Nakangiti akong nakaupo sa isang bench ng park habang pinagmamasdan ang dalawang tao na walang sawang naghahabulan. Parang lumulundag ang puso ko sa tuwa kapag naririnig ko ang mga tawa nilang dalawa. Ang saya nilang panoorin. Nakakawala sila ng pagod at para bang kayang kaya kong lampasan ang mga problema na darating sa akin, basta ba sila ang kasama ko.
"Mommy!" Tawa ng bata habang tumatakbo palapit sa akin.
Namumula ang magkabilang pisngi nito dahil siguro sa pagod, pero hindi mo mababakas sa mukha niya iyon dahil alam ko na nag-e-enjoy siya ngayon.
"Dito, Elly, bilis!" Wika ko at tumayo para salubungin siya. Tinaas niya ang kaniyang dalawang kamay na para bang handa nang yumakap sa akin.
"Mommy!" Aniya nang makalapit na sa akin saka yumakap sa may tiyan ko.
Yumuko ako para halikan ang itim niyang buhok na ngayon ay kumikintab dahil sa pawis saka siya binuhat. Hinagod ko din ang likuran niya gamit ang towel na nasa likuran niya.
"My baby ran so fast!" Puri ni Ash habang nakangiting nakatingin sa bata. Hinaplos pa niya ang pisngi nito at puno ng pagmamahal ang mga titig niya.
"Really, daddy?" Maligalig na tanong ng bata habang nakakarga sa akin. Tumango si Ash saka kinuha ang kamay ng anak para halikan ito.
Kung titingnan kami ng mga taong hindi kami kilala, siguro ay iisipin nila na isa kaming buo at masayang pamilya. Pero ang totoo niyan, dahil lang kay Elly kaya kami nagsasama.
Hindi ko alam kung bakit at paano kami napunta sa ganitong sitwasyon. Basta ang alam ko, hindi namin parehong ginusto na mangyari ang mga nangyari noong gabing iyon.
"Daddy, I want ice cream!" Masiglang wika ni Elly nang makita niya ang Ice Cream vendor at marinig ang tunog ng bell nito.
Nagpababa ito sa akin mula sa pagkakakarga ko saka pinuntahan ang ama niya at sakanya ito nagpakarga.
"How many ice cream does my baby wants?" Tanong ni Ash sa tono na kahit ilang libo ang sabihin ni Elly na gusto niya, ibibigay niya.
"I want five, Daddy!" Ngiting-ngiti niyang tugon at ipinakita ang kamay na nagsasabing lima ang gusto niya.
"Alright! Let's go get you five ice cream!" Ani Ash. Natawa nalang ako saka napailing habang pinapanood silang maglakad patungo sa ice cream vendor.
Kung nakinig lang ako sa mga magulang ko, wala sana ako dito ngayon. Pero masyado sigurong matigas ang ulo ko kaya nagawa kong sumuway sakanila at tumakas noong gabing iyon para lang pumunta sa birthday party nung isang kaklase ko dahil nandoon ang mga kaibigan ko at nandoon din iyong crush ko.
Masaya ang birthday party noong gabing iyon. Madami siyang mga bisita at halos kaming magkakaklase ay nandoon din. Kahit wala pa talaga kami sa legal age, may nakahanda ng alak dahil wala ang mga magulang nung kaklase ko. May mga umiinom, ngunit ako at ang mga kaibigan ko, hindi namin sinubukan.
Pero siguro, talagang mapaglaro ang tadhana na kahit anong iwas mo, masasapul ka pa rin niya. O mabilis lang talaga ang karma dahil sinuway ko ang mga magulang ko? Kahit kasi anong iwas ko sa pag-inom ng alak noong gabing iyon, naka-inom pa din ako nang hindi sadya. Nagkamali ako sa pagdampot ng baso. Hindi ko alam kung sinadya bang ilagay 'yung baso na 'yon doon sa pwesto nung akin o aksidenteng namali lang talaga ako ng kinuha. Hindi ko na matandaan kung hindi ko ba naamoy o hindi ko lang napansin - pinansin.
Sa pagkakatanda ko kasi, iba 'yung lasa nung alak. Para lang siyang apple juice na hindi ko maipaliwanag. Sinabi lang sa akin na alak iyon nung isang bisita na babae. Natatawa pa nga siya sa akin no'n dahil bakit parang wala daw akong alam at mukhang takot na takot sa nainom ko. Hindi ko naman daw ikakamatay iyon. Ilang minuto lang ang dumaan ay nakaramdam na agad ko ng hilo.
And after that, hindi ko na alam kung ano pa ang mga ginawa o nagawa ko. Nagising nalang ako kinaumagahan sa isang kwarto - nakahiga sa kama katabi si Ash - wearing nothing under the same sheet. At alam ko sa sarili ko na may mali na.
We're not even in a relationship! Yes, we know each other. Magkakaklase kami at kaibigan niya 'yung may party kaya nandoon din siya at may girlfriend siya, pero hindi ako.
Pinilit kong kalimutan iyon. Kahit ang mga kaibigan ko ay hindi alam ang tungkol doon noong una. Inilihim ko sa lahat ang nangyari dahil sobrang natakot ako. Pati iyong kaklase namin na may ari nung bahay kung saan nangyari iyon ay hindi alam. O baka alam niya ngunit hindi nalang niya pinansin? Hindi ko alam.
Si Ash at ako lang ang nakaka-alam. Nag-sorry naman si Ash sa akin noon. Pinili kong tanggapin iyon at sinabing kalimutan nalang at huwag nalang ipagkalat dahil alam ko na pareho namin iyong hindi ginusto. Ganoon din naman ang gusto niya dahil ayaw niyang masira ang tiwala sakanya nung girlfriend niya.
Ash is one of the hotties in school when we were in high school. Kung isa siguro ako sa mga may gusto sakanya, maaring ipagpapasalamat ko ang nangyaring iyon, pero hindi dahil hindi ko siya gusto -- at may girlfriend siya.
Hanggang sa dumating 'yung araw na pinaka-kinatatakutan ko. Noong una ay akala ko talaga na na-delay lang ang period ko dahil irregular naman talaga ako. Hindi ko alam na may kakaiba na pala sa akin noong mga panahon na iyon. Kinutuban na din ang Mama ko no'n dahil laging sumasama ang pakiramdam ko na halos ayoko ng umalis sa higaan. Madalas din akong um-absent sa klase. Lagi din akong sumusuka no'n; lalo na sa umaga kahit na wala pa akong kinakain.
Akala ko, imposible na may mabuo dahil minsan lang iyon nangyari at aksidente pa. Pero pwede pala iyon.
Noong araw na ipa-check up ako ng mga magulang ko, iyon din ang araw na parang mawawasak na ang mundo dahil dalawang buwan na akong buntis kay Elly. Halos gumapang ako habang ipinagdarasal na sana ay hindi totoo, pero nakalatag na sa harapan ko ang resulta nung check-up at ultrasound.
Imagine, at the age of sixteen, buntis na ako? Dahil lang sa pagiging suwail kong anak, ganoon 'yung napala ko. Naging ina na ako bago pa man ako tumungtong sa legal age.
Marami akong inindang masasakit na salita mula sa mga magulang ko nang aminin ko ang lahat. Ayoko na sanang idawit ang pangalan ni Ash kahit saktan nila ako, ngunit binanggit siya ng mga kaibigan ko noong sila ang kausapin nila dahil alam nila na sila ang mga kasama ko sa party noong gabing iyon. Mas nauna ko pa ngang sabihin sakanila ang lahat kaysa sa pamilya ko dahil sa takot.
Marami din akong inindang mapangutyang mga mata ng ibang tao. Lalo na sa eskwela dahil nag-aaral pa ako. Pati nga 'yong pagpapalaki sa akin ng mga magulang ko ay kinwestiyon dahil sa pagkakamali na hindi ko naman sinadya at ginustong gawin.
"Talagang lima 'yung binili mo? Hindi naman niya mauubos 'yan, eh," suway ko kay Ash nang makabalik na sila.
Hindi na niya buhat si Elly dahil sa hawak niya ang tatlong ice cream. Iyong dalawa ay hawak na ni Elly sa magkabila niyang kamay at pareho na niyang kinakain.
"Lima 'yong gusto, eh," katwiran niya.
"Kahit na!" Wika ko sa mababang tinig para hindi marinig ni Elly.
"Lahat nang gusto ni Elleen, ibibigay ko, Maze." Ngiti niya sa akin saka sinulyapan si Elly na abala sa pagkain.
Hindi nalang ako kumibo. Parang tinunaw ang puso ko sa sinabi niya. Ganito naman siya lagi pagdating kay Elly. Alam kong mahal na mahal niya ito.
Sino ba ang mag-aakalang matatanggap niya si Elly? Seventeen lang si Ash noon. Pareho pa kaming walang alam sa pagkakaroon ng anak.
Noong kinausap siya ng mga magulang ko ay halos tumakas siya. May nakapag-sabi lang na kamag-anak ko sa mga magulang niya nang tungkol sa akin at sila mismo ang pumunta sa bahay. Ni hindi siya kasama noong araw na iyon dahil wala din siya sakanila.
Bigla nalang nakipag-kita sa akin si Ash noon at nakipag-usap nang tungkol sa lagay ko na kaming dalawa lang. Hindi daw kasi siya kumbinsido na kanya ang dinadala ko. Hinayaan ko nalang siya sa gusto niyang paniwalaan at sabihin. Napag-usapan din namin noon na ipapa-DNA niya si Elly paglabas niya pero hindi na yata niya itinuloy. At hindi ko alam kung bakit.
Parehong doctor ang mga magulang niya. Siguro ay malaking kahihiyan sa pamilya nila kapag tinakasan ako ni Ash at kumalat pa ang tungkol sa akin.
Napilit siya ng mga magulang niyang panagutan ako at makisama sa akin. Ako man ay ayokong makisama sakanya dahil natatakot ako na baka kung ano ang gawin niya sa akin, pero wala na akong nagawa sa gusto ng mga magulang ko. Hindi nga lang kami kasal dahil pareho naming ayaw kahit ngayon na nasa mga tamang edad nakami pareho.
"Bigyan mo si Mommy, Elly," utos ni Ash nang kunin pa ni Elly ang isa sakanya.
"You give Mommy, Daddy," balik nito sa daddy niya na parang matanda na. Tumawa ako. Umiling naman si Ash at napangiti saka inabot ang isa sa akin.
"Thank you." Sabi ko nang kunin ko ang ice cream. "Huwag mo na ibigay sakanya 'yan, ah. Madami na siyang nakain," pahayag ko kay Ash.
Tumango nalang ito saka kinain ang natitirang ice cream sa kamay. Nang maubos ang ice cream ni Elly ay pinusan ko ang bibig at kamay niya. Pinalitan ko na din ang damit dahil ang dumi niya.
"Uwi na tayo, Maze. Umuuwi na 'yung iba, oh." Ani Ash habang tinitingnan ang ibang tao dito sa park na nagliligpit na ng mga gamit nila.
"Sige. Magga-gabi na din naman," sang-ayon ko.
Binuhat ko si Elly na ngayon ay humihikab na. Dinala naman ni Ash ang mga gamit namin tungo sa sasakyan.
"Pinapapunta pala tayo nila Mommy sa bahay bukas." Saad ni Ash habang nagmamaneho.
"Anong oras daw?" Tanong ko habang hinahaplos ang buhok ni Elly na tulog na sa kandungan ko.
Nagkibit-balikat naman ito.
"Alis nalang tayo ng maaga. Miss na daw nila si Elly." Tugon nito saka tiningnan ang bata. Tumango nalang ako.
Unang apo si Elly sa side ni Ash. Ganoon din naman sa side ko. Napakabibo naman kasi niya kaya minsan, kapag pumapasyal kami sa pamilya niya o sa pamilya ko, gusto nilang iwan na muna namin si Elly sakanila.
Kahit sobrang likot at sobrang daldal niya, nawiwili sakanya ang ibang tao. Four years old pa lang siya pero parang matanda na kung magsalita minsan.
Nang makarating kami sa bahay ay kaagad kaming sinalubong ng kasambahay namin.
"Napagod yata ang Elly namin, ah!" Aniya nang makita si Elly na natutulog sa balikat ko. Hinawi niya ang buhok na humaharang sa mukha niya.
"Opo, Ya. Walang sawa silang naghabulan ni Ash," tugon ko. Ngumiti ito.
"Kumain na kayo. Nakapag luto na din naman na ako," pahayag nito.
"Sige po. Akyat ko lang si Elly sa kwarto." Tumango ito.
Tumungo ako sa kwarto saka inihiga si Elly sa kama. Napangiti ako dahil bahagyang bukas ang bibig nito at halatang tulog na tulog na. Ayoko na siyang istorbohin sa pagtulog niya kaya mabilisan lang ang ginawa kong paghilamos sakanya at kaagad na siyang pinalitan ng damit pantulog.
"Are you going to take a bath?" Tanong ni Ash na kakapasok lang sa kwarto.
Sa iisang kwarto lang kami natutulog pero hindi kami magkatabi. Dalawang king size bed ang nandito sa kwarto namin. Iyong isa, sa amin ni Elly at iyong isa ay sakanya. Maluwang naman kasi itong kwarto na ito. Parang dalawang kwarto na pinagsama.
After kong manganak kay Elly, dito na kami pinatira ng mga magulang ni Ash. Isa ito sa mga bahay nila, at ibinigay na nila sa amin. Siguro para na din masanay na kami sa ganitong buhay.
"Mamaya na siguro pagkatapos kumain," sagot ko. "Ikaw, kung gusto mo nang maligo, maligo ka na."
"Okay. Hintayin mo na ako para sabay na tayong kumain." Tumango nalang ako.
Tumungo ito sa may closet para kumuha ng damit at tuwalya saka na dumiretso na sa banyo.
Hindi ko masabi kung may nararamdaman na ba sa akin si Ash. Mabait siya sa akin, kung mabait lang. Para nga kaming mag-bestfriend at magkapatid, eh. Well, maliban sa katotohanan na may anak kami. Pero 'yung pagmamahal? Hindi ko alam. Kay Elly, oo. Walang tanong doon kung mahal niya ang anak niya dahil nakikita ko iyon. Pero sa akin? Hindi ko masabi.
Hindi naman ako umaasang mamahalin ako ni Ash dahil alam ko na mahal pa niya 'yong dati niyang kasintahan. Madalas ko pa siyang marinig na kausap niya iyon, at madalas din siyang makita ng mga kaibigan ko na lagi niya iyong kasama sa eskwela at sa labas. Minsan din ay umaalis siya sa bahay at gabi nalang kung umuwi.
Basta ako, kuntento na ako sa ipinapakita niyang pagmamahal sa anak ko. Hindi ko na hihilingin na pati ako ay mahalin din niya dahil alam ko na malabong mangyari iyon.