CHAPTER 17

1517 Words
Nakalabas na rin ng hospital si Nicko matapos ang ilang araw na pamamalagi niya doon. Kahit na nga sinasabi niya sa aming lahat na malakas siya at kaya niya ay hindi ko pa rin maiwasang mag alala para sa kanya. Hindi lang naman ako ang nag aalala kundi kaming lahat. Lalong lalo na si Tita Olivia. Naaawa na rin ako kay Tita Olivia dahil kitang kita ang pagod sa kanyang mukha. Hindi na rin yata niya alam ang salitang pahinga. Lahat kami ay naghihintay na lang ng himala na sana isang araw ay biglang magbago ang lahat at gumaling si Nicko. Na biglang mawala ang sakit nito. Ilang linggo na lang ba ang nalalabi? Ang sakit isipin na sa gano'n na lang magwawakas ang lahat. Naghihintay ng oras na makikita na lang namin siyang wala ng buhay. "Kailan naman ang balik n'yo dito?" "Baka sa katapusan na," tugon ko kay Nicko. "Kainin mo na 'to," sabi ko pang iniusog sa harapan niya ang platito ng orange na binalatan at hinimay himay ko para madali niyang kainin. "Sabi ko kay mommy gusto kong pumunta sa beach. Kailangan kasama kayo ni Sabrina, ha." "Oo naman! Kaya habang wala pa kami magpalakas ka para makapunta tayo do'n. Saan mo ba gustong pumunta?" nakangiting tanong ko. "Naalala ko 'yong sa Infanta Quezon. Matagal na nang huling makapunta ako doon." "Sige, pupunta tayo do'n! Kaya 'wag kang magpapagod at magpupuyat para malakas ang katawan mo." Habang narito kami sa probinsya ay palagi akong nagtatanong kay Micko kung ano na ang lagay ng kanyang kakambal. At kapag ginagawa ko iyon ay sandamakmak na pang aasar ang inaabot ko kay Sabrina. "Bakit kasi hindi mo rin tanungin kung kumusta na rin ba s'ya?" Ito ang laging sinasabi ni Sabrina sa akin. Hindi lang niya alam na naitanong ko na iyon minsan kay Micko. Masaya ako na nakakapag usap na kami ni Micko ng ganito. Kung hindi pa nangyari ito kay Nicko malamang na 'who you' pa rin kami sa isa't isa. At malamang na hindi pa rin sila nagkakasundo ni Nicko. Napaahon ako bigla mula sa pagkakahiga ng mag pop up ang message ni mystery man sa chat box ko. Medyo matagal na rin ng huli akong makatanggap ng chat mula sa kanya. Tula ulit ang natanggap ko mula kay mystery man. Tula na punung puno ng sakit at pighati. Simula ng magtapos ang klase ay sa chat na s'ya nagbibigay ng mga tula sa akin. Nakakapanibago lang ngayon dahil ramdam ko ang lungkot sa tulang ibinigay niya. "May pinagdadaanan ka ba?" Nakikita ko ang paggalaw ng mga maliliit na tuldok sa gilid ng picture niya. Nagta type siguro ng sagot sa akin. "Malungkot ako," basa ko sa reply niya. Umayos ako sa pagkakaupo at nagsimula na ring mag type "Bakit? " "Kasi wala ka dito." Natigilan ako. "Nagkasama na ba tayo?" Panghuhuli ko sa kanya. "Ano sa tingin mo?" "Sino ka ba talaga?" "Malapit mo na akong makilala." Magta type sana ako ulit ng iri-reply kay mystery man ng biglang kumatok si mama sa pintuan ko at sinabing kakain na raw kami. Ang plano naming pagpuntang lahat sa beach sa pagluwas sana namin sa katapusan ay napaaga. Dahil narito na rin kami sa Quezon Province ay kami na ang dinayo ng mga kaibigan namin kasama syempre si Tita Olivia. At pagkatapos nga ng tatlong araw na pahinga ay narito na kami sa beach. Busy sina mama at tita sa pag aasikaso sa mga pagkain namin sa lamesa. Magkatulong naman sa pagluluto sina Carmina, Rocky at Monnette ng barbeque. Sina Sabrina at Kristha ay nagpaalam na maglilibut libot daw muna dahil first time daw ni Kristha dito kaya nagpasama kay Sab na mamasyal sa malapit. Sina Jared at Micko naman ay busy sa paglalaro ng online games sa kani kanilang cellphones. "Ma, pwede ba akong lumapit sa dagat?" maya maya ay tanong ni Nicko kay tita. Nilingon ko ang dalampasigan at pababa na ang haring araw. Hindi na mainit doon at malakas rin ang hangin. "Sige, teka at aalalayan kita-" "Ako na po, tita!" awat ko kay Tita Olivia na nagpupunas na ng mga kamay. Inalalayan kong tumayo si Nicko at dahan dahan kaming naglakad papunta sa dalampasigan. Nakita kong sumunod si Micko sa amin at may bitbit na upuan para kay Nicko. "Maupo ka dito para hindi ka mahirapan," ani ko matapos ilapag ni Micko sa buhangin ang upuan at tulungan rin ako na alalayan paupo ang kanyang kakambal. "Ang sarap ng hangin!" Nakangiti si Nicko habang nakapikit at sinasamyo ang sariwang hangin na tumatama sa kanyang mukha. "Tawagin n'yo na lang ako kapag babalik na kayo," paalam ni Micko. "Sige-" "Micko." Sabay naming nilingon si Nicko ng tawagin niya ang kakambal. "Halika," ani Nicko pa dahil hindi agad kumilos si Micko. "May sasabihin ka kay Lorren 'di ba?" Napatingin kami ni Micko sa isa't isa, siya rin ang unang nag iwas ng tingin. Kunut noo kong binalingan ulit si Nicko. "Wala," tugon ni Micko na kamot ang batok na hindi pa rin makatingin sa akin. Teka! Namumula ba s'ya? Kulay kahel na ang papalubog na araw na tumatama dito sa gawi namin kaya baka dahil doon iyon. "Meron," sabi pa ni Nicko na may bahid ng panunukso sa tinig. "Nicko..." saway ng kanyang kakambal. "Sige na nga! Mamaya na lang," natatawang ani Nicko pa at hinayaan nang umalis si Micko. Bumaling ulit si Nicko sa harap ng dagat at nakangiting inaabot ng tanaw ang kayang abutin ng kanyang mga mata. "Ang ganda talaga dito 'no?" Lumapit na ako sa kanya ng tuluyan at naupo ako sa buhanginan. "Sobra!" sagot kong napangiti pa at tinanaw rin ang kalaparan ng dagat. "Alam mo masaya ako ngayon," aniyang nilingon ako saglit. "Pangarap ko dati na madala kita sa ganitong lugar." "Talaga?" hindi makapaniwalang ani ko. "Ngayong natupad na. Ano pa ang pangarap mo? Baka sakaling magawa pa natin." "Kahit sabihin ko hindi na rin matutupad 'yon," malungkot na sabi niya at napahinga pa ng malalim. "Alam mo, sa mga panahong nakatali ako sa sakit na 'to. Hiniling ko na sana sa susunod na buhay ko kapag nagmahal ulit ako, ikaw pa rin ang babaeng ibibigay sa akin para mahalin ko." Hindi ako nakaimik dahil sa nagbabadyang luha sa aking mga mata. Hanggang sa huli ako pa rin pala. "Simula ng una kitang makita, sabi ko sa sarili ko ito ang babaeng gusto ko!" bahagya pa siyang natawa. "Pero... sa pagdaan ng mga araw parang hindi ko na rin kilala ang sarili ko dahil nga sa sobrang stress sa sakit na meron ako. Hanggang sa maramdaman ko na lang na unti unti ng lumalayo ang loob mo sa akin." "I'm sorry... " "Don't say that," marahang saway ni Nicko sa akin. "Ako ang dapat mag sorry sa 'yo dahil sinarili ko lahat. Hindi ko naisip na may mga kaibigan ako. Na nand'yan ka. Unang pumasok sa isip ko nang una kong malaman na may cancer ako, wala na akong pag asa." Pinuno ko ng hangin ang aking dibdib sabay hinga ng malalim. Ayaw kong umiyak na naman sa harap ni Nicko dahil narito kami para magsaya. Nandito kami para sulitin ang bawat araw na kasama namin siya. Sulitin ang mga oras at mapasaya namin siya sa abot ng aming makakaya. "Nandito pa rin naman kami. Hindi ka namin iniwan. Hindi man naging maganda ang samahan natin bilang magkarelasyon. Naging maganda naman ang relasyon natin bilang magkaibigan." "Kung sakali bang may taong dumating sa buhay mo at handa kang ligawan, papayag ka ba?" "Hindi ko muna iniisip 'yan sa ngayon. Bata pa naman ako. Ang iniisip ko ngayon, mag aral ng mabuti, makapagtapos, makahanap ng magandang trabaho at makatulong kay mama," pahayag ko. "Matutupad mo naman 'yan lahat kasi matalino ka at masipag sa pag aaral. At asahan mo, lagi kitang babantayan. Ako ang magiging guardian angel mo." "Ano ka ba?! 'Wag ka ngang magsalita ng ganyan! Walang imposible sa himala-" "Feeling ko, konting konti na lang-" "Nicko!" putol ko rin sa sasabihin niya. "Hangad ko ang tagumpay mo sa buhay, Lorren. Hangad ko ang maging masaya ka at makasama ang taong nakatadhana talaga para sa' yo. At masaya akong aalis kasi alam kong nasa mabuti kang tao." "Lorren, kain na tayo!" tawag ni Monnette sa akin. "Gutom na si buntis!" naiiling na sabi ko at tumayo na sabay pagpag sa aking pang upo dahil sa mga buhanging dumikit sa short ko. Natanaw ko si Micko na papunta na dito sa kinaroroonan namin at nang makalapit ay inalalayan na si Nicko. Nauna silang maglakad at nasa likuran nila ako dala ang upuang ginamit ni Nicko. Habang pinagmamasdan ko si Nicko na naglalakad ay gusto kong umiyak dahil sumagi bigla sa isipan ko ang sinabi niya kanina. Konting konti na lang... Konting konti na lang... Ngayon pa lang ay ipinapangako ko na sa aking sarili na hindi ko siya bibiguin sa pag abot sa mga pangarap ko. Tutuparin ko ang aking mga pangarap para sa aking sarili at para sa aking pamilya. At isa siya sa mga magiging inspirasyon ko para tahakin ang landas ng mapanghamong buhay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD