THIRD PERSON POV
*Past*
Nagtaas ng kanang kamay si Nicolai nang i-open na ang nomination para sa position ng Muse ng kanilang klase.
Nicolai: I, Nicolai Bernardino, nominate Princess Sta. Miranda for the position of Muse.
Sumulyap si Nicolai kay Princess at nginitian ang matalik na kaibigan. Ngumiti namang pabalik si Princess kay Nicolai.
Nagpalakpakan ang ibang kaklase ni Princess dahil taun-taon naman ay siya ang nagiging Muse ng klase kung saan siya nakabilang. Wala nang nagtatangkang mag-nominate ng ibang pangalan dahil siya naman ang laging nananalo sa posisyong iyon.
Popular si Princess sa Winterville High dahil sa kanyang angking ganda at katalinuhan. Hindi nga lamang siya galing sa isa sa mga kilalang pamilya sa kanilang nayon kaya hindi siya naiimbitahan sa mga piging na inihahanda ng mga mayayamang pamilya katulad ng mga kaibigan niyang sina Danica, Janine, Margaret, at Nicolai. Ang mga kaibigan niyang sina Gabbie, Katie, at Sharmaine ay galing naman sa middle class families.
Nakakapag-aral si Princess sa Winterville High na isang prestigious school for High School students at nag-o-offer din ng College courses dahil sa kanyang academic scholarship. Simula Elementary ay consistent First Honor student siya at Valedictorian nang maka-graduate. Kaya naman madali para sa kanya na makapasok ng Winterville High dahil sa kanyang mataas na grado.
Sunod na nagtaas ng kanang kamay si Gabbie.
Gabbie: I, Gabbie Lamentar, second the nomination.
Matapos sabihin iyon ay nilingon ng Class President na si Rex na nakatayo sa harap ng klase si Princess.
Rex: Princess Sta. Miranda, do you accept the nomination for Muse?
Dahil taun-taon naman na Muse siya ng kanyang klase ay nakangiting tumango si Princess sa kanilang Class President at tinanggap ang nominasyon.
Matapos iyon ay luminga sa buong classroom ang Class President na si Rex.
Rex: Any nominations?
Nang lumipas ang ilang segundo na walang nagtataas ng kamay ay nagdesisyon na si Rex na isara ang nomination for the position of Muse.
Rex: Seeing no more nominations, nomination for Muse is now---
Bago pa maisara ni Rex ang nomination for Muse ay biglang nagtaas ng kanang kamay si Danica. Si Danica ay anak ng isa sa shareholders ng Winterville High.
Rex: Y-yes, Ms. De Angeles?
Danica: Since last year na natin ito sa High School, why not we give Ms. Sta. Miranda a competitor for the position of Muse?
Maririnig ang sunud-sunod na pagsinghap ng ibang mga kaklase ni Princess dahil sa sinabi ni Danica. Ilang taon na siyang walang kalaban sa position bilang Muse at ngayon ay biglang gusto ng kanyang kaibigan na si Danica na may makatapat siya for that position.
Inilibot ni Danica ang paningin sa buong classroom bago nagsalitang muli.
Danica: I, Danica De Angeles, nominate Sharmaine Bustos for the position of Muse.
Muling napasinghap ang ibang mga kaklase ni Princess nang marinig nila na si Sharmaine ang itatapat ni Danica kay Princess para sa position ng Muse.
Patagong ikinuyom ni Princess ang isa niyang palad dahil sa inis na kanyang nararamdaman. Ang kaibigang si Sharmaine din ang lagi niyang nakakatunggali sa pagkamit ng First Honor taun-taon. Pero kahit ilang beses na magdikit ang kanilang mga grado ay never pa siyang naungusan ni Sharmaine.
Nagulat ang ibang mga kaibigan ni Princess sa ginawang ito ni Danica. Kahit si Sharmaine ay hindi makapaniwala na ino-nominate ito ni Danica para sa position na expected ng lahat na nakalaan na para kay Princess.
Nilingon ni Danica ang mga kaibigan. Kitang-kita nito ang gulat at inis sa mga mukha ng mga ito lalo na kay Nicolai.
Nicolai: What the heck are you doing, Danica?
Namumula ang mga pisngi ni Nicolai sa sobrang inis. Alam ni Danica na pinaka-close ni Nicolai si Princess sa kanilang grupo at alagang-alaga nito ang kaibigan. Minsan nga ay iniisip ni Danica na may pagtatangi si Nicolai kay Princess.
Nagkibit-balikat lang si Danica.
Danica: I just want to have fun. Come on. Dito malalaman kung kanino ang loyalty ninyo.
Umiling si Janine at nagbuntung-hininga.
Janine: You're having fun at the expense of your friends again.
Ngumiti lang ng matamis si Danica kay Janine. Pagkatapos ay mahinang siniko ang kaibigang si Katie at binulungan.
Danica: Ikaw na ang mag-second the nomination.
Nanlaki ang mga mata ni Katie sa pagkakatitig kay Danica, ang itinuturing nilang leader ng kanilang grupo. Lumingon si Katie kay Princess at nakita ni Katie na parang ipinagkanulo ang mukha ni Princess. Naiipit si Katie sa sitwasyon.
Muling bumulong si Danica kay Katie.
Danica: One month supply of chocolates.
Sukat sa sinabing iyon ni Danica ay napadali ang desisyon ni Katie na paborito ang mga matatamis na pagkain at talagang mahilig kumain.
Katie: I-I, Katari-Katie Aleavar, se-second the nomination.
Ayaw na ayaw ni Katie ang pangalan nitong Katarina. Hindi raw sexy pakinggan. Matapos sabihin ni Katie iyon ay nginitian ito ni Danica at tinapik-tapik sa likod.
Danica: Good job.
Lumingon si Katie kay Princess at nag-mouth ng mga salitang "I'm sorry". Nakakaintinding tumango si Princess.
Nilingon ng Class President na si Rex si Sharmaine.
Rex: Sharmaine Bustos, do you accept the nomination for Muse?
Bago sumagot ay lumingon muna si Sharmaine kay Princess. Parang nagmamakaawa si Princess na huwag tanggapin ni Sharmaine ang nomination.
Maya-maya ay hinawakan ni Danica ang kanang kamay ni Sharmaine at pinisil. Napalingon si Sharmaine kay Danica.
Danica: Kapag d-in-ecline mo ang nomination ay magtatampo ako sa iyo, Sharmaine. Mapapahiya ako sa buong klase. Gusto mo bang mapahiya ang unica hija ng isa sa shareholders ng Winterville High?
Matamis ang ngiti ni Danica kay Sharmaine, pero parang may ibang nababanaag si Sharmaine sa mga mata ng kaibigan. Walang lakas ng loob si Sharmaine para kalabanin ang itinuturing nilang magkakaibigan na leader ng grupo.
Nilingon ni Sharmaine ang Class President na si Rex.
Sharmaine: I-I, Sharmaine Bustos, a-accept the nomination for Muse.
Napayuko si Sharmaine matapos sabihin iyon. Naramdaman nito ang marahang pagtapik-tapik ni Danica sa likod nito.
Danica: That's my girl.
Muling inilibot ni Rex ang paningin sa buong klase.
Rex: Any nominations?
Nang makitang wala nang nagtataas ng kanilang kamay ay isinara na ni Rex ang nomination for Muse.
Rex: Seeing no more nominations, nomination for Muse is now closed.
Matapos sabihin ni Rex iyon ay nagsimula na ang botohan. Ang mga kaibigan ni Princess na sina Gabbie, Janine, Margaret, at Nicolai ay siya ang ibinoto. Si Danica ay si Sharmaine ang ibinoto, obviously. Matapos bilangin ang mga boto ay pantay ang bilang ng nakuhang boto nina Princess at Sharmaine. Ngunit napansin ng kanilang class adviser na si Ms. Dimaculangan na hindi bumoto si Katie.
Itinanong ni Ms. Dimaculangan kung bakit hindi bumoto si Katie. Sasagot na sana si Katie nang pandilatan ito ni Danica pero ang mga labi ay nakangiti. Kinabahan si Katie.
Katie: M-my vote goes to Sha-Sharmaine Bustos.
Nang sabihin ni Katie iyon ay napapikit ng mariin si Princess. Dismayadong-dismayado ang kanyang mukha. For the first time ay natalo siya ni Sharmaine.
Ngumiti naman si Danica at tinapik-tapik ang likod ni Katie.
Danica: Keep on making me proud, Katarina. Oops! I mean Katie.
Mapang-asar pang tumawa si Danica.
Nagsalitang muli si Rex.
Rex: I am pleased to announce that Sharmaine Bustos has been elected as your Class Muse for this school year.
Nagpalakpakan ang ibang mga kaklase ni Princess, ang iba naman ay hindi. Ikinuyom ni Princess ang dalawa niyang palad at pinigilan ang sariling tumulo ang mga luha. Hindi niya matanggap ang pagkatalo. Posisyon lang for Muse ay natalo pa siya ni Sharmaine. Ipinagpapasalamat na lang niya na never pa siyang natalo nito sa pagkamit ng First Honor.
Si Nicolai ay namumula sa galit dahil hindi nanalo bilang Muse ng kanilang klase ang best friend na si Princess. Tiningnan nito ng masama si Danica na ngumisi lang kay Nicolai. Si Katie ay nakayuko at hindi makatingin kay Princess.
Sina Gabbie at Margaret ay napipilitang pumalakpak para sa pagkapanalo ni Sharmaine dahil ang totoo ay nagseselos sila rito. Pinagseselosan ni Gabbie si Sharmaine dahil napupuna ni Gabbie na laging pinagmamasdan ng crush nitong si Nate ang kaibigang si Sharmaine. Si Margaret naman ay nagseselos kay Sharmaine dahil malakas ang pakiramdam nitong ang hinahangaang stepbrother na si James ay may nararamdaman para kay Sharmaine.
Si Janine ay nakaupo lang at hindi pumapalakpak. Hindi nito nagustuhan ang resulta ng botohan kaya hindi ito nagpapanggap na natutuwa para kay Sharmaine, lalo na at napilitan lang naman si Sharmaine na tanggapin ang nomination. Sa isip nito ay kasalanan itong lahat ni Danica.
Si Sharmaine ay hindi ma-enjoy ang pagkapanalo bilang Muse ng klase rahil hindi naman nito iyon ginusto. Lumingon ito kay Princess at mahinang humingi ng paumanhin.
Sharmaine: Sorry.
Tumango lang si Princess kay Sharmaine ngunit nanatiling nakakuyom ang mga palad.
----------
*Present*
Dahan-dahang bumangon mula sa pagkakahiga si Princess nang makitang tulog na ang asawang si Nelson sa kanyang tabi. Maingat siyang bumaba ng kanilang kama at walang ingay na naglakad patungong pintuan ng kanilang kwarto.
Ingat na ingat si Princess na huwag umingit ang pintuan ng master's bedroom habang lumalabas siya ng kwarto. Nang makalabas ng kwarto ay dahan-dahan niyang inilapat pasara ang pinto. Tumingin muna si Princess sa nakasaradong pintuan ng kwarto ng anak bago naglakad patungong sala.
Sa sala ay kinuha ni Princess ang kanyang burner phone na nakatago sa loob ng isa sa mga drawers ng divider na naroon. Natatabunan iyon ng mga lumang laruan ni Kiara, ang anak nila ni Nelson.
Doon itinatago ni Princess ang kanyang burner phone dahil sa tingin niya ay mas ligtas na itinatago ang isang sikretong bagay sa lugar na lantad sa gustong maghanap nito. Hindi iisipin ng maghahanap dito na itatago ang sikretong bagay na iyon sa isang lugar na lagi nitong nakikita.
Pagkakuha ni Princess sa kanyang burner phone ay lumingon muna siya sa direksyon ng kwarto nilang mag-asawa. Nang masigurong hindi nagising ang asawang si Nelson ay agad na tinawagan ang lalaking matagal na niyang pinoprotektahan.
Naaalala pa ni Princess ang gabing iyon.
Dismayadong-dismayado si Princess sa naging pag-uusap nila ng School Directress ng Winterville High dahil hindi nito pinakinggan ang kanyang mga sinabi. Inilahad ni Princess sa School Directress ang mga bagay na binanggit ng kaibigang si Gabbie sa kanya kanina na narinig daw nito mula sa dalawang taong nag-uusap sa guest bathroom ng malaking bahay ng kaibigan nilang si Danica.
Princess: Hindi pwede ito. Hindi ako papayag na si Sharmaine ang maging Valedictorian ng batch namin. Pinaghirapan ko iyon tapos mapupunta lang sa kanya.
Gigil na gigil na bumubulong sa hangin si Princess habang naglalakad pabalik sa malaking bahay ng pamilya ng kanyang kaibigan na si Danica kung saan doon ginaganap ngayon ang seventeenth birthday ng kanilang kaibigan na si Sharmaine.
Kanina ay kasama ni Princess ang mga kaibigang sina Nicolai at Gabbie sa paglalakad ngunit naagaw ang atensyon ng mga ito nang makita ang kotse ni Marco, ang boyfriend ng kaibigan nilang si Janine, at makita nilang sakay niyon ang kaibigan nilang si Danica. Iniwan niya ang mga ito para magpatuloy sa paglalakad. Ang alam nina Nicolai at Gabbie ay sa bahay ng School Principal ng Winterville High siya pupunta, ngunit nagbago ang isip niya at sa bahay ng School Directress ng school nila siya pumunta.
Nakakalayo na si Princess sa bahay ng School Directress ng Winterville High nang mapansin ang nakaparadang blue van sa di-kalayuan. Nanlaki ang mga mata ni Princess nang makita ang dalawang taong buhat-buhat ang katawan ng isang babae. Mas lalong nanlaki ang mga mata ni Princess nang makilala ang babae.
Ang babae ay isa sa mga kaibigan ni Princess. Si Sharmaine.
Ipinasok ng dalawang taong nakasuot ng bonnet ang katawan ni Sharmaine sa loob ng blue van. Nang maipasok ang katawan ni Sharmaine sa loob ng van ay sumakay na rin ang isa sa dalawang taong nagbuhat dito sa loob ng van.
Ang isa sa dalawang taong nagbuhat sa katawan ni Sharmaine ay umikot sa driver seat. Hinubad nito ang suot na bonnet. Nanlaki ang mga mata ni Princess nang mamukhaan ang lalaki. Napatakip siya sa kanyang bibig gamit ang kanyang kanang kamay para walang umalpas na tunog mula sa kanyang bibig.
Napalingon sa direksyon ni Princess ang lalaking naghubad ng bonnet. Nataranta si Princess at dali-daling tumakbo palayo sa lugar na iyon.
Ipinikit ni Princess ang mga mata para hindi na maalala ang gabing iyon. Maya-maya ay sumagot mula sa kabilang linya ang isang lalaki.
Princess: Hi. Do you miss me?
Pabulong lang na sinabi iyon ni Princess at nang marinig na umangil ang lalaki mula sa kabilang linya ay malandi niyang kinagat ang ibabang labi.
Sabik na sabik na si Princess na makasamang muli sa kama ang lalaking minamahal.
----------
to be continued...