Chapter 4
"Hoy! Tulalang-tulala ka naman diyan?" puna ko kay Gian Lee.
"Ganda talaga ni Miss De Castro. Lalo na ‘yong dimples niya," sagot nito habang nakatingin sa teacher namin sa subject na Science.
"Ulol! Masama ‘yang ginagawa mo!"
"Selos ka naman? Don’t worry mas maganda ka pa rin para sa’kin Samantha."
"A-Ano? Puro ka kalokohan!"
"Sus. Kinilig ka rin, eh."
"M-Mukha mo." irap ko at umiwas na ng tingin sa kababata ko na kaklase ko rin. Grade 9 na kami pareho.
Ramdam ko ang pamumula ng pisngi ko dahil nag-init iyon. Nagfocus na lang ako sa nilelecture ng magandang guro. At nang sumapit ang recess ay niyakag na ako ni Gian Lee.
"Halika na. Naghihintay na sa atin sina kambal sa canteen."
"Oo na-" napatigil ako nang mapansing nagmamadaling lumakad si Gian Lee sa kung saan.
"Miss De Castro tulungan ko na po kayo sa mga gamit niyo." dinig kong prisinta nito sa guro namin na papalabas na ng classroom na maraming bitbit na gamit. Pakaharot talaga. Hindi na napigilan nito ang paghanga! Malanding Gian Lee.
"Babalikan kita! Hatid ko lang si Ma’m sa faculty." ani Gian kaya napatango na lang ako.
Naghintay ako sa classroom. Napansin kong nandoon pa ang mga maarteng kaklase namin at mga nagmemake up pa kaya napagpasiyahan kong lumabas pero napansin na nila ako.
"Samantha!" tawag ni Trina. Ang bitchesang kaklase namin. Nilapitan nila ko kasama ang ilang alipores niya.
"Ano?"
"Ano’ng ano? Ang tanong ko ang sagutin mo. Ano ba talaga kayo ni Gian Lee? Bakit palagi kayong magkasama?"
"M-Magkaibigan." sagot ko kahit hindi naman yata talaga iyon ang nararamdaman ko.
"Talaga?"
"Bakit mo ba tinatanong?"
"Naniniguro lang. Sa yaman at gwapo ni Gian? Hindi ako papayag na sa isang hampas lupang katulad mo lang siya mapunta! Hindi ka nga bagay rito sa school, eh. Doon ka dapat sa public school! Anak ka lang ng mutsatsa di ba?" anito kaya naman nag-init ang ulo ko.
"Ano bang karapatan mo para insultuhin ako? Lalo na ang Nanay ko? Oo, anak ako ng isang kasambahay. Ano naman ngayon? Nakakaperwisyo ba kami sa’yo?!" matapang na asik ko. Anak nga ako ng kasambahay at hindi ko ikinakahiya iyon. Mga magulang ni Gian Lee ang nagpaaral sa akin kaya nakakapasok ako sa ganoong kamahal na eskwelahan.
Mag-isa lang kasi akong binubuhay ng Nanay ko. Hindi ko na kasi alam kung nasaan ang tatay ko.
"Trina, mukhang pumapalag! Why don’t you slap her?" buyo ng isa sa kabarkada nito.
"Subukan mong galawin ako! Hindi ako magdadalawang isip na ingudngod ka!" banta ko. Napansin kong napalunok siya.
"Okay Samantha. Isang tanong, isang sagot. Gusto mo ba si Gian Lee?" seryosong tanong na ni Trina.
"H-Hindi. Wala akong gusto sa kanya. Hindi ko siya gusto. Hindi ko siya magugustuhan. Magkaibigan lang kami, hanggang doon lang."
"Sure?"
"Oo, ang kulit mo! Diyan na nga kayo!" inis na sabi ko at tinalikuran na sila.
Nagulat pa ko nang makitang nasa pintuan na si Gian Lee.
"N-Nakabalik ka na pala? Kanina ka pa ba diyan?" hindi ko alam pero nakaramdam ako ng kaba na baka narinig niya ang mga sinabi ko.
"No. Halika na. Naghihintay na sina Marli." tila malamig na anito at nagpatiuna na.
Sumunod ako. Pakiramdam ko may mali. Simula noong araw na iyon pakiramdam ko nag-iba na siya.
~*~*~*~*~
"Gian, halika na recess na tayo." yakag ko sa kanya.
"No. Mauna ka na. May dance practice pa ko then afterwards basketball naman. See you when I see you." paalam nito at tumayo na saka nagmamadaling lumabas ng classroom.
"Hoy girl mukhang hindi na kayo masiyadong nagkakasama ng best friend mo, ah?" puna ng bading naming kaklase na si Marlon o Marlona kung tawagin.
"O-Oo nga, eh. Busy." sagot ko na lang kahit pakiramdam ko iniiwasan na niya ko.
"Sus. Halika na. Sabay ka na lang sa amin ni Rachel? Gora!"
"S-Sige salamat halika na." pilit na itinatago ang lungkot na sagot ko.
Ramdam ko nag-iba na si Gian Lee. Dahil sa mga pag-iwas niya mas ramdam kong magkaiba talaga kami ng mundo.
~*~*~*~*~
"Oi taba may date ka na sa JS prom?" bungad sa akin ng masungit na si Gian Lee habang naglalaba ako sa washing machine sa laundry area nila.
"Wala paki mo?" sagot ko. Makataba kasi. Buwisit!
Oo, mataba nga ako noong tadpole pa lang ako pero hindi na ngayon.
"Ah gano’n ba? Wala rin kasi akong date." tatango-tangong sabi niya.
"Oh? Tapos?" kunot noong sagot ko at itinigil muna ang paglalaba.
"Since wala kang date at wala rin ako, eh, di tayo na lang! Sakto. Bawal tumanggi."
"Ayoko. Mag-isa ka!" tanggi ko.
"Di ba sabi ko bawal tumanggi?" salubong na ang kilay niya.
Gwapo niya pa rin sa paningin ko kahit ganoon. Ang tangkad niya rin para sa edad niyang katorse. Sa tantiya ko nasa limang talampakan at siyam na pulgada na ang taas nito.
"Ikaw lang naman ang nagsabi." belat ko kaya natahimik siya.
Galing ko lang mambara. Palagi ko siyang talo. Kahit na ba isa siya sa mga amo ko rito, nasasagot ko siya. Sungit niya kasi, sarap inisin. Sabay na kasi kaming lumaki kaya palagay talaga ang loob ko sa kanya.
"Teka? Bakit mo ba ako kinakausap? Sa school nga, eh, ginagawa mo kong hangin." pasaring ko pa.
Medyo naninibago ako na kinukulit niya ko ngayon para maging date niya. Ramdam ko namang dumistansiya na siya, siguro dahil iba na ang circle of friends namin. Puro boys na kasi ang mga kasama niya. Alangan namang sumama pa ako palagi, although nagkakausap pa rin naman kami. Madalang na nga lang. Ewan ko lang sa kanya kung kaibigan niya pa rin ako? Bigla-bigla na lang kasi parang magkaiba na kami ng mundong ginagalawan. Mabuti na lang din may bago na kong mga kaibigan.
"Ayaw mo ba talaga?" mahinahong tanong niya imbes na patulan ang pasaring ko.
Napaiwas ako ng tingin. Ayoko ng mga ganoon tingin niya.
"Ang dami-dami naman diyan, bakit hindi si Trina o si Daisy magaganda naman mga ‘yon, ah? Patay na patay pa sa’yo." tukoy ko sa mga Campus Queens ng school.
Ang totoo gusto kong matuwa kasi niyayaya niya ko pero nag-aalangan ako. Kahit saan tingnan dakilang kasambahay kami ng mga magulang niya. Alanganing lumandi sa amo.
"Mas maganda ka sa mga ‘yon."
"Ano?" tanong ko kasi halos pabulong na lang ang pagkakasabi niya.
"Ang bingi-bingi mo! Basta gusto ko ikaw date ko." pagsusungit na naman niya.
"Bakit ba kasi ako?" irap ko. Napasimangot din ako.
"Baby chubs naman itinatanong pa ba ‘yon? Siyempre kasi gusto ko. Nangingialam ka." busangot niya.
Ewan ko ba. Abnormal na yata ako? Kapag tinatawag niya kong baby chubs short for chubby parang kinikilig pa ko.
"Eh, paano kung ayoko talaga?" panunubok ko.
"Kapag hindi ka pumayag..."
"Ano?" nakaangat ang kilay na tanong ko.
"Hindi na kita kakausapin!" sagot niya ikinatawa ko lang.
"Eh, ‘di ‘wag. Sino bang mapapanisan ng laway?" pang-iinis ko.
"Bahala ka sa buhay mo!" inis na tumalikod na siya.
"Grumpy." tawag ko kaya napatigil siya sa paghakbang.
Aba kung may pang-asar siya ako rin. Tama lang sa kanya ang grumpy dahil saksakan siya ng sungit at palagi siyang nakabusangot.
"O-Oo na, sige na. Date na tayo." pagpayag ko.
"Papayag ka rin pala, nagpakipot ka pa." ngisi niya sa akin noong humarap ulit siya.
"Naawa lang ako sa’yo." ngisi ko.
"Whatever. Oh, isuot mo 'yan para hindi ka na mamroblema sa susuotin mo." sabi niya sabay hagis ng paper bag na hindi ko napansing bitbit niya pala.
Bastos talaga kahit kailan. Hindi man lang ibigay ng maayos, eh! Mabuti na lang at nasalo ko. Nang buklatin ko iyon ay nakita kong damit ang laman. Ang ganda ng pagkakayari. Kulay asul iyon. Halatang mamahalin.
"Saka may sasabihin din ako sayo sa araw na ‘yon kaya dapat talagang pumunta ka!" dagdag pa niya.
"Ano naman sasabihin mo?" curious na tanong ko.
"Basta sumipot ka na lang kung gusto mong malaman. Bye." paalam na niya at nagulat pa ako ng halikan niya ang noo ko.
"T-Talagang pinaghandaan mo ‘to ano? Kasi may damit na ko, eh!" komento ko na lang dahil nakaramdam ako ng hiya dahil sa ginawa niya.
"Whatever chubs." ngiti na niya na halos ikalundag ng puso ko.
Bibihira lang kasi siyang ngumiti. Ang lakas makaganda kapag nginingitian niya ko. But that was history. Our yesterday’s memories.