CHAPTER 12

2019 Words
Matapos ang hapunan ay isinama kami ni Tita Olivia sa kanyang opisina na nandito rin sa mansyon. Samantalang naiwan sa sala sina Kristha, Sabrina at Micko. Ramdam ko ang pagsunod ng tingin nina Micko at Kristha sa amin. Bahala na munang magpaliwanag si Sabrina sa kanila. Gusto kong magtanong kay mama kung bakit kami lang ang isinama dito sa loob pero nahihiya ako kaya hihintayin ko na lang na magsalita si Tita Olivia. Iginala ko ang aking mga mata sa loob ng library na ginawang opisina niya. Nasa wall ang mga litrato nina Micko at Nicko na naka frame pa. May isang frame pa doon na kasama nilang dalawa si Tita Olivia. Sa isang picture naman ay kasama nila si Kristha. "Thank you," ani Tita Olivia sa kasambahay nilang nagpasok ng inumin dito sa loob. "Celly, nasabi mo na ba sa kanya?" mahinahong tanong ni tita kay mama. Napatingin muna si mama sa akin at marahang umiling kay tita. "Ikaw na ang magsabi," sagot pa niya sa kaharap. "Mas mabuting ikaw na ang magpaliwanag sa kanya." Naguguluhan akong nagpalipat-lipat ng tingin sa kanilang dalawa. Hindi ko maintindihan ang kanilang mga sinasabi. Tumikhim si Tita Olivia at sumimsim saglit sa tasa ng kanyang kape bago seryosong tumingin sa akin. Makailang beses rin akong napalunok dahil medyo kinakabahan ako. Napatingin pa ako kay mama na seryoso rin palang nakatingin sa akin. "Masaya ako na naging kaibigan mo ang mga anak ko at si Kristha. Noon pa man magaan na ang loob ko sa 'yo, at nito ko lang napagtanto na kaya pala ganoon ay dahil anak ka ng kaibigan ko," kwento ni Tita Olivia at nakangiting tumingin kay mama. "Lorren, kung sakali ba na may ipapakiusap ako sa 'yo handa ka bang tumugon?" Napatingin ako ng deretso sa mga mata ni Tita Olivia. "Ano pong ibig n'yong sabihin?" naguguluhan na talagang tanong ko. "This past years, naging mahirap sa akin ang lahat. Hindi lang para sa akin kundi pati na rin sa mga anak ko," malungkot na sabi ni tita. "Hangga't alam ko na may paraan pa, hangga't alam ko na kaya pa, susugal ako. Mapasaya ko lang ang mga anak ko." Wala akong maintindihan sa mga sinasabi ni Tita Olivia sa akin, pero kitang kita ko ang lungkot at sakit sa kanyang mga mata. "Halika, sumama ka sa akin." Tumayo si Tita Olivia at naglakad patungo sa pintuan. "Sige na," ani mama ng lingunin ko siya. Dahan dahan akong tumayo at sumunod kay tita palabas ng opisina nito. Wala na sa sala ang tatlo paglabas namin. Sa laki ng bahay na ito ay hindi ko sila basta basta makikita. Ngayon lang rin talaga ako nakapunta dito. Hindi ko nga akalain na may ganito sila kagandang bahay. Madalas kasi ay bahay nila Kristha ang lagi naming pinupuntahan. Akala ko dati ay mayaman lang sila, hindi ko akalaing sobra pa sa salitang mayaman kung ihahalintulad ko ang ganito kalaki at kagandang bahay. Pumanhik si tita sa hagdan kaya mabilis akong sumunod sa kanya. Sa taas ay maraming kwarto. Hindi ko alam ang gagawin namin dito pero tahimik lang akong sumunod kay Tita Olivia. Ilang saglit pa ay huminto kami sa harap ng isang pintuan. Nakita kong natigilan si tita at huminga pa muna ng ilang beses. "Lorren, kung ano man ang makikita mo ngayon sana pagbigyan mo ang hihilingin ko sa 'yo, ha" ani Tita Olivia at hinawakan ang isang kamay ko. Muli akong napatingin kay tita, hindi ko magawang tumugon dahil naguguluhan pa rin ako sa kanyang mga sinasabi sa akin. Marahang binuksan ni Tita Olivia ang pinto at hinila ako papasok sa loob. Maaliwalas ang kwarto dahil siguro sa kulay puting pintura nito. Nasa tamang lugar rin ang mga gamit at wala ni isang nakakalat na kahit ano dito sa loob. Napalingon ako sa kamang nasa gitna at natigilan na lang sa aking nakita. "T-tita?" usal kong nilingon si Tita Olivia sa aking tabi. Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko. Para bang tinutusok ng matalim na bagay ang puso ko. Marahang tumangu-tango si Tita Olivia at isa-isang pumatak ang mga luhang agad naman niyang pinalis gamit ang kanyang mga palad. "Bakit? Ano pong nangyari?" tanong ko habang unti-unti ng binabalot ng awa at sakit ang aking puso. Unti-unti akong lumapit sa kama at hindi maialis ang aking mga mata sa natutulog na si Nicko. Hindi ko napigilan ang pangingilid ng mga luha ko habang pinapasadahan ko siya ng tingin. Payat na payat, humpak ang dating maumbok na pisngi, maputla ang dating kulay rosas na labi, nangingitim na rin ang ilalim ng kanyang mga mata. Para siyang pagod na pagod kung titingnan mong mabuti. "Grade eight siya noon ng magsimulang magkasakit, no'ng una akala namin simpleng asthma, simpleng trangkaso lang hanggang sa lumala nang lumala." Natatandaan ko noon na madalas na nga ang pag-absent ni Nicko sa school. Kristha told us that Nicko is sick pero hanggang doon lang ang impormasyong alam namin. Ilang araw mawawala, tapos papasok ulit sa school. Ilang araw ulit hindi na naman, tapos pagbalik masigla na naman siya. "Huling laro niya noon sa varsity team ng isugod namin siya sa hospital. Doon namin nalaman na may lung cancer siya. Stage two na at mabilis ang pagkalat no'n hanggang sa naging stage three na nga nitong huli," emosyonal na kwento ni Tita Olivia. "Nagpapagamot po ba s'ya?" "Chemo ang suggestion ng doktor pero ayaw niya, Lorren. Nawawalan na ng pag-asa si Nicko," Doon na tuluyang bumigay si tita. "I need your help, tulungan mo akong kumbinsihin si Nicko na magpa-chemo. Please, Lorren." Nilingon kong muli ang natutulog na si Nicko. Hindi ako makapaniwalang ito na siya ngayon. Wala man lang siyang sinabi sa akin. Gusto kong magalit sa kanya sa totoo lang dahil itinago niya iyon sa akin ng ilang taon. Tinatanong ko tuloy ang sarili ko kung hindi ba ako mapagkakatiwalaang tao para hindi siya magsabi sa akin. "Lorren, please help him! Help us!" muling pakiusap ni Tita Olivia sa akin at hinawakan ng mahigpit ang aking mga kamay. "Paano po kung hindi rin niya ako pakinggan?" "Alam kong pakikinggan ka n'ya, Lorren Mahal ka ng anak ko, kaya sigurado akong makikinig s'ya sa 'yo." Lumabas kami ng kwarto ni Nicko at muling nag usap sina mama at tita sa opisina nito. Hindi na ako sumunod sa kanila at nagpasyang lumabas na lang muna para magpahangin. Masyadong mabigat ang pakiramdam ko. Parang hindi ako makahinga sa sakit na nararamdaman ko ngayon. Napapailing na lang ako kapag sumasagi sa isipan ko ang mukha ni Nicko kanina. Sa ilang taon na nakasama ko siya wala akong inisip kundi ang hiwalayan siya. Wala akong inisip kundi ang mga gusto kong mangyari sa buhay ko. Hindi ko akalaing may ganito na palang nangyayari sa kanya, kung sana ay mas pinursige ko noon na alamin ang maling nangyayari sa kanya 'di sana... Natigilan rin ako sa iniisip ko. "Ano nga bang magagawa ko kung nalaman ko? Mapipigilan ko ba ang sakit n'ya?" mahinang sabi ko. "Hindi mo man mapigilan, ang makitang masaya s'ya at hindi sumusuko sa sakit na meron s'ya ngayon ay malaking bagay na." Agad akong napatingin kay Micko ng magsalita ito sa aking tabi. "Kanina ka pa ba d'yan?" "Hindi naman, tama lang para marinig ko ang huling sinabi mo?" sagot niyang sa swimming pool nakatingin. "Kung ikaw ang paraan para makumbinsi si Nicko para mag-under go ulit ng chemo, susuportahan ko ang desisyon ni mommy." "Paano kung hindi ko rin s'ya mapapayag?" malungkot na tanong ko. "Subukan mo lang. Para kay mommy, Lorren," ani Micko na malungkot na tumingin sa akin. "Ayaw ni mommy na sumuko dahil sabi n'ya hangga't may magagawa s'ya, ibibigay n'ya para lang gumaling si Nicko. Hindi man kami close ni Nicko pero ayaw ko rin s'yang makitang ganito. Ayaw kong makitang nahihirapan ang mommy ko." Walang pasok sa eskwela kinabukasan kaya maaga kaming sinundo ng driver ni Tita Olivia. Inihatid namin sa terminal si mama at tumuloy na sa bahay ng mga Veniracion. Nangako si mama na babalik sa friday para sa graduation day namin ni Sabrina. Naabutan namin si Kristha sa garden at busy sa harap ng kanyang laptop. Agad itong tumayo nang makita kami ni Sabrina. "Pwede ba tayong mag usap kahit sandali lang?" tanong ni Kristha sa akin nang makalapit kami sa kanya. Marahan akong tumango at naupo na rin sa tapat nito kasunod si Sabrina. "Sorry." Iyon agad ang bungad niya. "Ngayong alam mo na ang tungkol sa sakit ni Nicko, humihingi ako ng sorry kasi hindi ko sinabi," malungkot na hingi niya ng tawad sa akin. "Ayos lang. Problema ng pamilya ang kinakaharap n'yo. Nakakasama man ng loob na hindi ako nagawang pagkatiwalaan ni Nicko sa bagay na ito, pero iintindihin ko pa rin," pahayag ko. "Check up n'ya ngayon sa doctor pero ayaw n'yang umalis," kwento ni Kristha. Napalingon ako sa malaking bahay, tinanaw ko ang bintana ng kwarto ni Nicko. "Puntahan mo kaya," suhestyon ni Sabrina. "Baka sa 'yo makinig." "Break na kami, Sab," ani ko. "Kahit na. Magkaibigan pa rin kayo. At siguro mas makikinig s'ya sa 'yo." Tumayo ako at pumasok sa loob ng bahay. Kahit na nga hindi ko naman alam ang aking gagawin para kumbinsihin si Nicko. Walang alinlangan kong tinalunton ang hagdan paakyat sa taas kung nasaan ang kwarto ni Nicko. Natigilan ako dahil bahagyang nakabukas ang pintuan at nasa loob si Tita Olivia kausap ito. "Nicko, kailangan mo pa ring pumunta sa doctor." "Mom, ayaw ko na! Gano'n lang rin naman ang magiging resulta!" "But-" "Hindi na ako gagaling, ma! Tanggap ko na! Kaya sana tanggapin n'yo na rin!" Nakaramdam ako ng awa para kina Tita Olivia at Nicko. Inang ayaw sumuko at anak na nawawalan na ng pag-asa. Kumatok ako sa pintuan kahit nakabukas naman iyon para kunin ang kanilang atensyon. Natigilan si Nicko nang makita akong pumasok sa loob ng kanyang kwarto. "Mom?" Baling nito kay tita. "She knows it already." "Sinabi mo?" Marahang tumago si Tita Olivia. Umatras pa ng kaunti at hinarap ako. Ngumiti si tita sa akin at tinapik ang aking balikat. Hinintay ko pang maisara ni Tita Olivia ang pinto bago ako maupo sa gilid ng kama ni Nicko. "Ayaw mo raw pumunta sa doctor?" "Ano'ng ginagawa mo dito?" "Dinadalaw ka," sagot ko. "Wala namang rason para gawin mo 'yon. Wala na tayo hindi ba?" "Kaibigan pa rin kita, Nicko!" giit ko. "Nag aalala ako sa 'yo-" "Kaya ko ang sarili ko-" "Paano mo makakaya kung ayaw mong magpagamot? Ayaw mo bang gumaling?" "Hindi na ako gagaling, Lorren!" "Sino'ng nagsabi?" Hindi ko na naiwasang tumaas ang boses ko. "Nicko, may paraan pa!" "Ilang chemo na ba ang ginawa ko? May nangyari ba? Wala! Mas lumala pa nga!" paliwanag niya. "Doon rin naman ang punta ko. Tanggap ko naman 'yon." "Gano'n gano'n na lang ba 'yon, Nicko? Susuko ka agad, habang 'yong pamilya mo handang gawin lahat gumaling ka lang. Nicko, isipin mo si Tita Olivia na mas nahihirapan dahil sa mga padalus-dalos mong desisyon." "Mamamatay rin ako, Lorren-" "At gusto mong mangyari 'yon na hindi man lang sinubukang lumaban? May pag asa pa, Nicko! Lumaban ka naman! Marami kaming nagmamahal sa 'yo!" "Minahal mo ba ako?" Natigilan ako sa tanong nito. "Hindi ko maramdaman ang pagmamahal na sinasabi mo! Mas lamang si Micko sa lahat kahit sa atensyon mo, Lorren-" "Ano bang sinasabi mo?" naguguluhang tanong ko. "Pakiramdam ko walang nagmamahal sa akin. Kung hindi pa ako nagkasakit hindi ko pa mararamdamang may pamilya ako! Hindi ko pa mararamdamang importante ako! Kaya kahit mawala ako, walang may pakialam! Kahit ikaw!" "Hindi totoo 'yan!" giit ko. "Totoo! Narinig kita noon! Gusto mong makipaghiwalay sa akin dahil ayaw mo sa akin! Hindi mo ako mahal!" Hindi ko na alam ang sasabihin ko. Bakit sinasabi n'ya lahat ng ito ngayon? "Mas mabuting mawala na ako para hindi ko maramdamang out of place ako palagi sa buhay ng mga taong gusto kong makasama!" Parang pinipiga ang puso ko ngayong nakikita kong isa isang pumapatak ang mga luha niya. Hindi ko akalaing makikita ko siyang ganito. Unti unting nawawalan ng pag asa dahil sa sakit na meron siya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD