Jarrah's Pov:
Nakagat ko na lang ang labi ko pagkatapos kong maibigay sa registrar ang mga requirements na kailangan ko. Mabuti na lang talaga at hindi nagsisimula ang pasukan, kung nagkataong nakapag-transfer ako rito na simula na ang klase ay siguradong mas hindi ako magiging komportable, mas makatatawag iyon ng atensyon.
Simple lang naman ang plano ko sa bagong buhay na araw-araw na yata ay bukambibig ng mga magulang ko— iyon ay ang magkaroon ng tahimik at payapang huling taon sa kolehiyo rito sa bayang ito.
Ang habol ko ay degree. Hindi ko na nga maramdaman ang excitement at thrill sa tuwing naiisip ko na ang kursong kinuha ko ay ang simula ng katupatan ng pangarap ko. Hindi ko alam kung kailan nawala ang apoy na nasa puso ko para sa sariling pangarap. Nagising na lang ako isang araw na mas pinahahalagahan na ang bagay na makatutulong sa akin at sa pamilya ko kaysa sa bagay na inakala ko noong magiging dahilan ng pagbilis ng t***k ng aking puso.
Ang dating nagiging motibasyon ko para mas mag-aral nang mabuti ay naglahong parang bula at wala akong magawa. Wala rin naman akong planong gumawa ng kahit ano para ibalik iyon.
Mula nang mangyari ito sa pamilya namin, tinanggap ko na na lahat ng bagay na may kinalaman sa akin o kahit sino sa pamilya ko ay siguradong makararanas ng pagbabago. At hindi nga ako nagkamali.
Dahil wala pa man kaming isang buwan sa bayang ito ay parang gusto na ng mga magulang namin ni Heidi na rito na lang manirahan. Araw-araw nilang sinasabi na isa ito sa pangarap lang nila noon— ang magkaroon ng tahimik at simpleng buhay sa lugar na katulad ng La Consolacion.
Ni hindi ko na nga naririnig ang kahit sino kina Mama at Papa na mag-usap ng naging buhay namin sa lungsod. Tila ba ay kuntento na sila sa estado ng buhay namin ngayon. Hindi naman ako bulag at mas lalong hindi ako bingi, malinaw kong nakikita at naririnig ang madaming plano ng mga magulang ko para masigurong dito na kami maninirahan.
Walang problema kay Heidi dahil mukhang pati ang nakababata kong kapatid ay nakapag-adjust na sa buhay dito. Bata pa si Heidi kaya hindi na n'ya hinahanap ang mga naging kaibigan at kalaro n'ya sa lungsod. Mabilis s'yang nakapag-adapt sa kapaligiran at naging madali rin sa kanya ang makahanap ng mga bagong kalaro at kaibigan.
Ako nga lang yata ang naiwan— dahil sa aming apat, ako lang ang hindi kuntento sa mga nangyayari ngayon at ako rin lang yata ang halos ipagtabuyan ang bawat pagbabagong nakikita ko sa araw-araw, kahit na sa huli ay yayakapin ko rin ang mga iyon dahil wala naman akong pagpipilian.
Sa ngayon, simple lang ang pangarap ko. Magtatapos ako ng kolehiyo at gamit ang diploma na makukuha ko rito, babalik ako sa lungsod para magtrabaho. Bukod sa maganda roon at kompleto sa lahat ng kailangan, mas madami rin ang opportunities sa lungsod at iyon ang hindi ko palalampasin.
Hindi ako kuntento sa buhay namin dito. Kung ayaw na ng mga magulang ko at ni Heidi na bumalik sa dati naming buhay, naging pangarap ko naman ang ibalik sa dati ang estado ng aming pamilya.
Kasama rin sa simple kong pangarap ang makapagtatag ng negosyo at kung papalarin ay ang maibalik sa amin ang kompanyang pinaghirapan ng aking mga magulang.
"Malayo na ang narating ng isip mo, Jarrah..." mahinang kausap ko sa sarili habang nakatingala sa maaliwalas na kalangitan.
Kalalabas ko lang mula sa gusali na kinalalagyan ng registrar at wala na rin akong gagawin lang ibang bagay dito sa eskwelahan. Bukod sa wala naman akong mga kaibigan dito, ang pag-e-enroll lang talaga ang ipinunta ko rito. Ayoko ring makatawag ng pansin dahil wala sa plano ko ang makipag-socialize sa kahit sino sa mga estudyante rito.
Isa lang ang rason ko— alam kong hindi ko sila mapagkakatiwalaan.
Huminga pa ako nang malalim bago nagpatuloy sa paglalakad patungo sa entrada ng eskwelahan. Mas bumagal la ang bawat hakbang ko palapit sa direksyong iyon.
Hindi ko naman kasi alam kung saan ako pupunta. Sa loob ng isang linggong pananatili namin dito sa La Consolacion ay wala pa akong napupuntahan kung hindi ang lugar na kinatitirikan ng bahay namin at maging iyong malapit na dagat na paboritong puntahan ni Heidi.
Napatigil ako sa paghakbang nang maalala ang bilin sa akin ni Mama. Sinabihan n'ya akong makipag-kaibigan ako sa mga estudyante rito. Samantalahin ko raw ang pagkakataong ito para makahanap ng mga taong matatawag kong kaibigan.
Sinulyapan ko ang relong nasa kaliwa kong braso. Isang oras at kalahati lang ang gunugol ko sa pila ng mga nag-e-enroll at kasama na roon ang pakikipag-usap sa mataray na registrar.
Hindi ko akalain na ganoon kabilis ang proseso rito kaya may oras pa ako bago umuwi sa aming bahay. Ito ang tinutukoy ni Mama, na sa halip na umuwi o kung ano pa man ay gamitin ko ang natitira kong oras para magkaroon ng kahit sinong matatawag na kaibigan.
Ngunit kahit yata isang buwan na ang ilagi ko rito ay wala akong magiging kaibigan. Wala sa plano ko ang gumawa ng social life sa malayong bayang ito Ayoko ring magkaroon ng kahit anong uri ng attachment sa kahit sino dahil natatakot akong baka dumating ulit ang pagkakataon na umalis ulit kami at lumipat ng tahanan. Hindi ko alam kung bakit o paano ngunit para akong nagkaroon ng takot na baka maulit lang ulit nang maulit ang mga nangyayari sa amin.
Ngayon ko lang naramdaman ang pakiramdam na ito ngunit parang sanay na sanay na ako. Para bang pati ang puso ko ay nararamdaman ang pamilyar na mga damdaming dala ng sitwasyon kahit na sigurado akong ngayon ko lang naramdaman ang ganitong uri ng comfusion. Maging ako ay hindi na sigurado sa kung ano ang eksaktong nararamdaman.
Muli akong nagpatuloy sa paghakbang patungo sa entrada ng eskwelahan. Hindi ko alam kung saan pa ako puwedeng pumunta ngayong araw na ito ngunit malinaw na hindi ko gustong umuwi sa bahay.
Bahala na! Kahit saan na lang!