Dahil wala s'yang kotse na late tuloy s'ya sa pagpasok sa Sullivan Hotel. Tatlong araw palang mula ng makapasok s'ya sa Hotel bilang housekeeping staff. Tinaggap na n'ya ang posisyon kahit wala naman s'yang alam sa trabaho. Kailangan kasi n'ya ng trabaho para sa pag-aaral n'ya. Ngayong wala na ang Daddy n'ya wala na s'yang maaasahan pa. Isa pa unti-unti ng kinukuha ng mag-ina ang mga ari-arian na iniwan ng Daddy n'ya sa kanya. Wala naman s'yang laban sa mag-ina kaya hahayaan na lang n'ya muna hanggang sa maka graduate s'ya at makahanap ng magandang trabaho.
"Megan pakilinis ang room 404," sabi ng may edad n'yang katrabaho. Ilang araw palang kasi s'ya kaya halos hindi pa n'ya kilala ang mga katrabaho n'ya.
"Sige po," sagot n'ya, at inipit ang mahabang buhok. Dahil wala pa s'yang uniporme ay naka puting t-shirt lang s'ya at pantalon.
Pag akyat n'ya ng room 404 nag doorbell s'ya at isang babaing medyo may edad na ang nagbukas ng pintuan.
"Housekeeping," sabi n'ya.
"Tamang-tama pakilinis na, darating na ang mga guest ko," sabi ng babae na may blonde na buhok.
Napansin n'ya ang pagsuri sa kanya ng babae nang makapasok sa loob ng silid.
"Miss maganda ka ah, bakit dito ka nagtatrabaho?" Tanong ng babae sa kanya, habang naglilinis ng silid.
"Salamat po," kiming pasalamat n'ya at ngumiti.
"Here," sabi ng babae at inabutan s'ya ng maliit na papel. Calling card 'yon. Tinaggap naman n'ya at binasa ang nakasulat.
"Isa akong talent manager, kung gusto mo ko subukan pwede mo ko tawagan . Sayang naman ang ganda mo kung maglilinis ka lang ng banyo sa hotel na to," sabi ng babae.
Nainis man s'ya sa sinabi ng babae ay wala s'yang magagawa. Totoo naman kasi ang sinabi nito, na naglilinis lang s'ya ng banyo sa Hotel.
"Ano bang pangalan mo?" Tanong nito sa kanya.
"Megan po," sagot n'ya at binilisan ang paglilinis habang panay pa rin salita ng babae.
Nang matapos s'ya sinabihan s'ya ng babae na samahan s'ya sa ibaba para sunduin ang mga guest nito. Tatanggi sana s'ya pero ng sinabi nitong bibigyan s'ya ng tip ay pumayag na s'ya. Kailangan kasi n'ya ng pera ngayon, kaya kahit ano siguro papasukin na n'ya basta may perang kapalit.
Sabay silang lumabas ng babae sa luxury room nito. Pina iwan muna nito ang mga gamit panlinis para daw presentable s'ya pag humarap sa mga guest na susunduin nila. Nagtataka man ay pumayag na s'ya sa ngalan ng tip na inaasam n'ya.
Pagdating sa lobby agad n'yang nakita ang dalawang amerikano na nakaupo sa lobby, at tila hinihintay nga ang kasama n'yang babae. Kinawayan ng babae ang dalawa at kumaway din mga ito sa babae, sabay turo pa sa kanya ng isa amerikano. Binalewala na lang n'ya at sumunod sa babae ng bigla itong huminto sa paglalakad at nalipat ang tingin sa lalaking naglalakad sa lobby.
Nakasuot ang lalake ng puting plain na t-shirt, itim na slack at puting sneakers na mamahalin ang tatak. Nanlaki ang mga mata n'ya ng makalapit ang lalake. Ito ang lalaking muntik ng makabunggo sa kanya kanina sa eskwelaan na kilala ni Clariz. Nakalimutan n'ya ang pangalan ng lalake, pero sa pagkakaalala n'ya ito ang anak ng may-ari ng Hotel at University.
"Madame," bati ng lalake sa babaing kasama n'ya. At nalipat ang tingin ng lalake sa kanya. Napalunok pa s'ya ng maramdaman ang paglandas ng mga mata ng lalake sa kabuuhan n'ya. Hindi n'ya gusto ang uri ng tingin nito, tila s'ya hinuhubaran nito.
"Alaga mo?" Narinig n'yang tanong ng lalake sa babaing kasama n'ya. Tumawa ang babae. Malutong pero may class.
"Just call me if you want her my dear, gagawan ko ng paraan para sa iyo Zayn," narinig n'yang sagot ng babae sa lalaking tinawag nitong Zayn.
Tama Zayn nga, Zayn Sullivan ang pangalan ng lalaking muntik nang makabunggo sa kanya kanina. Nagyuko s'ya ng ulo baka kasi makilala s'ya nito.
"Next time," narinig n'yang sagot ni Zayn sa babae, at pasimple n'yang sinulyapan ang gwapong mukha ni Zayn. Napansin n'yang liningon ni Zayn ang mga amerikanong naghihintay sa sinamahan n'yang babae. Nag angat s'ya ng ulo at nagtama ang mga mata nila ni Zayn. Pinakatitigan s'ya nito. Marahil nakilala na s'ya nito. Napalunok s'ya.
"See you later Madame," paalam ni Zayn sa babae at sinulyapan s'yang muli bago pa iling-iling ng ulong nagtuloy.
Matapos nilang masundo ang mga amerikano ay binigyan s'ya ng isang libong tip ng babae. At sinabihan na tawagan s'ya basta kailangan n'ya ng trabaho. Hindi naman s'ya ganoong ka tanga para di mahulaan kung anong klaseng trabaho ang nais ibigay ng babae sa kanya. Nahalata n'ya kanina sa mga amerikano ang panay tingin sa kanya, at narinig n'yang sinabi ng babae na hindi s'ya ang babaeng regalo nito. Kaya naman ng makuha ang tip ay dali-dali na s'yang umalis.
Malalim na ang gabi ng matapos ang duty n'ya. Wala s'yang kotse kaya kailangan n'yang mag taxi. Paglabas n'ya ng Hotel nakita n'ya ang gwapong lalaking muntik nang makabunggo sa kanya kanina, si Zayn. Nakatayo ito sa labas marahil hinihintay nito ang driver nito.
Napansin s'ya ni Zayn at sinulyapan s'ya nito. Hindi naman n'ya alam kung saan titingin, nais n'yang iwasan ang kakaibang tingin ng lalaki sa kanya. Isama pang naramdaman n'ya ang pagkabog ng kanyang dibdib sa pagkakatingin ng gwapong lalaki sa kanya.
"Are you done with those two me?" Tanong nito.
"What?" Kunot noong tanong n'ya. Pero na gets na n'ya ang maling akala nito.
"I can't beleive na may estudyante pala sa Sullivan University na nagtatrabaho kay Madame," sagot nito. At sinuri nanaman s'ya. Pinaglandas nito ang mga mata mula ulo hanggang paa at muling binalik sa mukha n'ya.
"Anong ibig mong sabihin?"
"Nothing, just enjoy your dirty work," sagot nito at bago pa s'ya makasagot para idepensa ang sarili dumating na ang itim na kotse nito. Mabilis na itong umikot sa driver's seat. Bago ito tuluyang sumakay ay sinulyapan muna s'ya. Iniling pa nito ang ulo bago sumakay sa kotse nito.
"What?" Kunot noong tanong n'ya sa sarili, habang nakasunod ng tingin sa kotse mabilis ang takbo.
"Inaakala ba n'yang customer ko ang dalawang matandang amerikano na yon?" Bulong na tanong n'ya sa sarili. Bumuntong hininga s'ya, at mabibigat ang mga paa na naglakad para maghanap ng taxi na masasakyan.
Mula umaga, hanggang gabi sira ang araw n'ya. Nakakita nga s'ya ng gwapo, may saltik naman yata.
"Kainis,"