Maagang nagising si Elly kaya maaga din akong gumising. Alas singko pa lang yata ay naglalaro na siya sa kwarto. Hindi naman ganoong oras ang usual na gising niya. Pero dahil siguro kaagad siyang nakatulog kahapon dala nang pagod, maaga siyang nagising ngayon.
"Eat your cereal first, Elly," utos ko sa anak ko na hindi pinapansin ang cereal niya sa mesa. Abala ito sa panonood ng cartoon sa iPad niya.
"I don't like, Mommy." Iling nito. Nakatuon pa din ang mga mata sa iPad.
"Kukunin ko 'yang iPad mo, sige ka." Pananakot ko sakanya. Tumingin ito sa akin nang nakabusangot.
Ito ang madalas naming pag-awayang mag-ina kaya hangga't maaari, hindi ko ipinapahawak ang iPad niya sakanya at tinatago ko. Ngayon ay hindi ko alam kung papaano niya nahanap ito. Nasanay kasi siyang nanonood habang kumakain. At hindi iyon maganda para sakanya at sa mga mata niya.
Marahan nitong kinuha ang kutsara sa bowl saka sumubo sa cereal. Ngayon pa lang niya nabawasan 'yung cereal niya na kanina pa nasa harapan niya.
It take a lot of patience to be a mother. Lalo na kapag baguhan ka palang sa ganito at hindi ka naman talagang handa? Para gusto mo nalang iwan ang lahat! Katulad nalang noong bagong panganak pa lang si Elly, halos hindi na kami matulog ni Ash sa gabi dahil lagi siyang umiiyak. Ginagawa niyang umaga ang gabi and vice versa.
Mabuti nga at may katuwang ako sa pag-aalaga kay Elly, eh. May nakakapalitan ako sa tuwing sobrang antok na ako pero ayaw pa niyang matulog. Si Ash ang nabubugbog sa puyat, tapos, kinabukasan ay papasok pa siya sa eskwela.
"Anong oras kayo aalis, Maze?" Tanong ni yaya sa akin.
"Hindi ko po alam kay Ash, ya. Tulog pa, eh," sagot ko.
"Mamamalengke muna sana ako."
"Gisingin ko po ba siya? Para masamahan niya kayo."
Madalas naman samahan ni Ash si yaya lalo na kapag wala naman itong ginagawa. Iyong pera na ginagamit niya sa pamamalengke ay galing sa mga magulang ni Ash. Halos lahat nalang ng gastusin dito sa bahay ay ang mga magulang niya ang nagpo-provide.
Pati gatas, diaper, at iba pang kailangan ni Elly, sila 'yung gumagastos. Minsan ay nahihiya na din ako, pero ang sabi nila ay hindi naman nila kami pababayaan dahil alam nila na wala pa naman kaming mga trabaho. Nag-aaral pa si Ash at ako ay dito lang sa bahay. Gusto ko din mag-aral ulit, kaso, nahihiya akong magsabi sa mga magulang ko at kay Ash. Third year college na din sana ako this coming school year kung hindi lang ako huminto.
"Hindi, huwag na. Bukas nalang siguro," tugon nito. "Diligan ko lang saglit 'yung mga halaman para hindi na ako mag-dilig mamayang hapon." Aniya yaya saka hinaplos ang buhok ni Elly na engrossed na engrossed sa panonood.
"Sige po, Ya." Ngiti ko.
Laking pasasalamat ko din kay yaya dahil siya na 'yung naging pangalawang ina namin ni Ash. Lagi siyang naka-antabay sa amin lalo na kay Elly.
"Mommy..." tawag ng anak ko.
"Yes?"
"I don't like na." Aniya saka umiling. Bahagya niyang itinulak ang bowl palayo sa harapan niya.
"Okay. Drink your milk, then. Finish it, Elly, ha?" Tumango naman ito saka na ininom ang laman ng baso niya.
"Good morning, Elly!" Bati ni Ash habang naglalakad patungo sa amin. "Ang aga niya yatang nagising?" Tanong naman nito sa akin.
Humalik si Ash sa ulo ng anak niya na abala pa din sa panonood nang makalapit siya dito. Ngumiti naman ito sa akin kaya ngumiti ako pabalik.
"Oo. Maaga kasi siyang nakatulog kahapon, eh," sagot ko. "Anong oras tayo aalis?" Tumingin ito sa wall clock.
"Say 9. Nakapag-luto na ba si yaya?" He asked. Umiling ako. "Doon na lang tayo mag-breakfast."
"Sige. Diyan ka muna. Ayusin ko na 'yung gamit ni Elly." Tumayo ako mula sa pagkaka-upo para makapunta na sa kwarto.
"Dagdagan mo na 'yung dadalhin mong damit niya. Baka hindi tayo pauwiin ngayon," habol niyang sabi.
"Sige."
Umakyat ako sa kwarto at sinimulang ayusin ang mga gamit ng anak ko. Nagdala din ako ng dalawang pares ng damit ko. Inisip ko pa kung ipagdadala ko din ba ng gamit si Ash, pero baka siya nalang 'yung mag-ayos nung kanya mamaya. Siya naman nag-aayos ng gamit niya.
Aaminin ko na sa apat na taon naming pagsasama ni Ash, napamahal na siya sa akin bilang ama ng anak ko at isa na ding kaibigan. At ayoko nang lumampas pa iyon doon at sinisikap ko na huwag lalampas doon dahil alam kong wala naman patutunguhan kung sakali. Simula pa lang naman ay alam ko na ang dahilan kung bakit nanatili kaming magkasama. At ang dahilan na iyon ay si Elly.
Kaya 'yung pinapakita niya sa akin na kabaitan, ayokong bigyan ng ibang kahulugan dahil ayokong mag-ilusyon sa mga bagay na alam kong hindi naman.
Siguro, kapag naintindihan na ni Elly ang lahat, pwede na kaming maghiwalay. Pero sa ngayon, gusto kong sulitin 'yung araw na buo kami bilang isang pamilya.
Nang matapos akong mag-ayos ay bumaba na ako para tawagin si Elly. Nadatnan ko sila na nasa sala na habang naglalaro.
"Elly!" Saway ko nang makitang binato niya ng teddy bear ang Daddy niya. Sapul ito sa mukha ni Ash, pero tinawanan lang niya.
Tumakbo si Elly palapit sa Daddy niya saka ito yumakap.
"Sorry, Daddy!" Paghingi niya ng paumanhin.
"Oh, that's okay, baby." Malambing na sabi ni Ash. Humalik pa ito sa buhok ni Elly. Umirap ako sa hangin.
Madalas kaming mag-away ni Ash sa ganitong bagay. Hindi kasi niya kayang pagalitan si Elly kapag nakakagawa ito ng hindi tama. Naiinis ako minsan sakanya dahil masyado niyang bine-baby si Elly. At isa pa, masyadong spoiled si Elly sakanya na kahit anong hingin niya ay ibinibigay niya.
Ayoko namang lumaki si Elly na isang spoiled brat. Iyong isang iyak lang niya, ibibigay na agad ang gusto niya. No. Hindi iyon tumatalab sa akin. But with Ash? Isang ngawa lang ni Elly, matataranta na siya. Imbes na 'yong anak ang matakot sa ama, si Ash pa ang takot sa bata.
"Come here, Elly. Bihis ka na. Aalis tayo." Tawag ko sa anak ko habang nakangiti. Mabilis naman siyang lumapit sa akin at humawak sa kamay ko.
"Bihis ka na din, Maze," ani Ash. Atubili akong tumango.
Hindi ko maintindihan ang sarili ko kung bakit minsan naiilang pa din ako sakanya. Sa apat na taon naming pagsasama, nandoon pa din sa akin 'yung pagkailang lalo na kapag ganito siya. Ewan ko ba! Hindi pa ako nasanay sakanya.
"Ikaw? Hindi ka magdadala ng mga damit mo?" Kusa kong kinunot ang noo ko sakanya. Tumaas ang dalawang kilay nito.
"Oh! Akala ko inayos mo na pati 'yong akin." Tumawa ito saka na sana tatayo pero pinigilan ko.
"Ako nalang, sige," wika ko.
"Okay. Thanks, Maze!" Ngiti niya. Tinanguan ko nalang siya.
Bago namin lisanin ni Elly ang sala ay hawak na niya ang phone niya. Narinig ko ang walang humpay na pagtunog ng messenger kaya napangiwi nalang ako habang paakyat kami ng hagdan. Siguro ay ka-chat na niya ang girlfriend niya ngayon.
Maghapon niya siguro itong hindi nakausap kahapon dahil kami 'yung kasama niya. Never ko siyang nakitang humawak sa phone niya, eh.
Ayoko namang mag-demand sakanya na sa amin nalang niya ituon ang atensyon at oras niya. Ayoko din pakialaman ang personal niyang buhay dahil wala naman akong karapatan. Tama na sa akin na nabibigyan niya ng sapat na oras ang anak niya. Minsan nga, sobra pa.
Hindi ko masasabi na maswerte ang girlfriend niya kay Ash dahil kahati niya kami ngayon sakanya. Pero siguro, kung hindi nangyari ang ganito, at wala kami ni Elly sa buhay ni Ash, masasabi ko na maswerte talaga siya. Hindi naman ako sinisi ni Ash sa nangyari dahil alam niya siguro na pareho lang kaming biktima dito.
Gwapo si Ash, aminado ako doon. Matangos 'yong ilong niya na nakuha ni Elly, medyo may pagka-chinito 'yong mga mata na para bang koreano. Straight at bagsak 'yung buhok, maputi at namumula ang balat kapag nabibilad sa araw, plus, matangkad pa siya. Matalino din siya at masasabing may kaya sila sa buhay.
Madaming nagkakandarapa sakanya noong high school pero never siyang nag-take advantage sa mga iyon. At hindi ako kasali sa mga nababaliw sakaniya dahil hindi ko siya gusto. Mas gusto ko 'yung isang kaibigan niya: si Calvin. At isa 'yun sa mga dahilan kung bakit ako tumakas para lang makapunta doon sa party na 'yon noong gabing iyon.
Mukha kasing inosenteng manloloko si Ash kaya hindi ako nagkaroon ng interest sakanya. May half sleeve black tribal tattoo siya sa left arm niya. Mayroon din sa upper back niya at hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin no'n dahil parang Arabic. May hikaw pa siya sa kaliwang tenga. Umiinom din siya at naninigarilyo... pero mabait siya. Iyon ang napatunayan ko. At alam ng lahat na loyal siya sa girlfriend niya at alam ko naman na mahal niya iyon. Kung hindi lang talaga kami dumating ni Elly sa buhay niya, malamang ay nagpaplano na silang magpakasal ngayon.
Alam ko naman na galit 'yong girlfriend sa akin ni Ash, eh. Actually, lahat ng mga estudyante noong High School ay nagalit sa akin. May iba pa nga na nagsasabing hindi kay Ash 'yung ipinagbubuntis ko. May iba din na nagsabing pinikot ko siya. Galit sila sa akin at awang-awa doon sa girlfriend niya. Ako man ay naawa sa girlfriend niya. Mas naawa pa nga ako sakanya kaysa sa sarili ko, eh.
Kilala kasi nang lahat 'yung girlfriend niya -- including me. At nakita ko na din siya. Nakita ko na din silang magkasama. Nag-aaral lang siya noon sa isang all girl school na malapit lang sa school namin. Maganda din 'yong girlfriend niya at malayong malayo ako sakanya.
"Ay, Elly, ba't ang likot mo?" Medyo irita kong sabi sa anak ko. Hindi ko siya mabihisan ng maayos dahil hindi siya mapakali sa pwesto niya.
"Sorry, Mommy. But where are we going?" Inosenteng tanong niya habang isinusuot ko ang jogger pants niya.
Kailangan ko pang sikipan ang tali dahil maluwang ng kaunti sakanya. Hindi kasi mataba si Elly. Malakas naman siyang kumain at hanggang ngayon ay dumedede pa din, pero hindi siya tumataba. Petite lang 'yong katawan niya katulad ko.
Kahit nanganak na ako ay hindi pa din nagbago ang hugis ng katawan ko. Parang 'yong katawan ko lang dati noong wala pa akong anak. Lumaki nga lang ng kaunti ang dibdib ko dahil nag-breastfeed si Elly ng isang taon pero natigil dahil nag-aral ulit ako ng grade 12.
"We're going to visit mawmaw and pawpaw." Sagot ko na pinatutungkulan ang mga magulang ni Ash.
Sunod kong isinuot ang nike shoes niya na binili nung tita niya na panganay na kapatid ni Ash. Kung spoiled si Elly sa Daddy niya, mas spoiled siya sa pamilya ni Ash.
"Yehey!" Aniya saka itinaas ang dalawang kamay. Sobrang lapad ng mga ngiti niya kaya napangiti na din ako.
Nang matapos ko siyang bihisan ay ako naman ang nagbihis. Hindi na siguro magpapalit ng suot si Ash. Naka-cargo shorts at blue tshirts na siya, eh.
"Elly, stop jumping. Mahuhulog ka!" Bawal ko sakanya dahil tumatalon-talon ito sa kama. Lumapit ako sakanya nang wala siyang balak tumigil sa pagtalon para alalayan siya sa pagbaba.
"Maze, ready na?" Tanong ni Ash na nakadungaw sa may bukana ng pintuan.
"Oo. Pasuyo nalang 'yong gamit natin," sabi ko.
Wala akong narinig na sagot mula sakanya pero naglakad ito papasok sa loob at kinuha ang dalawang bag at isang hindi kalakihan na storage box kung saan nakalagay ang mga feeding bottle at gatas ni Elly.
Nang aalis na kami ay nagpaalam kami kay yaya at sinabi din namin na baka bukas na kami makauwi. Sinasama siya ni Ash pero ayaw niya dahil wala daw tao sa bahay kaya hinayaan nalang namin. Sanay naman na siyang mag-isa doon.
"Are you not hungry, Maze?" Tanong ni Ash habang nagba-byahe kami. Nilingon pa niya ako.
Naramdaman ko ang biglaang pagbilis ng t***k ng puso ko. Ganito naman lagi, eh. Kailan ba ako masasanay? Hindi ko alam. Ayokong bigyan ng ibang kahulugan ang pagiging mabait niya. Ayokong mag-assume nang dahil lang sa ganito siya sa akin.
"I'm good. Nag kape ako." Tipid akong ngumiti.
"Si Elly, kumain?" Tanong pa niya.
"Oo. Kaso cereal lang tapos hindi pa niya naubos."
Kumunot ang noo niya at nilingon si Elly na nakaupo sa car seat habang hawak ang iPad. Nanonood na naman siya ng cartoons at paminsan-minsan ay tumatawa.
"Drive thru tayo? Nagugutom din ako, eh," pahayag nito.
"Ikaw bahala." Tango ko.
Nang may madaanan kaming fastfood ay nag-nagbago ang isip niya. Hindi na kami nag-drive thru at pumasok nalang sa loob ng fastfood para dito na mismo kumain. Hindi na ako umangal dahil mahirap kumain habang nagba-byahe. Lalo na para sakanya dahil siya 'yong driver. Alangan naman subuan ko siya?
Hinatid niya muna kami sa table kung saan kami kakain bago siya tumungo sa counter. Wala pang masyadong customer ang nandito ngayon dahil medyo maaga pa.
"Mommy, I want ice cream," wika ni Elly na nakaupo sa tabi ko.
"No, Elly. It's too early for an ice cream." Tanggi ko sa gusto niya saka umiling.
"Burger?" Umiling ako. Ngumuso naman ito. "Fries?" May pagmamaka-awa sa tinig nito.
"Rice, Elly. Daddy ordered a breakfast meal," Pahayag ko. Hindi ko nalang pinansin ang pag-busangot ng mukha niya.
Hindi lahat ng gusto ni Elly ay nakukuha niya kapag ako ang kasama niya. Hindi kasi ako tulad ni Ash na konting paawa effect lang ni Elly, lalambot na. Ayoko kasi na masanay siya na ganoon. Gusto ko siyang disiplinahin habang bata pa siya.
Kahit na halos kalaban ko ang lahat dahil binibigay nila sakanya ang bawat magustuhan niya. Pero nakikinig naman siya sa akin kapag sinabi kong hindi at bawal.