PROLOGUE
PROLOGUE
NASA SEMENTERYO SI Sugar para bisitahin ang kaniyang panganay na kapatid na sumalangit na nang mahigit walong taon ang lumipas. Masakit para sa kaniya na mawalan ng kapatid lalo pa at dalawa lang silang anak. Pero wala naman siyang magagawa dahil hanggang doon na lang ang buhay ng kapatid niya. Dahil mahal niya ito, hindi niya kinakalimutan na dalawin ang puntod nito nang isa o dalawang beses sa isang linggo.
“Ate, sana masaya ka riyan. Sana,” naluluhang sabi ni Sugar sabay kuyom ng kaniyang mga kamay.
Bumuntonghininga siya para pigilan ang sarili na hindi tuluyan na mapaiyak. Para sa kaniya, kung pwede lang na wala ng luha na tutulo sa mga mata niya habang-buhay ay gugustuhin niya. Napapagod din naman siya lalo pa at araw-araw niyang naaalala ang mahal na kapatid.
Si Sugar Queen ay nasa labing walong taong gulang. Siya ay isang masayahin na babae na may marangyang buhay. Tinataglay naman niya ang isang napakagandang mukha. May mapang-akit siya na mga mata, matangos na ilong, porselanang kutis, maliit na mukha, katamtamang kapal ng killay, at magandang hugis ng labi. Kung tutuusin, maraming nahuhumaling sa kaniya pero hindi na lang niya pinapansin iyon dahil may isa na siyang lalaki na pinapangarap sa buhay. Para sa kaniya, iyon ang standard ng isang lalaking dapat mahalin. Kahit matanda ito sa kaniya nang mahigit walong taong gulang, hindi iyon hadlang para magustuhan niya ito.
Minuto ang lumipas, tumayo na si Sugar sa puntod ng kapatid. Habang inaayos ang saya niya, napalingon siya sa isang napakalaking bahay na matatawag niya rin na mansion sa loob ng sementeryo. Ang alam niya ay pagmamay-ari iyon ng pamilya ng lalaking gusto niya maging asawa sa hinaharap.
“Ate, pupuntahan ko muna roon ang puntod ng lola ni. . . alam mo na,” seryosong sabi ni Sugar.
Pagdating ni Sugar sa tapat ng mansion, pumasok siya roon nang walang takot. Ang alam niya, palaging bukas ang mansion dahil welcome ang lahat ng bibisita. Palagi rin naman siyang dumadalaw roon kahit hindi niya ito kaano-ano.
Pagdating ni Sugar sa tapat ng nitso ng lola ng lalaking gusto, napangiti na siya nang malapad. Hinawakan naman niya nang marahan ang nitso at hinaplos na para bang parte siya ng pamilya.
“Hello, Doña Irwana Miranda. Again, I am Sugar Queen. Gusto ko po ang apo ninyo. Sana matanggap ninyo ako. Estudyante niya po ako,” nakangiting sabi ni Sugar.
Napatakip naman siya sa kaniyang bibig. Kinikilig lang siya nang maalala ang lalaking gusto mapangasawa—si Zeddrick Cold G. Miranda.
“Gustong-gusto ko ang apo ninyo. Ang galing nga niya magturo. Tumitibok palagi ang puso ko,” sabi ni Sugar.
Umupo si Sugar sa isang monobloc sa tapat ng nitso ni Doña Irwana at mukhang balak pa niyang makipagkuwentuhan dito. Kinuha niya ang isang bulaklak na nasa tapat niya at inilagay niya iyon muli sa lalagyan.
“As if na bigay ko na lang iyan, Doña Irwana. Alam mo na, wala na po akong bulaklak na dala. Wala kasi sa isipan ko na makipagkwentuhan sa iyo today. Pero Doña Irwana, may sasabihin po ako sa inyo. Pero secret lang natin ito, ha? The reason po kung bakit ako nag-aaral sa M&G po ay dahil sa apo ninyo. Ganoon ko po siya kagusto. Gusto ko lang maging professor siya para may inspirasyon ako sa pag-aaral. Tapos ito pa. . . kapag makapagtapos na ako, balak ko rin maging boss siya. Kahit anong trabaho basta palagi ko siyang kasama. Pwede rin sexytary kasi sexy naman ako, ’di ba?” nakangiting sabi ni Sugar. Bumuntonghininga siya. “At ang panghuli, gusto po maging groom siya sa kasal na—”
Napatigil sa pagsasalita si Sugar nang may tumikhim. Paglingon niya, si Cold. Nanlaki ang mga mata niya at hindi na makapagsalita. Nahihiya siya sa posibilidad na narinig siya nito.
“N-Narinig mo iyon, Sir?” nag-aalalang tanong ni Sugar.
“Yup. But don’t worry, Ms. Tan. Hindi ako papatol sa bata,” seryosong sagot ni Cold.
“No, Sir! There will be an us. Not now, hopefully. . . so soon! Kahit i-tres mo pa ang grades ko, I love you! Period no erase,” sagot ni Sugar. Nilingon niya ang nitso ni Doña Irwana. “Bye, Doña! Pakisabi po sa apo ninyo na sana mahalin niya rin ako.”
Sa inis ni Sugar, muli niyang nilingon si Cold. Pagkatapos, tinaasan niya ito ng kilay. Gusto niya lang ipakita rito na naiinis siya na tinawag siya nitong bata. Para sa kaniya, dalaga na siya.
“Hey, Sir!” singhal ni Sugar. Dinuro niya ang kaniyang sarili. “Ako lang ito. . . ako lang ito na mapapangasawa mo.” Dinuro niya rin ang puso ng guro. “Itaga mo iyan sa puso mong kasinglamig ng pangalan mo. Bye!”
~~~