"Ginisang ampalaya na naman?" maktol ni Prince nang makita kung ano ang nakahain sa lamesa. Nakasimangot na umupo ang bata sa silya.
"Masustansya ang ampalaya, Prince. At masarap ang pagkakaluto ko d'yan kaya huwag ka ng mag-inarte pa at kumain ka na lang," ani Zeny kay Prince habang ngumunguya. Natawa siya nang makita ang nakalamukos na mukha ng anak. "Hindi mo pa nga natitikman 'tong ulam mapakla na agad ang mukha mo?"
"Pero, Ma. Kahapon pa natin ulam 'yan. Wala bang karne man lang?" giit ni Prince.
"Kuya Prince, buti nga may kinakain ka pa," sabi ng siyam na taong gulang na kapatid ni Prince na si Princess. Nakaupo ito malapit kay Zeny.
Pinandilatan ni Prince ang bata.
"Hoy, kinakausap ba kita?" angil niya. "Huwag ka ngang sumasabat sa usapan."
"Ang arte mo po kasi."
"Tama na 'yan, Prince. Huwag mo ng patulan si Princess. Limang taon ang tanda mo sa kanya," awat ni Zeny. "Just eat."
Nandila pa si Princess kay Prince sabay subo ng pagkain.
"Pakialamerang bata," bulong ni Prince.
"Hayaan mo, Prince. Bukas ginisang repolyo naman ang ulam natin para maiba naman."
"Ma! Alam kong vegetarian ka pero pakiusap naman huwag mo 'kong idamay," nakangusong reklamo ni Prince. Hindi ito kumakain bagkus ay pinaglalaro lang sa pamamagitan ng kutsara ang pagkain na nasa sariling plato. "Omnivore ako. Mas gusto ko ang balanced diet. Tutubuan na ako ng mga dahon at sanga sa kinakain natin, e."
"Sige, Prince. Kapag naging taong puno ka na, ibebenta kita sa perya para pagkakitaan naman kita at ng may pakinabang sa 'yo," sabi ni Zeny sabay inom ng tubig.
"Ma!" maktol ni Prince. "Seryoso ako. Isang linggo na tayong puro gulay. Mag manok o baboy naman tayo. O kahit isda. Pangako, hindi ako magrereklamo." Itinaas pa ng bata ang isang kamay.
"Mahal ang karne ngayon, Prince. Nagtaas sila ng presyo." Bahagyang nagdilim ang hapis na mukha ni Zeny nang maalala ang tagpo kahapon sa Mamita Dress Shop. Kasalanan ng batang spoiled brat na 'yon kung bakit nawalan siya ng trabaho. Lingid kasi sa kaalaman ng donya, sinesante pa rin siya ni Sir Facundo sa kabila ng kanyang pagmamakaawa. Isa raw siyang masamang ehemplo para sa ibang mga saleslady kaya nararapat lang na tanggalin siya.
Sumubo na rin si Prince ng pagkain.
"See? Kinain mo rin," sabi ni Zeny. "Magpasalamat ka na lang at may kinakain ka pa. Hindi mo gayahin 'tong si Princess. Kahit anong ihain ko kinakain niya. Walang angal. Walang reklamo."
"Patay-gutom kasi," bulong ni Prince habang ngumunguya.
"Ano 'yon, Prince?"
"Ah, wala, Ma. Sabi ko gutom kasi siya."
"Masarap po kasi lahat ng mga luto mo, Ma. Kaya lahat ng luto mo favorite ko at talagang kinakain ko," nakangiting wika ni Princess sa ina. Nagbigay pa ito ng isang matamis na ngiti.
"Salamat, Princess. 'Yan ang gusto ko sa 'yo. Lagi kang nagsasabi ng totoo," natatawang sabi ni Zeny sabay yakap kay Princess at halik sa noo nito. "Sige na, kumain ka pa."
Inikot ni Prince ang mga mata.
Ke bata-bata pa magaling na mambola ng Princess na 'to, inis na naisaloob ni Prince.
TUMUTUNOG ang kanyang cellphone.
May tumatawag.
Hinagilap ni Prince and cellphone sa kanyang tabi. Nang malaman kung sino ang tumatawag ay umusbong ang ngiti sa kanyang mga labi.
"My Precious, kumusta?"
"Break na tayo," sagot ng babae sa kabilang linya.
Parang binuhusan ng nagyeyelong tubig si Prince. Agad siyang napabangon.
"A-Ano'ng sabi mo?"
"Maglinis ka nga ng ears mo. Ang sabi ko break na tayo."
"Teka, my Precious, hindi magandang biro 'yan."
"Nakita ko na pictures mo sa sss. Ang pangit mo pala."
"Pero my Precious..."
"Sinungaling ka. Sabi mo kamukha mo si Piolo Pascual. Duh! Anlayo kaya. Kahawig mo si Gollum. Ang pangit mong kumag ka!"
"Hayaan mo 'kong magpaliwanag, Precious."
"Find another one, Prince. I don't deserve you. At pakisabi sa mga classmate mo na tigilan na nila ang pangungulit sa akin. Nakakadiri."
"Please naman, Precious. Huwag mo 'kong iwan. Hindi ko kayang mabuhay nang wala ka."
"Mabuti at nang mamatay ka na."
"Precious, paano na mga pinagsamahan natin? Akala ko..."
"Huh! Problema mo na 'yon."
Naputol ang linya.
Ang walanghiya! Nakuyom ni Prince ang kamao. Mayabang talaga ang Precious na 'yon. Ang buong akala niya ay matatanggap siya nito kapag natuklasan na hindi siya kaguwapuhan. Sa isang linggo nilang samahan, kung relationship ba itong matatawag, inakala niya na tuluy-tuloy na ang swerte niya. Complete package si Precious. Maganda at mayaman. Cheerleader sa school nila. Isang dakilang imbentor ang ama. May malaking kumpanya ng printer sa Laguna. Mansyon. Mamahaling mga sasakyan. Pero gaya ng mga madalas mangyari sa mga nakikipagrelasyon sa text at social media, isang kahangalan lang pala ang lahat.
Biglang may tumugtog sa katabing kwarto. Sa kwarto ni Princess.