"Ahhh!"
Muntik nang mabitawan ni Lanie ang hawak niyang baso nang sumigaw si Cheska. Binatukan niya ito. "Hoy! Bakit ka ba sumisigaw diyan? Nababaliw ka na ba?"
Inis na sinabunutan ni Cheska ang sarili. "Kapag naiisip ko talaga ang kapeng may ipis na ininom ko, sobra akong nandidiri!"
Masuka - suka si Cheska sa tuwing maaalala iyon. Ilang pitsel nga ng tubig ang kaniyang ininom upang maihi siya ng maraming beses. Iniisip niyang maaalis ng maraming tubig niyang ininom ang kape na may ipis sa kaniyang katawan. Hindi niya nga napigilang maluha noong araw na iyon. Napaiyak talaga siya nang araw na iyon. Diring - diri talaga siya. Masarap pa naman ang kapeng itinimpla ni Lucian para sa kaniya. Kaya halos maubos na niya ito.
"Sigurado akong si Lorna ang may gawa no'n! Ang malditang batang iyon! Ang sarap niyang kalbuhin at tirisin na parang kuto! Masyado siyang sagabal sa pagmamahalan namin ni Lucian! Kung umasta akala mo kung sino!" galit na galit na sigaw ni Cheska.
Gigil na gigil talaga siya kay Lorna. Sa tuwing makikita niya nga ito, hindi niya mapigilang mapairap sa inis. Ngunit hindi niya iyon pinapakita kay Lucian dahil alam niyang magagalit ito sa kaniya. Alam niyang mahal ni Lucian si Lorna at spoiled nga ito. Na imbes ang kaunting oras ng kaniyang nobyo ay mapunta sa kaniya, nababawasan pa talaga ito nang dahil kay Lorna. Hindi niya maintindihan kung bakit ginagawa iyon ni Lorna sa kaniya gayong mabuti naman ang ipinakita niya sa dalaga.
"Hindi ba ikaw na rin ang nagsabi na inakyat ni Lucian ang kapatid niya sa kuwarto nito at nakitang busy sa mga assignments? At saka, ang nobyo mo na rin ang nagsabing walang ipis doon kaya paanong magkakaipis sa kape mo? Ano? Nilagay ni Lorna? Eh dati nga sinabi mo sa akin noon na naaartehan ka dahil takot ito sa ipis. Eh ipis lang naman. So paanong si Lorna ang maglalagay no'n kung takot siya?"
Napahilamos si Cheska. Hanggang ngayon iniisip pa rin niya kung saan galing ipis na iyon sa kaniyang kape. At talagang nasusuka siya kapag naaalala niya iyon.
"Huwag kang magmaldita sa kapatid niya at mangbintang dahil baka pag- awayan niyo iyang dalawa ni Lucian. Unica hija si Lorna kaya talagang spoiled ito at maldita. Wala kang ibang gagawin kun'di ang umaktong mabait para makuha ang loob niya. Kaysa awayin mo siya, baka magalit pa sa iyo si Lucian," payo ni Lanie sa kaibigan.
Naiiritang umirap sa hangin si Cheska. Hindi niya alam kung hanggang saan kakayanin ng pasensya niya ang pagiging mabait kay Lorna. Pikon na pikon na talaga siya sa dalaga at balak na nga niya itong patulan. Ngunit ayaw naman niyang iyon ang maging dahilan ng pag- aaway nila ni Lucian. Mahal na mahal niya ang kaniyang nobyo at hindi niya kayang magkahiwalay sila. Baka malugmok siya ng husto kapag nangyari iyon.
"Bahala na! Malapit na talaga akong sumabog sa batang iyon! Nakakainis ang ugali niya! Ang sarap niyang lampasuhin sa totoo lang! Kagigil talaga!"
Malakas na tumawa si Lanie. "Hayaan mo na. Mabuti nga't ang kapatid niya ang nagiging balakid sa relasyon ninyo. Eh paano kung ibang babae? Tapos maakit si Lucian? Eh 'di kawawa ka?"
Humalukipkip si Cheska. "Hindi iyon puwedeng mangyari dahil masasabunutan ko talaga sila at masasampal ng malakas. Humanap sila ng lalaking mamahalin sila hindi iyong mang- aagaw pa sila. Hindi ko sila aatrasan 'no! Ang dami na ngang sumubok na magpapansin kay Lucian pero hindi nagtagumpay! Talagang inaaway ko!"
"Baliw ka. Baka naman napapatingin lang sa boyfriend mo tapos inaway mo na kaagad? Huwag ganoon. Baka maisip ni Lucian na eskandalosa ka."
Bumuga ng hangin si Cheska. May pagkaeskandalosa naman talaga. May araw ngang inaaway kaagad niya ang mga babaeng napapatitig sa kaniyang nobyo. Talagang pinagsasabihan niya ito ng masasakit na salita. At iyon naman ang hindi kinatutuwa ni Lucian kaya napagsasabihan siya nito. Sobra din kasing magselos si Cheska. Ayaw na ayaw niyang may tumitingin sa kaniyang nobyo. Nag- uusok kaagad ang ilong niya. Para siyang bomba na sumasabog kaagad kapag may babae sa paligid ni Lucian.
"Basta! Depende sa sitwasyon! Sa akin lang si Lucian! Akin lang at wala ng iba pa!"
PAGSAPIT NG HAPON, sinundo siya ni Lucian upang doon na siya matulog sa kuwarto ng binata. Sobrang saya niya at sabik na sabik dahil alam niyang may magaganap na mainit na bakbakan sa kanilang dalawa. Simula nang maranasan niya ang langit kay Lucian, gusto niyang palagi silang nagtatalik ngunit madalas kasing pagod si Lucian kaya minsan lang iyon maganap sa kanila.
"Hi, baby girl!" bati niya kay Lorna nang makita niya ito sa sala.
"Hi," walang ganang sabi ni Lorna na abala sa panunuod.
Patagong umirap si Cheska dahil nagsimula na naman siyang makaramdam ng matinding inis kay Lorna.
'Bruha talaga kahit kailan! Siya na nga itong binati, napakaarte pa! Kailan ba siya mawawala sa buhay namin ni Lucian? Gusto ko na siyang maglaho sa buhay namin!'
"Dito ka na lang muna, babe. Maghahanda lang ako ng hapunan natin. Gusto kong ako ang magluto ng ulam natin ngayon," ani Lucian sabay halik kay Cheska.
Nakita iyon sa gilid ng mata ni Lorna kaya hindi niya maiwasang mairita. Bumaling siya kay Cheska. Napatingin siya sa suot nitong sleeveless na crop top na pinaresan ng maikling short.
"Anong klaseng pormahan iyan? Akala mo pokpok na walang customer," wika ni Lorna sabay ngisi.
Naningkit ang mata ni Cheska. "Anong sinabi mo? Bastos kang bata ka ha!"
Tinawanan siya ni Lorna. "Hindi mo ba narinig? Bingi ka ba? Sige, uulitin ko. Para kang pokpok na walang customer!"
Matapos niyang sabihin iyon ay tinulak niya si Cheska. Gumanti naman si Cheska dahil pikon na pikon na ito kung saan tinulak niya si Lorna. Hindi naman ito ganoon kalakas pero nakaisip na naman ng kalokohan ang dalaga. Sinadya niyang itama ang katawan sa malaking vase doon kung saan nabasag ito. Nanlaki ang mata ni Cheska habang dali - dali namang nagtungo sa sala si Lucian.
"Lorna!"
"Kuya!" malakas na umiyak si Lorna.
Agad na binuhat ni Lucian ang dalaga upang hindi na masugatan pa sa mga bubog na nagkalat sa sahig. Mabilis naman iyong nilinisan ng mga kasambahay.
"Kuya! Ang sakit po!" patuloy sa pag - iyak si Lorna sabay pakita ng sugat niya sa kamay.
"S hit! Ano ba ang nangyari?" nag- aalalang sabi ni Lucian habang nililinisan ang sugat ni Lorna.
"Si ate Cheska, tinulak niya ako. Sinabi ko lang naman na hindi ko nagustuhan ang suot niyang damit dahil masyadong maikli ito tapos nagalit siya kaagad sa akin! Tinulak niya kaagad ako!" pagsisinungaling niya.
Nanlaki ang mga mata ni Cheska. "How dare you! Ang kapal naman ng mukha mong bata ka! Hindi iyan totoo, babe. Sinabihan niya akong pokpok kaya nagalit ako sa kaniya! At siya itong unang tumulak sa akin!"
"What?!" bumaling si Lucian sa dalaga.
Umiling si Lorna. "Hindi po iyan totoo. Hindi ko nga po alam ang salitang sinasabi niya. Ano po ba ang salitang iyon? Hindi ko pa po iyon naririnig..." painosenteng sabi ni Lorna.
Lalong nangitngit sa galit si Cheska habang si Lucian naman ay mariing pumikt bago bumaling kay Cheska.
"Ano ito, babe? Nagsisinungaling ka para magalit ako sa kapatid ko? Hindi niya alam ang salitang iyan. Wala siyang kaibigan dito na alam ang ganiyang salita dahil lahat ng kaibigan niya, tinuruan ng mabuting asal. Kaya bakit mo sinasabi iyan?" iritableng sabi ni Lucian.
"Ano?! So naniniwala ka diyan sa sinungaling mong kapatid? Sinungaling ang bruhang iyan!"
"Stop it!"
Nangilabot si Cheska sa malakas na sigaw ni Lucian. Iyon ang unang beses na sinigawan siya nito.
"Nagkasugat na nga ang kapatid ko sa ginawa mo. Hindi ka pa titigil?"
Maiiyak na sa galit si Cheska. "No! Hindi ko iyan kasalanan! Mahina lang ang pagkakatulak ko sa kaniya! Sinadya niya iyan! Sinadya niyang itama ang katawan niya sa vase!"
"Kuya hindi po iyon totoo! Bakit ko naman iyon gagawin kong ganito ang mangyayari sa akin? Hindi ko magagawang saktan ang sarili ko. Napakasinungaling niya, kuya! Hindi ko po alam kung bakit ganiyan siya sa akin!" biglang singit ni Lorna bago muling umiyak.
Pinunasan ni Lucian ang luha ni Lorna. "Sshh.... huwag ka ng umiyak. Halika na sa room mo. Magpahinga ka na."
Binuhat ni Lucian si Lorna pagtungo sa kuwarto nito habang si Lorna naman ay nginitian si Cheska. Lalong napoot si Cheska sa mga sandaling iyon at hindi maiwasang maluha dahil hindi siya pinaniwalaan ni Lucian.