Jarrah's Pov:
Hindi ko maiwasang hindi mamangha sa malaking eskwelahang nakikita ko sa mga sandaling ito. Hindi sa mapanghusga ako ngunit hindi ko talaga inaasahan na maganda, makulay at malawak ang nag-iisang eskwelahan ng kolehiyo sa malayong bayang ito.
Ang La Consolacion College ang tanging eskwelahan sa kolehiyo rito sa Norte. Kaya maliban sa mga naninirahan dito sa bayan ng La Consolacion, mayroon ding mga taga-ibang bayan pa rito sa Norte na sa eskwelahang ito rin nag-aaral. Hindi na naman nakapagtataka iyon dahil kung pagbabasehan ko ang itsura ay mukhang kaya talagang makipagsabayan ng eskwelahan sa mga nasa lungsod.
Malaki ang kulay kalawang na arko ng eskwelahan na nagsisilbi ring tarangkahan. Ang pathway na nagmumula sa tarangkahan ay maluwang, kasya yata ang dalawang sasakyan kahit pa pumasok nang sabay. Nasa tabi ng pathway ang nakahilerang mga mayayabong na puno ng Narra.
Nasa kaliwa naman ang malawak at maberdeng field, ngayon pa nga lang ay madami na akong nakikitang mga estudyante roon na naglalaro ng soccer.
Hindi ko rin inaasahan na may apat na magkakatabing tennis court sa kanang bahagi. May mga espasyo pa na hindi ko alam kung para sa kung anong sports club ngunit nasisiguro kong lahat iyon ay may kinalaman sa mga larong pisikal.
May mga lugar na mukhang parke, mga tambayan ng mga estudyante at ang malawak na garden na natataniman ng iba't-ibang uri ng mga halaman, namumulaklak man o hindi. May nakita rin ako kanina na tila botanical garden.
Hindi ako pamilyar sa paligid kaya naging mabagal ang paglalakad ko. Sinusuyod ko ang buong paligid at sinusubukan kong maging pamilyar ang sarili sa bawat nakikita.
Maganda ang tanawin ng eskwelahan. Ala-una nq ng hapon ngunit maaliwalas pa rin ang kalangitan. Halos puti ang kulay ng langit ngunit mas nakadagdag iyon para mas lalong maging kaakit-akit ang buong paligid.
Hindi ko maiwasang hindi punain o purihin ang bawat bagay na nakikita ko. Marami na ring mga estudyante na katulad ko ay mag-e-enroll sa eskwelahang ito at mukhang ang karamihan ay tapos na.
Tinulungan ko pa si Mama kaninang umaga sa mga gawaing bahay kaya inabot na ako ng ganitong oras. Pagkatapos kumain ng tanghalian ay saka lang ako nakapunta rito.
Isang traysikel ang sinakyan ko dahil ayokong mahuli kahit na enrollment pa lang. Wala namang itinakdang oras ngunit gusto kong matapos kaagad dito at nang mabilis akong makauwi. Plano kong maglakad na lang pauwi para naman ay masanay na ako sa darating na pasukan.
Hindi naman ganoon kalayo ang eskwelahan, nasa sentro ito ng bayan at kung lalakarin ay maaaring abutin ng sampu hanggang labinlimang minuto. Ganoon lang kalapit kaya nasisiguro kong sa oras na magsimula na ang klase ay lalakarin ko na lang ang aking pagpasok.
Sandaling nawala ang mga mata ko sa paligid. Natuon ang atensyon ko sa mga estudyanteng nagkakasiyahan sa lilim ng isang mayabong na puno ng Narra. Bahagya pa nga akong napatigil sa paglalakad para lang tanawin ang mga estudyanteng iyon.
Hindi ko maiwasang hindi mainggit lalo na at nakikita ko sa kanila ang dating ako.
Dahil sa mayaman ang pamilya namin noon at namamayagpag ang negosyo ng mga magulang ko, lagi akong bida sa naging eskwelahan ko sa lungsod. Ako ang kinaiinggitan ng halos lahat dahil na rin sa maganda at masarap na buhay na aking tinatamasa.
Ngunit noon iyon. At ngayon ay ako na ang nakararamdam ng bahagyang pait sa aking puso. Hindi ko maiwasang hindi pagsisihan ang mga nagawa kong kalokohan noon. Kung sana at hindi ako naging magastos, baka ay may naipon ako kahit paano. Nag-ipon naman ako ngunit hindi iyon naging sapat at huli na rin nang simulan ko iyon.
Ngayong bumaliktad na ang mundo ko ay wala akong magawa kung hindi ang pikit-matang tanggapin ang naging pagbabago at magiging pagbabago pa sa buhay ko at ng aking pamilya.
Bago pa mapansin ng mga estudyanteng nagkakasiyahan ang paninitig ko ay kaagad ko nang tinanggal sa kanila ang aking atensyon.
Ipinagpatuloy ko ang paglalakad at hindi ko inaasahan na sa tagal at bagal ng aking mga hakbang ay kaagad kong mararating ang parteng ito ng eskwelahan.
Hindi ko maiwasang hindi tingalain ang apat na gusaling nasa harapan ko. Binilang ko ang mga palapag na mayroon ang bawat gusali at na-realize kong pare-parehong may anim na palapag ang mga iyon. Magkakakonekta rin ang mga iyon sa pamamagitan ng mga hagdan na nakakonekta sa isa't-isa.
Napatingin ako sa kaliwang bahagi, may malaking tila lumang mansyon ang naroon ngunit base sa ayos at kulay niyon ay mukhang ginastusan at inalagaan ang pagtatayo niyon doon. Malalaking titik ng library ang nakasulat sa signage ng mansyon.
Wala sa sariling napangiti ako. Siguradong kapag nagsimula na akong mag-aral dito ay magiging paborito kong tambayan ang library. Ngayon pa lang ay nakikita ko na ang sarili ko na gugugulin ang mga natitirang oras sa pag-aaral o kaya ay pagbabasa sa lugar na iyon.
Sa tapat naman ng library ay may mga tree house. Hindi ko nga lang magawang mabilang kung ilan ang mga iyon dahil medyo tago na sila mula rito sa kinatatayuan ko. May mga estudyante na rin na nakatambay sa ilang mga tree house at base sa nakikita ko ay nag-e-enjoy naman ang bawat isa sa kanila.
Sandali akong pumikit at kasabay nang pagmulat ng aking mga mata ay ang pagpapakawala ko ng malalim na hininga. Tumutok ang aking mga mata sa unang building, ayon sa mga napagtanungan ko, nasa loob ng gusaling iyon ang lugar na pakay ko para sa araw na ito.
Napahigpit ang pagkakahawak ko sa strap ng suot na tote bag. Nasa isa ko namang kamay ang isang brown envelope na naglalaman ng aking mga requirements para sa pag-e-enroll.
Bahagya akong tumango at humakbang na patungo sa pakay na gusali. Bahagyang maingay at magulo ang tanawin na sumalubong sa akin pagkapasok na pagkapasok ko pa lang sa entrada ng gusali.
Hindi ko alam kung suwerte ba ako dahil iilan lang ang mga estudyanteng nakapila sa registrar. Mabilis na humakbang ang aking mga paa sa dulo ng pila.
Mukhang wala na talaga akong kawala sa malaking pagbaliktad ng aking mundo.