Chapter 4

1145 Words
CHAPTER 4 Sa buong maghapong lumipas ay nasa room na lang ako. Kahit noong magkaroon ng bakanteng oras dahil isang oras pa bago ang susunod na Professor. Hindi na ako lumabas at wala namang text si Haris. Siguro nga ay sobrang abala na iyon sa klase niya, lalo at graduating student na rin siya. Bukod doon ay nasa Dean's lister din. Hindi ko masisisi kung minsan ay nakakalimutan niya ako. Naiintindihan ko naman. Minsan nga sa isang araw ay wala talagang paramdam at okay lang iyon sa akin— dati—noong hindi pa sila nagkakaroon ng koneksyon ni Alice. Panatag pa ako noon, pero sa ngayon? Pakiramdam ko ay hindi na. Bumuntong hininga ako matapos kong i-flush ang bowl sa isang cubicle. Nagbanyo lang ako para umihi. Malapit na ang uwian at ito lang iyong unang beses na lumabas ako sa klase. Ilang sandali nang buksan ko ang pinto. Wala pa sa sarili nang mapatalon ako sa gulat nang bumungad sa paningin ko si Alice. Seryoso ang kaniyang mukha, ganoon pa man ay hindi mawawala ang nakaukit na ngisi sa labi niya. Para bang palagi siyang may binabalak na hindi maganda. Mariin ko siyang tinitigan, tinatantya pa kung ano bang sadya niya rito. Kalaunan nang matantong ako ang pakay niya. Binalak ko siyang lampasan, pero mabilis siyang humarang sa daanan ko. "Nasaan si Haris?" aniya na naging mitsa para matigilan ako. Hindi ba sila ang huling magkasama noong nagpunta sila sa Dean's office? "Bakit mo hinahanap?" balik tanong ko. Kung alam ko lang din naman kung nasaan si Haris ay hindi ko sasabihin sa kaniya. Halos matawa ako sa reyalisasyong doon yata ako magaling— ang magtago ng katotohanan. Walang duda at tumagal ng tatlong taon ang sikreto ko, na kahit si Haris ay walang idea. "Can you call him for me?" Tuluyan ko nang naisatinig ang pagtawa ko sa sinabing iyon ni Alice. Maang ko ulit siyang tinitigan. Inalala ko pa kung may load ba ang cellphone ko ngunit na-realize kong kailan man ay hindi naman ako nag-load. "Aww, sayang, wala kasi akong load. Si Haris ang palaging tumatawag sa akin, tagatanggap lang ako ng tawag niya," pahayag ko na ano mang pilit kong maging malumanay ay kumakawala ang kagustuhan kong yabangan siya, kahit sa pamamagitan na lang nito. Alam ko na papalit-palit si Alice ng boyfriend. Panigurado rin na break na sila ni Elias dahil sa nangyari sa kanila kanina. Hindi rin naman malabo kung magkaroon siya ulit ng panibagong boyfriend, pero lahat iyon ay alam kong laro lang. Walang nagseseryoso sa kaniya, walang gustong tumagal sa kaniya. Hindi katulad ko, maipagmamalaki kong higit dalawang taon na ang relasyon namin ni Haris. At iyon ang isang bagay na lamang ako sa kaniya. "Then give me his phone number," sagot ni Alice na nagpapitlag sa akin. Ito... isa ito sa mga moves ni Alice kapag may natitipuhan siyang mga lalaki. Alam ko iyon dahil may iilan na akong naririnig mula sa mga lalaki na tuwang-tuwa at si Alice raw mismo ang humingi ng number nila. "Bakit sa tingin mo ay gagawin ko iyon? At bakit, Alice? Interesado ka ba sa boyfriend ko?" Hindi ko na napigilan ang sarili, imbes na gusto kong maging mabait sa kaniya ay masyado niya akong sinusubukan. Malakas na bumuntong hininga si Alice, kasunod nang pagtalikod niya upang iwan ako roon. Ngunit bago pa man siya tuluyang makalabas sa pinto ay nilingon niya ako. Kaagad na lumarawan sa paningin ko ang nakangisi niyang mukha. "What if?" tanong iyon pero iyon din ang sagot sa kaninang paratang ko. Matapos iyon ay wala ng lingun-lingon na nilayasan niya ako. Naiwan ako roong tulala sa kawalan at animo'y natuod ang mga paa sa kinatatayuan ko. Hindi dapat ako nagseselos, hindi ba? Hindi dapat ako natatakot sa banta niyang iyon. Wala lang dapat sa akin ito. Palagi kong sinasabi na kilala ko naman si Haris, na hindi niya magagawa iyong mga mga iniisip ko, pero bakit parang natatakot pa lalo ako sa pagdaan ng mga araw? Oo, may tiwala ako kay Haris, pero kay Alice? Deretsong wala ang sagot. “Larisa, I'm sorry, ngayon lang ako nakapag-text. Sobrang busy kasi kanina sa school. Nauna na rin pala akong umuwi at ngayon ang paglilipat namin ng gamit sa bahay nina Tita Alicia.” Nang mag-uwian ay hawak-hawak ko ang cellphone ko habang paulit-ulit na binabasa ang text na iyon ni Haris. Text lang, hindi na tumawag. Hindi ko naman ma-reply-an dahil kagaya nga ng sinabi ko, hindi ako kailan man nagsayang ng pera para magpa-load. Hindi rin pala-text si Haris. Mas gusto niya iyong tumatawag siya kaya kahit hindi na ako magpa-load ay okay lang. Kung mag-iiwan man din siya ng text, hudyat iyon na sobrang busy nga niya at hindi na magawang tumawag pa. Napanguso ako. Wala rin akong choice ngayon kung 'di ang mag-commute. Naiintindihan ko naman si Haris. Una pa lang naman ay sinabihan na niya akong ano mang araw ay lilipat na sila sa bahay nina Alice at doon maninirahan. Hindi ko gusto na makaramdam ng pagkadismaya, pero sadyang hindi lang talaga maiiwasan lalo kung napapangunahan ka ng takot. Ayokong alagaan iyong namumuong selos sa puso ko, pero oo, napakahirap palang gawin. Bumuntong hininga ako. Hindi nagtagal nang makapasok ako sa bahay. Mula pa sa maliit naming sala ay naabutan ko roon sina Mama at Sebastian na nagtatawanan habang nanonood sa luma naming TV. Nakaakbay si Sebastian kay Mama, si Mama naman ay yakap-yakap ang baywang ni Sebastian. Nakaupo sila sa pahaba naming upuan na yari sa mahogany. Kalaunan ay pareho silang natigilan nang mapansin ang presensya kong pinapanood sila. Kaagad na umayos si Mama at dali-daling tumayo para lapitan ako. "Nandiyan ka na pala, Belle! Hindi ka naman nagsasalita." Ngumiti lang ako, kapagkuwan ay nagmano. "Oh, siya at mag-umpisa na akong magluto," dugtong ni Mama bago ako pinanlakihan ng mga mata. "Magmano ka rin sa Tito mo!" Sinundan ko ng tingin si Mama hanggang sa tuluyan siyang makapasok sa kusina. Tumayo naman si Sebastian, hindi siya lumapit bagkus ay tinanaw lang niya ako. Alanganin din siya kung kakausapin niya ba ako. Tumikhim ako at deretso siyang nilampasan. Kahit papaano, sa maliit naming tahanan ay mayroon akong sariling kwarto. Ito lang ang nag-iisang kwarto sa bahay. Si Mama at Sebastian ay sa sala na natutulog. "Larisa." Ang boses na iyon ni Sebastian mula sa likod ko ang nagpagulat sa akin at madali siyang nalingunan, masama ang tinging naipukol ko sa kaniya. "Ano ba! Kumatok ka naman!" Nadala ko pa ngayon sa bahay ang problema ko sa labas. "Pasensya na, pero okay ka lang ba? Napansin ko kasi na wala ka yata sa mood, may nangyari bang hindi maganda?" Mabilis na lumambot ang expression ng mukha ko. Tila pa may humaplos sa puso ko at sa salita niyang iyon ay naramdaman kong may isa pang tao na handang umalo sa akin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD