?"May tatlong bibe akong nakita. Mataba. Mapayat. Mga bibe. Ngunit ang may pakpak sa likod ay iisa. Siya ang leader na nagsabi ng kwak-kwak ..." ?
Naiiling na nasapo ni Prince ang noo. Naririnig pa niya ang ganadong pagsabay ni Princess sa nakakairitang children song na ‘yon. Favorite song talaga ng buwisit na batang bubwit na 'yon ang Tatlong Bibe. Oras-oras na lang lagi 'yan ang pinapatugtog. Nakakasawa na. It's already getting in his nerves.
Inis na lumabas ng sariling kwarto si Prince at tinungo ang kwarto ni Princess. Natiyempuhan niya ang bata na naglilinis ng kwarto nito gamit ang isang feather duster. Kumekembot pa ito habang kumakanta ng Tatlong bibe.
Walang alinlangang pumasok si Prince sa loob at pahapyaw na pinatay ang casette player na nasa ibabaw ng tokador sa tabi ng bintana.
"Kuya Prince, bakit mo pinatay?" takang tanong ni Princess nang makita ang ginawa ni Prince. Itinigil muna nito ang ginagawang paglilinis at lukot ang mukhang nakipagtitigan sa kapatid. “I'm listening.”
“‘I'm listening’” ulit ni Prince sa matinis na boses habang nakasiring kay Princess. “Pa-English-English ka pa d'yan. Yabang mo.”
“Ikaw ang mayabang. Bakit mo pinatay ‘yong cassette?”
"Dahil nakakasawa na," angil ni Prince. "Puro Tatlong Bibe na lang naririnig ko magdamag. Ang korny mo talaga. Wala ka bang alam na ibang kanta? Mukha ka ng bibe."
"E ‘di huwag ka pong makinig. Takpan mo 'yang tenga mo."
"Pilosopo ka, ah."
"Prince!" tawag ng kanilang ina mula sa sala. "Ano'ng kaguluhan yan? Inaaway mo na naman ba si Princess?"
"Ma, hindi po," mabilis na sagot ni Prince. “Nakikipaglaro lang ako sa kanya." Muli niyang pinatugtog ng malakas ang casette player para hindi na nito marinig ang mga susunod pa niyang sasabihin. Lumapit siya sa bata at yumukod sabay duro. "Ikaw, ha. Hindi porke't bata ka hindi kita papatulan. Gusto mo itapon kita sa ilog at ipakain sa mga pating? Gusto mo 'yon?" banta niya sa mahinang tinig.
“Wala namang pating sa ilog, Kuya Prince. Buwaya pa siguro.”
Napalis ang ngisi sa labi ni Prince.
“Ah, mas gusto mo pala sa buwaya. Puwes, sa buwaya kita ipapakain.”
Namutawi ang takot sa mukha ng bata.
"Y-You're a jerk.”
"Ano'ng sabi mo?!" inis na sambulat ni Prince sabay hablot sa hawak nitong feather duster at buong giting na hinagis sa isang sulok. "Oh? Ano ka ngayon? Sa susunod ikaw na ihahagis ko sa labas ng bintana. Lilipad ka ng wala sa oras."
"Can you please stop being a jerk!" Isang suntok ang pinakawalan ng bata na dumapo sa balikat ni Prince.
"Ouch!" bulalas ni Prince. Galit na pinandilatan niya ang bata. "s**t kang bata ka."
Akmang papaluin niya ito sa puwet nang biglang lumitaw sa pinto si Zeny na may hawak na bilao na puno ng gulay.
"Prince! Inaaway mo na naman ba 'yang kapatid mo?" salubong ang mga kilay na usisa ni Zeny.
"Ah, hindi, Ma. Bakit ko naman gagawin ‘yon? Naglalaro lang po kami ng jackenpoy ni Princess. E, lagi siyang talo kaya nagagalit." mabilis na paliwanag ni Prince sabay ngiti. Tinapunan niya ng makahulugang tingin ang bata. Ibinagsak niya sa harap nito ang nakalahad na kamay. "Papel ako. Nasaan 'yong sayo? Madaya ka talaga. Tsk. Tsk!"
"Totoo ba 'yon, Princess?"
"O-Opo, Ma. W-We're just playing. But—"
"Haha! Ang cute mo talaga, Princess. Para kang puwit ng baso. Papisil nga. Nakakagigil ka," nakangising pahayag ni Prince sabay pisil sa pisngi ng bata.
"Ouch!"
"Prince! Itigil mo 'yan.”
"Oh ano, Princess. Laro pa tayo? Hindi ka pa nakakabawi e. Sorry, magaling kasi itong kuya mo."
"Ayoko na po."
"Weh? Gusto mo pa, e. Sige na. Isa pa. Promise, hindi ko na gagalingan."
Umiling ang bata.
"Tama na 'yan, Prince. Mabuti pa tulungan mo na lang akong ilagay 'tong mga gulay sa tricycle," utos ni Zeny.
“Sige, Ma," sang-ayon ni Prince. Tinulungan niya ang ina sa paghawak sa bilao at sabay na tinungo nila ang naghihintay na sasakyan sa labas. Nang mailagay at makitang okupado na ulit sa ginagawa ang ina ay agad na bumalik si Prince sa kwarto ni Princess. Nadatnan niya itong nag-aalis ng mga sirang laruan na nasa loob ng kabinet at inilalagay sa nakabukas na karton sa tabi nito. Nakakalat sa sahig ang mga laruan tulad ng mga G. I. Joe, Barbie Dolls at toy guns.
"Tomboy. Pssst! Tomboy," pang-aasar muli ni Prince habang nakangisi. Hindi naman siya pinapansin ng bata. "Senpai, notice me."
"Can you please leave me alone?" bulyaw ni Princess sabay siring sa kanya. "And I'm not a tomboy, you jerk."
"E, bakit mahilig ka sa mga toy gun? And... G. I. Joe! Tomboy ka talaga, aminin mo na."
"None of your business. Okay? Now leave!"
"Tomboy."
"Trespassing ka. This is my room. You have your own. You're not respecting my boundery. Now leave.”
"Masyado kang makalat. Kuwarto ba ito o isang kweba?" pang-aasar pa ni Prince habang umiiling na pinag-aaralan ang kabuuan ng kwarto ng kapatid. "Kulang na lang mga malalaking paniki na nakasabit sa kisame. Siguradong may namamahay ng mga ahas sa ilalim ng kama mo. Baka may dambuhalang anaconda na d’yan. Hala ka, Princess. Mamayang gabi gagapangan ka niya at lulunukin ng buo. Oohhhh! Scaaaary!"
Nabalutan ng takot ang mukha ni Princess. Pero nang makitang nakangisi ang nakatatandang kapatid ay mas namayani ang pagkainis nito.
"You should see your own room. Parang dinaanan ng bagyo.”
"Ows, talaga? At kailan ka pa naging weather forecaster, Princess?"
"Can you please get out of my room?"
“No."
"Ma! Prince is terrorizing me again!"
"Prince! Huwag mong guluhin 'yang kapatid mo!" sigaw ni Zeny mula sa labas ng bahay.
“Hindi, Ma!" sigaw ni Prince. Siniringan niya ang bata. "Buwisit ka talaga, ah."
Inirapan lang siya ni Princess at muling ipinagpatuloy ang ginagawa.
“Ano ‘yon?" biglang tanong ni Prince. Nakatitig siya sa karton sa tabi ni Princess.
"What?" kunot-noong tanong ni Princess. "What is it?"
"Yung nasa karton. Kita mo ngang d’on ako nakatingin, e."
Napatingin din si Princess sa karton.
"What about it?"
"Diaper ba ‘yon?"
"A diaper?" takang tanong ni Princess. Pinagmasdan nito ng maigi ang laman ng kahon. "Wala naman akong nakikitang diaper."
"Ayun, oh. Natatakpan ng mga bulok na laruan mo."
"Wala naman e," giit ng bata habang hinahalukay ang loob ng karton. Inis na tumingala ito sa kanya. "Can you please stop goofing around." Sabay sigaw, "MA! Ayaw po akong tantanan ni Kuya Prince! MA!"
"Prince!"
"Hindi po, Ma! Nagsisinungaling po siya! Wala po akong ginagawang masama sa kanya!"
"Get out of my room, Prince!" inis na pagtataboy ni Princess. "I said get out. Now!"
"Anong Prince? Kuya Prince! Wala ka talagang galang."
"Whatever. Just get out. Please."
"No."
"Yes, you are!" Dinampot ni Princess ang isang sirang manika sa karton. "Ibabato ko talaga ito sa pangit mong mukha kapag hindi ka pa umalis. Get out!" Itinuro pa nito ang pinto.
“Baka tumama," anas ni Prince sabay sandal sa dingding. Napansin niya ang katabing switch ng ilaw at sinandalan ito.
Namatay ang ilaw.
Napasigaw si Princess.
Muling bumukas ang ilaw.
"Ano ba, Kuya Prince?! Why are you doing this to me? Stop being a jerk.”
“Wala naman akong ginagawa? Kita mong nakasandal lang naman ako dito sa dingding e. Bulag ka ba?" painosenteng turan ni Prince. "Huwag kang namimintang. Ang bata-bata mo pa pero napakasinungaling mo na. Bad ka talaga."
"Ikaw ang bad. At hindi ako nagsisinungaling! Sinasagi mo 'yung switch ng ilaw. You're doing that on purpose!"
Muling namatay ang ilaw.
Napasigaw uli sa takot ang bata.
Muling bumukas ang ilaw.
"I hate you! Get out! I said get out, you jerk! Get out!" umiiyak na sigaw ni Princess sabay bato kay Prince ng hawak nitong manika. Nakailag naman si Prince at mabilis na lumabas ng pinto habang tumatawa. Nandila pa siya bago tuluyang umalis at iniwan ang umiiyak na kapatid.
"Prince! Ano na naman bang ginawa mo kay Princess?!" galit na salubong ni Zeny kay Prince.
“Wala, Ma. Sige po. Magre-review pa po ako sa silid ko," paliwanag ni Prince sabay takbo sa sariling kwarto at mabilis na sinarado at ni-lock ang pinto. Hindi maalis ang ngisi sa mukha niya habang pinapakinggan ang pagngawa ni Princess sa kabilang silid habang pinapatahan ni Zeny. Ewan niya pero sobrang gusto talaga niya itong nakikitang umiiyak at nagagalit.
Sa halip na mag-review tulad ng sinabi ay nahiga lang si Prince sa papag at umidlip.