Chapter 17

1106 Words
CHAPTER 17 "Kaya mo na ba talaga, Belle?" ani Daddy Sebastian nang tanggalin ko ang seatbelt ko. Kararating lang namin sa school. Hinatid niya ako at patungo naman din siya trabaho niya. Nilingon ko ito, matamis akong ngumiti para lang maipakitang okay na nga ako. Tumango-tango rin bilang segunda. "Opo, hindi naman po pwede na um-absent ako dahil lang sa nasaktan ako," wila ko na siyang ikinatawa niya. "You're a brave girl, Belleza." Tinapik niya ang balikat ko at masuyo ring pinisil. "Basta kapag may mananakit sa 'yo, isumbong mo lang sa akin, ako na ang bahala." Tuluyang umalpas ang masayang ngiti sa labi ko. Hindi rin nagtagal nang makalabas ako sa pickup nito. Kumaway ako sa papalayo niyang kotse. Nakatayo lang ako sa gilid ng school hanggang sa mawala rin sa paningin ko si Daddy Sebastian. Ang kaninang ngiti ko ay unti-unting nahulas. Ang kamay kong kanina lang ay kumakaway ay dahan-dahan kong ibinaba. Marahas akong bumuntong hininga bago tumalikod para makapagsimula nang maglakad papasok ng school. Mahigpit kong hawak ang sling ng shoulder bag ko. Masyado pang maaga kaya expected ko nang hindi pa gaano ang tao sa loob. Ganoon pa man ay may iilan ng estudyante ang nakapalibot sa Quadrangle. Papalapit ako sa kumpulan ng estudyante. Dalawang babae at tatlong lalaki sila. Nakatanaw sila sa akin na para bang inaabangan ang pagdaan ko sa pwesto nila. Mayamaya nang iunat ng isang babae ang kaniyang binti sa dadaanan ko, animo'y gusto akong patirin. Napatigil ako sa paglalakad bago ko pa man iyon malampasan at maang na nilingon ang babae. Mapang-asar ang kaniyang mukha na nakatingala sa akin. Ganoon din ang mga kaibigan niya. Hindi ko sila kilala, pero nasa batch ko lang sila. "Alam kaya ni Haris na may Sugar Daddy ka?" Pinagtaasan niya ako ng kilay habang nakataas ang sulok ng kaniyang labi. Nangunot naman ang noo ko. Sugar Daddy? Malakas na tumawa ang isa pang babae, pumalakpak pa ito sa ere. "Infairness, Larisa, marunong ka talagang pumili! Una ay si Haris Martin na alam naman nating pinanganak na mayaman at tinitingala ng lahat dito sa school, tapos iyong lalaki mong mukhang mayaman din!" Lalaki ko? Ibig ba nilang sabihin ay si Daddy Sebastian? Posible na naroon sila kanina sa waiting shed, nakita siguro nila akong lumabas sa kotse ni Daddy Seb, o pwede ring natanaw nila si Daddy Seb. Halos matawa ako sa pinagsasabi nila. Kung alam lang nila at kung kaya ko lang din ipangalandakang Daddy ko nga si Daddy Seb ay noon ko pa ginawa. Kaya lang ay hindi naman worth it ang mga taong ito para sabihin ko sa kanila ang totoo. "Ibang klase ka talaga, Larisa, tirador ka ng mayayaman," pukaw ng isang lalaki dahilan para magtawanan silang lahat. "Kulang ba ang yaman ni Haris at pumatol ka sa ibang lalaking mas matanda sa 'yo?" dagdag pa ng isa na halos magpantig ang tainga ko. "Kung sabagay, next school year ay graduating ka na, Larisa. Mas malaki ang perang kakailanganin." Gumalaw ang panga ko. "Malapit na ang Midterm exam, sana lang ay makaya ninyong ipasa ang exam." Natawa ang isa pang lalaki mula sa likuran. "Lumalaban ka na, Larisa. Hindi porket boyfriend mo si Haris ay yayabangan mo na kami ng ganiyan. Paano kung malaman niyang may Sugar Daddy ka? Maipagtanggol ka pa kaya niya?" Bumuntong hininga ako. Gumilid ako para malampasan ang mahabang binti ng babae, kapagkuwan ay dere-deretso akong naglakad palayo. Narinig ko ang sabay-sabay nilang pagsinghap, pero wala akong panahon para pag-aksayahan sila ng oras. Kung malaman man nga ni Haris iyon ay wala na akong magagawa kung 'di sabihin ang totoo. Kaya ko namang ipaliwanag ang lahat, himay-himayin ang bawat kwento simula una hanggang dulo. Kaya ko ring lumuhod sa harapan ni Alice, kaya kong tanggapin ang lahat ng magiging parusa sa akin. Mabilis ang mga hakbang ko, nagmamadali. Paakyat na sana ako sa building namin nang may tumawag sa pangalan ko. Hindi ko na sana papansinin kung hindi lang iyon boses ng boyfriend kong si Haris. "Larisa!" Nilingon ko ito at nakitang tumatakbo siya palapit sa akin. Mayamaya nang hinihingal siyang huminto sa harapan ko. Hinawakan niya ang isang braso ko. Samantala ay maang ko naman itong pinagmamasdan. "Hindi mo sinasagot ang mga tawag ko. Are you okay?" Mabibigat ang paghinga ni Haris, patuloy pa ring naghahabol ng hangin. "Okay lang naman, Haris," casual kong banggit habang nakatingala lang sa kaniya. "Are... we... okay?" pahinto-hinto niyang tanong, ang mga mata ay naninimbang. "Bakit hindi, Haris?" balik tanong ko. "Syempre ay okay tayo." Sandali niyang tinitigan ang mukha ko, tila pinag-aaralan ang bawat emosyon ko. Ngumiti ako kay Haris, kapagkuwan ay masuyong inalis ang kamay niyang nakahawak sa akin. "Mauuna na ako sa classroom, magre-review pa ako," sambit ko. Nangunot ang noo niya, kalaunan ay tumango rin. "Ihatid na kita." Ayoko man ay hinayaan ko na lang siya. Sa totoo lang ay hindi ko pa alam kung paano tatapusin ang relasyon namin ni Haris. Totoo rin na hindi pa ako handa, hindi ko pa kaya na mawalay sa kaniya. Hindi ko alam kung ano bang gusto kong mangyari. May parte sa puso ko na baka kaya pang maayos, na baka nga minahal naman na talaga ako ni Haris at pwede pa namin itong ipagpatuloy. Habang naglalakad ay pareho kaming tahimik ni Haris. Hindi ko rin alam kung nalaman na nga ba niya kay Anthony na alam ko na ang totoo, pero mukhang hindi pa naman. Kasi kung oo ay magkukumahog na siyang magpaliwanag sa akin. Kaya siguro ay okay na ito... Ilang minuto nang huminto kami sa tapat ng classroom ko. Hinarap ko si Haris na siyang nakadungaw na kaagad sa akin. Malamlam ang dalawang mata nito habang ang expression ay animo'y nalilito. Marahil ay marami siyang katanungan na gustong itanong sa akin, pero siguro rin ay ayaw niyang sirain ang mood sa aming dalawa kaya mas pinili niyang manahimik na lang. Bumuntong hininga siya bago ngumiti. "Answer your phone every time I call, Larisa. Halos mamatay ako sa pag-aalala sa 'yo kagabi at kung alam ko lang kung saan ka nakatira sa Cavite ay talagang pinuntahan na kita," frustrated niyang sinabi. "Okay, Haris. I'm sorry. Umuwi na kasi ako agad at maagang nakatulog." "Next time, Larisa... please," paninigurado ni Haris kaya tumango na lamang ako. "Okay, Haris." Saglit pa akong tinitigan ni Haris, na para bang ayaw niyang paniwalaan ang emosyon ko ngayon. Mayroon na siyang instinct, ayaw pa lang siguro niyang maniwala. Hindi naman din halata na buong magdamag akong umiyak kagabi at mukha lang akong busog sa tulog. Muli akong ngumiti, dahan-dahan kong tinalikuran si Haris para makapasok na ng classroom.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD