Mabilis ang ginagawa kong pagtakbo habang mahigpit na hawak ko ang aking bag. Hindi ako tumitigil hangga't dinig ko ang nga yabag na sumusunod sa akin. Gusto kong lumingon ngunit ayokong makita kung gaano nakakatakot ang mukha ng mga humahabol sa akin. Baka himatayin ako at hindi ko maisagawa ang aking pagtakas.
"Hayun siya! Bilisan niyo ang paghabol!" Naulinigan ko ang pagsigaw ng isa.
Patay! Naibulong ko sa aking sarili. Mukhang malapit-lapit na sila kung saan ako naroroon. Grabe naman sa liwanag ang mga mata ng mga goons ni Daddy. Ano kayang training ang ginagawa niya sa mga ito para makakita sa dilim? Para silang mga aso na amoy na amoy kung nasaan ang kanilang hinahanap, sabagay mukha silang mga aso.
"Huwag mo ng tangkain pang tumakas pa Senyorita! Mapapagod ka lang sa pagtakbo!" sigaw muli ng isa.
Neknek niyo! Gusto ko sanang isigaw ngunit magsasayang lang ako ng laway. Mas lalo kong binilisan ang pagtakbo, alam ko na malapit na ako kung saan naroroon ang taong naghihintay sa akin. Binigyan ko siya ng signal na malapit na ako sa kanyang kinaroroonan. Pero sa malas ay wala akong nakitang tao roon. Don't tell me alam na ni Daddy na kasabwat ko ang taong iyon sa pagtakas.
"Damn!" I cursed in so much anger.
Hindi naman ako tatakas kung hindi lang ako muling pinagtangkaan na gahasin ni Franco. Pangalawang beses na niyang gagawin iyon sa akin at hindi ko mapapatawad ang sarili ko kapag nakuha niya ang aking Bataan!
"Dad, Franco tried to rape me." Nagsumbong ako kay Daddy ng araw na pagtangkaan ako ni Franco sa library. Kung hindi ako nakahawak ng pinupukpok sa ulo niya ay hindi niya ako titigilan. Mabuti na lang at bago pa niya mapunit ang damit ko ay naunahan ko na siya.
"Iha, darating din kayo riyan. Why not let him make love to you? Wala namang masama tutal kayo rin naman ang magkakatuluyan sa bandang huli." Nadismaya ako sa sinabi ni Daddy sa akin. Akala ko magbabago ang pasya niya kapag sinumbong ko ang ginawa ni Franco sa akin. Iyon pala, babalewalahin niya lang ito.
"Can you hear yourself, Dad? Nabubulagan na kayo sa lalaking iyon. For Pete's sake muntik na niya akong gahasin at heto ka sinasabi sa akin na okey lang iyon? Anong klase kang ama!" umiiyak na sabi ko.
Nagkulong ako buong araw sa kwarto ko pagkalipas ng nangyaring sagutan sa aming dalawa. Ipinaramdam ko na galit ako sa kanya. Sa dami ng sasabihin niya ay iyon pa talaga. Pakiramdam ko tuloy binubugaw niya ako.
Kaya naman ng pagtangkaan ako ni Franco kanina sa opisina ko ay agad na akong nag-isip na lumayo sa lugar na ito. I am not safe anymore lalo na at wala na akong kakampi sa lugar na ito. Si Yaya Conchita na lang at ang bodyguard ko na si Jacob ang pinagkakatiwalaan ko.
Pero mukhang pinagtaksilan na rin ako ni Jacob dahil hindi ko siya makita. Wala siya sa kotseng naghihintay sa akin para makaalis na ako ng tuluyan dito. Tanging si Yaya Conchita lang ang nadatnan ko sa loob na mukhang kanina pa mamamatay sa matinding nerbiyos.
"Bilisan mo na Senyorita! Mahuhuli na nila tayo!" sigaw niya habang hindi magkandatuto sa pag-abot sa akin ng susi ng kotse. Inabot ko sa kanya ang bag ko na naglalaman lahat ng mga importanteng bagay. Pera, importanteng mga dokumento, cellphones at kung anu-ano pa na makakatulong sa akin kapag nakatakas ako.
"Opo!" tarantang sabi ko nang makita na malapit na ang humahabol sa akin. Kaagad na pinaandar ko ang kotse ng makapasok ako at mabilis na pinaharurot ito palayo sa lugar na iyon. Dinig na dinig ko pa ang pagmumura ng mga goons ni Daddy dahil hindi nila kami inabutan. Ngumisi ako saglit ngunit kinakabahan pa rin dahil alam kong hindi sila susuko.
"Salamat sa Diyos at umabot ka. Akala ko hindi kana makakarating," ani ni Yaya Conchita nang makalabas na kami ng tuluyan ng mansion. Sa lawak ng tinakbo ko kanina ay akala ko hindi na ako aabot sa pinagtaguan ko ng kotse na ito. Bumili ako ng bago gamit ang pangalan ng iba dahil gagamitin ko ito sa pagtakas.
"Mahirap silang takasan, Yaya. Akala ko mahuhuli na nila ako. Nasaan po ba si Jacob? Bakit wala po siya?"
"Hindi na siya makakarating Senyorita. Tinawagan niya ako kanina, nahuli siya ni Don Hernando na nag-iimpake ng mga gamit mo kanina. Tinanong niya kung para saan iyon. Nataranta siya kaya nasabi niyang aalis ka. Sinabi ng Daddy mo na kapag tinulungan ka niyang makaalis dito ay mamatay ang pamilya niya."
Nalungkot ako sa sinabi ni Yaya Conchita. Mabuti na iyon para hindi madamay ang pamilya niya sa galit ng Daddy ko. Alam kong hindi niya isisiwalat ang mga plano ko kapag nakaalis na ako ng Villa Estella. Pero iibahin ko ang ruta namin ni Yaya Conchita, alam ko na paaaminin siya ni Daddy mamaya kapag nakaabot sa kanya ang balita na natakasan ko ang mga goons niya.
"Mabuti na lang pala at hindi ako dumiretso sa mansion. Pero malakas ang pang-amoy ng mga goons ni Daddy nahuli pa rin nila akong tumatakas."
"Tinawag na siguro ng Daddy mo sa kanila kaya nag-abang na sila."
"Safe na tayo ngayon, Yaya. Makakalayo na tayo habang pabalik pa lang sila at kukuha pa lang ng mga sasakyan para mahabol tayo."
"Huwag kang pakampante, Senyorita. Matinik ang ama mong si Don Hernando. Gagamitin niya ang koneksyon niya mahanap ka lang."
I know that, tuso si Daddy at alam ko na gumagawa na iyon ng paraan para hindi ako makalabas ng Villa Estella. Pero mas tuso ako, I will think a nice strategies para malinlang ko siya.
"Bilisan mo na magmaneho dahil sigurado ako bumalik na ang mga iyon at nalaman na ng Daddy mo na natakasan mo ang mga tauhan niya. Tatawag na iyon sa mga kapulisan para harangin ang paglabas mo dito sa Villa Estella."
"Don't worry Ya, may naisip na akong paraan para makalusot tayo."
"Paano naman? Walang hindi nakakakilala sa iyo. Dito man o maging sa kabilang ibayo, anak ka ni Don Hernando. Nag-iisang heredera kaya siguradong marami ang nakakakilala sa 'yo."
"Trust me, Ya. Walang makakakilala sa atin."
Itinabi ko ang kotse sa isang abandonadong resort na nadaanan namin. Sobrang layo na nito sa mansion kaya kahit magtagal kami ng kalahating oras ay hindi kami maabutan ng mga humahabol sa amin.
Nag-park ako sa isang tagong lugar saka ko mabilis na inilabas ang mga plastic na nasa trunk ng kotse. Talagang pinagplanuhan ko ito ng maigi dahil masyadong tuso ang aking ama.
"Isuot mo ito, Yaya. Bilis na." Inabot ko ang isang wig na panlalaki at mga damit na panlalaki. Mabuti na lang at payat si Yaya kaya sakto lang sa kanya ang mga binili ko.
"Bilib na talaga ako sa 'yong bata ka. Napaka-wise mo talaga."
Ngumiti lang ako saka mabilis na nagpalit ng mga damit. Isinuot ko rin ang isang wig na may maikling tabas ng buhok. Nagsuot ako ng makapal na reading glass at inalis ang lipstick ko. May idinikit din akong pekeng nunal sa kanang mukha saka nakatawang binalingan si Yaya Conchita.
"Ano, Ya? What can you say about my look? Makikilala pa ba nila tayo?"
Natawa lang ito saka nag-thumbs-up.
"Tara na, baka maabutan pa nila tayo rito."
"Don't worry, kahit maabutan nila tayo hindi sila maghihinala. Pinalitan ko na ang plate number ng kotseng ito dahil alam ko na natandaan nila ito kanina."
"Ah, kaya pala bumaba ka at may kinalikot na kung ano sa likod. Akala ko itong mga ito lang ang pinaghandaan mo."
"Mabuti na ang mas sigurado, Nay."
"Nay? Bakit naman nanay ang tawag mo sa akin, Senyorita?"
"Ooops, huwag na Senyorita ang itawag ninyo sa akin. Simula ngayon, Manika na ang itawag mo sa akin, Nay. At Nanay na itatawag ko sa inyo dahil magpapanggap kayo na nanay ko."
"Manika? Bagay sa 'yo, iha." Ngumiti lang ako saka pinaandar na muli ang kotse.
Kailangan na naming makaalis dito malayo pa ang lalakbayin namin. Sa Norte kami pupunta dahil maraming liblib na lugar doon. Gusto ko sana na sa Maynila kami magtago pero naisip ko na baka mabilis lang ako na mahahanap ni Daddy. Panay ang punta niya roon at hindi malabo na magkrus ang aming mga landas.
Nag-search ako ng mga lugar na medyo liblib. Kaagad na pumakaw sa interes ko ang San Benitez. Malawak ito at city na rin. Maraming pasyalan, malls, resorts at beaches. Malawak ito kaya kahit mapunta si Daddy dito sa paghahanap ay hindi niya ako mabilis na matatagpuan. Sabagay ipagpapatuloy ko ang pagdi-disguise namin ni Yaya para hindi niya kami mahanap.
"Nandito na tayo, Nay." Niyugyog ko si Yaya na nasa kasarapan pa ng tulog, buti pa siya. Samantalang ako, wala pang matino na tulog dahil wala akong karelyebo sa pagda-drive. Hihinto lang ako saka iidlip saglit saka ipagpapatuloy ang pagmamaneho.
Lumabas ako ng kotse at sinalubong ang malamig na hangin na nanggagaling sa dagat. Nasa tabi kami ng dagat at napakagandang pagmasdan ang kumikinang na liwanag ng tubig na tinatamaan ng sikat ng araw. Napakapayapa ng lugar na ito, mukhang magtatagal ako rito.