1

1121 Words
"Marunong na akong magbantay, ate. Umalis ka na po." Naiirita na si Chio sa paulit-ulit na paalala ko sa kanya kung paano bantayan ang sinaing.  Tumutulo pa ang buhok ko matapos kong isuot ang isang pantalon at itim na blouse. May dala rin akong bag na may laman ng damit ko in case na hindi ako umuwi na naman mamaya. Baka kasi umagahin na kami sa gig na tinutukoy ni Val at kakailanganin ko namang dumiretso sa mga trabaho ko.  Ngayon nga lang ang day off ko. Panahon ko na sana para maglaba at alagaan ang mga kapatid ko pero wala e, kailangan mauna ang pera bago pahinga.  Maraming gastusin sa eskwelahan kahit sabihing scholar sina Charise, Chester, at Chio. Si Chia naman kasi ay hindi na humihingi ng pera sa akin dahil sa kakasali niya sa mga battle of the bands. Lagi naman siya nananalo doon kaya yung premyo niyang pera ay nakakatulong sa gastusin sa bahay. Hindi ko na nga siya pinagbibigay pero nahihiya raw siya.  "May pera pa ba kayo? Baka bukas na ako umuwi." Nilabas ko ang pitaka ko at nilabas ang huling dalawang libo na naroon. Kukuha na lang ako sa ATM mamaya ng natitirang limandaan ko doon.  Inabot ko iyon kay Chio pero binalik din niya sa akin, "Wala naman babayaran, ate. Binayaran mo na po last week yung mga bills. Nanalo naman si Ate Chia sa laban niya last week kaya nakapamili sila ni Ate Charise ng pagkain dito sa bahay. Sa'yo na iyan, ate." mahabang paliwanag niya sa akin habang nakapamaewang pa sa akin.  Minsan hindi ako naniniwala na nagagawa na ng mga kapatid ko na tumayo sa sarili nilang paa kahit wala ako. Dati sinasamahan ko pa sila sa pag-e-enrol o kaya pagbili sa grocery pero malaki na raw sila at kaya na nila iyon kahit wala ako.  Naiintindihan naman nila na ginagawa ko ito para sa kanila.  Nag-apply din ako sa Singapore kahit domestic worker lang sa isang agency dito sa Pilipinas. Mas kakayanin kong mapalayo sa kanila para may magandang buhay akong maibigay sa kanila. Hindi ko pa naman sinasabi sa kanila iyon dail wala pang resulta. Ayoko silang umasa sa wala pa.  Tinupi ko na lang ang pera at pinasok sa pitaka ko. Hihingin din naman nila sa akin iyon baka nga lang mayroon pa sila ngayon. Hindi ko kasi sila maasikaso talaga sa ngayon dahil sa trabaho ko. Sa susunod na day off ko ay hindi ako tatanggap ng gig para makumusta ko man lang sila.  Paano naman ay umuuwi ako sa bahay ng wala sila, kung nandito naman ako ay tulog lang ang ginagawa ko. Sila na ang gumagawa ng gawaing bahay.  Tinanguan ko si Chio, "Basta tawagan niyo ko ah. Sabihan mo yung mga kapatid mo na isarado yung pintuan at i-double check yung mga bintana. Huwag kayong magpapasok ng hindi kakilala." Sunod-sunod na bilin ko sa kanya.  Tamad na tumango sa akin si Chio na parang rinding-rindi na sa mga sinasabi ko sa kanya. Siya kasi ang nakatanggap ng mga salita ko ngayon lalo na at wala yung mas matanda sa kanya.  Ginulo ko na lang ang buhok niya bago ako lumabas. Safe naman sa apartment na tinutuluyan namin dahil ilang taon na kami rito. Noong tumakas kami sa bahay-ampunan sa Pampanga ay dito kami napadpad.  Wala akong kaalam-alam sa lugar na ito noon. Blangko ako sa kung anong pwedeng gawin. Mabuti na lang at ang land lady namin na si Nanay Beth ang nakakita sa amin noon. Ang unit na tinutuluyan namin ang pinakamalaki sa apartments na mayroon siya, sa mababang halaga lang niya iyon binigay sa akin. Ganun siya kabuting tao. Kahit isang beses ay hindi siya nagtaas ng renta dahil sa awa sa akin.  Ang tanging dala ko lang noon ay limang libong piso at siya ang nagturo sa akin na gastusin iyon sa tamang paraan. Hindi niya ako ginulangan kahit mukha akong tanga noon.  Sa murang edad ay kinailangan kong magbanat ng buto para sa mga kapatid ko. Hindi ako nagsisisi na inuna ko sila bago ang sarili ko. High school lang ang natapos ko pero ayos na iyon, hindi na ako naghahangad pang bumalik sa pag-aaral. Makita ko lang na makatapos ang mga kapatid ko ay sapat na sa akin.  Pagdating sa Maynila ay iba't ibang sideline ang pinasukan ko para lang may mapangkain kaming magkakapatid. Nangangailangan pa noon si Chio ng gatas noon kaya doble-kayod ang ginawa ko.  Nasa labasan na ako patawid sa SM Manila ng makita ko si Charise na may kasamang lalaki. Ngiting-ngiti pa ito habang ang lalaki ang may hawak ng  gamit ni Charise. Nanliit ang mata ko habang nakatingin sa kanila. Masaya silang nagkukwentuhan at mukhang hindi ako napansin.  Hindi ko naman sila pinagbabawalan na pumasok sa isang relasyon. Ang akin lang ay i-balanse nila ang pag-aaral at pakikipag-relasyon. Ayoko silang pagbawalan dahil alam kong doon sila masaya.  Kahit hindi na lang ako maging masaya basta't sila ay masaya.  Natigil ang tawanan ng dalawa dahil patawid na rin sila na daan naman papunta sa amin. Natigil sa pagtawa si Charise at namutla ang mukha pagkakita sa akin. Agad niyang kinuha ang gamit sa lalaki at nagmamadaling tumawid , mabuti na lang at red light na.  "Babe!" habol na sigaw naman ng lalaki.  Kinagat ko ang labi ko para hindi mapangiti. Gusto kong kilalanin ang lalaking nagpatibok sa puso ng kapatid ko.  Nanlaki ang mata ni Charise paghinto sa tapat ko. Kinakabahang nilingon pa nito ang lalaki sa likuran, "A-ate," tawag niya sa akin.  Tinaasan ko siya ng kilay bago tinagilid ang ulo dahil sa lalaking nakasunod dito. Napahinto rin ang lalaki pagkakita sa akin. Inayos nito bigla ang uniform nito, mukhang school mate pa silang dalawa.  "Ah...ano, ate..." natatarantang sabi ni Charise.  "Pag-uwi ko na tayo mag-usap. Sa bahay mo na imbitahan yang boyfriend mo at si Chio lang ang nasa bahay," sabi ko sa kanya. Tumango-tango naman siya na parang maamong tupa sa akin bago nilingon ang lalaki sa likuran. "Arman po, ate, manliligaw ko po." Pakilala niya sa lalaki.  Tinanguan ko naman yung lalaki na kasama niya na hindi makatingin ng diretso sa akin. "Ihatid mo yung kapatid ko, doon na rin kayo mag-hapunan sa bahay." sabi ko sa kanya.  "O-opo, ate!" anito na parang sundalo sa bilis ng pagsagot sa akin.  Tinignan ko naman si Charise na mukhang naghihintay pa sa iba kong sasabihin, "Tawagan mo si Chia at sabihin mo na hanggang alas-otso lang siya pwedeng mag-practice. Kapag hindi pumayag pasundo mo kay Chester baka nasa school lang din nagpapractice iyon," habol na bilin ko sa kanya.  "O-opo, ate." sagot ni Charise sa akin.  Napailing na lang ako sa kanya bago tumawid at baka naghihintay na sa akin si Val. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD