Chapter 18

1107 Words
CHAPTER 18 "Larisa! Nasaan si Alice?" tanong sa akin ni Ricky nang makita niya kami ni Haris, kasama nito si Shaun. Narito kami sa Cafeteria, oras ng lunch break at magkasabay kami ni Haris kumain. Sa tanong na iyon ay ngayon ko lang naalalang wala nga sa klase si Alice, mukhang hindi na naman papasok ngayong araw. "Absent yata," sagot ko. Nailing-iling si Ricky sa kawalan, mukhang problemado, kapagkuwan ay naupo rin sa silyang nasa harapan namin ni Haris. Kasunod nito si Shaun at inilapag sa lamesa ang na-order nilang pagkain. "Nasaan si Anthony?" ani Haris nang mapansing wala ang isa pa niyang kaibigan. "Hindi nga rin namin alam, Haris. Suspetsa nga nitong si Ricky ay magkasama sina Anthony at Alice," wika ni Shaun habang mabilis na ngumunguya. "Kita mo at hindi rin mapakali ang gago." Tumigil na ako sa pagkain ko at maang na lamang silang pinagmamasdan. Hindi ko mawari kung paano ko sila natatagalan, gayong sinabi rin ni Anthony na kasama sina Ricky at Shaun noong magpustahan sila. Hindi ko rin alam kung anong kapal pa ng mukha nilang humarap sa akin. Sa higit dalawang taon, naalala pa kaya nilang pinagpustahan nila ako rati? Baka hindi na rin at kagaya ni Haris na ibinaon na sa limot. Marahil ay hindi pa nga nababanggit sa kanila ni Anthony na nasabi na niya sa akin ang totoo. Lalo pa ngayon na hindi raw mahagilap si Anthony. Kaya wala pa silang idea na halos isumpa ko silang magkakaibigan. Sa ngayon ay sa isipan ko na lang muna sila minumura dahil hindi ko pa talaga alam kung ano ang gagawin, o kung ano ang unang hakbang. Kaunting hintay pa siguro para sa tamang tyempo. Hayaan na muna natin ang mga sinungaling. At least, may kasama ako sa impyerno pagdating ng paghuhukom. "Bakit mo ba hinahanap si Alice, Ricky?" Ako na ang nagtanong para kay Haris at mukhang nahihirapan siyang magsalita. Binalingan ko pa ito sa tabi ko. Matamang pinapanood ko ang pagdaan ng bawat emosyon sa kaniyang mukha. Saglit niya akong nilingon, tila ba nagulat siya na sa akin pa iyon mismo manggagaling. "Kasi sinagot niya ako kahapon..." nahihiyang sambit ni Ricky at nagkamot pa ng batok. "Kayo na?" Natawa ako at muling tiningnan ang reaksyon ni Haris. Dahan-dahan nang tumango si Ricky. "Nagpang-abot pa nga kami ni Anthony sa parking lot kahapon at hindi pa rin niya matanggap na nakipaghiwalay sa kaniya si Alice. Nagulat na lang din kaming dalawa nang iwan kami ni Alice roon at pinaharurot ang kotse niya palabas ng school. Pambihira! Pareho pa namin siyang hinabol!" Malakas na tumawa si Shaun. Sinapak pa nito ang balikat ni Ricky kaya ngumiwi ito. "That was epic, man!" "Daysary sana namin ngayon," segunda ni Ricky na halos ikasamid ko, pero mabilis kong pinigil ang pag-alpas ng tawa ko. Ngunit hindi iyon kayang gawin ni Shaun at mas lalo pa siyang humalakhak. Nang lingunin pa si Haris ay nakita kong seryoso lang siyang nakatitig kay Ricky. Walang emosyon, malamig at parang bangkay. "Daysary? What the fvck, Ricky?" Si Shaun na hindi matigil-tigil sa pagtawa niya. "Eh, kasi naman, 'di ba? Wala namang nagtatagal kay Alice. Kaya susulitin ko na bawat araw naming dalawa, baka magaya pa ako kay Anthony." "Pero grabe talaga, 'no? Lahat na yata ng mga lalaki rito ay inisa-isa ni Alice. Kalahati ng population ng school natin ay naging past time niya, pero iba pa rin ang hatak niya at marami pa ring pumipila," pahayag ni Shaun at muling sinapak si Ricky. "Ewan ko lang sa lalaking 'to at kay Anthony, nagpapauto." "Baka magulat na lang ako, Shaun, kasama ka na rin sa listahan ng mga naging lalaki niya?" balik pang-aalaska ni Ricky. Tumawa si Shaun. Biglang namula ang mukha, pati ang kaniyang dalawang tainga. "Kung papalaring mapili..." Wala sa sarili nang umimpis ang labi ko. Hindi ko alam kung matatawa pa ba ako, o madidismaya. Pero totoong grabe lang din ang karisma ni Alice sa mga kalalakihan. Lahat yata ay gustung-gusto siya. No wonder... Tinitigan ko si Haris at tahimik na pinag-aralan ang mukha niya. Wala siya sa sarili. Nakatanaw lang ito sa dalawa na ngayon ay nagkukulitan pa rin. Tumigil na rin siya sa pagkain nito at ang mga kamao ay nakakuyom sa kaniyang hita. Unti-unting pumorma ang ngisi sa labi ko. Hindi nagtagal nang matapos kami at lumabas din ng Cafeteria. Humiwalay na sa akin sina Haris, Ricky at Shaun. Pabalik na ako sa building namin. Sa klase buong maghapon ay wala ngang pinasukan kahit isang subject si Alice. Walang nakakaalam kung nasaan siya. Wala siyang paramdam, kaya kahit itong kasama ko ay parang masama ang pakiramdam. "Huwag mo na akong ihatid, Haris," pukaw ko nang makalabas kami ng school. "Magko-commute na lang ako." "Sigurado ka ba? Malayo ang Cavite, Larisa. Ihahatid na kita," pilit niya ngunit umiling lang ako bilang pagtanggi. "Hindi na. Mahihirapan ka pa at babiyahe ka pa pabalik dito. Kaya ko naman." Saglit kaming nagkatitigan, tila ba nagkakasukatan kung sinong mananalo. Kalaunan nang ngumiti ako at tinapik siya sa kaniyang braso. "Sige na, mauuna na ako." Kumaway ako rito. Hindi ko na siya hinintay pang magsalita at nauna na akong tumalikod. Nagsimula akong maglakad palayo sa school at tumigil lang nang marating ang bus stop, umakto akong nag-aabang ng bus. Nang may huminto sa tapat ko ay saka ako nagtago sa likod ng waiting shed. Nagpalipas ako ng minuto, mag-iisang oras siguro nang matanaw ko ang kotse ni Daddy Seb na paparating. Lumabas ako sa pinagtataguan ko at madaling sumakay sa binuksan niyang pinto sa passenger's seat. "How was your day, Belle?" bungad ni Daddy Seb at muling pinausad ang sasakyan. "Okay lang naman po," magalang kong sagot. "Malapit na ang exam. Sana ay makapasa." Kahit alam ko sa sarili ko na may ibubuga ako, pero sa nagdaang mga problema ko ay naaapektuhan ang pag-aaral ko. Wala ako sa konsentrasyon kaya nangangamba ako. "Of course, Belle, makakapasa ka. Claim it," nakangiting turan ni Daddy Seb. "Ikaw pa ba? Ikaw ang nangunguna sa batch mo, 'di ba?" Mahina akong natawa. Iyon nga ang ikinatatakot ko. Ako iyong nangunguna, kaya ayokong dumating sa puntong bigla akong babagsak. "Daanan na po kaya natin si Mama?" pukaw ko nang maalalang madadaanan din namin sa biyahe ang Restaurant kung saan nagtatrabaho si Mama. "Nag-iwan siya ng text sa akin kanina. Ang sabi ay may OT daw siya hanggang gabi," ani Daddy Seb na biglang nalungkot ang boses. "Mas naging mahirap pa tuloy ang paglipat natin para kay Marisa." Tumango-tango ako. Alam ko na mahirap talaga ito kay Mama, ngayon pa talaga naging sunud-sunod ang overtime niya kung kailan nakalipat na kami sa Cavite.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD