PROLOGUE
"DAD, I'm tired." Pumiyok ang boses ni Sky Jewel habang tinatanggal ang suot na sunglasses para pahirin ang namamasang mga mata. Nakaupo siya sa Bermuda grass at nakaharap sa malamig na nitso na may nakatirik na dalawang kandila, at nasa gitna ng mga ito ang isang basket ng bulaklak. "I'm tired from all these... Pati ang isip ko, parang gusto na ring bumigay. I really want to give up... Pero ayoko." Napahinto siya sa pagsasalita nang gumaralgal ang boses niya. "Ayoko, Dad. Dahil nangako ako sa sarili ko at sa puntod mo na hinding-hindi susuko hangga't hindi ako nagtatagumpay." Pumatak ang kaniyang mga luha, kasabay ng mahinang ambon sa paligid. "Kahit pagod na pagod na rin akong magtago, hindi ko pa rin susukuan ang pangakong iyon, Dad..."
Ilang sandaling natulala si Sky Jewel. Nakatitig lang siya sa nitso ng ama habang tumutulo ang kaniyang mga luha. Tandang-tanda pa niya ang unang beses na dinala siya rito noon ng isang madre. She felt so hopeless then. Dahil kahit ang pinakasimpleng pangarap niya noon ay hindi niya maabot-abot.
Bawat bagay sa mundo ay may tamang panahon, Sky Jewel. naalala niyang payo sa kaniya ng madre. Kaya huwag kang bumitaw. Dahil balang araw ay matutupad din lahat ng pangarap mo. Huwag mo lang kalimutan na punuin ng pag-asa ang puso mo para mangyari iyon.
Her eyes filled with tears. Gayunman, hindi mapigilan ni Sky Jewel ang ngiti na sumilay sa mga labi niya nang sumagi sa isip niya ang isa sa pinakamagandang payo na narinig niya sa tanang buhay niya. At isa ang payo na iyon ng madre na naging sandata niya sa bawat pagsubok na hinarap niya sa mga nakalipas na taon.
Bigla siyang napatayo nang maramdaman niyang lumalakas na ang ulan. Bahagya na ring kinagat ng dilim ang paligid. Pati ang sepulturero na kaisa-isang kasama niya kanina sa sementeryo na iyon ay nawala na rin sa paningin niya.
Sa huling pagkakataon ay sinulyapan ni Sky Jewel ang puntod ng ama. Tuluyan nang natuyo ang mga luha sa mga mata niya at bumalik na ang maayos na poise niya. Pinagpag niya ang suot na mini pink dress, pati na rin ang kaniyang six-inch heels. Pagkatapos ay isinukbit na niya sa balikat ang kaniyang MPM luxurious bag bago naglakad na tila modelo pabalik sa red sports car na lulan niya kanina papunta rito sa sementeryo.
Ngunit biglang napahinto sa paghakbang si Sky Jewel at muntik nang matapilok nang matanaw niya ang isang lalaki na nakatayo sa di-kalayuan. Nakasuot ito ng kulay itim na vest at sa loob niyon ay itim din na tie at puting collared shirt na naka-roll up ang sleeves. He was also wearing a black fedora with white trim and a pair of black dress shoes. Iyon ang naaninag niya sa gitna ng papadilim ng paligid.
He dressed up elegantly like an old-fashioned gangster!
Nang bumalik ang tingin ni Sky Jewel sa mukha ng lalaki ay sigurado siya na sa kaniya ito nakatingin kahit nakasuot pa ito ng sunglasses. Kumunot ang noo niya. Kumabog ang dibdib niya habang nananatiling nakatitig sa lalaki. Sandali pa siyang nalito dahil ngayon lang siya nakaramdam ng ganoon.
Mayamaya ay biglang umihip ang malakas na hangin. Napakisap siya. At sa muli niyang pagtingin sa lalaki ay wala na ito sa kinaroroonan.
Sandali siyang natulala. Bumilis lalo ang t***k ng kaniyang puso habang palinga-linga sa paligid.
Nang mabigo siyang mahanap ang estrangherong lalaki ay nagkibit-balikat na lang si Sky Jewel. Tuluyan nang lumakas ang buhos ng ulan kaya napatakbo na siya papunta sa sasakyan.
Ilang sandali pa ay lulan na siya nito habang pauwi ng Antipolo. Literal na siyang nakaramdam ng pagod dahil sa mahabang biyahe niya mula pa sa London. Sinalubong lang siya ng kanilang family driver sa airport para ihatid ang luxurious car niyang iyon at siya na ang nagmaneho.
MAS lumakas pa ang buhos ng ulan nang dumating si Sky Jewel sa bahay nila sa Antipolo. Hindi tuloy siya makababa dahil wala naman siyang dalang payong. Mukhang hindi rin naririnig ng mga guwardiya ang sunod-sunod na busina niya dahil sa sinasabayan din ng malakas na ugong ng hangin ang ulan.
Pero imposible!
Dahil rain or shine ay nakabantay sa malawak na gate ng kanilang mansiyon ang tatlong guwardiya. Ipinagbabawal din ng kaniyang ina ang sabay-sabay na pag-alis ng mga ito sa puwesto. Bahagyang binuksan ni Sky Jewel ang bintana at sumilip. She looked around. Maliban sa malakas na hangin at ulan ay tahimik ang paligid ng bahay nila. Iilan lang din ang ilaw na nakabukas. Samantalang tuwing gabi ay parang mall sa sobrang liwanag ang buong kabahayan dahil ayaw ng kaniyang ina ang madilim.
Napakunot-noo si Sky Jewel.
Limang taon man siyang nawala sa lugar na iyon, sigurado pa rin siya na may kakaibang nangyayari sa paligid. Lalo pa at bigla na lang siyang kinabahan.
Napilitang bumaba ng sasakyan ang dalaga. Napangiwi siya nang makita ang tubig-baha na hindi naman ganoon kalalim. In fact, ni hindi iyon sumayad sa paa niya dahil sa mataas na heels na suot niya.
Dali-daling tinungo ni Sky Jewel ang gate. At ganoon na lang ang pagkagitla niya nang malamang hindi iyon naka-lock. Kasunod niyon ay nakarinig siya nang putok ng baril mula sa loob ng mansion.
Patakbo na sumugod sa loob ang dalaga. Nasa driveway pa lang siya ay nakita na niya ang tatlong guwardiya na nakahandusay. Kumakabog pa rin ang dibdib na tinakbo niya ang papasok sa loob ng bahay nila. Paglapit niya sa pinto na bahagyang nakabukas ay narinig niya ang hindi pamilyar na boses ng lalaki na nagsalita ng. "... sasabihin mo ba sa'min kung nasaan ang anak mo o sa ulo ko na itatama ang sunod na putok?"
Napanganga si Sky Jewel at napaatras siya nang dalawang hakbang. Unti-unti nang binundol ng kaba ang dibdib niya. Sigurado siya na ang kaniyang ina ang binabantaan ng lalaki. At sigurado rin na nasa panganib ang buhay nito sa mga oras na iyon. Humigpit ang hawak niya sa kaniyang bag at aktong susugod na sa loob habang nakaalerto ang isip at katawan.
Ngunit malinaw pa sa dalaga ang bilin sa kaniya ng ina kapag nalagay sila sa ganoong sitwasyon. At kung ano man iyon, tanging silang mag-ina lang ang nakakaalam.
"Where do you think you're going?"
Muntik nang mailabas ni Sky Jewel ang laman ng kaniyang bag nang marinig niya ang baritonong boses na iyon mula sa kanang bahagi niya.
Mabilis pa sa alas kuwatro na napatingin doon ang dalaga. Agad niyang nakita ang isang bulto ng katawan ng lalaki na nakatayo sa gitna ng mayayabong na halaman at bulaklak. Bagaman at medyo madilim sa parteng iyon ay nasisiguro ni Sky Jewel na ang lalaking nagmamay-ari ng baritonong boses na iyon ay ang estrangherong lalaki na nakita rin niya sa sementeryo kanina.
At hindi siya maaaring magkamali dahil tandang-tanda pa niya ang kasuotan nito mula ulo hanggang paa. And right at that moment, muling naramdaman ng dalaga ang mabilis na pagtahip ng dibdib niya. At sure siya na hindi lang iyon dahil sa takot.
"Boss, ayaw talagang magsalita ni Mrs. Dela Vega kung nasaan ang anak niya, kahit na anong piga namin." Ang lalaking narinig niya kanina sa loob ng mansion ang biglang nagsalita sa likuran niya.
Kinakabahan na napatingin agad dito si Sky Jewel. Nanlaki ang mga mata niya nang makitang duguan ang kamay ng lalaking nakaitim na tuxedo at may hawak na armalite. Halos umuusok pa ang dulo niyon. . Halatang nagulat din ito nang mapatingin sa kaniya.
"Don't worry. I've already found her," sagot dito ng estrangherong lalaki habang nakapaling ang ulo sa gawi niya.
Ngayon alam na niya kung bakit siya nito tinitingnan sa sementeryo kanina!
"A-ano ang ginawa n'yo sa Mommy ko?" malakas at nahihintakutan na sigaw ng dalaga nang makahuma siya. Nagpalipat-lipat ang tingin niya sa dalawang lalaki bago siya susugod sana papasok sa bahay nang harangin siya ng anim pang kalalakihan na lumabas mula roon. Lahat sila ay may bitbit na armalite at naka-tuxedo na itim din. At duguan din ang dalawa sa mga ito. "Mga walang hiya kayo! Ano ang ginawa n'yo sa—"
"Bring her," maawtoridad na utos ng estrangherong lalaki sa pitong kasamahan nito, dahilan para maputol ang pagsasalita ni Sky Jewel.
At bago pa man niya ito mamukhaan ay tumalikod na ito at nagmamadaling umalis hanggang sa tuluyan na itong lamunin ng kadiliman nang dumiretso ito sa likod-bahay na walang nakabukas na ilaw.
"Ano naman ang gagawin namin kay Mrs. Dela Vega, Boss?"
"Kill that b***h!" malakas na sigaw nito mula sa gitna ng madilim na paligid. Kung gaano kabaritono ang boses nito kanina ay bigla iyong naging demonyo sa pandinig ni Sky Jewel dahil sa tinuran nito.
"No!" paghihisterikal niya at nagpumiglas siya nang sapilitan siyang hinawakan ng dalawang lalaki.
Ngunit natigil sa pagwawala ang dalaga nang bigla na lang tinakpan ng panyo ang bibig at ilong niya. Nakaramdam siya ng unti-unting pagkahilo habang nakikita niyang tinatadtad ng bala ang buong kabahayan nila.
She tried to stop them. Pero tuluyan na siyang nawalan ng malay.