Chapter 2

1104 Words
CHAPTER 2 Maigi kong tinitigan ang mukha ni Sebastian at kahit sino na makakakita sa kaniya, walang pag-aalinlangan na siya ang ama ni Alice. Walang pagdududa na iisang dugo lang ang nananalaytay sa kanilang dalawa. Kaya sa loob ng tatlong taong lumipas, isinikreto ko sa lahat ang paninirahan ng isang Sebastian Ventura rito sa bahay. Tampulan na ako ng tukso sa school, marami nang naging bansag sa akin. Ayoko nang dagdagan pa iyon. Ayokong mas magkaroon pa sila ng dahilan para mas saktan ako, para ipahiya ako, para hilain ako pababa. Ngayon nga, paunti-unti, masasabi kong nagiging okay na ang trato sa akin. Higit sa lahat, ayokong pati ang pangalan ni Mama ay madamay. Sapat na iyong naging paghihirap ni Mama na itaguyod ako nang mag-isa. Tama na iyong sampung taon siyang nangulila sa pagmamahal ng isang lalaki. Hindi ko maaatim na maging tampulan din siya ng tukso. Hindi ko kayang makarinig ng kung anu-anong pangalan na maibabansag sa kaniya. Sa lipunan kasi natin ngayon, kapag hindi nila tanggap ang isang bagay o sitwasyon, pipilitin nila iyong siraan. Pipiliting buwagin at ipipilit na ungkatin ang kung ano mang mayroon sa nakaraan. Iyan ang sakit ng karamihan sa atin, nakakalungkot, pero riyan na rin nasanay ang ibang tao na sakim sa kasiraan ng kapwa. "Masarap 'to. Halika na at baka lumamig pa ito, Belle," dagdag ni Sebastian nang manatili akong nakatulala sa kaniya. Belle? Pagak akong natawa. "Sinong nagbigay sa 'yo ng karapatan na tawagin ako sa ganiyang pangalan?" untag ko, hindi naman galit, nakakagulat lang at ito ang unang beses na tinawag niya ako sa second name ko. Mahinang natawa si Sebastian. "Ah, iyan kasi ang naririnig ko sa Mama mo. Naisip ko na mas gusto mong matawag sa ganoon." Sa totoo lang, tanggap ko naman si Sebastian kay Mama, pero hindi ko siya matatanggap bilang ama para sa akin na kahit anong gawin niyang kabutihan sa akin ay hindi ko iyon mapahalagahan. Sa tatlong taon na narito siya, walang humpay ang pagpapakita niya ng mabuti sa akin. Gusto niya akong mabuhay sa layaw, kagaya sa anak niyang si Alice. Pilit niyang kinukuha ang loob ko, marahil para maituring ko rin siyang ama? Ngunit sadyang hindi ko lang din talaga ma-appreciate ang pagiging mabuti niyang tao. Gusto niyang magpakatatay sa akin, pero sa mismong anak niyang si Alice ay tinanggalan niya ng karapatan sa kaniya. Ang funny 'di ba? Naisip ko rin na balang-araw ay darating iyong oras na iiwanan niya rin si Mama, iiwan niya rin kami. Kasi nagawa nga niya sa sarili niyang pamilya, sa amin pa kaya na naging pangalawa lang sa buhay niya? At oo, mananatiling Sebastian lang ang tawag ko sa kaniya. Walang Papa o Tito na paggalang. Naasiwa lang ako sa katotohanang nandito sa bahay ang lalaking matagal nang hinahanap ni Alice. Kung tutuusin dapat ay wala naman talaga akong pakialam kay Alice. Hindi dapat ako apektado ng pagrerebelde niya, o kung ano man ang gusto niyang gawin sa buhay. Bumagsak man ang grades niya, hindi man siya maka-graduate. Ngunit ang kaalamang nagsisinungaling ako para itago ang kaniyang ama ay hindi ko maiwasang maawa sa kaniya. Naiipit ako sa dalawang sitwasyon, pero gusto kong unahin ang kasiyahan ni Mama. "Larisa na lang," kalaunan ay sambit ko. "Oh! All right, Larisa then." Todo ngiti siya habang inihahanda ang pagkain sa lamesa na para sa akin. "Magmeryenda ka na." Saglit akong natuod sa kinatatayuan ko. Hindi rin naman nagtagal nang magpatianod ako. Dahan-dahan akong lumapit sa maliit naming kusina. Naupo ako sa isang silya, siya namang tulak ni Sebastian sa pinggang inasikaso niya sa harapan ko. Nagulat pa ako nang marahan siyang naupo sa katapat kong upuan. Alanganin ang kaniyang itsura, na para bang tinatantya pa muna kung gusto ko ba siyang kasama ngayong magmeryenda. "Nasaan si Mama?" tanong ko upang iwala ang ano mang tensyong nararamdaman niya. "Sasaglit lang daw siya sa palengke. Naubusan na kasi tayo ng stock," aniya sa mababang boses. Wala sa sarili nang mapatitig ako sa mukha ni Sebastian. Ang sabi ni Mama ay nasa forty years old pa lamang siya ngunit kung ihahalintulad ko siya sa mga kaedaran niya, hindi halatang nasa forty na siya. Bente noong naipanganak nila ng kaniyang asawa si Alice, bente na rin si Alice ngayon at kaedad ko. Si Mama ay nasa forty five na, si Papa naman ay nasa fifty na sana ngayon. Late na sila nag-anak dahil nga rin sa hirap ng buhay nila noon. Sa katititig kay Sebastian ay napanood ko ang senswal niyang pagsubo sa pagkain niya. Napaigtad ako ngunit mabilis ding umismid. Tunay nga na maraming nagagawa ang pera, kahit sa itsura ng isang tao. Kung ako lang din naman siguro, kung marami akong pera ay hindi ako magkakandakuba, hindi ako magpapakapagod na magtrabaho kasi nariyan naman na 'yung pera sa harapan ko, isusubo ko na lang. Kaya marami sa mga kapwa kong mahihirap ang matanda nang tingnan ang itsura. Wala kasi silang ibang ginawa kung 'di ang mag-isip at mamroblema kung saan kukuha ng perang panggastos nila sa isang araw. Napaka-unfair ng buhay. Kung sino pa iyong mahihirap, sila pa iyong nabibigyan ng maraming problema. Ang mayayaman naman, kung hindi alam saan wawaldasin ang pera ay buhay naman nila ang sinisira. Sebastian Ventura and Aliyah Denice Ventura are good examples for it. "Pero binigyan ko naman siya ng pera pambili," dagdag ni Sebastian. Napangisi ako. "Dapat lang naman 'di ba? Tingin mo ay libre lang tumira rito sa amin?" Nagkamot ng batok si Sebastian. Mahina pa siyang natawa dahilan para matigilan ako at mapatigalgal. Muli akong napatitig sa kaniya. Oo at hindi maitatangging gwapo siya— malakas ang appeal. Unti-unti ay pinilit kong ikunot ang noo. "Actually, ilang beses ko nang kinausap ang Mama mo tungkol sana sa paglipat natin ng bahay. Doon ay mas gagaan ang buhay niya, malayo rito sa squater area. Pero palagi siyang tumatanggi, sabi niya ay ayaw niyang iwanan itong bahay na iniwan sa kaniya ng namayapa mong ama," mahaba niyang pahayag, nagawa pa niyang kunin ang kamay kong nasa lamesa at saka iyon pinisil. "Kaya sa 'yo na lang ako hihingi ng permiso—" Kumawala kaagad ako sa hawak niya, rason nang pagkakahinto niya sa pagsasalita. Tumitig siya sa akin. Samantala ay naging mabilis naman ang paglunok ko. Mariin ko siyang tiningnan. "Kung ano ang desisyon ng Mama ko, iyon din ang magiging desisyon ko," matigas kong sagot, hindi ko pa man din nagagalaw ang pagkain ko ay tumayo na ako. Nagulat si Sebastian, sinundan pa niya ako ng tingin ngunit hindi ako tumigil. Deretso akong nagmartsa palabas ng kusina habang malakas ang kabog sa dibdib.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD