Chapter 5

1110 Words
CHAPTER 5 Ngayon ay alam ko na kung bakit mahal na mahal ni Alice ang kaniyang ama. Alam ko na rin kung bakit mabilis na nahulog ang loob ni Mama kay Sebastian. Tunay na may mabuti siyang kalooban. Lahat din nang ipinapakita niyang kabutihan sa akin sa nagdaang tatlong taon ay hindi lang kaplastikan, hindi lang para kunin ang loob ko. Dahil ito talaga siya, ito ang totoong siya na hindi na niya kailangang magpanggap pang mabait. "Ganiyan talaga sa school, maraming gawain kaya nakakapagod minsan. Pero hindi ba't higit isang taon na lang ang bubunuin mo ay makaka-graduate ka na rin?" dagdag ni Sebastian habang nananatiling nakatayo sa hamba ng pintuan. Wala siyang alam sa kung anong dinaramdam ko ngayon. Naisip lang niya na patungkol iyon sa school at kung iyon lang din naman ang usapan, hindi ko kailangang mamroblema roon. Sa gastusin ay pwede pa. Minsan ba ay naiisip niyang posible akong magkaroon ng boyfriend? Sa hirap siguro ng buhay namin, kahit si Mama ay hindi magtatangkang mag-isip na mayroon ngang papatol sa akin. "Salamat, pero hindi naman iyan ang problema ko," pahayag ko kalaunan. Mahinang natawa si Sebastian. Nahihiya pang nagkamot ng batok. "Hindi ba?" Umiling ako bilang sagot. "Okay... may gusto ka bang ipabili kung sakali? Isasabay ko na bukas," segunda niya. "Wala naman." "Perhaps, kailangan sa school?" "Wala rin." Tumango-tango si Sebastian. Tipid ang naging pagngiti niya nang matantong wala marahil siyang makukuhang matinong sagot sa akin. Umatras siya, handa nang lumabas ngunit isang beses pa niya akong tiningnan. "Hmm... hindi ba't kaklase mo si Aliyah?" tanong niya dahilan para matigilan ako. "Kumusta na kaya siya?" Hindi na siguro lingid sa kaalaman niya na kaklase ko ang anak niya. Hindi ko lang mawari kung paano niya nalaman, pero siguro ay nabanggit nga sa kaniya ni Mama dahil kilala rin naman ni Mama si Alice. Dagli kong tinitigan si Sebastian. Biglang nag-iba ang emosyon sa mukha niya. Pumaloob sa dalawang mata niya ang labis na pangungulila. Kumibot ang labi ko bago nagkibit ng balikat. "Okay naman siguro siya? Nag-aaral siya nang mabuti. Hindi ka rin yata hinahanap," dere-deretso kong sinabi. Nakita ko ang saglit na pagdaan ng sakit sa itsura niya. Kalaunan ay pilit siyang ngumiti, kapagkuwan ay tuluyan nang ipinaalam ang sarili. Napatitig ako sa pintong iniwan niyang nakabukas. Mayamaya nang mapanguso ako. Sa lahat ng kasalanan ko, ito na yata iyong pinakamalala. Nagsisinungaling ako para sa pansariling kapakanan. Pero hindi ba't kasalanan din niya? Bakit siya sasama sa ibang babae gayong mangungulila pala siya sa naiwan niyang anak? Hindi ko na alam. May sarili akong problema, pero pati ito ay iniisip ko pa. Marahas akong bumuntong hininga sa kawalan. Matapos kong isarado ang pinto ay hinubad ko na ang suot kong uniporme. Natira ang bra at panty ko kung saan ay nagsuot naman ako ng pambahay na damit. Mataas kong itinali ang buhok bago dahan-dahan na naupo sa dulo ng katre habang hawak-hawak ang cellphone. Patuloy kong hinihintay ang tawag ni Haris. Kapag ganito kasi na inihahatid niya ako sa bahay ay tatawag siya oras na naroon na siya sa bahay nila. Nakakapanibago lang. Ni wala ng kasunod iyong text niya kanina. Ganoon siya ka-busy na maglipat-bahay? Nalimutan na ba niyang may girlfriend siya? O nakatulog siya dahil sa sobrang pagod kabubuhat ng mga gamit nila? Ang daming tanong sa utak ko na hindi masagot-sagot. Pakiramdam ko pati kaluluwa ko ay hindi matatahimik. Ilang minuto pa ay binitawan ko na ang cellphone ko, sumuko na rin. Kailangan kong umintindi at hindi ito ang tamang oras para pag-isipan ko ng masama si Haris. Lumabas ako ng kwarto nang tawagin ako ni Mama para sa hapunan. Sa maliit na hapag ay nakapalibot kami roon. Magkatabi sa harapan ko sina Mama at Sebastian. Pareho pa silang nakatunghay sa akin. "Belle, anak," pukaw ni Mama dahilan para saglit akong tumigil sa pagkain. Tiningala ko siya. Isang beses kong sinipat ng tingin si Sebastian, ang mga mata niya ngayon ay naninimbang. Simple akong nag-iwas ng tingin at muling ibinalik ang atensyon kay Mama. "Anak..." panimula ni Mama na para rin bang nahihirapan siyang magsalita, tipong hindi niya alam kung saan magsisimula sa gusto niyang sabihin. "Ano po iyon, Ma?" untag ko, hindi pa maiwasan na bigla akong kabahan. "Nabanggit na raw ito sa 'yo ng Tito Sebastian mo kahapon, tungkol sa gusto niyang paglipat natin ng bahay... ano kasi, anak, nakapagdesisyon na ako." Huminga siya nang malalim, kasunod nang paghawak ni Sebastian sa kamay niyang naroon sa ibabaw ng lamesa. Marahan niya iyong pinisil. Saglit na napangiti si Mama sa ginawang iyon ni Sebastian. "Tutuloy tayo roon. Doon na tayo maninirahan," dagdag ni Mama na naging mitsa para saglit akong matigilan. "Oo, Belle, roon na tayo titira. Isa iyon sa mga bahay ko na malapit lang din dito para kahit papaano ay malapit din sa school mo. Although, mahaba-haba ang biyahe pero huwag kang mag-alala at ihahatid-sundo kita," segunda ni Sebastian. Napakurap-kurap ako at tumitig kay Mama. "Okay lang sa inyo na iwan na natin itong bahay ni Papa?" Hirap man ay dahan-dahan na tumango si Mama bilang sagot. "Hindi madali para sa akin, Belle. Mahirap na magdesisyon, pero naisip ko, hindi rin mapapadali ang paghilom ng mga puso natin kung mananatili pa tayo rito. Gusto ko na magsimula tayo ng panibagong yugto ng buhay natin... kasama ng Tito Sebastian mo," mangiyak-ngiyak na pahayag ni Mama. "At ang unang hakbang para roon ay aalis tayo rito, lilisanin natin ang lugar na ito." Naramdaman ko mang bumigat ang damdamin ko ay unti-unti akong tumango. May punto rin naman si Mama. At sino ba ako para hindi sumunod? Mas alam ni Mama kung ano ang mas makakabuti sa amin. "May handa na ring bumili sa bahay at lupa ng Papa mo, hinihintay na lang ang paglipat natin at ang perang iyon ay gusto kong ibigay sa 'yo. Ikaw na lang ang mag-alaga sa pera ng Papa mo, hmm? Ayos ba tayo ro'n, Belle?" "Kung nakapagdesisyon ka na po, wala naman na po akong karapatan na suwayin iyon," seryoso kong wika. Napangiti si Mama. "Napakabait mo talaga, anak. Kaya pati itong si Sebastian ay madaling napamahal sa 'yo." Muli ay nasipat ko ng tingin si Sebastian. Nakangiti rin siya sa akin. Titig na titig, na kahit may kung anong naninibago sa damdamin ko ay tinitigan ko siya pabalik. Unti-unti, kahit papaano ay gumaan ang pakiramdam ko. "I want you to call me Daddy, Belle. I want us to be a family. So please, from now on, call me Daddy," malumanay at malambing niyang sambit, ang itsura niya'y natatakot pa sa posible kong maging reaksyon. Tumaas ang sulok ng labi ko. "Okay, Daddy."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD