Hindi niya inaasahang makulit pala ang ginang. Kung saan-saang mga boutiques pa sila nagtungo bago nagpunta sa sinasabi nitong spa ng kaibigan nito. Ayaw niya sanang tanggapin ang mga binibigay o binili nito para sa kaniya pero mapilit ito. Sabagay noong bata siya ay tanda pa niyang wala yatang pagkikita nila noon na wala itong regalo sa kaniya.
"Gustong-gusto ko talaga ng anak na babae," anito habang sabay silang nakadapa sa massaging table sa loob ng spa.
"Bakit hindi po kayo sumubok magkaroon ng kapatid si Calix?" curious na turan dito. Natawa ang ginang sa sinabi.
"Hay naku! Sumubok naman kami ng Daddy Cariaso niyo. Sinubukan na nga namin ng lahat ng posisyon," anito na natawa pa. Mabuti na lamang at wala pa ang magmamasahe sa kanila kaya silang dalawa pa lamang ang nasa loob ng private room.
Nang makita nito ang reaksyon niya ay mas lalo itong napatawa. "Ganoon talaga kapag gusto mong makuha ang isang bagay, lahat gagawin mo pero siguro ay talagang hindi lang talaga tinadhanang magkaroon kami ng anak," anito na medyo may pait sa tinig. "Ngunit masaya na ako dahil naririto ka na at siguro ay mas masaya ako kung bigyan niyo kami ng maraming apo," dagdag nito na sumigla na ang tinig.
Mas lalong hindi siya nakahuma sa kinauupuan, mabuti na lamang at nagsipasukan na roon ang dalawang attendant na magmamasahe sa kanila. Dahilan upang mabaling ang pansin nito, ngunit agad rin namang binalik ang usapan nila.
"Ilan po ba ang gusto niyong apo?" mga salitang nanulas sa kaniyang labi. Hindi inaasahang tatanungin ito ng ganoon.
Tumawa ang ginang sa narinig na tanong niya. "Aba, kung kaya niyo ng lima o anim. Kakayanin naming tulungan kayong palakihin sila," palatak nito na kinalaki lalo ng kaniyang mga mata.
"Naku, Ma'am! Hindi po kayo magiging lugi noon, sa ganda niyo. Tiyak cute ang anak ninyo?" sabad naman ng attendant.
"See?" sabi ng kaniyang mother-in-law sa sinabi ng babae nagmamasahe sa kaniya.
Hindi na siya tumutol pa dahil ngayon pa lamang ay iniisip na niya kung magagawa bang bigyan ng mga ito ng apo kung magkaiba naman sila ni Calix ng silid
'Oy, mukhang gustong makatabi si Calix?!' tudyo ng isipan. Ngunit agad ring sinaway ang isiping iyon.
Samantala, halos hindi makapag-focus si Calix nang maramdaman tila may mga matang nakamasid sa kaniya. Nakailang baling na siya sa buong paligid pero wala naman siyang makitang kakaiba.
"Are you alright, Mr. Gonzalves?" tanong ni Dr. Villamor sa kaniya. Ang nagmamay-ari ng isang malaking private hospital sa bansa.
"Yeah," pilit na turan dito at ginawa ang lahat upang ituon ang pansin sa mga kausap. Sa tabi ay ang kaibigang si Sean. Isa ring doktor ito, bakas sa mukha nitong tila kanina rin siya nito inuobserbahan. Kaya nang makipagkamay si Dr. Villamor bilang pagtatapos ng kanilang meeting ay agad siya nitong tinanong.
Mabuti na lamang kahit medyo uneasy at medyo nadidiskaril siya gawa ng pakiramdam na tila may nakamasid sa kaniya ay nakuha ang approval nito na gamitin ang produkto nila sa kanilang ospital or maaari nitong irekomenda sa pasyente niya o hindi kaya ay sabihan ang ilang resident doktor sa hospital nito na i-recommend ang kanilang gamot sa kanilang pasyente.
"Ayos ka lang ba?" mabilis na untag sa kaniya ni Sean sa kaniya.
"Sa totoo lang ay hindi," aniya rito sa totoong nararamdaman sa sandaling iyon. "Feeling ko ay kanina pa may nakamasid sa atin?"
Nakitang napalingon ang kaibigan. "May makita akong lalaki kanina sa doon. Nakatingin dito, akala ko nga kilala ka o si Dr. Villamor," ani ng kaibigan kaya mabilis na nilingon ang tinitignan nito.
Ngunit wala nang tao sa mesang tinutuloy nito. "Ang sama pa naman ng tingin," dagdag pa ng kaibigan. Tinignan ito at doon ay nakitang matiim na itong nakatingin sa kaniya. "Tell me, may nakaalitan ka ba? Taong may galit sa'yo?" anito na tila nag-ala-detective.
Maging siya ay napakunot ng noo at napaisip. Wala naman siyang ibang naiisip kundi ang kasintahan ni Samantha na si Gilbert. Tatanungin sana si Sean kung ano ang hitsura nito pero minabuting itikom na lamang ang bibig. Nang maalala si Samantha ay agad na tinawagan ang ina upang kumpirmahin kung kasama nga niya ang asawa. Sakto namang nagpaalam ang kaibigan upang magtungo ng banyo.
Mabuti na lamang at agad iyong sinagot ng ina at sinabing kasama nga niya ang babae. "Don't worry, son. Mukhang nag-e-enjoy pa ang asawa mo. Halaan mo na muna siyang mag-relax," panunudyo ng ina. Hindi niya tuloy maiwasang mapailing dahil inakala yata ng ina na tumawag siya upang masiguradong ito talaga ang kasama ni Samantha sa sandaling iyon. 'Possesive husband lang?' pang-aasar ng isipan dahilan upang muling mapailing sa naisip.
Pagkababa ng tawag sa ina ay siyang dating ng humahagos na si Sean dahilan upang mabaghan siya. "Anong nangyari sa'yo, para kang hinabol ng sampung amazona?" natatawanf sambit dito.
"I saw the guy!" maang nito.
"Who?" clueless na balik tanong sa sinasabi nito.
"Iyong guy na sinasabi ko sa'yong nakatingin sa'yo," anito dahilan upang mabilis na tanungin ang kaibigan. Gusto niyang masiguro kung tama ang hinala sa katauhan ng taong nakatingin sa kaniya.
"Saan mo siya nakita?"
"Sa banyo," agad naman nitong tugon dahilan para taluntunin ang daan patungo sa palikuran. Mabilis ang mga paa pero pagpasok niya ay tahimik ang buong paligid. Walang taong naroroon kaya batid na nakaalis na ito.
Pagbalik niya ay agad siyang tinanong ng kaibigan kung nakita ito. Bakas din sa mukha nito ang pagkabahala sa tunay na pakay ng lalaking nagmamanman sa kaniya kung siya man ang pakay nito.
Paglingon sa kaibigan ay kitang matiim ang tingin nito. "Tell me, wala ka ba talagang nalaalitan o nakairingan?" pangungumpirma nito.
"Wala naman maliban—" putol niya nang may mahagip ang mata niya at mabilis iyong sinundan.
"Calix! Hoy, Calix! Saan ka pupunta?" sigaw pa ng kaibigan. Mabilis na sinundan ang lalaking papalabas ng restaurant na kinarororoonan.
"I will call you later!" aniya na lamang bago pa magambala ang ilang parokyanong naroroon.
Mabilis ang mga paang sinundan ang lalaki at nang nasa labas na sila ay tinawag ang pansin nito. "Bakit mo ako sinusundan?!" malakas na tanong dito. Sapat upang ipabatid ang kaniyang presensiya at ipaalam na ito ang pinapatungkulan niya.
Tumigil ang lalaki ngunit hindi humarap sa kaniya. Humakbang siya papalapit dito ngunit hindi siya gaanong lumapit dahil hindi niya alam kung ano ang kayang gawin ng taong nasa harapan.
"Sino ka?" saad pang tanong dito. Mayamaya ay unti-unting lumingon ang lalaki sa kaniya. Napasinghap siya dahil hindi ito ang lalaking ini-expect na makikita. Hindi ito ang kasintahan ni Samantha.
"Bakit, pare? May problema ba?" tanong nito.
"Ah, wala naman pare. Pasensiya na, akala ko kasi ikaw iyong kakilala ko. Medyo magkawangis kasi kayo," aniya rito upang mapagtakpan ang pagkapahiya.
Hindi na muling nagsalita ang lalaki at mabilis na umalis. Napasapo na lamang siya ng ulo sa katangahang nagawa. Hindi pa man siya nakakahuma sa kinatatayuan nang dumating ang kaibigang si Sean.
"Ano, bro, nakilala mo ba ang lalaki?" tanong nito.
Umiling siya bilang tugon dito na kinatigil nilang dalawa. Nang biglang matawa ang kaibigan. "Well, I think we need also your medicine. We're getting paranoid," anito na natatawa. Maging siya ay natawa na lamang sa sinabing iyon ng kaibigan.
Alas tres na nang makabalik siya ng kanilang bahay. Mabuti na lamang at nasa kamag-anak si Geraldine, isang bagay na pinagtataka niya. Masyadong umiiwas ang kasintahan sa mga kamag-anak nito pero mukhang ngayon ay lumalapit na ito. Aside from taking a week off from work ay isa rin iyon sa malaking pagbabago sa kasintahan.
Sa totoo lang ay magandang senyales iyon dahil nagagawa na nitong magpahinga bagay na noon pa sinasabi rito. Bago pa kung saan mapunta ang isipan ay minabuting magpahinga na muna.
Mabilis na pumanhik sa silid upang makapagpahinga kahit papaano.
Pagkauwi ni Samantha sa kanilang bahay ay kita ang medyo may kalakihang medicine bag sa center table hudyat na naroroon na si Calix. Sa kamay ay ang mga pinamili ng kaniyang Mommy Alexa para sa kaniya. Mabilis ang ginawang pag-akyat sa silid upang makapagbihis na at nang makapagluto.
Inalok pa siya nitong kumain na sila sa labas pero tumanggi siya dahil inaalala si Calix. Bagay na sinang-ayunan naman agad ng ginang at kitang tila natuwa pa sa sinabi niya.
Suot ang simpleng tshirt at short na hanggang kalahati ng hita ay mabilis na tinungo ang kusina. Sa totoo lang ay medyo nahihiwagaan na siya sa sarili. Bakit ba tila excited siyang pagsilbihan si Calix? Napabuntong-hininga siya at napailing na lamang saka pinagpatuloy niya ang paghihiwa ng kaniyang lulutuin.
Naisip niyang ipagluto ng especialty niyang mushroom spare ribs with sauté asparagus. Naisipan na rin niyang iluto ang ginawa niyang beef tapa. Magiliw siyang kumikilos sa kusina nang mapansing tila may nakamasid sa kaniya kaya agad siyang napatigil at napatingin sa pintuhan.
Mas lalong hindi nakakilos nang buhat roon ay nakita si Calix na noon ay nakasuot ng puting tshirt at khaki short. Kahit ganoon lamang ang suot nito ay napakaguwapo nito at idagdag pa ang perfect body build nito. 'Kalma, Samantha,' aniya sa isipan upang pakalmahin ang sarili o mas tamang sabihin ang puso na ang lakas ng bayo sa kaniyang dibdib.
"Na—nandiyan ka na pala?" nauutal na wika. "Gutom ka na ba?" dagdag pang tanong dito.
Buong akala ni Calix ay wala pa ang asawa dahil naisip na baka sa labas na rin ito kumain kasama ang ina ay naisipan niyang bumaba upang gumawa ng makakain niya nang mabigla siya nang mabungaran ito sa kanilang kusina.
Hindi tuloy niya maiwasang pagmasdan ito. Napakaganda ni Samantha, ang mga mapupungay na mga mata nito na naadurnuhan ng makakapal at mahahabang pilik mata. Ang kilay nitong bumabagay sa mapungay nitong mata. Ang hindi naman katangusang ilong nito pero maliit na bumangay sa manipis at mamula-mulang labi nito. Ang mas lalong nagpatingkad sa ganda nito ay ang magkabilaang biloy sa pisngi nito na madalang lang niyang makita.
Nang mapansin na nito ang presensiya niya ay bigla itong napatigil saka napatingin sa kaniya. Kita ang gulat sa mga mata nito pero agad ring nakabawi.
"Na—nandiyan ka na pala?" nauutal na wika pa nito. "Gutom ka na ba?" dagdag pa.
Naglakad siya saka lumapit dito. "Hindi pa naman, akala ko ay kumain na kayo ni Mommy sa labas," aniya upang maibsan ang tensyon sa pagitan nila.
"Actually, she offered pero—" putol na wika nang mapagtanto ang kaniyang sinasabi. Hindi tuloy alam kung itutuloy ba ang sinasabi o hindi.
"Pero?" maang nito nang mapansing wala siyang balak na sundan iyon.
"Pero pagod na ako kaya umuwi na lamang kami," kaila niya na pinilit talaga niyang hindi pautal para hindi nito mahalatang tensyunado siya sa presensiya nito lalong-lalo na at ilang isang hakbang na lamang at nagkatapat na sila nito.
"Ganoon ba? Pasensiya ka na kay Mommy. Masyado lang atat magkaroon ng anak na babae kaya sa'yo binubuhos," saad naman agad ni Calix. Batid na hindi pa gaanong komportable si Samantha sa presensiya niya.
"Siguro," aniya na lamang saka pinagpatuloy ang ginagawa. Nakitang tinungo ni Calix ang fridge at naglabas ng tubig ngunit nang magsimulang harapin ang kalan ay ramdam na niya ang nakakapasong titig nito sa kaniyang likuran.
Parang hindi siya makahinga sa lakas ng kabog ng dibdib. Nang lingunin sana ito ay halos hindi siya makakilos nang nasa mismong likuran na pala niya ang lalaki.
Agad itong napayakap sa kaniyang baywang dahilan upang gumapang ang bolta-boltaheng kuryente sa buong katawan. Bumilis ang pintig ng pulso at maging ang kabog ng dibdib.
"Calix?!" aniya sa sobrang tensyon sa kaniyang dibdib.
Ngunit imbes na bitawan siya nito ay mas lalo pa siyang niyakap nito. Ramdam ang malakas na pagkabog ng dibdib nito at hindi malaman kung ramdam din ba ang lakas ng kaniyang dibdib. Napapikit na lamang siya at tuluyang tinanggap sa sarili na mahal pa rin ito. Iyong pagmamahal na itinago ng maraming taon ay tila kayamanang muling hinukay.
"Calix?!" aniya sabay tulak ng bahagya rito ngunit kahit anong utos ng isip pero tila walang pwersa ang mga kamay na itulak ito. Hanggang sa kusang tumigil. 'Mahal na mahal kita,' sigaw ng puso. Pilit mang sinisiksik sa isipan ang kasintahan pero ikanga nila kapag puso ang tumibok, anong pilit man ng isip. Sisigaw at sisigaw pa rin ang pusong matagal na lihim na umiibig.