KABANATA 1
NAPATAKBO SI SUGAR papunta sa silid-aralan nila. Natatakot lang siya na baka ano pa ang sabihin ni Mr. Miranda sa kaniya. Nahuli kasi siya sa kaniyang klase sa unang pagkakataon dahil nasiraan sila ng sasakyan. Hinintay niya na maayos iyon nang ilang minuto pero nang hindi na siya nakapaghintay, umalis na lang siya. Pakiramdam niya mas mahuhuli pa siya kung hihintayin niya iyon kaya mas pinili na lang niya na sumakay ng taxi.
Pagpasok niya sa pinto ng silid-aralan nila, napabuntonghininga siya nang makumpirma na hindi pa dumating si Mr. Miranda. Pero napataas ang kilay niya nang mapansin na tahimik ang mga kaklase niya. Sa isipan niya, isang himala iyon.
“You are late,” bungad ng isang malamig na boses.
Paglingon niya sa gilid, nandoon na pala si Mr. Miranda at nakasandal lang sa haligi sa gilid ng pintuan ng silid-aralan nila. Imbes na magulat siya sa presensiya nito, una niyang ginawa ay napangiti lang nang matitigan ito malapitan. Kahit ang seryoso ng mukha nito, sumisigaw talaga ang kaguwapuhan nito. May seksi itong mga mata na kung tumitig ay parang nang-aakit, matangos na ilong, magandang hugis ng labi, tamang kapal ng kilay, at magandang hulma ng mukha. Makinis din ang balat nito na may porselanang kulay. Pero ang mas nagpapalalakas ng dating nito ay ang nunal sa ilalim ng mata at hanggang balikat na buhok. Para sa kaniya, nakapapanghina ang nag-iisang Zeddrick Cold Miranda.
“S-Sir, g-good morning,” nahihiya niyang bati. Naalala lang niya ang ginawa niya noong isang araw sa guro.
“Magtatapos na ang klase,” sabi nito. Tinitigan siya nito at ganoon din ang ginawa niya rito.
Napahawak siya sa kaniyang dibdib at napangiti na lang sa katotohang nagtitigan sila ng guro. Para mawala ang kaba na naramdaman sa puso niya, humugot siya ng malalim na hininga bago sagutin ang sinabi nito.
“Sorry po, sir.” Yumuko siya para magbigay galang na agad din niyang binawi para matitigan ito. “Nasiraan po kasi kami ng sasakyan. Promise, hindi na po mauulit.”
“Go to my office later. Sagutan mo roon iyong quiz ninyo today but to be fair with your classmates, I will deduct five points sa makukuha mong score.”
Napangiti siya. “Thank you, sir. Anyways, may ginawa po akong—”
Hindi niya tinapos ang sasabihin at binuksan na lang ang dalang bag. Kinuha niya roon ang tupperware na may lamang brownies at inabot iyon sa guro. Tinanggap nito iyon mula sa kaniya kaya napatakbo na siya papunta sa kinauupuan niya. Ayaw niya na makita kung ano ang magiging reaksiyon nito. Basta ang mahalaga sa kaniya, naibigay niya rito ang pinaghirapan niya.
Pero dahil makulit siya, nilingon niya talaga ito bago tuluyang umupo sa upuan niya. Sa pagkakataong iyon, nadatnan niyang tinitigan lang nito ang tupperware na bigay niya. Napanguso na siya habang ang daming pumapasok sa isipan niya. Hindi niya lang mahulaan kung ano ang totoong nararamdaman nito sa ginawa niya.
Napabuntonghininga na siya sabay baling ng kaniyang atensiyon. Sa isipan niya, sana tikman muna ng guro ang brownies na gawa niya bago husgahan. Nilingon niya ang katabi na sinasagutan ang quiz nila na tinutukoy ni Mr. Miranda kanina.
Habang tinitingnan ito, napataas ang kilay niya nang makitang mali-mali ang sagot nito. Bilang nag-aalalang kaklase, hindi niya mapigilang mangialam dito.
“Ornithology is a branch of zoology dealing with the study of birds at hindi birdology,” aniya sa mahinang boses.
“Ms. Tan, I will deduct another one point on your final score,” sabi ni Mr. Miranda.
Napalingon siya rito. “S-Sir, ’w-wag na po.”
Seryosong nakatitig si Mr. Miranda sa kaniya. “Helping your classmate during quiz or exam is a form of cheating.”
“Tumulong lang naman po ako,” katuwiran niya. Iyon ang tingin niya sa ginawa niya.
“Helping in a wrong way,” seryosong sagot nito.
“Sorry,” sagot nito sa kaniya.
Napayuko na lang siya sabay pigil ng kaniyang kilig. Sa isipan niya, kunwari mag-asawa sila na nagtatalo kung ano ang nauna—itlog ba o manok? Dahil mahal niya ito, tatahimik na lang siya para wala ng gulo.
Minuto ang lumipas, nang natapos ang klase nila kay Mr. Miranda ay agad ng umalis ito. Sa pagkakataong iyon, hindi niya maipagkakaila na agad na niyang hinahanap ang malamig na presensiya nito.
“Wahhhh!” sigaw ng mga babaeng kaklase niya.
Napalingon siya sa mga ito na napatalon-talon sa kilig na dulot ng kaniyang hinahangaan na guro. Sa mga babaeng kaklase na meron siya, walang ni isa ang hindi nagkakagusto kay Mr. Miranda. Kaya kung sino ang man kikiligin dito, walang takot na maipahayag ang totoong damdamin nang walang panghuhusga.
“Pero mas grabe si Sugar. May inabot lang naman kay prof.. Sugar, sekreto reveal naman diyan,” sabi ng isa sa mga kaklase.
Napatayo siya sabay hawak sa mukha niya. “Ganda at kumpiyansa sa sarili. Hello? Future Mrs. Miranda ito.”
“Sana lahat kasingganda mo. Ano lang ba kami? Alikabok sa mundo,” anito.
“Hey! Don’t lose hope. Hindi nga ako nawalan ng pag-asa kahit mukhang allergy iyon sa babae,” aniya.
Nagtawanan ang lahat sa sinabi niya...
“What if?” sabi ng isa sa mga kaklase niya.
“What if gay si Mr. Miranda?” magkasabay na hula ng iilan sa mga kaklase niya.
Napanganga si Sugar. Hindi niya naisip iyon. Para sa kaniya, masyado siyang carried away sa mukha ng guro. Hindi man lang niya naisip na baka nga binabae ito kaya hindi interasado sa mga babae. Sa pagkakaalala niya, ilang buwan na siyang nagpapansin dito pero parang hangin lang talaga siya rito na hindi nakikita.
Pumunta siya sa harapan sa tapat ng white boaed. “OMG! What if totoo? At kaya long hair si Sir dahil bet na bet niyang maging Diyosa!? Oh, no!”
“Sayang ang lahi!” sigaw ng isa sa mga kaklase niya.
“Agreed. Sir, anakan mo na lang ak—”
Hindi niya natuloy ang sasabihin nang biglang bumungad sa pintuan si Mr. Miranda. Napatakip siya sa kaniyang bibig. Nahihiya lang siya nang kunti sa sinabi niya.
“Before you want something with a lot of responsibility, Miss Tan, finish your education first,” seryosong sabi ni Mr. Miranda.
Napalingon ang mga kaklase niya sa likuran kung saan makikita ang pintuan ng silid-aralan nila. Nakatayo lang doon si Mr. Miranda habang nakatingin sa kanila. Sa pagkakataong iyon, nasaksihan niya ang gulat sa mga mukha ng mga kaklase niya.
“Sir, hindi po ikaw iyon na sir, ah?” pagsisinungaling niya.
Tumango lang ito sabay yuko. Pagkatapos, may inabot ito sa upuan. Hindi nagtagal, ipinakita nito sa kaniya ang brownies na ibinigay niya at saka lumabas.
“Brownies ko iyon at binalikan talaga ni Sir Cold. Mahal niya na kaya ako?” nakangiti na sabi niya sa isipan.
“Sugar, iyon iyong bigay mo, ’di ba?” tanong ng isa sa mga kaklase niya.
“Yup,” kinikilig na sagot niya.
“What if darating ang araw na magugustuhan ka ni Professor Cold?”
Tipid siyang ngumiti rito. “Walang what if, okay? Dahil. Magiging. Kami. Magkakaanak kami.”
Natapos niyang masabi iyon ay nagtawanan ang lahat. Ang akala siguro ng mga ito na hindi siya seryoso sa sinabi niya. Kung alam lang ng mga ito kung paano niya pinaghahandaan iyon. Wala siyang ibang hinahangad kung hindi maging asawa nito.
Oras ang lumipas, natapos na ang klase nila sa umaga. At dahil break time muna, tumungo na siya sa opisina ng guro para sagutan ang quiz na hindi niya naabutan kanina. Naabutan man niya nang kunti pero papatapos na talaga. Kahit paano, malaki ang pasasalamat niya na binigyan siya nito ng pagkakataon na makasagot. Kahit may bawas na anim na puntos, mananatiling tinatanaw pa rin niya ng utang na loob ang ginawa nito.
Sa totoo lang, nahihiya siyang pumunta sa opisina ng guro. Ang alam niya, maliban sa guro niya ito sa isang asignatura ay ito rin ang university president na nagpapatakbo ng buong unibersidad dahil ito ng may ari ng unibersidad nila. Napangiti siya sa katotohanan na wala talagang pwedeng maging dahilan para hindi niya ito magugustuhan.
Pagdating niya sa opisina nito, agad niyang pinindot iyon. Hinihintay na lang niya na buksan iyon ng sekretarya nito.
Nang bumukas ang pinto, bumungad sa kaniya ang napakagandang kapatid ni Mr. Miranda na si Frosty Ximena. Hindi niya mapigilan na mamangha sa ganda ng itsura nito. Maihahalintulad niya ito sa isang diwata sa labis na ganda.
“Yes? Who are you? Why are you here? Do you have a permission to be here?” Sunod-sunod na katanungan ang pinakawalan ni Frosty sa kaniya.
“Hello po, Miss Miranda,” nahihiya niyang bati. Kilala niya ito bilang isa sa pinakamaganda sa unibersidad nila.
“I’m asking you,” matapang na sabi ni Frosty.
“Yes po,” sagot niya rito.
Nilingon ni Frosty ang kapatid sa loob. “Kuya Cold, may babae rito sa labas. Estudyante mo yata.” Ibinaling muli nito ang atensiyon sa kaniya. “Tell me your name.”
“Sugar Queen S. Tan,” mabilisan niya na sagot habang namamanghang nakatitig pa rin sa itsura nito.
“Okay.”
“Ang ganda mo, Miss.” pagpuri niya.
“I know,” nakataas ang kilay na sagot nito.
Kahit tinatarayan na siya ni Frosty Ximena Miranda ay nanatiling nakangiti pa rin siya. Ang mahalaga sa kaniya ay natitigan niya ito nang malapitan.
“Kuya, her name is Sugar,” sabi ni Frosty.
“Pakisabi na may mamaya na lang hapon. I have an urgent meeting after this,” sagot ni Mr. Miranda at narinig niya iyon.
Nang sasabihin na sana iyon ni Frosty sa kaniya ay inunahan na niya ito. Narinig niya rin naman ang sagot ng guro.
“I heard it po. Pero Miss, pwede po bang makipag-selfie sa iyo?” Nagbabakasakali lang siya kahit alam niyang malabong papayag ito.
Umiling ito. “No.”
Natapos nitong sabihin iyon ay isinara na nito ang pinto. Wala naman siyang nagawa kung hindi ang mapabuntonghininga na lang. Hindi niya maitanggi na kapatid talaga ito ng guro niya.
“Ipinaglihi ba kayong dalawa nina Mr. at Mrs. Miranda sa sama ng loob? Pero kahit ganoon kayo, hindi ako susuko na hindi mapapalapit sa inyo,” sabi niya sa isipan.
~~~