❀⊱Sandy's POV⊰❀
"Duday, nandyan ka na pala! May naghahanap sayong lalaki at kaibigan mo daw, nandyan sa labas at kanina ka pa niya hinihintay. Hindi mo sya nakita kanina ng dumating ka?" ani ng aming kapitbahay na si Tita Tentay. Kaibigang matalik siya ni nanay. Duday ang tawag nila sa akin, palayaw ko na hindi ko gusto kasi naman tunog puday.
Napaisip naman akong bigla. Sinong lalaki ba ang tinutukoy niya samantalang wala naman akong kakilala na kaibigang lalaki. Isa pa ay hindi naman ako tumatanggap ng kahit na sinong manliligaw ko, maliban lang talaga kay Gerald na sobrang kulit. Pero ang iba ay hindi naman bumabalik na kapag nabasted ko na. Sinabi ko din nuon pa sa mga nagtatangka na mas inuuna ko ang mga magulang at kapatid ko kaysa sa sarili kong kaligayahan. Kaya nagtataka ako
"Sino po ba ang tinutukoy ninyo Tita Tentay? Wala naman po kasi akong kakilala na pwede akong dalawin dito," wika ko, kaya itinuro niya ang daliri niya sa labas.
"Ayun hija, at napakagwapong binata naman ng naghahanap sa iyo," wika niya. Nagkibit balikat na lamang ako sa sinabi niya. Naglakad ako papalabas ng aming bahay upang tignan ang tinutukoy ni Tita Tentay na bisita ko raw na lalaki.
Paglabas ko sa pintuan ay bigla akong napaatras ng makilala ko kung sino ang lalaking nakatitig at naghihintay sa akin. Hindi agad ako makapag salita. Ano ang ginagawa dito ni Jun? Paano niya nalaman kung saan ako nakatira?
"Hi, nag off ako para mabisita ka," wika niya habang titig na titig ako sa kanya.
"Hindi mo ba ako papapasukin sa loob? Gusto lamang kitang makausap, gusto kong humingi ng sorry sa mga kasalanang nagawa ko sayo," wika niya habang hindi naman ako makapag salita.
"Anak may bisita ka pala? Aba'y papasukin mo ang iyong bisita at mainit dito sa labas. Halika hijo at dito kayo mag-usap ng aking anak sa loob. Dito ka na rin kumain ng hapunan," ani ni nanay habang may hawak itong isang manipis na takip ng kaserola. Pipigilan ko sana si nanay, pero biglang nagmano si Jun sa aking ina kaya napataas ang kilay ko. Close ba sila ni nanay? Feelingero din pala ang lalaking ito.
"Ako po si Juancho Herrera, gusto ko po sanang umakyat ng ligaw sa inyong anak kung ito po ay inyong mamarapatin," ani ni Jun na ikinagulat ko. Nanlaki pa ang aking mga mata at bigla ko siyang sinigawan.
"Hindi nga ako nagpapaligaw!" malakas kong ani, pero tumama sa ulo ko ang hawak ni nanay na takip ng kaserola na ikinagulat ko. Bigla akong napatingin kay Jun na lihim na tumatawa habang ako naman ay hawak ko ang aking bunbunan habang nanunulis ang nguso ko.
"Nanay naman! Nakakahiya naman," ani ko na hindi ako makatingin kay Jun. Nakakainis naman talaga. "Nagpapaka-tao ang lalaking ito na humaharap sa atin upang humingi ng permiso na ligawan ka tapos sisigawan mo lang? Aba Duday, hindi kita pinalaking bastos sa ibang tao," wika ni nanay kaya hindi maalis ang panunulis ng nguso ko habang masama akong nakatingin kay Jun. Sino kaya nagsabi dito na dito ako nakatira? Si Celestina kaya?
"Duday? 'Yan ba tawag nila sayo dito, ha Sandy?" natatawang ani ni Jun. Hindi ko siya pinansin pero muli itong nagsalita ng pumasok na si nanay sa loob ng bahay upang maghain daw ng aming pananghalian. "Tunog..." hindi ko na pinatapos pa ang sasabihin niya at nagsalita agad ako ng may inis sa aking tinig. "Tunog ano ha?" nanlilisik pa ang mga mata ko ng sininghalan ko siya. Natawa naman siya at umiling. Pagkatapos ay naghubad ng sapatos at pumasok sa loob ng bahay namin kahit hindi ko naman siya pinapapasok sa loob.
Ibang klase din naman ang lalaking ito. Basta na lang pumapasok sa bahay ng may bahay. Sa inis ko ay sinundan ko siya. Nakatayo siya sa harapan ng sofa na tila hinihintay niya na paupuin ko siya. Mukhang nahawa na siya sa mga mayayaman niyang mga amo ng good manners and right conduct. Ano daw? Kuhanan na ba ng card at kailangan ng good manners and right conduct? Nakakaloka! Hindi ko tuloy namamalayan na natatawa na pala ako. Nagulat na lang ako ng mapansin ko na titig na titig na siya sa aking mukha.
"Iniisip mo ba ako kaya ganyan ang ngiti mo?" ani ni Jun, kaya biglang sumeryoso ang aking mukha at tinitigan ko lang siya. Bahala siya, hindi siya dapat na nandirito. Paano ba niya nalaman ang bahay namin? Kung sabagay, magaling na tauhan siya ni Marcus, at dapat ay hindi na ako nagtataka pa kung sakaling ganuon lang niya kadaling nahanap ang tirahan namin.
"Paupuin mo naman 'yang bisita mo anak," ani ni nanay. Umirap lamang ako kay Jun at nagtango ako sa aking silid. Maliit lang ang bahay namin pero kahit papaano ay maayos naman ito at malinis. Nagkulong ako sa aking silid dahil ayokong harapin si Jun. Ayokong tumanggap ng kahit na sinong manliligaw kahit si Jun pa ito na sobrang gwapo at sobrang macho. 'Yung gwapong nakakatakam, at kanin na lang ang kulang dahil may ulam ka na. Ganuon ang description ko kay Jun.
Narinig kong tinatawag ni nanay ang pangalan ko pero ayokong lumabas at ayokong harapin ang lalaking 'yon. Bahala siya sa buhay niya, lalo pa at may atraso pa siya sa akin. baka akala niya ay nakakalimutan ko na 'yon.
Isa pa ay ayoko munang magpaligaw, ayokong masira ang konsentrasyon ko sa pamilya ko at mahati ito sa dalawa. Gusto ko buong-buo kong ibinibigay sa mga magulang at mga kapatid ko ang panahon at oras ko. Ako lang ang inaasahan nila lalo pa at parehong may sakit ang mga magulang ko. Si nanay ay medyo malabo na rin ang paningin dahil sa katarata niya, tapos may hika pa. At si tatay naman ay may sakit sa puso kaya hindi siya dapat napapagod. Ang mga kaibigan ko, kung minsan ay nag-o-offer sila ng tulong pero lagi kong tinatanggihan kasi ayokong masanay sila na binibigyan nila ako. May trabaho naman ako at may kaunti na akong naiipon na inilalaan ko para sa operasyon ng mga mata ni nanay, tapos para pa sa graduation ng aking kapatid.
Humiga ako sa kama at dumapa ako, ipinikit ko ang mga mata ko ng marinig kong muli ang boses ni nanay.
"Duday lumabas ka nga diyan!" tawag ni nanay kaya padabog akong lumabas ng aking silid at ngumiti sa aking ina.
"Harapin mo ang bisita mo at huwag kang ganyan. Nagpapaka-tao siyang nagpunta dito kaya pakiharapan mong mabuti," wika niya kaya tumango lang ako at nagtungo na ako sa salas. Inabutan ko si Jun na kausap na ni tatay na tagaktak naman ng pawis galing ng palengke.
"Tatay naman, sabi ko naman po sa inyo na huwag na kayong magkargador. Masama po sa kalusugan ninyo," ani ko habang inaabot ko sa aking ama ang kanyang kulay asul na bimpo na nilabhan ko kagabi. "Anak, gusto ko ang lalaking ito para sayo. Sana ay bigyan mo siya ng isang pagkakataon. Magalang, may respeto ang batang ito. Katulad nga ng lagi naming sinasabi sa iyo ng iyong ina, kahit na simpleng lalaki lamang ang iyong mahalin, basta marunong lamang itong rumespeto at magmahal ay tatanggapin natin dito sa ating pamamahay. At 'yun ay nakikita ko ngayon sa lalaking kaharap natin," ani ng aking ama. Hindi naman ako kumibo dahil kung ako ang tatanungin ay wala pa sa isipan ko ang pakikipag relasyon kahit na kanino. Ako man ay hindi naman tumitingin sa estado ng buhay ng isang tao, pero hindi pa ako handa na pabayaan ang pamilya ko, lalong-lalo na ang dalawang kapatid ko na nag-aaral pa.
"Iiwanan ko na kayo diyan. Tatawagin na lamang namin kayo kapag kakain na tayo," ani ng aking ama at pagkatapos ay iniwanan na kami ni tatay upang makapag-usap. Tumango lamang ako sa kanya at muli kong ibinalik ang paningin kay Jun na nakangiti sa akin. Tinaasan ko siya ng kilay. Hindi pa rin ako makapaniwala na nandito siya ngayon sa loob ng bahay namin.
"Paano mo ba nalaman na dito ako nakatira? Saka ano ba talaga ang kailangan mo? Hindi ba at galit na galit ka sa akin?" tanong ko sa kanya. Nakatitig siya sa akin at nakangiti. Umiiwas ako sa ngiti niya, hindi ako sanay na nakikita siyang nakangiti. Ayokong mahuli niya ako at mabasa sa mga mata ko na may damdamin ako para sa kanya. Ayokong mangulit siya dahil mas mahalaga sa akin ang pamilya ko kaysa sa pag ibig.
"Parang hindi mo naman ako kilala, Sandy. Mahal kita at alam ko na nararamdaman mo 'yon. Bigyan mo ako ng isang pagkakataon upang patunayan ko sayo na malinis ang intensyon ko. Hindi kita babawalan sa kung ano ang gusto mong gawin para sa pamilya mo. Hindi ako magiging hadlang sa mga pangarap mo para sa kanila, basta bigyan mo naman ako ng isang pagkakataon. Pinagsisisihan ko ang mga nagawa ko sayo nuon, maniwala ka sa akin. Nadala lamang ako ng galit ko. Pero nananaig pa rin ang matinding pagmamahal ko para sayo. Kaya nandito ako sa tahanan ninyo upang humingi sayo ng kapatawaran at ng isang pagkakataon," wika niya. Hindi ako makakibo, hindi rin ako makatingin sa kanya.
"Please?" pakiusap niya at kinuha niya ang isang kamay ko kaya para akong nakuryente na hindi ko maipaliwanag. Nakikita ko sa mukha niya ang pagsusumamo kaya inirapan ko siya na ikinatawa niya ng mahina. "Talaga? Totoo na bibigyan mo ako ng isang pagkakataon?" gulat na ani niya kaya biglang tumikwas ang isang kilay ko. May sinabi na ba ako? Kaloka naman ang lalaking ito. Inirapan ko lang siya pero para sa kanya ay oo na ang ibig sabihin nuon?
"I love you at patutunayan ko sayo na mahal na mahal talaga kita at malinis ang intensyon ko," wika pa nya kaya tumingin ako sa kisame upang huwag kong salubungin ang kanyang mga mata.
Mahihinang tawa ang narinig ko at pisil sa kamay ko ang ginawa niya sabay halik niya dito. Bigla ko tuloy binawi ang aking mga kamay. Ayoko kayang isipin niya na easy to get ako, noh!
"Ang bilis mo naman? Nakahalik ka agad, akala mo naman binibigyan kita ng permiso," inis kong ani. Tapos ay pinunasan ko ang kamay ko sa likurang bahagi ng damit ko, pero bahagya lang.
"Halik lang naman 'yan sa likod ng kamay, pero nuong pumatong ako sayo sa palaro ay hindi ka nagreklamo. 'Yung..." Hindi ko na pinatapos pa ang sasabihin niya at malakas ko siyang hinampas. Kakainis siya, ipapaalala pa talaga niya ang kawalanghiyaang ginawa niya sa akin sa palarong 'yon? Nakakaloka ang lalaking ito.
"Ate, siya ang lalaking sinasabi ko sayo nuong isang araw. Siya 'yung gwapo na naghahanap sayo at liligawan ka daw. See, sabi ko sayo ang gwapo niya, hindi ba?" Napatingin ako kay Kaitlyn na bumababa ng hagdanan. Nakangiti ito na lumalapit sa amin at nakipag high five pa kay Jun. Aba! Kailan pa sila naging close ng kapatid ko?
Magsasalita sana ako ng may kumatok sa pintuan at paglingon namin ay si Gerald ang pumapasok dito sa loob ng bahay namin.
"May bwisita ka pala, sino naman 'yang pipitsugin mong bisita?" ani niya na masamang nakatingin kay Jun. Tinaasan ko naman ng kilay si Gerald. Mukhang nasasanay na lang ito na pumapasok dito sa loob ng bahay ng walang nagpapapasok sa kanya at pagkatapos ay babastusin pa ang bisita ko.
"Bisita ko siya at hindi naman siya bwisita. Nandito ka na naman, hindi ba at kagagaling mo lang dito kaninang umaga? May nakalimutan ka bang sabihin?" ani ko na naiinis kasi sinabihan niya ng bwisita si Jun. Ewan, basta naiinis ako sa kanya.
"Huy si Kuya Gerald may pabulaklak na naman at tsokolate kay ate," ani ni Kaitlyn na may panunukso. "Syempre, at kahit na gaano pa kamahal ang mga bulaklak at tsokolate na ito ay kaya kong bayaran para lang sa ate mo. Hindi naman ako basta na lang manliligaw na tyan lang ang dala ko para paglagyan ng pagkaing kakainin dito. Saka amuyin mo ako Kaitlyn, mabango ako dahil naligo muna ako bago ako nagpunta dito, at mamahalin ang pabango ko. Nakakahiya naman kung luma na nga ang suot ko, wala pa akong dalang pasalubong," sagot ni Gerald na tila ba pinaparinggan ang bisita kong si Jun.
"So? Ikina-pogi mo na 'yan? Kahit yata maligo ka ng pabango, walang epekto sa babaeng iniilaw mo, at saka hindi naman kamahalan ang bulaklak na 'yan at ang tsokolateng 'yan para ipagyabang mo. Isa pa, ang suot mo, bago man 'yan ay hindi naman sikat na brand. Wala man akong dalang kahit na ano, may kalakip naman na respeto ang pagpunta ko dito, ikaw ba meron non?" pakli ni Jun kaya napayuko ako upang pigilan ko ang sarili ko na matawa. Ayoko namang maging bastos sa dalawang bisita ko.
"Oo ikina-pogi ko ito. Sino nagsabi sayo na hindi ito mahal? Baka nga kahit isang pirasong gumamela ay wala kang pambili diyan sa bulsa mo. Saka sino ba ang nagsabi sayo na walang epekto? May respeto ako kaya lang depende sa taong kaharap ko. Sino ka ba at bakit nandirito ka sa bahay ng magiging girlfriend ko?"
Nagulat naman ako sa sinabi ni Gerald. Mukhang nasa malalim na tulog pa ang isang ito at kailangan yatang gisingin. Magsasalita sana ako pero agad na sumagot si Jun kaya natahimik akong bigla.
"Magiging girlfriend? Let's see kung sino sa ating dalawa ang papalarin, sa nakikita ko mukhang malalay ang lagay mo sa kanya. Balita ko nga ay matagal ka ng manliligaw, pero matagal ka na ring paulit-ulit na binabasted. Gulat ka noh? Marami akong alam na hindi mo alam kaya dyan ako lamang."
"Mayabang ka. Akala mo naman ay may ipinagmamalaki ka. Tignan mo ang hitsura mo sa hitsura ko. Malayong-malayo ang agwat natin. Mukha kang pulubi sa lansangan na namamalimos ng piso para may makain sa maghapon."
"Hindi naman mukhang pulubi si Kuya Pogi. Ang gwapo nga niya at kahit luma ang suot niya, hindi siya mukhang pulubi. Si Kuya Gerald kung magsalita naman," ani ng kapatid ko.
"Hayaan mo siya, baka masyado lang siya nababagabag sa presensya ko. Kasi hinaharap ako ng ate mo, at isa pa ay nakahalik pa ako sa kamay. Ang bango at ang lambot ng kamay ng ate mo," ani ni Jun kaya napayuko ako ng biglang tumingin sa akin si Gerald.
"Ay si ate lumalantod na..." panunukso ng kapatid ko.
Hindi na ako nakapag-salita pa dahil dumating si tatay at tinawag si Jun upang sa amin na raw kumain ng hapunan. Tinawag niya ito at iginiya sa kusina samantalang nilagpasan lang niya ang makulit at nakakainis na si Gerald.
Hindi kasi gusto ni tatay ang ugali ni Gerald. Mabait naman si Gerald, kaya lang ay may kayabangan ito at laging pinagbabantaan ang mga nanliligaw sa akin. As if naman ay may pag asa siya sa akin. Laging ibinabandera ni Gerald sa amin ang kanyang pera, samantalang hindi naman kami interesado sa pera niya kaya ayaw talaga sa kanya ni tatay at ni nanay. Pero pinapakiharapan naman nila ito ng maayos at hindi nila ito binabastos, kaya lang minsan ay nagpaparamdam si tatay ng disgusto sa kanya. Hindi ko naman sila masisisi dahil iba naman talaga ang ugali ni Gerald.
"Babe, tara na at kakain na tayo," tawag ni Jun sa akin kaya tinaasan ko siya ng kilay. Natawa naman si tatay at si nanay. Mukhang nagugustuhan pa yata nila tatay si Jun para sa akin. Si Gerald naman ay parang sasabog sa inis habang masamang nakatitig kay Jun, kaya nagmamadali naman akong tumayo at nagtungo sa kusina bago pa siya tuluyang mainis. Bahala nga siya, ilang beses ko na siyang binasted pero paulit-ulit siyang bumabalik dito. Marami namang babae na mas higit sa akin, mas maganda at higit sa lahat may kaya sa buhay. Duon na lang siya dahil wala talaga akong panahon sa love life kahit si Jun pa ito.
"Gerald, kumakain ka ba ng nilagang talbos ng kamote at piniritong dilis? Iyan kasi ang ulam namin. Pumunta ka na rito at ng makakain ka na rin," tawag ni tatay kay Gerald. Lumapit naman si Gerald at tinignan ang table namin saka ngumiwi. Tinaasan ko siya ng kilay, at inirapan ko. Kung maka-ngiwi naman siya akala mo naman napakayaman niya. Nakakainis siya.
"Gusto ho ba ninyo na bumili na lang ako ng lechon para naman makatikim kayo ng lechon?" ani niya kaya tumaas muli ang kilay ko.
"Grabe ka naman. Akala mo ba sa amin hindi nakakatikim ng lechon? Huwag ka naman sanang ganyan Gerald," ani ko.
"I mean... Hindi naman iyan ang ibig kong sabihin. I'm so sorry, iba lang ang pagkakasabi ko. Pasensya na ho kayo," sagot niya.
"Lechon lang ba nakakain mo? Ako marami na akong masasarap na pagkain na nakakain dahil sa mga amo ko, pero itong nakahain sa lamesa ang pinaka masarap na pagkain. Kung ayaw mong kumain, punta ka sa lechonan at duon ka kumain mag-isa. Magpaka-bundat ka duon hanggang sa pumutok ang batok mo," sagot ni Jun.
"Huwag kang sumabat, hindi kita kausap."
"Tama na 'yan Gerald. Nasa harapan ng pagkain, kung ayaw mo ng pagkain namin ay wala akong magagawa. Hindi kami kumakain ng lechon dahil bawal sa amin 'yan. Umupo ka na dito Duday at ng makakain na tayo," ani ng aking ama at mararamdaman sa tinig niya ang inis kay Gerald.
"Pasensya na po 'tay. Sige ho titikman ko ho ang pagkain ninyo. Mukha naman hong masarap," wika niya at naupo na sa tabi ni Jun. Ako naman ay naupo naman sa tabi ng aking ina. Hindi naman ako makakain dahil maya't maya ay hinihimas ng paa ni Jun ang binti ko kaya napapakislot ako. Tinititigan ko siya ng masama pero nakangiti lamang siya at hindi inaalis ang tingin sa akin.
"Okay ka lang ba anak? Kanina ka pa galaw ng galaw," ani ni nanay.
"Nakagat po ako ng langgam sa paa, pero okay lang po ako. Sige po nanay kain lang po at masarap ang ulam natin," ani ko kaya isang ngiti ang sumilay sa labi ng aking ina.