NAPAHINTO sa pagmamaneho ng Shimizu X-20 si Reese nang makita niya ang babaeng naglalakad sa gitna ng matingkad na sikat ng araw. Hawak-hawak nito ang bilao na nakapatong sa ulo. Nakasuot ito ng maong na shorts na lagpas tuhod at pink na T-shirt. Pero kahit maluwag iyon ay kitang-kita ang magandang hugis ng katawan nito. Napansin din niya na kahit morena ang kutis nito ay makinis naman.
Dahan-dahan niyang binuksan ang bintana ng kotse para mas malinaw niya itong makita.
At nang lumingon ito sa gawi niya ay biglang natigilan si Reese. It seemed like everything was moving in slow motion because of her. Literal siyang napanganga nang tuluyan itong humarap sa kaniya at nakita niya ang mukha nito. Ang mapupungay na mga mata talaga nito ang talagang nakaagaw ng pansin niya.
Sandaling na-distract ang binata nang maglakad ang babae palapit sa sasakyan niya. Muntik pang malaglag ang kaniyang panga nang makita ang unti-unting pagguhit ng ngiti sa mga labi nito.
Sandaling natulala si Reese. His heart started beating fast. Iyon na yata ang pinakamagandang ngiti na nakita niya. Ang pinakamagandang mukha na nasilayan ng mga mata niya. Kung tutuusin, sanay na siya sa magaganda dahil sa dami ng babaeng nakapaligid sa kaniya sa Canada.
Ngunit habang tinitingnan niya ang babaeng ilang hakbang na lang ang layo mula sa sasakyan niya, napatunayan niya na hindi pa pala siya immuned sa magaganda.
"Lumpiang Shanghai kayo diyan!" kapagkuwan ay narinig niya na malakas na sigaw ng babae. At nang kumurap si Reese ay saka lang niya napagtanto na nakadungaw na pala ito sa bintana ng sasakyan niya. Nakangiti. "Hi, Sir. Gusto n'yo po bang bumili ng lumpiang Shanghai? Masarap at bagong luto kaya malutong pa. Ako mismo ang nagluto kaya siguradong malinis."
Narinig ni Reese ang pag-alok sa kaniya ng magandang babae. Pero hindi siya nakasagot agad dahil natulala siya sa mapuputi at pantay-pantay na mga ngipin nito.
"Excuse me, Sir. Ang sabi ko po kung bibili ba kayo ng lumpiang shanghai ko," pukaw ng babae sa kaniya. Pawisan ito pero maganda pa rin.
"H-ha? Ah, eh... ano ba iyang paninda mo? Pagkain ba iyan?" Bahagya niyang inilabas ang ulo sa bintana at sinilip ang laman ng bilao nito. Muntik nang magtama ang noo nilang dalawa kaya napaatras ito. Hindi naman nakaligtas sa paningin ni Reese ang pag-blush ng babae.
How cute was that?
"Lumpiang Shanghai po, hindi n'yo alam? Eh, ito ang pambansang pagkain dito sa Pinas sa tuwing may handaan," amused na wika ng babae. Ang boses nito ay napakalambing. Bagay talaga sa maamo at inosenteng mukha nito.
Napahawak sa batok si Reese. "I'm sorry, Miss. Sa Canada—"
"Ah, bakasyunista po kayo, Sir?" Ngumiti ito at noon lang niya napansin ang dalawang dimple nito malapit sa mga labi. "Halata naman po sa pananalita n'yo."
Medyo nagtaka si Reese. Base sa reaksiyon ng babae ay hindi siya nito kilala. Pamilya niya ang may-ari ng Hacienda Ramona. Ang Monreal clan. Simula nang mamatay ang kaniyang Lola Mildred na grandmother ng ama niyang si Kieran Balinger ay ito na ang namahala rito.
Lahat ng taong naninirahan sa lugar na ito ay kilala ang halos buong angkan nila—kahit pa si Reese na sa Canada na nakatira at umuuwi lang rito para magbakasyon. Kaya nakapagtataka na hindi siya kilala ng babaeng kaharap. Dahil kahit ang mga kalapit bayan ay kilala rin ang mga Monreal.
Baka bagong salta lang sa Hacienda Ramona ang babae dahil parang ngayon lang din niya ito nakita.
"How much is this?" mayamaya ay tanong na lang ni Reese habang nakahawak sa bilao. Hindi na niya aalamin kung anong klaseng pagkain ang tinitinda nito. Ayaw niyang magmukhang tanga sa harapan ng magandang babae na ito. "Bibilhin ko na lahat."
Nanlaki sa tuwa ang mga mata nitong may mahahaba at mapilantik na eyelashes. "Two hundred pesos na lang po, Sir. Tawad na lang ang twenty pesos dahil bibilhin n'yo naman lahat," magiliw nitong sabi.
He smiled at her. "Okay, sure. Pakibalot na lang."
Tila excited at nagmamadali naman na inilagay ng babae ang lahat ng paninda nito sa isang puting sando bag. "Heto na po ang lumpiang Shanghai n'yo, Sir. Siguradong magugustuhan n'yo iyan." Inabot nito sa kaniya ang plastic habang dumudukot siya ng pera sa kaniyang wallet.
"Here." Inilabas niya sa bintana ang one thousand peso bill at inabot din iyon sa dalaga. "Keep the change."
"Naku, hindi ho ako tumatanggap ng 'keep the change', Sir. Tamang bayad lang ako. Pero..." Sinilip nito ang laman ng belt bag, "wala po pala akong pamalit diyan. Okay lang ba kung sabihin n'yo na lang sa'kin kung saan kayo nakatira dito sa Hacienda Ramona, Sir? Para ihatid ko na lang ang sukli." Medyo nag-alangan pa ito nang tumingin uli sa kaniya.
"No problem," agad na payag ni Reese. Hindi na siya nag-insist dahil mukhang hindi rin naman ito papayag.
"Naku, thank you po, Sir! Ano nga pala ang pangalan n'yo at saan ko ho ihahatid ang sukli nito?" tanong uli nito pagkatanggap ng pera niya.
"I'm Reese. Reese Balinger. Ikaw? Ano ang—" Naputol ang pagsasalita ni Reese nang bigla na lang binawi ng babae ang hawak niyang sando bag na may laman na lumpiang Shanghai nito at ibinalik sa kaniya ang one thousand peso bill niya. Sa lakas ng pagkahablot nito ay muntik pang matamaan ng plastic ang mukha niya. "Hey."
"Hey-hey-in mo 'yang mukha mo!" At sa isang iglap ay bigla na lang tumapang ang maamong mukha at malambing na boses nito kanina, at saka nagmamadali na tinalikuran siya.
Naiwan si Reese na napanganga sa sobrang pagtataka. Have he done something wrong?
Simula nang araw na iyon ay naging paborito na ni Reese ang lumpiang Shanghai. Araw-araw na rin niyang inaabangan si Ganda sa tuwing nagbabakasyon siya sa Hacienda Ramona. Masuwerte naman na nagkataong kaibigan din pala ito ni Asyong kaya pati sa bahay ay dinadalaw niya ito.
Pero malas lang dahil ayaw sa kaniya ni Ganda.
Sa unang panliligaw pa lang ay binasted na agad siya nito. At sa harap pa mismo ng kaniyang pamilya.