Chapter 3

1094 Words
CHAPTER 3 "Alice," bulalas ko nang makitang huminto ito sa bandang likod ni Haris dahilan nang paglingon din ni Haris. "Mabuti at pumasok ka na. Ang dami mong nakaligtaang lessons." Hindi ko alam kung nakokonsensya lang ba ako kaya mabait ang tungo ko sa kaniya, o talagang naaawa lang ako rito bilang kaklase niya? Kahit sino naman siguro, sa kalagayan niya ay natural lang na may maawa. Iyong sa akin kasi ay nadagdagan lang ng bigat dahil sa katotohanang alam ko naman kung nasaan ang Daddy niya, pero hindi ko sinasabi sa kaniya. Wala rin akong balak na sabihin kung nasaan si Sebastian. Maang kong tinitigan si Alice at kitang-kita ng dalawang mata ko ang mariin niyang paninitig kay Haris. Ni hindi niya ako pinansin, o kahit man lang iyong sinabi ko kanina. Saglit ko silang pinagmasdan. Kung tunay na itinadhana ang mga mayayamang tao, sige, magpaparaya ako at pwedeng-pwede sila. Pero kung sa ugali ang basehan, ako ang pinakaunang magiging hater nila kung sakali. Walang-wala si Alice sa ugaling mayroon si Haris. "Nasa Bottle Ground ka kagabi, hindi ba?" ani Alice na siyang bumasag sa pananahimik ni Haris, nasilayan ko pa ang mumunting paggitla sa kaniyang noo. "Bakit mo tinatanong?" Si Haris na ngayon ay mabilis nagseryoso ang mukha. Bottle Ground? Hindi ako tanga para hindi malaman ang lugar na iyon. Sikat ang bar na iyon dito sa mga estudyante lalo dahil iyon ang pinakamalapit dito sa school. Iyon ang tambayan ng mga taong kagaya ni Alice. Pero paano niya nasabing nasa Bottle Ground si Haris? Wala namang nabanggit sa akin si Haris. Noong tumawag siya kagabi ay naroon siya sa bahay nila at sabi niya'y nagpapahinga na sa kwarto niya. Tinapos niya ang linya noong patulog na ako. Ewan ko na lang kung natulog nga rin siya kasunod ko. Pareho kami ni Alice na gustong marinig ang sagot kay Haris kaya pareho rin kaming titig na titig dito. "May gusto lang akong iklaro. Ikaw iyong lalaking naghatid sa akin sa bahay. Tama ba, Haris?" tanong ni Alice, sa huling binanggit niya ay hindi ako nakatiis. "Anong pinagsasabi mo?" pagsingit ko habang sinasamaan siya ng tingin. Hindi ako pwedeng maniwala. Posible na naninira lang itong si Alice, marahil isa na naman sa pagpapahirap niya sa akin. Dahil higit sa lahat, gustung-gusto niyang nasasaktan ako. Mas nauna kong nakilala si Alice at oo— kasing sama ni Satanas ang ugali niya. Kumpara sa kanilang dalawa ni Haris, syempre ay si Haris ang paniniwalaan ko. Sa higit dalawang taon naming relasyon, ni minsan ay hindi niya ako binigo. At kaya bang magsinungaling sa akin ni Haris? Alam ko ang sagot; hindi. "Baka nagkakamali ka lang. Hindi ako ang lalaking nakita mo," kalaunan ay saad ni Haris, napahinga ako nang maluwang. "Sinungaling," utas ni Alice, kasabay nang pagbuntong hininga niya sa kawalan. Wala sa huwisyo nang sundan ko ito ng tingin nang maging dere-deretso ang paglalakad niya palayo sa amin. Nilampasan niya kami at hindi na nilingon pa. Kung maglakad pa siya ay akala mong pagmamay-ari niya itong school. Bawat hibla ng kaniyang buhok ay sumasabay sa ihip ng hangin. Mataas ang takong ng kaniyang sapatos, ang palda ay maikli na umabot sa gitna ng hita niya. Hapit na hapit din ang puting uniform nito at sa laki ng dibdib niya ay maraming napapatinging lalaki sa kaniya. Lahat nang madaanan niyang kumpulan, mapababae o lalaki ay napapalingon sa kaniya, na para bang sobrang special niyang tao. Sapat na rin kay Alice ang atensyong nakukuha, kahit pa puro iyon pangmamata, pandidiri o pagkadismaya. Wala siyang pakialam sa paligid niya. Sarili lang niya ang iniintindi niya, self-centered ika nga. Arogante at mayabang. Sa lahat ng nandito, tingin ko ay ako lang yata ang naaawa sa kaniya. "I'm sorry." Dinig kong wika ni Haris sa tabi ko dahilan para lingunin ko siya. "Para saan?" "I lied," segunda niya na hindi ko maintindihan. "Totoo na ako iyong lalaking tinutukoy ni Alice, na naghatid sa bahay nila. Totoo na nasa Bottle Ground ako kagabi." Saglit akong napatitig sa mukha ni Haris. Mga ilang minuto ko siyang tinitigan habang wala ring imik. Ganoon ko katagal hinintay na sabihin niyang joke lang. Ngunit nananatiling seryoso ang mukha niya. Ang mga mata niya ay malikot na tipong hindi mapakali. Kanina, noong pinapanood ko si Alice mula sa malayo ay alam kong lusaw na ang emosyon sa mukha ko. Ewan ko na lang kung may natira pa ngayon dahil sa sinabi ni Haris. Para akong sinabuyan ng malamig na tubig at nagpantig ang tainga ko. "Hindi ako nagsinungaling nang sabihin ko sa 'yong nasa bahay lang ako kagabi, nagpapahinga. Pero tinawag ako ni Daddy at humingi ng pabor na hanapin ko raw si Alice, since maghapon siyang wala sa kanila. Magdamag na siyang hinahanap ng kaniyang ina. At bilang alam ko kung saan madalas na naglalagi si Alice, pumayag ako," mahabang paliwanag niya habang pilit na hinahawakan ang nanlalata kong mga kamay. "Sa Bottle Ground ko nga siya nakita. Pinapauwi ko siya sa kanila, pero dahil sa kalasingan ay wala na siya sa katinuan. Ni hindi nga niya maalala ngayon na ako iyong lalaki. So, yeah, hinatid ko siya sa bahay nila. But trust me, Larisa, wala naman akong balak na ilihim pa ito sa 'yo. Sasabihin ko rin sana, dumating lang si Alice at naunahan niya ako." Huminga ako nang malalim bago unti-unting tumango. Tipid ding ngumiti, hudyat na ayoko nang pahabain pa ito. Masakit para sa akin na napaglihiman ako ng taong sobrang malapit sa akin. Pero hangga't kaya kong umintindi ay gagawin ko. "Okay lang. Tara na?" anyaya ko dahil mayamaya lang ay mag-uumpisa na ang unang klase ko. Kahit din malayo ang building namin sa isa't-isa ay mas gusto ni Haris na ihatid ako sa room namin. At mula nga sa loob, naabutan namin si Elias na sakal-sakal si Alice dahilan para magpatiuna si Haris sa pagpasok. "Elias, Alice, comes to the Dean's office now. Hindi ko ito palalampasin at namumuro na kayo," matigas pa sa bakal na utos ni Haris. Binitawan ni Elias si Alice at kahit labag sa kalooban niya ay kaagad siyang tumalima. Nilampasan niya kami, samantala ay para namang natuod si Alice sa kinatatayuan niya. Kahit din na siya iyong nasaktan ay mukha pa rin siyang nagmamayabang. Matalim siyang nakatitig sa amin. "Aliyah Denice!" sigaw ni Haris, kalaunan ay nagdadabog siyang lumabas. Sumunod si Haris kay Alice kung saan ay bigla akong naging hangin. Nalingunan ko ang pintong nilabasan nila, ilang sandali nang matawa na lamang ako sa kawalan. "Okay lang 'yan, Larisa," pag-alo ko sa sarili.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD