"Dahan-dahan...aray!"
Nakaalalay na pinaupo ako ni Val sa shotgun seat ng kotse niya. Inis na inis ang mga ito sa akin kasi tinapos ko pa yung event na masakit yung paa ko.
Mas namamaga nga ata kasi halos i-a-apak ko pa lang ay naiiyak na ako sa sakit.
Dinala naman nila ako sa pinakamalapit na ospital at nilagyan lang ng temporary cast. Sprain daw yung nangyari, na-align naman nila yung buto na lumihis pero kailangan ko pa rin ipahinga.
"Yan! Mauubos ang trenta mil mo kaagad kasi hindi ka papasok ng isang linggo!" sermon ni CC sa akin.
Nakapamaewang sila habang nasa labas pa silang sasakyan na tatlo at nakatingin sa akin. "Hindi ko naman ginusto, mare." Sagot ko sa kanila.
Gigil na hinarap ako ni Jill, "Sana pagpasok mo pa lang kanina sinabihan mo kaming may nangyari sa'yo!" anito sa akin.
Malay ko bang lalala ng ganito iyon?
"Tumigil na at nariyan na. Basta, hindi ka pwedeng pumasok ng isang linggo. Sundin mo ang mga doktor, Chayla. Huwag kang magmatigas kasi hindi ka naman hotdog ng boys para tumigas." Litanya nito sa akin.
I pouted my lips while listening to them. Isang linggo rin akong hindi kikita. Paano naman yung mga kapatid ko? Pwede naman sigurong isang araw lang? Papahinga lang ako ng isang araw tapos ayos na.
"Tigilan mo yang iniisip mo, Chayla! Basang-basa ko yang iniisip mo ngayon." Nakasimangot na sabi ni Jill sa akin.
Malalim ang pinakawalan kong buntong-hininga at tinignan silang tatlo, "Paano yung mga kapatid ko?" tanong ko sa kanila. Hindi ko naman pwedeng ubusin yung thirty thousand na kinita ko ngayon kasi may pinaglalaanan na ako nun.
Umiling silang tatlo sa akin, "Dadalhan ka naming ni CC ng grocery later or gusto mo mag-camp out tayo sa labas ng SnR para pag-uwi mo ay may dala kang grocery." Suhestiyon ni Val.
Alas-tres na rin kasi naman nang umaga. Sobrang late na natapos yung event tapos dinala pa nila ako sa ospital.
"Very good yang suggestion mo. Gusto ko rin maexperience na mag-camp out sa labas ng mga grocery store." Nakangising sabi ni Jill.
Alanganin na rin naman kasi kung uuwi na ako agad. Kahit sabihing may susi ako ng bahay ay ayoko naman maistorbo yung mga kapatid ko sa pagtulog nila.
Nagkibit balikat na lang ako sa kanila.
"Gaga! May Starbucks along the way, doon na lang tayo or sa twenty-four hours na fast food shop na lang. Tsaka inaantok na rin ako." Sabat naman ni CC.
Nagkatinginan kaming apat at sabay-sabay na humikab. Antok na antok na rin talaga ako.
"Sige ganito. Dito na lang tayo sa kotse matulog since may space naman tapos marathon agad tayo sa grocery after." Pinal na sabi ni Val.
Nagsitanguan kaming lahat bago sila sumakay ulit sa sasayan. Si Val ang nagmaneho patungo sa isang 24 hours na fast food chain. Hindi na ako umorder dahil antok na antok na ako kaya hinayaan na nila akong matulog muna sa sasakyan.
Kung umalis man kami doon sa fastfood chain ay hindi ko na naramdaman dahil gawa na rin ng pagod. Kung hindi lang sa yugyog ni Val ay hindi pa ako magigising.
Nagulat pa ako na nasa tapat na ako ng apartment namin at kaming dalawa na lang ang nasa kotse. "Asaan sila?" tanong ko sa kanya.
"Nakapunta na kami sa grocery tapos nahatid ko na sila sa bahay nila," sagot niya sa akin.
Tumango ako sa kanya bago humikab. Mas nararamdaman ko yung sakit nung paa ko ngayon. Parehas kaming napatingin ni Val doon.
"May antibiotics kaming binili ah. Tawagin ko yung mga kapatid mo para mabuhat yang mga pinamili namin." Hindi na niya ako hinintay na magsalita at bumaba na ng sasakyan.
Malalim ang pinakawalan kong buntong hininga bago lumabas din ng sasakyan. Dahan-dahan kong inapak yung paa ko sa daanan. Kung anong bagal ko ay siyang paglabas naman ng mga kapatid ko.
Nakasuot na ng pamasok si Chester habang nakapambahay naman si Charise, halatang naglalaba dahil basa ang suot na damit.
"Anong nangyari, ate?" tanong agad ni Chester sa akin tsaka lumapit.
Mabilis din na nagtungo sa gilid ko si Charise. "Anong nangyari sa'yo, ate?" nag-aalalang tanong nito sa akin.
"Charise, ipasok mo na sa loob yang ate mo. Chester, tulungan mo kong ipasok itong mga grocery." Utos ni Val sa mga kapatid ko.
Tumango naman si Chester dito kaya hinawakan naman ako ni Charise at inalalayan na makapasok sa loob ng bahay. Mabagal nga lang dahil sa cast ko. Bumili pa ng crutch sina Val para magamit ko raw. Ayoko nga sana dahil hindi ko naman gagamitin iyon nang matagal.
"Dahan-dahan lang ate." Ani ni Charise sa akin hanggang maiupo ako sa sofa.
Nakita ko yung gamit ni Chester na nasa ibabaw ng mesa at handa na talagang pumasok. "Walang kang pasok?" tanong ko kay Charise.
"Wednesday ngayon, ate." Sagot niya sa akin.
Tuwing Miyerkules ay wala silang pasok dahil wash day nila sa school. Kaya tuwing Miyerkules ay siya ang tao sa bahay at naglalaba pati naglilinis. Hindi ko man lang magawa iyon sa kanila.
Lumabas din si Charise para tumulong kina Val at Chester. Sumandal naman ako sa sofa at tinuon ang mata sa television namin na nakabukas.
Maya-maya lang ay pumasok na rin sina Val, Chester, at Charise na bitbit yung kahon ng grocery. "O mare, magpahinga ka na muna diyan. Tandaan mo one-week kang bawal gumalaw masyado. May mga karne na akong binili diyan sa grocery tapos malapit lang naman ang talipapa diyan kaya pwede na kayong bumili ng gulay doon," Nilingon ni Val yung mga kapatid ko.
"Yung bilin ko sa inyong dalawa. Huwag na huwag niyong paalisin yang ate ninyo at bilin ng doktor na bawal yan gumalaw masyado. Sa Martes, daraanan ko yang ate ninyo at ipapatanggal namin yung cast ng paa niya." Aniya sa mga ito.
"Opo, Kuya Val." Magalang na sagot ni Chester dito.
Humarap ulit sa akin si Val, "Huwag matigas ang ulo, Chayla. Padadaanin ko si Jill dito mamaya para tignan ka tapos si CC naman sa susunod na araw. Kailangan ko lang lumipad sa Hong Kong bukas kaya hindi kita mapupuntahan, sa Martes na tayo magkita." Mahabang litanya niya sa akin.
Tumango naman ako sa kanya, "Salamat, Val. Bayaran ko na lang yang ginastos mo sa grocery—"
"Echosera ka. Babye na at need ko rin mag-borlogs." Kumaway pa siya bago lumabas ng bahay.
Nakatingin naman sa akin ang mga kapatid ko na alalang-alala ang mga mukha. "Huwag niyo kong pansinin at gawin niyo yung dapat ninyong gawin. Kaya ko naman." Sabi ko sa kanila.
Nagkatinginan sina Chester at Charise sa isa't isa bago nila binalik yung tingin nila sa akin. "Ako na bahalang mag-ayos ng grocery, ate. Tatapusin ko lang yung mga nilalabhan ko." Ani ni Charise sa akin.
Tumango naman ako sa kanya, "Huwag niyo ko masyadong intindihin at kaya ko naman. Hindi naman masyadong masakit ito—"
"Uuwi ako agad pagkatapos ng klase ko, ate. Makinig ka na lang kay Kuya Val at alam din niya yung tama para sa'yo." Sabat naman ni Chester.
Ngumiti ako sa kanila bago tumago. "Opo. Sige na... gawin niyo na yung mga dapat ninyong gawin. Huwag niyo kong intindihin dito."
Mabuti na lang at napilit ko pa rin yung dalawa kasi ayoko naman na maging alalahanin pa nila ako. Kaya ko naman na rin kasi.
Umalis si Chester pagkaraan tapos si Charise ay nagpatuloy ng labada niya sa labas ng bahay. Ayoko naman na walang ginagawa kaya dahan-dahan akong tumayo at isa-isang sinalansan yung grocery na binili nila Val para sa akin.
"Jusko..." Inabot ko ang box ng feminine wash na naroon. Tatlong klase iyon. Kasama naman nila si Jill na namili pero bakit iba-ibang brand pa?
Nalukot ang mukha ko sa kagagahan ng mga kaibigan ko. Para ngang hindi pang-isang linggo ang supply na binili nila dahil napakarami. Napuno yung freezer namin ng mga karne na binili nila, may ilan na nilagay pa ako sa loob ng ref lang mismo.
Dahil siguro sa dami ng labahan ni Charise ay hindi siya kaagad nakapasok at natapos ko yung pagsasalansan ng grocery nang mapayapa.
Naisipan kong gawing pininyahan yung manok na hindi ko naipasok sa freezer. Paborito pa naman ng mga kapatid ko iyon. Hindi ko rin kasi gets kung bakit may mga noodles and sauce na kasama sa grocery. Siguro dampot lang nang dampot ang mga iyon at hindi na tinitignan yung binibili.
Wala nga lang pineapple tidbits sa grocery kaya iyon ang kailangan kong ipabili kay Charise.
Naupo na ako sa monoblac sa harapan ng lamesa namin matapos kong ihanda yung mga kakailanganin ko.
"Charise!" tawag ko sa kanya.
"Ate?!" sagot naman nito sa akin. Maya-maya lang ay pumasok na rin ito sa loob ng bahay dahil narinig ko yung pagbukas ng spring na pintuan namin.
Una niya akong tinignan sa salas kung saan niya ako iniwan bago siya sumulpot sa kusina. Nanlaki pa ang mata niya dahil malinis na yung ibabaw ng lamesa.
"Sabi ko na nga ba at hindi ka titigil lang. Ang kulit mo talaga, ate." Naasar na sabi niya sa akin.
Hindi ko siya pinansin at nagpatuloy lang sa paghiwa ng bawang. "Kumuha ka ng isang daan sa pitaka ko. Bumili ka ng fresh pineapple sa naglalako diyan sa labas, pahiwa mo na ng cubes tapos bili ka rin ng pineapple tidbits. Magluluto ako." Utos ko sa kanya.
Nagpakawala ito nang malalim na buntong hininga bago ako sinunod. Tipid na ngumiti na lang ako habang sinusundan ng tingin ang kapatid ko. Wala naman kasi silang magagawa rin.
Tsaka ako ang panganay, responsibilidad ko pa rin naman na alagaan sila at hindi yung sila ang mag-aalaga sa akin.
Hindi naman ako pwedeng igupo ng nangyari na ito tsaka paa lang naman ito. Hindi na kailangan pang gawing big deal, hindi naman malala yung nangyari sa akin.
Wala pang limang minuto ay bumalik na si Charise na hawak yung pinabibili ko sa kanya, may kain-kain din siyang mangga.
"Eto na ate." Nilapag niya sa harapan ko yung mga pinabili ko. "Kaya mo ba?" tanong niya sa akin.
Tumango naman ako sa kanya. Lumabas na rin kaagad ito at pinagpatuloy ang paglalaba samantalang ako ay nagsimula na magluto. Uuwi kasi si Chia at Chio galing eskwela mamayang tanghali dahila hanggang tanghali lang naman ang pasok nila unless may pupuntahan na naman na iba ang mga iyon.
Masakit man ang paa ko ay pinilit ko pa rin na magluto. Ayoko kasing umasa lang sa mga kapatid ko lalo na at hindi naman ako imbalido para hindi gumalaw.
Nagsaing na rin ako ng pumasok si Charise sa loob ng bahay. Tapos na siguro sa ginagawa.
"Ako na diyan, ate." Saad niya sa akin.
Umiling ako at tinignan siya, basang-basa ang pang-itaas niya. "Magpalit ka ng damit mo at tignan mo nga yang sarili mo."
Nagbaba naman ng tingin si Charise doon. "Matutuyo rin ito, ate. Ikaw ang dapat na nakaupo lang ngayon dahil iyon ang utos ni Kuya Val sa amin."
Inalis ko ang tingin ko sa kanya at nilagay pineapple na binili niya sa labas sa niluluto ko. "Wala si Valentin dito kaya ayos lang yan."
"Kahit na ate..."
"Magpahinga ka at kailangan mo iyon dahil katatapos mo lang maglaba." Utos ko sa kanya.
Hindi naman na siya sumagot at narinig ko na lang yung yabag niya papuntang salas. Mabuti na rin iyon at wala akong masyadong dinadaldal.
Pinakuluan ko lang yung niluluto ko pagkatapos ay okay na. Pasado alas-onse na rin naman. "Charise, kumain na tayong dalawa." Tawag ko sa kanya.
"Opo, ate." Maya-maya lang ay nasa harapan ko na siya at tumutulong sa akin na mag-asikaso ng kubyertos.
"Anong oras ang dating ni Chia at Chio?" tanong ko sa kanya ng magsimula kaming kumain dalawa.
"Si Chio, on time lagi iyon. Mga 12:30 nandito na sa bahay, si Chia nagpaalam na may practice ng banda kasi may laban sa Linggo." Sagot niya sa akin.
"Anong oras umuwi iyon kagabi?"
"Mga seven na rin, ate."
Napailing ako sa kanya. Kahit naman malayo ako sa kanila kung minsan ay hindi ko naman sila pwedeng pabayaan lalo na at ako na lang ang natitirang pamilya ng mga kapatid ko.
"Magpapahinga rin muna ako, Charise. Gisingin mo na lang ako mamaya kapag may problema ah." Bilin ko sa kanya.
"Aalis lang ako sandali, ate. Bibili lang ako sa SM nung kailangan para sa isang subject ko—"
Nilingon ko siya, "May bibilhin o may date?" nakangising tanong ko sa kanya.
Namula ang mukha niya tsaka nagbaba ng tingin sa akin. "Basta pinapapaalala ko lang sa iyo, Charise. Unahin mo ang pag-aaral. Hindi kita pagbabawalan diyan sa relationship-relationship na iyan basta't huwag na huwag lalagpas sa holding hands at kiss muna."
Mas namula ang mukha ni Charise sa sinabi ko bago sunod-sunod na tumango, "Mabait naman si Arman, ate. Hindi namin iniisip yung ganun sa ngayon."
Tumango ako sa kanya at ngumiti, "May tiwala ako sa inyo kaya nga kampante ako na iniiwan minsan dahil kaya niyo na magdesisyon para sa sarili ninyo. Basta yung bilin ko lang lagi ang tatandaan ninyo."
"Opo, ate." Sagot ni Charise sa akin.
Hindi ko na rin pinahaba ang usapan. Siya na ang nag-presinta na maghuhugas ng pinagkainan naming dalawa. Mainam na rin kasi hinahatak na naman ako ng antok at gusto kong magpahinga.
Mahirap ang maligo dahil sa paa ko pero nagawa ko pa ring maligo. Masyado kasing malagkit yung katawan ko at kung saan-saan pa kami nanggaling magkakaibigan.
Simpleng blouse na puti at maiksing shorts na lang ang sinuot ko. Naabutan ko pa si Charise na may ka-chat sa cellphone nito habang nakahilata sa sofa.
Hindi ko na siya inabala at nagdesisyon na matulog na lang.
Matinding pagod at antok talaga ang naranasan ko kaya sobrang himbing nang naging pagtulog ko. Alas-siyete na ng gabi ako nagising at halos kumpleto na ulit ang mga kapatid ko at nag-aaral.
"Ate!" tawag ni Chia sa akin. Bagong paligo ito at may band aid pa ang mukha.
"Bakit ganyan itsura mo?" tanong ko sa kanya.
"Concept naming ito, ate." Sagot niya sa akin tsaka tinapunan ng tingin yung paa ko. "Bakit pilay ka?"
"Wala yan." Tanging nasagot ko sa kanila. "Nagugutom na ba kayo? Sandali lang." Pupunta na sana ako sa kusina ng magsalita naman si Chester.
"Umorder na kami ng pagkain, ate. Naubos ni Chia yung ulam natin kanina, hindi nga ako nakatikim." Reklamo ni Chester.
"Ang sarap kasi ng luto ni Ate. Tsaka minsan lang naman iyon." Sagot nito.
"Saan kayo umorder?" tanong ko sa kanila.
"Diyan sa S.M, ate. Umorder si Kuya Chester ng pansit tsaka manok." Sagot ni Chio sa akin.
"Nasaan yung inorder niyo?" tanong ko sa kanila.
"Tetext na lang daw si Kuya Chester nung kahera kapag ready na. Crush siya ata nun." Sagot naman ni Chia.
"Hoy! Hindi ah! Issue ka!"
Napailing ako sa kanila at inabot ang pitaka ko. "Bayad na ba? Eto pambayad." Naglabas ako ng isang libo mula sa pitaka ko.
"Libre ng boyfriend ni Ate Charise yun, ate. Bayad na kanina." Sagot ni Chia sa akin.
Napatingin naman ako kay Charise na namumula yung mukha sa sinagot ni Chia. "Si Kuya Chester kasi ayaw pang mag-girlfriend para lagi rin tayo may pagkain dito. Sagutin mo na kasi yung may crush sa'yo—" Pang-aasar ni Chia dito.
"Manahamik ka nga, Chia. Ikaw ang dami mong sinasabi." Anito sa kapatid.
Malalim na buntong hininga ang pinakawalan ko. Minsan ko lang sila makasama ng ganito. Andami ko na rin palang hindi alam sa kanila. Hindi ko kasi sila nabibigyan ng oras talaga dahil nagtatrabaho ako para sa kanila.
Nanghihinayang man sa mga oras na wala akong nalalaman na bago sa kanila. Alam ko naman na naiintindihan iyon ng mga kapatid ko. Sila ang prayoridad ko.
Lumipas pa ang mga araw na hindi nga ako nakapasok sa trabaho dahil bantay-sarado nila ako. Si CC at Jill ang laging dumadalaw sa akin sa bahay lalo na kapag mayroong pasok ang mga kapatid ko.
Hindi nga ako nakapasok sa trabaho dahil laging nakabantay yung mga kapatid ko o kaya naman ay laging pinapaalala ni Jill at CC na huwag muna ako papasok.
Pagdating ng Sabado ay hindi ko nakita si Chia dahil may practice ito para sa laban nito ng Linggo. Kaya ko naman na maglakad kaya nga lang mas pinili kong sa bahay na lang dahil sina Chester, Charise, at Chio ang manonood sa laban.
Nang sumapit naman ang Linggo ay maagang umalis si Chia. "Ate, aalis na ako. Wag ka na sumama mamaya kina Kuya Chester ah. Mananalo naman ako mamaya." Puno ng kumpiyansa na sabi niya sa akin.
Napangiti naman ako sa kanya at tumango. "Galingan mo ah. Iintayin ko kayo mamaya."
Tumango naman sya sa akin bago naunang umalis. Mamayang alas-sais pa naman ng gabi ng laban pero maagang pumunta si Chia sa grandstand kung saan gaganapin yung laban. Kailangan pa kasi nila na mag-practice.
"Ate, si Chio nilalagnat."
Napalingon ako kay Chester na namumutla ang mukha pagkatapos ay tinuro yung kwarto nila ni Chio.
"Ano?" Paika-ika akong pumunta sa kwarto nilang dalawa at nakita nga na nanginginig si Chio. Hinipo ko ang noo niya at naramdaman ko ang sobrang init. "Chio...Chio?" tawag ko sa kanya.
Dinilat niya ang mata niya pero halos tumirik iyon. "Chester! Tumawag ka ng tricycle. Bilisan mo." Nagmamadali kong utos sa kanya.
Nagkukumahog naman ito na lumabas ng bahay.
"Chio, gumising ka. Chio." Yinugyog ko pa ang katawan niya para lang dumilat siya pero hindi pa rin. "Charise!" sigaw ko.
Ang mabilis na yabag ni Charise ang narinig ko na sumunod. "Ate...Chio? Chio!"
Pero nanginginig na Chio lang ang sumalubong sa kanya. Wala pang ilang sandali ay dumating si Chester. Agad niyang binuhat si Chio sa loob ng tricyle. Kahit masakit ang paa ko ay agad akong sumakay sa tricycle para dalhin sa pinakamalapit na ospital ang kapatid ko.
Ang pinakamalapit na ospital mula sa amin ay ang Manila Doctors Hospital kaya doon isinugod si Chio. Sa Emergency room siya pinasok, hindi ko naman magawang pumasok din sa loob dahil bawal daw.
Nanginginig ang kamay ko habang hinihintay kung anong nangyari sa kanya. Wala namang sakit si Chio at alam kong malusog siya. Kaya wala akong ideya sa kung ano ang nangyayari ngayon sa kanya.
"Ate..." Humahangos si Charise na dumating pagkaraan. Naluluha ito habang nakatingin sa akin.
Hindi naman ako pwedeng umiyak dahil ayokong ipakita sa kanila na nanghihina ako.
"Bakit dito mo dinala, ate? Dapat sa PGH na lang. Malaki ang gagastusin natin dito." Saad niya sa akin.
Nawala na iyon sa isipan ko dahil ang una kong inisip ay ag kapakanan ni Chio. Gusto kong malaman kung ano ang nangyayari sa kanya.
"Gagawan ko na lang ng paraan." Sagot ko sa kanya.
Magsasalita pa sana si Charise ng lumabas ang doctor mula sa E.R. "Pamilya po kayo ng pasyente?" tanong niya sa akin.
Tumango ako sa kanya. "Ano pong nangyari sa kapatid ko po?"
"Your brother has meningitis, iyon ang possible cause kaya po nagkaganun ang kapatid niyo. Medyo matatagalan po sya dito sa ospital lalo na at kailangan siyang obserbahan. Meningitis can affect his brain and it might lead to death kapag pinabayaan." Sagot niya sa akin.
"A...ano pong dahilan? Malusog naman po yung kapatid ko. Hindi rin po siya mahilig sa mga street foods dahil ayaw niyang kumain ng hindi masustansya," Imposible naman kasi na pinabayaan ni Chio ang sarili niya.
"Viral infection po ang tumama sa kanya. Napabayaan niya siguro kaya nauwi sa meningitis. Kaya po ang pinakamainam na gawin ngayon ay ipasok siya sa ospital para maobserbahan maigi." Sagot niya sa akin.
Parang bumagsak ang mundo ko sa sinabi ng doctor sa akin. "G...Gawin niyo po yung makakaya po ninyo. Dito ko na po siya ipapasok para hindi na po namin kailanganin pang lumipat ng ospital."
"Ate," awat sa akin ng kambal. Alam siguro nila na mahihirapan ako sa gagastusin dito.
Umiling ako sa kanila, "Oras ang kalaban ni Chio. Mas mabuting dito na tayo dahil natignan na siya."
"You can fill out the information sa admission, ma'am. Excuse po." Paalam ng doktor sa amin.
Kung paano ko babayaran ang gagastusin naming dito...bahala na siguro.