CHAPTER 6: Letting Her In

1641 Words
Mhina Ilang oras na akong nakatulala sa harapan ng stove habang niluluto sa isang grill pan ang de lata ng sardinas na binili ko kanina sa grocery store. Kamuntik pang masunog ang isa dahil sa lalim nang iniisip ko. Kaagad ko itong binaligtad. Pinaghiwalay ko lang ang mga isda sa sabaw ng sardinas. Dinurog ko ang mga laman nito bago ko hinaluan ng sibuyas, bawang, kamatis, paminta, scallions, at kaunting seasonings. Hiniwa ko lang ang mga ito ng pino bago ko pinagsama-sama at inihalo sa dinurog kong laman ng isda. Hinaluan ko rin ng itlog bago pinirito sa mantika. Gagawin ko namang sauce mamaya ang sabaw ng sardinas bilang sawsawan. Nalalanghap ko ang napakabango nitong amoy. Pero kahit ano pang bango nito kung sardinas pa rin ito, hindi ako sigurado kung kakainin pa rin ito ni Daemon. Nagmula siya sa dalawang royalty families, Johnson at Delavega. Hindi pa siya ipinapanganak ay naliligo na kaagad siya sa karangyaan sa loob pa lamang ng tiyan ng kanyang ina. Kailanman ay hindi ko pa siya nakitang nakisalamuha sa mga mahihirap na tao, puwera na lang siguro sa akin at sa ilang mga asawa ng mga kapatid niya na alam kong nagmula lang din sa kapareho kong pamilyang isang kahig, isang tuka. Hindi naman talaga kami gano'n ka-hirap. Ang mga magulang ko ay may pinatatakbong grocery store at water refilling stations sa lugar namin sa Bulacan. Ang kuya ko naman na panganay sa aming tatlong magkakapatid ay isang Engineer. Ang ate ko naman na pangalawa sa amin ay isang nurse at ako na bunso ay nagtapos ng kursong Management Accounting. Kapareho ni Daemon. Dito lang din nagtatrabaho sa Pilipinas ang mga kapatid ko. Naririto sa Manila ang ate ko at si kuya ay kung saan-saang lugar nadedestino. Lahat kami ay iginapang ng mga magulang namin upang makatapos. Sinabayan namin ng scholarship ang mga pag-aaral namin para hindi maging mabigat sa mga magulang namin ang lahat ng gastusin. Noong magkaroon na kami ng mga kanya-kanya naming pamilya ay hindi naman tumutol sa amin ang mga magulang namin. Naging boto rin sila kay Daemon noon dahil sa magandang ipinakita niya sa mga magulang ko. Ngunit hindi nila alam kung ano ang totoong kalagayan ko ngayon. Minabuti ko na lang din na hindi na ipaalam pa sa kanila dahil siguradong magagalit at sasama lang ang loob nila kay Daemon. Lalo na si Papa at si kuya na hanggang ngayon ay baby pa rin ang turing sa akin dahil sa ako ang bunso. Mag-aalala lang sila para sa akin at siguradong paghihinalaan lang din nila kung bakit ako nakunan noon sa anak namin ni Daemon. Tanging si Ana lang at ate Maurice na kapatid ko ang nakakaalam kung ano talaga ang pinagdadaanan ko sa ngayon. Hindi ko alam kung paano ako magpapaliwanag sa kanila kapag nalaman na nila ang totoo. Napahinga ako ng malalim bago muling itinuon ang sarili ko sa pagluluto. Hindi naman siguro nila malalaman 'yon kung hindi sila magtutungo dito. Abala sila sa negosyo namin sa probinsiya at bihira pa sa patak ng ulan kung magtungo sila dito sa Manila. Matapos kong magluto ay inihayin ko na sa mesa ang napakasarap na ulam kong ginawa. Special na ito para sa mga tulad kong mahirap lang. Napakabango nito at natatakam na kaagad akong kumain ngunit minabuti ko na munang hintayin ang pag-uwi ni Daemon. Pinili ko na munang linisin ang buong kusina bago ako umakyat sa itaas ng bahay. Muli na naman akong hiningal pagdating ko sa itaas mula sa mahabang baitang kong inakyat. Mas nadadalas pa yata ito ngayon dahil pakiramdam ko ay mas lalo pa akong bumibigat. Pumasok ako sa loob ng silid namin. Saglit akong naglinis bago nagtungo sa banyo at naligo. Alas siete na ng gabi at ang normal nang uwi ni Daemon ng bahay sa ngayon ay around eight to nine o'clock ng gabi. Noong bago pa lang kami at kasalukuyan akong buntis, alas sais pa lang ng hapon ay naririto na kaagad siya sa bahay. May mga pasalubong siyang dala at mga gamit ng baby namin. Kahit nag-uumpisa pa lang akong magbuntis noon ay bumibili na kaagad siya ng mga kung ano-ano. Kaya naman halos mapuno na ng gamit ang silid sa tabi namin na nakalaan para lang sana sa baby namin. Ngunit hindi naman nagamit ang marami sa mga iyon. May ilang piraso akong palihim na ipinuslit at ipinadala ko kay Ana. Kaysa naman mabulok lang dito dahil hindi naman magamit. Mukhang hindi na rin naman ako magbubuntis pa dahil sa halos isang taon na ring walang nangyayari sa amin ni Daemon. Ni hindi na nga niya ako hinahawakan kahit sa kamay man lang. Matapos kong maligo ay nagsuot lang ako ng maluwag na t-shirt at malaking pajama. Nagpabango pa rin ako kahit na kaunti at nag-ayos ng sarili ko bago ako muling bumaba ng bahay. Nagtungo ako sa theater room na nasa kaliwang bahagi lang ng mansion. Hindi ko na lang isinara ang pinto para kung sakaling dumating si Daemon ay mararamdaman ko siya. Binuksan ko ang television na may 146 inch ang laki. Dinampot ko ang remote control sa ibabaw ng mesa bago ako nagtungo sa isang malapad na sofa at doon naupo. Inihiga ko ang sarili ko sa malambot na sandalan nito bago ko itinutok sa tv screen ang hawak kong remote control at naghanap ng magandang mapapanood. Korean movies ang napili kong panoorin. Usually ganito ang ginagawa ko habang naghihintay kay Daemon sa pagsapit ng gabi. Dati-rati ay napakarami ko pang tambak na pagkain sa harapan ko habang nanonood ngunit ngayon ay wala dahil kailangan ko nang magtipid. Walang stocks ng pagkain dahil wala namang ibinibigay na pera sa akin si Daemon. Siguro it's time na rin para magbawas ng timbang mula sa pagkain. Napatunayan ko naman na ang bagay na hinahanap ko sa asawa ko at talagang wala nang pag-asa pa. Oras na para sumuko. Tatanggapin ko ang trabahong iniaalok sa akin ni Dave Vargas. Mukha naman siyang mabait at mapagkakatiwalaan. Wala naman siyang makukuha sa akin kung sakaling lokohin niya ako. Wala na rin naman siguro pang magkaka-interes sa akin sa hitsura kong ito. Nakakasuya ang katabaan ko. HUMABA ang oras nang paghihintay ko kay Daemon, hanggang sa natapos na lang ang movie na pinanonood ko. Napatingin ako sa wall clock na nasa kanang bahagi ng theater room at napamulagat ako nang makita kong ten thirty na pala ng gabi! Bigla akong napatayo. Mabilis ko nang pinatay ang tv at lumabas ng theater room ngunit pagdating ko sa living room ay may naulinigan akong tila hugong ng sasakyan sa labas ng bahay at mga ilaw na tumatama sa glass wall. May naririnig na rin akong tinig ng isang babae at boses ni Daemon. Nagmadali ako sa paglalakad hanggang sa marating ko ang pinto. Nagsimulang kumabog ng malakas ang dibdib ko dahil parang pamilyar sa akin ang tinig ng babaeng kasama niya ngayon. "Oh my God! Be careful, honey. Baka masubsob tayo sa sahig!" Pagbukas ko ng pinto ay nabungaran ko ang mukhang lasing na lasing na si Daemon habang nakaakbay at inaalalayan ng isang pamilyar na babae. 'Yong babaeng nakita kong kalandian niya sa event noong isang gabi lang. At siya rin 'yong babaeng pumasok sa loob ng restroom at narinig ko ang mga usapan nila ng babae ring kasama niya. "You're there, aren't you? You take care of me, you said that. s**t!" sagot naman ni Daemon ngunit kamuntik na nga siyang masubsob sa sahig kung hindi ko lang siya naagapan kaagad. Hindi naman siya makakayang buhatin ng payatot na babaeng ito. "Oh, your wife," ani ng babaeng na mukhang hindi naman nagulat at nakangiti pa siya sa akin. Nangangati ang mga kamay kong abutin siya at kalbuhin. Tumingala naman sa akin si Daemon na ngayon ay namumula ang mukha at mga mata. Halatang langong-lango talaga siya sa alak. Kumiling ang ulo niya at pinakatitigan ako ng mabuti. Nangungunot ang noo niya na para bang kinikilala pa niya ako ng mabuti. "And who the hell are you?" tanong niya na siyang ikinahinto. Bigla namang tumawa ng malakas ang ipokritang babae kasama niya. "Your wife, Daemon honey. Nakalimutan mo na ba kaagad? Oh, poor, baby," may panunuyang saad ng babae habang nakatitig sa akin at may kasamang pag-iling ng ulo niya. "Wife?" tila nagtataka namang tanong ni Daemon sa kanya bago muling bumaling sa akin at mas lalo pang tumitig. "Halika na, Daemon. At ikaw, babae, umuwi ka na. Bitawan mo na ang asawa ko," matigas kong utos sa babae habang inaagaw ko na sa kanya si Daemon. "What the hell? Let me go, will you?! What the f**k are you saying you are my wife? I don't even fuckin' know you!" ngunit biglang sigaw sa akin ni Daemon kasabay nang pagtabig niya sa akin kaya't nabitawan ko siya at kamuntik na akong bumangga sa casing door. Hindi ako makapaniwalang tumitig sa kanya. Parang biniyak bigla ang puso ko at mabilis na nangilid ang mga luha ko sa mga mata ko. Napatingin ako sa babaeng nakaalalay sa kanya at hindi nakaligtas sa akin ang gulat sa mga mata niya ngunit kaagad din niya itong pinalis. "A-Ako na lang ang maghahatid sa kanya, okay? Ituro mo na lang sa akin kung saan ang room niyo," aniya sa akin na may alanganin na ngayong ngiti. Wala akong nagawa kundi ang bigyan silang dalawa ng daan upang makapasok dito sa loob. Humahapay-hapay si Daemon sa paglalakad at parang kay bigat ng katawan niya. "Just stay here, please? Samahan mo muna ako," pakiusap ni Daemon sa kanya habang nagsisimula na silang humakbang paakyat ng hagdan. Isa-isa nang tumulo ang mga luha ko sa pisngi at para nang bibigay ang mga tuhod ko habang pinanonood sila. Ito ang kauna-unahang beses na nagdala si Daemon ng babae sa bahay naming ito at hahayaan pa niyang pumasok sa silid naming dalawa!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD