentro ng bayan ng La Consolacion.
Ang alam ko ay Poblacion ang tawag sa barangay na ito. Masyado nga lang malaki ang sentro ng La Consolacion kaya nahihirapan pa rin akong gawing pamilyar ang sarili sa bago naming kapaligiran. Nasa isang sitio na malapit sa ibabang bahagi ng Poblacion ang tinitirahan namin at sa bahaging iyon pa lang ako komportable dahil iyon pa rin lang ang nagiging pamilyar sa akin.
Muli kong itinuon ang atensyon sa magandang tanawing nasa harapan.
Malapad at mahaba ang baybayin. Magkahalong puti at kayumanggi ang buhangin. Pino ang buhangin ngunit may mailan-ilan din akong nakikitang mga maliliit na bato. May mga basag na bahagi ng corals na nagsilbing dekorasyon sa buhangin.
Tinanaw ko muna ang pinanggalingan para tandaan bago nagsimulang humakbang patungo sa baybayin.
May pailan-ilang traysikel na dumadaan sa kalsada sa may kalayuan ngunit sa mga sandaling ito ay mukhang ako lang ang naligaw sa bahaging ito. Walang kahit isang tao ang namamasyal.
Siguro ay naumay na ang mga taga-rito na pumasyal dito o kaya naman ay masyadong abala ang lahat sa kani-kanilang gawain kaya wala na silang oras para pumunta sa lugar na ito.
Muli akong napangiti nang maramdaman ang lambot ng mga buhangin sa aking sapatos. Lumubog nang kaunti ang sneakers na suot ko.
Kaagad na naupo ako at dumakot ng buhangin. Napahagikhik ako nang mabilis na bumagsak ang buhanging nasa aking kamay. Mapino ang buhangin at dahil tuyo ay naging mabilis ang pagbalik niyon sa kanilang pinanggalingan.
Muli akong tumayo at mabagal na naglakad-lakad sa baybayin.
Wala akong nakikita kung hindi ang mahaba at puting buhangin na bumubuo sa baybayin. May mga puno sa paligid at mukhang nagsilbi iyong proteksyon laban sa ingay at alikabok na maaaring magmula sa kalsadang may kalayuan sa lugar na ito.
Ilang rock formation din ang nakita ko sa kaliwang bahagi ng baybayin, sa may dulo. Hindi ko na nga lang matanaw ang iba pang tanawin pagkatapos ng rock formation dahil literal na malalaki ang mga bato at natatakipan na niyon ang kung anumang mayroon sa kabilang bahagi ng lugar.
Ipinagpatuloy ko ang paglalakad patungo sa kanang bahagi ng baybayin. Paminsan-minsan ay napapatigil ako para harapin ang magandang tanawin sa aking harapan.
Maganda at malinis ang baybayin. Walang kahit anong basura ang makikitang nakahalo sa buhangin. Ang tanging naging palamuti sa baybayin ay ang mga bagay na mula rin sa dagat, mga iba't-ibang kulay ng bato, mga bahagi ng corals at may ilan ding starfish na hindi ko magawang hawakan.
May maliliit ding mga tila mga alimango na naghahabulan pabalik sa tubig. Hindi nga lang nila magawang magtagumpay na bumalik doon dahil sa tuwing bumabalik sila ay muli silang itinataboy ng alon pabalik sa dalampasigan.
Tumalungko ako at pinagmasdan ang maliliit na alimango na pinipilit na makabalik sa tubig. Hindi ko maiwasang hindi maikumpara sa kanina ang nangyayari ngayon sa akin. Wala pa akong ginagawa para makabalik sa dati naming buhay ngunit pakiramdam ko ay kaagad na akong itinataboy ng katotohanan para manatili sa lugar na ito.
Isang buntong-hininga ang pinakawalan ko bago muling tumayo at nagpatuloy sa paglalakad.
Hindi ko na alam kung gaano na ako katagal na naglalakad at kung gaano na kalayo ang narating ko. Masyado akong nawili sa asul at malinaw na tubig. Kung may dala nga lang akong damit panligo ay baka naligo na ako, tutal ay ako lang naman ang narito.
Wala sa sariling napaharap ako sa kanang bahagi, sa may dulo, ang bahaging natatakipan ng nagtataasang mga puno.
"Whoa!" Hindi ko maiwasang hindi mapahanga nang makita ang dulo ng lighthouse na nasa may kalayuan. Hindi ko nga lang magawang makita ang kabuuan niyon dahil natatakipan iyon ng mga mayayabong na puno.
Bago ko pa mapag-isipan ang gagawin ay mabilis ko nang tinunton ang posibleng direksyon papunta sa lighthouse.
Dumiretso ako sa mga puno. Sa sobrang yabong ng mga iyon ay halos hindi ko matanaw mula sa kinatatayuan ko kanina ang daan na mukhang magdadala sa akin papunta sa light house.
Medyo maluwang ang daan, natatakpan nga lang iyon ng matatayog na mga puno. Inakala ko ngang buhangin din ang tatapakan ko ngunit maliit na parte lang ang buhangin doon dahil pagkatapos yata ng may tatlong metrong pakurbang buhanginang daan ay isang diretsong sementadong daan na ang nandoon.
Mas lumawak ang pagkakangiti ko nang matanaw ang kabuuan ng light house na nasa pinakadulo ng sementadong daang aking tinutuntungan.
Sa kauna-unahang pagkakataon, mula nang lumipat kami sa lugar ba ito ay ngayon ko lang na-appreciate nang ganito ang kagandahan ng bayang ito. Hindi ko akalain na bukod sa mga nagagandahan at mga puting baybayin ay may ganito rin palang tanawin ang La Consolacion.
Nasa apat na metro yata ang luwang ng sementadong daan. Nasa magkabilang gilid ng daan ang matataas na mga puno ng niyog at parang sinadya ang pagkakatanim ng mga iyon dahil hanggang sa malapit sa kinatatayuan ng light house ay may puno ng niyog.
Tiningala ko ang kalangitan, asul na asul iyon at isang napakagandang likha ng sining ang nakikita ko sa mga sandaling ito.
Ang asul at maaliwalas na kalangitan, ang matataas at maberdeng mga puno ng niyog na nasa magkabilang bahagi ng sementadong daan, ang lighthouse na nasa dulo at mukhang sinadyang itayo sa pinakagitna, at ang malalaking rock formation na nasa baybayin ngunit nagmukhang background ng lighthouse...
"This is art..." bulalas ko.
Ramdam na ramdam ko ang kalmadong emosyong ibinibigay sa akin ng natuklasang tanawin. Pakiramdam ko nga ay mas komportable ako rito kaysa sa bago naming tahanan.
Hindi na ako nag-aksaya ng panahon. Mabilis ngunit hindi nagmamadali ang mga hakbang na tinunton ko ang kinaroroonan ng lighthouse. At hindi ko maiwasang hindi mas humanga habang papalapit dito.
Inakala kong mababa lang ang lighthouse mula sa kinatatayuan ko kanina ngunit ngayong nasa harapan na ako nito ay alam kong mali ang inakala ko. Mataas ito, mistulang kapantay ng isang gusaling may tatlong palapag.
Tumutok ang mga mata ko sa entrada ng lighthouse. Nakabukas iyon at mukhang hindi naman abandonado ang light house dahil nananatiling maganda ang kulay niyon. Malinis din ang paligid, mukhang alagang-alaga at wala akong nakikitang indikasyon na hindi na ito nag-o-operate. Wala nga lang akong nakitang kahit isang taong nagbabantay dito.
Napalunok ako nang makitang ang makitid na hagdan na magdadala sa akin papunta sa pinakatuktok ng lighthouse. Ito ang unang beses na nakakita ako ng lighthouse kaya hindi ako sigurado kung tama ba na umakyat ako.
Ngunit, sabi nga nila, hindi mawawala ang kuryusidad ng isang tao sa isang bagay hangga't hindi n'ya nabibigyan ng sagot ang kanyang mga katanungan.
At ako ang taong iyon.
Muli akong napatitig sa makipot at paikot na hagdanan. Hindi ako mapakali, gusto kong umakyat hanggang sa ituktok niyon.
Huminga ako nang malalim at sinilip ang may sapat na laki na tila isang malaking silid na nasa kanang bahagi, may isang metro ang layo mula sa lighthouse. Wala rin akong nakitang tao roon.
Muli kong tiningala ang dulo ng lighthouse. Hindi na ako nakipagtalo pa sa sarili, kaagad na lumapit ako sa makipot na hagdanan at nagsimulang umakyat doon.
Hindi nga lang naging mabilis ang pag-akyat ko dahil literal na tumitigil talaga ako para kuhanan ng larawan ang magandang tanawing nakikita ko mula rito. Hindi rin ako sigurado kung muli akong makababalik dito kaya mas mabuting sulitin ko na ang pagkakataong ito.
Hindi mawala ang ngiti ko habang pinagmamasdan ang mala-kristal na tubig. Kahit ang pagsalpok ng mga alon sa malalaking rock formation na nasa malayo ay sapat na para bigyan ako ng kapayapaan sa dibdib.
Hindi ako nagkamali sa naisip, malayo pa rin mula rito sa kinatatayuan ng lighthouse ang mga rock formation na nakita ko kanina. Masyadong malalaki lang talaga ang mga iyon kaya nagmukhang nasa likuran lang ng lighthouse.
Muli akong kumuha ng mga larawan gamit ang cellphone. Sayang nga lang at hindi ko nadala iyong camera ko. Mahilig akong kumuha ng mga larawan at ang paborito kong subject ay ang magagandang tanawin katulad nito at maging ang asul na kalangitan. Iba ang hatid na kapayapaan sa akin kapag nakakakita ako ng maaliwalas na kalangitan. Pakiramdam ko ay nag-uumapaw ang kasiyahan sa puso ko sa tuwing tumitingin ako sa asul na langit.
Muli kong inilagay ang cellphone sa bag at nagpatuloy sa pag-akyat. Ayoko sanang magmadali ngunit naalala ko na baka maya-maya lang ay dumating na ang nagbabantay dito.
Pagkaraan pa ng may dalawang minutong pag-akyat nang paikot ay narating ko rin ang ituktok ng lighthouse. Mas lumapad ang pagkakangiti ko at hindi ko akalain na mas may igaganda pa pala ang mga tanawing nakita ko kanina noong nasa hagdanan pa lang ako.
"Ang ganda!" malakas na wika ko. Sigurado akong nangingislap na ang mga mata ko sa mga sandaling ito habang nakatingin sa malawak na karagatan.
Tama. Mula rito ay kitang-kita ko kung gaano kalaki at kalawak ang karagatan. Hindi na lang iyon isang dagat, tila isang napakalaking mundo na niyon at nagsilbing bahagi na lang niyon ang dagat at baybayin na kanina lang ay tinatanaw ko.
Kumikislap ang tubig sa dagat dahil sa sikat na nagmumula sa araw, para ngang nahati ang dagat dahil wala namang mga isla na nagsilbing dekorasyon niyon. Pakiramdam ko ay naging magkahati ang kalangitan at ang karagatan. Literal na magkadaop ang hangganan ng isa't-isa at mas dumagdag pa sa karismang hatid niyon ang mainit na sikat ng araw.
Hapon pa lang at mamaya pa lulubog ang araw ngunit may kaunting kulay kahel nang nagre-reflect sa tubig.
Muli kong kinuha ang cellphone at kinuhanan ng larawan ang karagatan kasama ang kalangitan. Hindi pa ako nakuntento dahil maging ang iba't-ibang anggulo ay siniguro kong nakuhanan ko rin ng larawan.
Maging iyong mga rock formation na nasa magkabilang bahagi, sa kanan at sa kaliwa, kinuhanan ko rin ang mga iyon. Kung kanina, ang mga rock formation na nakita ko sa kaliwang bahagi ay hindi masyadong kumuha ng aking atensyon, ngayon ay mas nabighani ako roon. Mula rito sa bahaging ito ng lighthouse ay tanaw na tanaw ko ang kagandahang mayroon iyon.
Wala sa sariling napatingin ako sa ibabang bahagi ng lighthouse. At kahit na mataas ang kinalalagyan ko ay hindi ko pa rin naiwasang hindi mapa-wow nang malakas nang makitang isang makulay na hardin ang nandoon. Hindi ko iyon nakita kanina noong nasa ibaba ako dahil nasa likurang bahagi iyon ng lighthouse ngunit ngayon ay nakikita ko na iyon nang maayos. Sisiguraduhin ko ring makikita ko iyon nang malapitan pagbaba ko mamaya.
Mahigpit na hinawakan ko ang cellphone at kinuhanan ko rin iyon ng larawan. Ang ganda ng pagkakakuha ko roon at kitang-kita ko ang makukulay na mga bulaklak mula sa larawan.
Muli akong napatingala sa kalangitan nang isang eroplano ang dumaan doon. Humakbang ako nang paatras para mas makita iyon at hinintay na dumaan iyon sa anggulong gusto ko, sa gitna ng mapagmataas na araw at ng malawak na karagatan.
Napangiti ako nang umayon nga ang direksyon niyon sa gusto kong anggulo. Kaagad na itinutok ko ang camera ng cellphone at kinuhanan iyon. Ilang larawan din ang nakuha ko bago makuha ang anggulong kanina lang ay nai-imagine ko sa isip.
Wala sa sariling napasandal ako sa pader at hindi ko inaasahan na bukod sa matigas na semento at may malambot na bagay akong matatapakan.
"Aray!" an unfamiliar voice shouted.